Pages

Lunes, Disyembre 25, 2017

iPhone X

'Malas ako sa raffle'


Kung nabasa mo ang title ng blog na ito at napaisip isipan mong tungkol ito sa paguunboxing ng isa sa pinakamaluluhong telepono sa balat ng lupa ay nagkakamali ka ng napuntahan. Walang talakayan na magaganap tungkol diyan, wala akong balak na pag usapan ang kahit anong features na nilalaman ng teleponong ito. Ako yung taong walang hilig sa selpon, sawang-sawa na ko kakapindot sa keyboard at makipag usap, makipagtalo, makipag-girian sa mga Briton sa chat kaya bakit ko pa papagurin ang sarili ko na dapat ay ipinapahinga na lang ng mga daliri ko. Ayaw ko ng iPhone X, ayaw ko pero kung sakaling swertehin sa pag drawlots ng pangalan ko eh di salamat, pero walang confetti na sasabog sa loob ng isipan ko. Kung isigaw ang pangalan ko sa mikropono eh siguro parang naka half mask lang na watawat ng Pilipinas ang ipapakita kong ngiti. Ipapaalam ko sa paglapit ko at pag abot ng selpon na iyon na wala akong hilig sa ganyang uri ng teknikal na bagay. Baka masaya ko sa unang pagkakataon na yun kasi 1st time ever na isisigaw ang pangalan ko na hindi dahil sa pag-call out na naka status akong "away" sa chat. Ewan ko ba sa ganung pagkakataon kasi medyo natatawa ako feeling ko talaga nasa isang shop ako sa loob ng SM department store at sa tuwing may magsasalita sa mikropono feeling ko sumisigaw sila na parang ipinapaalam sa loob ng tao sa stock room kung meron bang size 7 na sapatos na request ng customer o di kaya ay nananawagan sa magulang ng batang nawawala sa loob ng mall. 

Balik tayo sa iPhone X, may oras din naman na gumagamit ako ng selpon. Meron akong app na alam na sinubukan ko lang naman dahil na curious cat ang inyong lingkod. Hindi ko gusto yung app pero natutuwa ako sa mga taong ipinapakitang sobrang bored na bored sila sa buhay nila sa BIGO Live, pota ewan ko ba at halos magkulong ang mga kwarto sa iba sabay sayaw ang mga haliparot at nanghihingi ng kung anong virtual coins para umakyat ng level ang mga damuho. Tsaka hindi rin naman kasi ko nagloload kung hindi rin lang may lakad at makikipagkita sa mga dating kaibigan para lang makapagtxt kung nasaan na sila. Eh kasi naman di ba, uso sa atin ang "Pilipino time" yung mga taong nagsasabing "on the way" na sila pero naliligo pa ang mga putangina. Bato bato sa langit ang tamaan bubulagta. Ano pa ba? Hmmmm... ayun ginagamit ko lang din ang selpon sa tuwing ako'y susulyap sa orasan. Hindi na kasi ko nagdadala ng relos buhat nang ipagbawal ng mga burikat ang Smart watch. Binili ko pa naman yung ng 600 pesos tapos hindi ko naman nagagamit.Ang dami daming bawal tapos wala naman ano... ham. Puta!

Hindi rin ako mahilig sa mga lekat na games na yan sa selpon. Kaya kung mabubunot ako't pagpalain na manalo baka gawin ko lang yang libangan sa musika. Oo, musika lang hindi ko trip manood ng porn sa selpon, mas gusto ko sa widescreen. Tsaka nakakahiya rin naman sa iPhone X na yan  kung gagamitin ko lang siyang alarm sa paggising ko para pumasok sa gabi o baka madaling-araw dahil nagdedelikado ata ang grupo namin sa shift bid na yan. 


                                        Itchyworms - Gusto Ko Lamang Sa Buhay



Hindi ako papasok ng 31 kasi baka mabunot ang pangalan ko, ayaw kong hawaan ko kayo ng pagka negatib ng muka ko pagpasok ng taon dahil hinding hindi niyo ko mapipilit na maging masaya o maging excited sa matatanggap ko. Ano ba yang iPhone X na yan? nakakadiri, magiging heartrob na ba ko kung sakaling mahawakan ko yan? At hindi rin ako yung taong mahilig magseselpi sanay pa rin akong may kasama sa picture at magbibilang yung kukuha ng 1,2, 3 at sasabihin munang say cheese para mas maayos ang ngiti ko. Kung solo ko sa mga litrato baka duon lang kapag magpapakuha ako ng ID picture. Isa pa sa kinaiinisan ko walang katapusan yang iPhone na yan nag umpisa sa ata sa 1st generation hanggang X = 10 na ngayon, putragis matatalo niyo na yung Shake, Rattle and Roll natapos ata hanggang sa 13 yun ee. 

Isa pa pala at higit sa lahat malas ako sa mga raffle. Hindi naman ako galet sa iPhone, hindi rin ako bitter sadyang wala lang talaga sa bituka ko ang gumamit ng mga high definition devices at baka maging mitsa pa ng buhay ko yang balang-araw. Hindi naman masama alalahanin ang kamalasan sa buhay, minsan kapag naaalala  mo ang isang bagay na sa tingin mo ay pinaglaruan ka ng tadhana, ay matatawa ka na lang.

Noon, palagi akong nawiwiling sumali sa mga raffle. Yung mga raffle na kailangan ng proof of purchase. Bibili ka ng ganito , ganyan  tapos isasali mo yung wrapper. Ewan ko ba. Hindi pa naman ako nananalo e, iniisip ko na kung ano ang gagawin sa premyo. Kaya siguro minamalas. Ni minsan di pa nanalo. Counting the eggs kasi kahit hindi pa ito hatched. 

Pero hindi. Hindi ko ata matatanggap na ako ay malas. Naghubad ako sa aming CR at tumalikod sa salamin, tumungtong ako sa  inidoro para makita sa salamin ang aking puwit. Sinilip ko sa salamin, aba eh wala  naman. Wala naman yung "marka" na sinasabi nila. Oo naniniwala ako na wala naman akong balat sa puwet para malasin ng ganito. Mas gugustuhin ko pa kasing isipin na ako ay dinaya. Tama. Dinaya ako! Imposibleng hindi ako manalo. Sinusunod ko ata ang mga regulasyon. Pinapaganda ko pa ang aking sulat kamay. The best pa ang aking signature. Kumpleto ang address. Kulang nalang lagyan ito ng autographed picture ko e. Kaya lang di ko na nilalagyan. Parang panunuhol na yun, kaya wag na lang.

Kung sino man siguro ang mabubunot sa iPhone X na yan ay para sa kanya ay napakaswerte na niyang nilalang. Hindi ako kokontra. Wala akong sasabihin magiging masaya lang ako sapagkat deserve mo ang selpon na yan. Gusto kong makakita ng kapwa ko na masaya dahil nabiyayaan siya ng isang pagkapetmalu loding mamahaling selpon sa balat ng sansinukob. Basta ako masaya ko ng mga araw na yan sa loob ng aking pamamahay, tsumitsibog ng hamon (san ako kumuha?), yumuyupyop ng malamig na softdrinks, pumapapak ng barbekyu't hotdog na may marshmallow, nagpapailaw ng Mabuhay Roman Candles, nagkikiskis ng watusi sa pader, tumitingin sa kalawakan ng mga naguumilaw na paputok mula sa kalangitan, maeexcite kung anong top 1 song sa yearly countdown sa radyo at makikinig ng Auld lang syne habang sinasabayan ko ng pagtalon kapag alas dose na.

Masaya ako. Masaya ka sa iPhone mo.

Happy New Year sa inyo!

Martes, Disyembre 19, 2017

Nagmahal.Nasaktan.Nagmahal Muli

'Dwell on your sadness.. until your thoughts and feelings slowly fade away'

Noong lumapag ang mga aliens sa kauna-unahang sightings sa New Mexico USA noong 1947, ang kauna-nahan niyang nasambit ay, “Doobi doobi dapp dapp Doobi doobi dapp dapp.” Choppy pa kasi sila sa pagbaba nila sa Earth kaya that time mali ang impormasyong nasagap ng mga taga US Air Force. Pero kung maitatransalate man ito ng mabuti, nais lamang niyang sabihin na, "mga orb ayos dito, dami chikas petmalu! lodi! wetpaks!."

Patunay lamang na kahit nasaan ka, kahit saang lupalop ka man ng daigdig, kahit saang planeta ka napadpad, makapasok sa blackhole o maging sa napakadilim na parte ng buhay mo o maging sa napakaimposibleng bagay na hindi kayang sukatin ng iyong pagiisip, magiging genuinely okay din ang lahat.

Kung nakaya mong mabuhay ng humigit kumulang 13,272 araw dito sa mundo, sigurado ako, kaya mong lagpasan ang isa o dalawa pang araw na dadaan. Lilisan ang bawat oras at segundo, maeexpire ang bawat delata sa aparador, malalagas at bubunga ang mga dahon sa puno, ngunit hanggat pinipili mong kumandirit sa takbo ng panahon, magiging okay din ang lahat.

Big Mountain - 'Baby I Love Your Way'

Kung nagmahal ka at nasaktan, well, pakyu siya. Pero laging sisiguraduhin na ang susunod na pandiwang gagamitin ay 'nagmamahal pa rin' (Nagmahal. Nasaktan. Nagmamahal pa rin.) Hindi mahalaga kung sa dati pa rin o sa panibagong tao naman. Ang mahalaga tuloy lang ang agos, patuloy kang magmahal. Sampung beses ka mang masaktan at mabigo, sampung beses ka rin dapat sumubok muli. At kung dumating man sa ikalabing-isang beses na pagkakataon, patuloy mo pa ring piliing magmahal. Wala naman ibang makakapansin niyan kung di ang tsismosa mong kapitbahay.

Sabi nga, 'we don't determine who we fall in love with, but we choose who to stay in love with'. Pero ang totoo mas olats ang isang taong hindi pinipili ang magmahal. Masasaktan ka lang din naman eh, e di magmahal ka na lang, sagarin mo na orb. Kapag nagmahal ka ng totoo, masasaktan ka din ng totoo. Ngunit hanggat may kapirasong laman na patuloy na pumipintig sa kaliwang dibdib mo, buo man yan o tuluyan nang nadurog na parang paminta, magiging okay pa rin ang lahat.

Survivor - 'The Search is Over'

Sa ngayon huwag mo munang pilitin. Tumahan ka muna sa pansamantala. Kabisaduhin mo sa videoke ang lahat ng kanta ni Moira, Adele o ang bandang Autotelic wag ka lang mapapariwara dun sa mga kantahan ng mga fuckboy na banda. Ubusin mo ang buong pulutan kahit walang ambag. Namnamin mo ang breakdown, downward spiral ng buhay mo. Solohin ang spotlight. Damhin lahat ng sakit tapos magpahilom ka. At kapag handa ka na at mas handa pa sa mga Kab Scout, ibigay mo ang isang daang porsiyento ng lakas na parang si Taguro para sa isang bilyong bagong emosyon na parating.

Magpasalamat sa lahat ng lamat.Sa pusong naghilom sa malalim na sugat. Hintaying maging muta ang lahat ng luha. Huwag matakot sumubok muli. Dahil kahit gaano man yan kasakit, wala pa ring katumbas ang sarap kapag mas lagi mong pinipiling magmahal. Naging roller coaster man ang buhay pag ibig mo, nalaglag ka sa tsubibo at isa ka sa mga pinaglakad sa riles ng MRT. Wag matakot na tahakin ang muling daan patungo sa pag ibig na wagas.

Biyernes, Disyembre 15, 2017

New Year's Resolution 2018

'Mam/Sir ano pong New Years Resolution nila?'

Bago ang lahat Merry Krisismas at Happy Hellidays sa lahat ng naliligaw at patuloy na umuusyoso't nakikitsismis sa blog na ito. Buti naman at hindi niyo pa rin tinitigilan ang pagpunta dito kahit wala naman kayong nababasang bago. O di kaya sarili ko lang din yung kinakausap ko at nagpapantasya lamang ako na mayroong bumibisita sa pahinang ito. Salamat pa rin sa interwebs at patuloy na binibigyang espasyo ang blog na 'to.

Siya nga pala, magtatatlong taon na ang blog na ito. Eh ano naman ngayon? Wala. Nasabi ko lang.

Dati dalawa lang kaming nagbabasa ng blog ko. Ako at ang aking konsensiya. Ala-Joy Dishwashing ni Michael V at Safeguard ni ateng kinokonsensiya siya na hindi safeguard ang napili niyang sabon sa grocery. Ganun din kame ng aking konsensiya, pagkatapos ko maisulat,babasahin ko naman kakausapin ang sarili kung may kailangang idagdag o  bawasan sa nabuong piyesa. Pero putangina! akalain mo yun?, madami na ang mga konsensiyang umaaligid dito! O di kaya nakokonsensiya lang sila sa akin? Ah, basta!

Nagsimula itong blog na ito bilang hamon sa aking sarili na kumpletuhin ang simbang gabi noong 2015. Sabi ko sa sarili na kapag hindi ko nakumpleto ang simbang gabi itutuloy ko ang pagsusulat. Gabi, noche buena sa dami ng kinain at halo halong putahe ang nilapang nagtae ang inyong lingkod at humingi ng patawad kay Papa Jeesas dahil hindi ko na naman nakumpleto ang simbang gabi. Nang dahil sa letseng leche flan at ubas na prutas sa hapagkainan ayun nasira ang plan at natuloy akong gawin ang Ubas na may Cyanide na pamagat ng blog na ito. Ngayon alam niyo na kung bakit may "ubas" dito ang haba kasi kung "leche flan na may cyanide" at dahil na rin sa isa sa linya ng liriko sa tugtugan ng Radio Active Sago Project ay doon naman nakuha ang cyanide, ang cyanide na dulot ng pagtatae ng inyong lingkod. Pasintabi po sa mga kumakain.

Kahit walang nagbabasa noon post lang ako ng post araw-araw. Baka sakaling maligaw si Lord at mapagtanto niyang mabait akong nilalang at ambunan ako ng kahit kaunting grasya. Kahit konting dagdag lang sa kaguwapuhan. Manipis lang.

Pero ewan ko di ata siya dumaan sa blog ko. Wala kasing grasyang dumating. Subalit grasya na ring maituturing na kahit papano ay humihinga pa rin ang walang kwentang blogosperyong ito. Andiyan kayo, andito ako. Solb!

Camera Obscura - "New Years Resolution"

At para lalo akong mainspire sa pag blog sa 2018, eto kahit hindi pa nadaan ang Pasko gusto ko na agad ishare ang aking New Year's Resolution.

*Babawasan ko ang pagrereply ng "Hahahaha" sa comment section. Nakakaloko na rin kasi minsan na kahit hindi ka naman natatawa talaga habang nagtatype ka magsisingit ka pa rin ng "hahahaha" kung simpleng "oo" lang naman ang irereply mo sa kausap mo kahit tinanong ka lang niya kung kumaen ka na ba? Oo, hahahaha! Puta! hahahaha!

*Pag-akyat ng taong 2018 gusto kong lumipat ng Lotto outlet. Halos naka ilang taya rin ako sa lotto netong taon kaso wala hindi ako dinadapuan ng swerte at grasya. Makalipat nga sa mas malapit sa simbahan. Para mas madaling makabulong kay Papa Jeesas.

*Magpapalet na ko ng alarm clock ring tone ang kasalukuyan kasi tiktilaok ng manok, eh sumakabilang buhay na yung buhay ko ng morning shift at halos magtatatlong buwan na akong nangungulila. Ang halay kung manok pa rin ang gigising sa akin ng alas siyete ng gabi at narealize ko na hindi nababagay tumilaok ang manok na lubog na ang araw. So pagsampa ng 2018 papalitan ko na pero farm animals pa rin at gusto ko mas nababagay sa pagkatao ko. Kaya papalitan ko na ng ring tone ng baboy. 

*Ititigil ko na ang pagtalon tuwing bagon taon. Sawang-sawa na ko putangina at wala namang nangyayari. Sino bang nagpauso ng kalokohang yan at sumasakit lang ang betlogs ko sa kaka alog.

*Babawasan ko na uminom ng sugar beverages, ninipisan ko nang magiinom ng Coke tutal magkakaron na ng hayup na tax sa mga softdrinks. Lahat na lang nilagyan na ng tax. Nakakasuya, nakakapikon pero ayos lang baka eto na yung pinaka greatest achievement ko sa 2018 kung sakaling "matuloy" hahahaha, ay putangina nag "haha" na naman ako.

Mababaw lang naman tayo gumawa ng NYR at kalimitan patungkol sa ating mga sarili gaya ng "magpapapayat na po ako ngayong taon", mamukat mukat mo ang taba taba pa rin niya sa kasalukuyang taon at nakaka ilang order na kanin kila Nanay Ling. Yung iba hindi na raw maninigarilyo o magyoyosi pero ayun from "isang bote lang, pampatulog" pero ginawang pampatulog ang alak sa araw araw. Sana uminom na lang sila ng sleeping pills. 

Sadyang napakahirap baguhin ang isang bagay na nakasanayan na, nakaugalian na.. Pano mo nga naman babaguhin ang ikot ng mundo? Pero ako ang mundo ko dito sa call center laging nababago yung body clock ko dating PST ngayon European time. Sosyal! Hindi mo pwedeng baguhin ang ruta ng sasakyan. Baguhin ang ikot ng relo (kung manual pwede) Gawing summer and winter (unless may climate change)

Bilang human beings ang mga bagay at pag uugali na nakasanayan na ay mahirap na baguhin pero maaari kung talagang gugustuhin maraming preparasyon ang kinakailangan at ilang beses na pag iisip nga lang, pero kaya basta gusto. 

Sa darating na 2018 pilitin nating baguhin ang mga bagay na gusto nating alisin sa ating mga sarili di man ganun ka perfect ang new years resolution na ginawa at least yung mga ibang bagay para sa ating sarili ay mabagi sa darating na bagon taon. 

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon  mula sa Ubasnamaycyanide!