Pages

Linggo, Mayo 14, 2017

Mother Knows Best

'How can I not love my mother — when she carried me first in her body, then in her arms, and then for a lifetime in ur heart'


"There are a million ways to die but only one way for birth. Respect and love your mother the most. She is your universe."


Kung ang nanay mo ang pinaka da best, ang nanay ko naman ang pinakadakilang ina sa buong uniberso.

Ikaw sinong nanay mo? Ano para sa'yo ang nanay mo?

Hindi ako ipinanganak na nakahiga sa ginto at salapi, kaya umaga pa lang bunganga ng nanay ko ang maririnig sa munti naming tahanan. Ito ay para gisingin kaming magkapatid lalo na pag araw ng Sabado at walang pasok, tumutulong sa mga gawaing bahay, kaagapay sa pagbitbit ng basket na aming pinamili sa palengke, pagtitiklop ng mga damit na nalabhan, paghugas ng plato at marami pang iba. Napaka espesyal ng nanay ko sa akin dahil simula't sapul na iniluwal ka niya sa mundo wala kang ibang mararamdaman kundi pag aaruga at pagmamahal.

Your Universe - Rico Blanco
to my mother: "I'll always be the lucky one!"

Minsan ay nakakainis ang mga pangaral na paulit-ulit, kadalasan ay halos na mabingi na ako at ayaw ko nang marinig. Latay ng tsinelas o tambo ng walis ang hahagupit sa'yo kung hindi ka makikinig sa kanyang mga pangaral. Pero ang lahat ng latay na ito ay magsisilbing pasasalamat sa aking ina dahil hindi naman kami naging sakit ng ulo ng aming mga magulang. Ang tanda ng kanilang mga palo ay nagsisilbing alaala na mahal ka nila at gusto ka lamang nilang masuheto at maging matinong nilalang hanggang sa iyong pagtanda. Aminado ako na sawa ako at fiesta ako sa palo noong aking kabataan dahil nga sa sobrang kulit, matigas ang ulo at mahilig mambully sa nakababatang kapatid. Mula tsinelas, sinturon, mongol ng walis, keyboard (dahil sa kakakompyuter) hanggang sa all time winning pamalo na hanger. Salamat po at hindi niyo ako pinalaking spoiled, maraming salamat sa mga gintong pangaral ni Nanay na ang sabi niya ay kapag siya'y lumisan na sa mundo ito, ay walang ibang tutulong sa iyong mga pangarap kundi ikaw lang din kaya pag husayan ninyo ang inyong pag-aaral. 

Tandaan na hindi ka iniri ng nanay mo para lang maging gago sa mundo. Kaya't kung anong hirap na dinanas ng ating mga nanay nuong tayo'y inilabas sa kanyang sinapupunan ay marapat na ating suklian ang kanilang pag-aaruga at pagmamahal sa kanilang pagtanda.

Ang ating mga ina ay matatawag ding mga ilaw ng tahanan. Sila ang nagbibigay liwanag sa ating mga simpleng tirahan. Hindi sila kahit kailanman ay maikukumpara sa Meralco, sapagkat ang liwanang na kanilang hatid ay mas hamak na mas maliwanag pa sa ibinibigay ng Meralco, at hindi sila nagpapadala ng mga "Disconnection Notice", baka tayo pa ngang mga anak ang nagbibigay ng "disconnection" sa ating mga magulang di ba? Ang tanging hiling ng ating mga ina ay pagmamahal mula sa kanyang pamilya, mga anak at kabiyak.

Shinedown - Simple Man
"Mama told me to be a simple kind of man"

Pagmamahal ang pinakamatibay na pundasyon na maaari nilang iparamdam at ibigay sa atin. Kung wala ang ina, hindi magiging tunay na masaya ang isang pamilya. Mga bayani ding maituturing ang ating mga ina, dahil isinusugal nila angkanilang mga buhay para lang mailuwal ang kanilang mga anak, wala ang kahit sino mang bayani, popular na mga tao kung di dahil sa kaniyang ina di ba?

Ganyan lahat ng ina, nanay, mommy, mom, mama, ermat, mudra, mumshie, inang, o kung ano pa man. Alalahanin natin ang ating mga nanay hindi lang sa araw na ito, hindi lang ngayon, hindi lang mamaya, hindi lang bukas, hindi lang sa isang bukas, hindi lang sa makalawa, hindi lang sa mga susunod pang buwan. Atin siyang respetuhin at mahalin hanggang sa mga huling segundo ng buhay ng ating mga nanay hanggat nasa tabi pa natin sila at nakakausap.

Maligayang araw ng Nanay sa lahat! 

Biyernes, Mayo 12, 2017

Your Childhood Post: "One, Two, Three.... Teng! Teng! Teng!"

'WWF...what the world is watching!'


Halos isang buwan na rin ang nakalipas simula ng huling pagsulat, ang huling pagsulat na may kasamang lungkot sa pagkamatay ng aking pinakamalambing na pusang napulot sa kasada ng Aguinaldo Hi-way. Nakakamis na rin at gusto ko naman ngayon punan ng kasiyahan ang post sa blog na ito ngayong gabi.

(Rewinding memory wires) Konting katahimikan,  konsentrasyon sa pag-iisip at muli tayong babalik sa "attitude era" ng pinakapaborito kong palabas tuwing Miyerkules ng gabi, 11:30 PM, patalastas ng Encarnacion Bechaves Flowers at Anzahl Car Paint...alam kong lampas na ako sa curfew ko sa panonood ng TV ngunit hindi ko mapigilang tumakas para makapanood kahit isang laban lang. Tangina ang sagwa pa ng intro nung RAW is WAR nuon akala mo hindi wrestling ang papanoorin yung tunog parang pang exercise lang ng Bodies in Motion, yan naman yung palabas tuwing linggo ng umaga kung sinong gustong mag ehersisyo ay pwedeng sabayan yung host.

"WWF... what the world is watching!" Tama!

1988 WWF Intro

Ito naman yung pinaka unang intro na napanood ko isa sa pinakajologs na intro kung saan lalabas ang logo ng WWF ala credits ng Star Wars at ang background ay mga bundok at dagat pa pero kulay pula ang ulap at bigla na lang kikidlatan yung logo sabay may isang machong boses ng announcer at sasabhin ang katagang "WWF... what the world is watching!" Dumating ang wrestling sa Pilipinas at talaga nga namang sinakop tayo nito pati mga lolo at lola ko ay hindi napigilang hindi manood ng wrestling. Ang natatandaan ko hindi mo mapapanood ang mga pay-per-views noon dahil wala pa nito sa Internet at hindi rin naipapalabas sa TV, pati mga laban sa karaniwang araw ng palabas ay hindi mo mapapanood ng buo ang kumpletong episode sa araw na yun. Pasalamat na lang ako sa kapitbahay namin na may business na Video rentals, tangina Betamax days mga tohl, nakakarenta ako ng bala noong sa halagang bente pesos. So saan aabot a ng bente pesos mo? -sa pagrerent po ng bala ng betamax.

WWE RAW Intro 2002 - 2006

Noong nasa San Andres Bukid pa kame kamuntik-muntikan na rin akong dalhin sa ospital dahil itong mga kalaro ko sinubukan kung gumagana ba talaga ang "sleeper hold" (finishing move ni Brutus the Barber Beef Cake) kung saan sinasakal niya ang kanyang kalaban hannggang sa makatulog. Napaniwala din kami na kapag humawak ka sa ropes biglang babalik ang lakas mo, yung kung anong merong enerhiya na dumadaloy sa ropes na yun sa tuwing mabubugbog ng husto si Ultimate Warrior. At siyempre naman sino ba naman ang hindi makakalimot sa wrestler na ito. Kumabaga sa atin at sa basketball siya naman ang Jawo ng wrestling - walang iba kundi si Hulk Hogan. Talagang kumakapit sa mga bata ang mga trademark gestures niya tulad ng pag senyas ng siraulo (twirling of the wrist) bago idikit ang kanyang kamay sa tenga niya, pati na rin ang pang ilang beses na pagpunit ng kanyang dilaw na sando. Yung hand gesture niya ginawa ko yun sa Nanay ko nung araw na inuutusan niya ko maghugas ng plato. Ayun, nasapok ako from out of nowhere. Galit na galit siya noon dahil tatlong sando na ang kanyang nabibili sa loob lamang ng dalawang linggo. Ngunit naawa ako noon kay Hokogan nung natalo siya kay Ultimate Warrior para sa kampeonato. Ayoko rin naman mainis kay Ultimate Warrior kahit maka-Hogan ako kasi hindi naman talaga siya kontrabidang wrestler. Tsaka napansin niyo ba bago pa magsimula ang mga laban ni Hulkomaniac ay ang ganda ng kanyang buhok - shining shiny. Pero pagdating sa kalagitnaan ng laban ay unti-unti mo nang mabibilang ang buhok niya.


WWE Smackdown Intro 2004

Eh si Million Dollar Man naaalala niyo? siya ang Kanong version ni Smokey Manaloto. Ang tag-team na Rockers, na akala ko noon miyembro talaga ng isang rock band; si Hacksaw Jim Duggan, na naka-asul na brip at laging may dalang dos por dos. Ito yung pinakamadaling gayahin na props kasi puwede ka lang kumupit ng kahoy sa may construction site sa tabing bahay, sabay sigaw ng "Hooooooooooo". Eto pa, wala din naman sigurong makakamiss sa wrestler na sepulturero - si Undertaker (with Paul Bearer na laging may dalang urn sa tuwing entrance ni Undertaker. Yung nakapagluto ka na ng pancit canton at naubos mo na tsaka pa lang nakaakyat ng ring si Undertaker. Isa sa may pinakamahabang entrance. Para sa akin isa siya sa mga bida. Kaso nga lang kalaunan ay hindi na siya realistic kasi nagsusuot na siya ng elbow at knee pads. May sepulturero bang nagsusuot ng ganun?!!

Malaki talaga ang naging impluwensiya ng WWF sa buhay nating mga kabataan ng dekada. Ngunit ang bagay na pinakamahalaga para sa akin ay dahil sa wrestling na yan, nawala ang hiya naming mga bata na mag-brief sa kalsada.

LET'S GET IT ON!

Miyerkules ng gabi puyat kung puyat dahil inaabangan ko talaga ang WWF. Isang newsbreak lang sa Channel 5 eto na umpisa na ang bugbugan sa ring. May lineup na naman ng mga superstar na mapapanood ko, pati yung mga wrestler na hindi kilala at ipinapain lang sa mga wrestler na heel ay talagang bugbog sarado.

'Bob Backlund'
Pero alam niyo ba na hindi si Undertaker ang kinatatakutan ko noon kundi si Bob Backlund. Itong wrestler na 'toh yung basta na lamang sumusulpot kung saan at gagawin niya yung crossface chicken wing niya. Nung nagtagal eh nainis na lang talaga ako sa kanya dahil parati na lang siyang nanggugulo eh. Kahit sa kalagitnaan ng laban biglang lilitaw at mang uupak kung sino ang gustong matipuhan.Siya rin ang recipient ng one of the fastest matches ever dahil sa sampung segundo ay natalo siya ni Big Daddy Cool Diesel.

Speaking of Diesel, isa siya sa mga pinakacool na wrestler dahil bukod sa matangkad (at cool ang pangalan), klasik din ang jack knife powerbomb niya. Kaso napilayan siya nung naglaban sila ni Sid Justice, na may parehong finisher katulad ng sa kanya. Sid Justice becomes Pyscho Sid isa din sa mga kinatakutan ko.

Sid Justice. Siya ang dumb bodyguard ni Heartbreak Kid Shawn Michaels, na may mini show na sobrang nakakabored. Parati kong sana na sana walang mini show si Shawn Michaels dahil anlaking kakaining oras nun. Baka na bored din si Sid Justice at napuno na sa kanya at naglaban sila. Siyempre, nanalo ang mas pogi.

The Rockers
Hindi ko idol yan si Shawn Michaels, dahil hanggang ngayon ay naniniwala akong dinaya niya si Bret Hart! Hindi talaga nagsubmit nung shinarpshooter siya eh, hanggang sa maubos ang oras at nag-overtime. Yan yung Montreal Screw Job halos gusto kong i-eject na yung bala sa Betamax nung nalaman kong dinaya lang ang idol kong si Bret "The Hitman" Hart. Si Michaels din yung laging dinudugong wrestler. Kasama rin siya sa 'The Rockers' at ang tag team partner niya ay si Marty Jannety na nawala na lang bigla nung nag solo na si Michaels at natibag na ang The Rockers. Para sa akin, ang The Rockers ang pinakamagaling na tag-team sa buong mundo, kaparis sila ngayon ng The Hardys na isa rin sa mga pinakasikat na tag teams sa kasalukuyan.

Minsan na rin akong sumulat ng love letter kay Santa Claus para hilingin ang shades ni Bret Hart. Pero walang dumating. : (

Sino ang nakapanood sa inyo ng Hulk Hogan's Classics? sa'n ka nakakita ng wrestler na itinali na sa corner ni Andre The Giant pero nakahulagpos pa rin at nanalo pa?! Iba talaga ang power at strength ni Tatang Hulkster and The Hulkomaniacs run wild! Syempre dun ko rin napanood and klasik na laban nila ni Ultimate Warrior. Hulk Hogan ako dun kaso talagang natalo eh. Pero nung nagyakapan sila after the match, syet! yun yung part na nakakaiyak! 

Megapowers vs. Megabucks
Ay ito pa may naaalala pa ko! Alam niyo ba yung Megapowers vs Megabucks? Naaalala mo? Nangingiti ka? ayun nung bata ako, ang kilala kong members sa Megapowers eh 'yung mga blonde ang buhok at crowd favorite. So ang mga kasama diyan ay sina Hulk Hogan, Ultimate Warrior, Tatanka, The Rockers at Bushwackers, atbp. Kasama naman sa Megabucks sina Million Dollar Man, Ravishing Rick Rude na kamuka ni Ishmael Vernal na kontrabida lagi sa pelikula ni FPJ, Andre The Giant at iba pang rule breakers.

Eto pa ha, may  tsismis ako na galing sa mga batang kalyeng nakakalaro namin nuon. Ang nakarating palang tsismis sa akin, si Andre The Giant daw yung binuhat ni Ultimate Warrior. Tapos, pumutok yung muscle niya. Tapos pinalitan siya kaya hindi na raw original na Ultimate Warrior yung naabutan ko.

Ang ganda talaga ng WWF ee. Palagi ko pa ngang nilelettering 'yang sulat ng WWF na yan. Madali lang naman eh. Halos lahat ata ng notebook ko may WWF na logo na lettering. Pero puta nuong napalita na ng WWE ang hirap na ilettering kahit isang W na lang yung pagkakasulat.

Bret 'The Hitman' Hart
Idol ko din talaga yang si Hitman eh pati mga tita ko kinikilig diyan dahil sa laki na ng katawan ang gwapo pa. Sobrang sang-ayon ako sa sinasabi nyang, "I'm the best there is, the best there was, and the best that there ever will be..." Totoo talaga yan para sa akin. Si Hitman yung hindi gaanong kalakihan pero palaging heavyweight champion. Namimigay pa yan ng shades sa mga bata na pangarap ko ring magkaron dati.

The British Bulldog
British Bulldog. 'Yan naman ang bayaw ni Hitman. Napangasawa niyan ang kapatid ni Hitman. Mejo maliit lang pero malaki ang katawan. Hindi pa uso ang cornrows noong 90s pero naka cornrows na yan. Nag-away sila ni Hitman pero hindi ko alam ang dahilan ng malaon tinaggap na rin siya ni Hitmann sa pamilya nila.

Eto pa ang isang super-klasik na wrestler, Jake "The Snake" Roberts. Shempre sikat 'yan dahil sa dala niyang ahas na nakalagay sa sako na tela. May tsismis din na may namatay dahil may natuklaw 'yung ahas niya, ewan ko lang kung sino yun. 'Pag nilabas na niya yung ahas niya lahat na natatakot at nagtatakbuhan. Ang pamantay niyan DDT.

Demolition's Smash & Axe
Demolition. Isa sa pinaka astig na tag team para sa akin. Parang sila ang unang nakita ko na may pintura sa mukha. May helmet pa talaga sila. Pagdating sa ring, ayan na huhubarin na nila ang helmet at bigla nang didila si Smash. Mahaba at mapula ang dila niyan at ang pintura nila sa mukha ay may pagkasilver at black. May kumalaban sa kanila ang "Legion of Doom". May mga pintura din sa muka at may suot pang shoulder pads na may spikes. Sila ang mga naging siga ng tag team dati.

The Honky Tonk Man
Ang dami dami pa andiyan sila Honky Tonk man na laging may dalang gitara at Elvis Prestley ang gimmick. Minsan pag masyadong napuno inihahampas ang gitara sa ulo ng kalaban. Texas Tornado, Toto Santana (magkamukha sila ni Texas Tornado). Coo Coo Beware (negro na may laging dalang parrot), Virgil (alalay dati ni Million Dollar Man na napuno na sa kanya), Razor Ramon, Superfly Jimmy Snuka (ang taas tumalon nito), Macho Man (na naging Macho King), at marami pang iba. Ang tingin pala namin sa buhok ni Sid Justice ay parang Lucky Me Pancit Canton.
Coco B Ware

Sabi ko nga kanina nanghihiram pa talaga kami ng betamax sa rentahan na kapitbahay lang namin sa halagang bente pesos isang bala. Lahat ng mga special events pinapanuod namin tulad ng Wrestlemania at ang paborito nating Royal Rumble. Palagi kaming nagpupunta sa rentahan para lang i-check kung may bago na silang WWF tapes.


Ang dami ko pa sanang gusto ikwento pero sa ikalawang bahagi na lang ng post na 'toh.