Pages

Biyernes, Nobyembre 17, 2017

Vietnamese Cooking @Nanay Ling's Karinderya at Atbp Larawang Tsibugan


"Sisty fi"

Kanya-kanya ang ating panlasa. Matanda man, lalo na ang mga kabataan, hindi puwedeng sabihing wala tayong paboritong pagkain. Masarap talagang kumain hindi ko maitatanggi yan ngunit sa bawat pagkain natin ay may mga nakaakibat na kapalit sa ating kalusugan. "Pero di bale na tsaka ko na iintindihin yan, ang mahalaga ay maubos ko itong pagkain sa aking plato", ganito ang ating sinasambit sa tuwing may magpapaalala sa atin ang tungkol sa wastong pagkain na dapat nating ipasok sa ating mga katawan. Ang wika nga ng aking kaibigang may (ka-edaran na) at laging nakakadalawa o higit pang extra rice... "Di bale nang mamatay sa sarap, wag lang sa gutom". Eh sa ganun naman talaga tsaka na natin iniisip yung mga bagay na sinusuway natin, yung kolesterol na naidudulot ng pagkain na maaaring magpataas ng ating presyon sa dugo. It doesn't matter! Hangga't masarap, malinamnam ang nasa hapagkainan ituloy mo lang ang pagkain ng walang pag-iimbot at buong katakawan. Ang sabi nga nila kain-construction worker lalo na't nakakagana dahil may mga special spices at sawsawan sa lamesa.

Hindi ko naman siguro kailangang maging magaling na food blogger upang makalikha ng isang magandang kritisismo sa aking mga natitikmang pagkain dahil mayroon din naman akong sariling panlasa. At mula sa blogpost na ito ay isusulat ng aking dila ang aking mga natikmang putahe sa isang simple, malinis at masarap na kainan sa tirahan-karinderya nila Nanay Ling dito sa Imus,Cavite

Sa ating mga Pilipino, pagkain ang kadalasang laman ng ating mga isipan, bukambibig sa bawat kuwentuhan o maari rin na pampalipas oras. Talaga namang hindi maiiwasan sa atin ang sadyang mahalin ang pagkain, di ba?


'Merc's CX - MOD Team Lunch out @Nanay Ling's
'May pa-free pakwan si Nanay while waiting for our orders'















'The colours of FiesTAnghalian'

'Team MOD @Loloboys'

'Team CX Bogchi time'

'Team Jukes at CEDZ'



Team HomeJoy CX buddies at Shakeys (ba't wala si Francis?)


                          w/ Chef Santi and HRM students 

Kaya dito sa karinderya ni Nanay ay ating pag-uusapan ang masasarap na lutong bahay na kapag iyong natikman ay iyong babalik-balikan.


FRIED CHICKEN

Nakakatawa man isipin pero Fried Chicken pa din ang paborito ng karamihan, mula noon, hanggang sa kasalukuyan. Sa dinami-daming putaheng aking natikman, di ko pa rin maawat ang sarili ko sa pagsandok ng kanin ng sunud-sunod kapag ito ang aking nasa pinggan. Kung oorder ka ng piniritong manok kay Nanay ay sisiguraduhin ko sayo na hindi ka lamang makakaisang tumpok na kanin sapagkat dalawang malalaking parte ng manok ang order dito sa halagang P50 walang panama ang manok ng mga kilalang fast food chain. Masarap kung sa masarap ang mga manok ng KFC, McDo at Chicken Joy ni Jollibee pero naman 'tol hinding hindi pahuhuli ang sarap at ang laki ng manok ni Nanay sa mga manok ng mga sikat na fast food chain na aking nabanggit. Walang special gravy si Nanay pero mas sapat yung Mang Tomas Siga ee. Lumalapat ang anghang nito sa crispy na balat ng manok habang unti unting mong ninamnam ang sauce ng Mang Tomas sa nagpuputukang batok este lutong ng balat sa manok. Kaya overall impact ay oks ang manoks sa karinderya ni Nanay.

SISIG

Hindi naman talaga ko nakain nito, ni hindi ko talaga natikman sa buong buhay ko yung totoong sisig. Mas panatiko kasi ako ng mga preservatives na pagkain at yun yung sisig ng Monterey. Nagkataon lamang na wala yung paborito kong menu na inoorder kila Nanay kaya ako'y napasisig ni hindi ko alam kung magusgustuhan ko ba o hindi pero dahil sa udyok na lang din ng aking mga kaibigang ka-extra rice ay aking sinubukan ang sisig. Tangina, nabighani ako sa sarap ng sisig kila Nanay. Ganun pala ang totoong lasa ng sisig. Ngunit kailangan ko iwasan ang pagkain nito palagi sapagkat hindi rin maganda ang maidudulot nun sa aking kalusugan. Ito ang ibang katangian ng sisig. Dahil kahit dapat ay paminsan-minsan itong kainin, sa sandaling kainin mo ito pagkatapos ng kaytagal na panahon, kakaiba pa rin ang sarap at saya na naidudulot nito.

Dito kila Nanay ay tinatanong muna kung lalagyan ba ng itlog o mayonaisse ang sisig mo bago ihain sa'yo sapagkat mayroon tayong kanya-kanyang panlasa kung anong mas malinamnam sa atin.

Jurassic Pards - 'RAPSABU'


LUMPIA VIETNAMESE STYLE

Eto na, isa sa pinaka petmalung pagkain na lagi kong inoorder at wala akong sawang pagtangkilik kada tanghalian. Ang lumpiang hindi pangkaraniwan para sa akin at may touch ng pagka-asian cooking ang dating. Malinamnam, malalaki, pino ang lamang giniling sa loob, malulutong ang balat, may sotanghon sa loob at may taba ng baboy na naninikit sa pagkalutong ng wrapper at isang sawsawang suka na ayaw ipaalam ni Nanay kung paano niya ginagawa. Kumbaga sa KFC may sikretong 7 herbs and spices. Samahan mo pa ng tinadtad na bawang at iispringkel mo sa mainit na kanin ay busolve ka sa sulit at sarap. Ang lumpia ni Nanay Ling ay palaging sold out sa merkado at kadalasan ay unahan pa sa pagpapareserve para lamang makasiguradong may tsitsibuging lumpia kapag pananghalian.

At sa pagkakataong ito hindi ko maikakaila na sobrang namimis ko na ang pagtsibog sa karinderya. Tatlo, apat o limang buwan nang hinahanap ng panlasa ko ang mga menu ni Nanay lalo na ang pamosong lumpia. Sinulat ko ito para na rin lamang tulong at maipamahagi sa ilan ang makabusog damdaming mararanasan ninyo sa pagkain sa karinderya nila Nanay. Halina't dumayo at halina't mag-tatlo o apat na extra rice. Wag na mahiya, wag na mag-inarte, wag na mag diet. Kung nagdadiet ka let this be your cheat day ika nga. Sa dinami dami ng aming kinakainan noong ako'y pang-umaga pa mula kay Lolo Boys, Quick Fry, Dongalos, Checos at iba pa ay madalas kay Nanay Ling pa rin kami nauuwi. Ngayong panggabi na ako sa trabaho, pota wala nang ibang option kung di ang magpasakop kay Jollibee.

Saan matatagpuan ang kainan?

'Map location: Nanay Ling's Karinderya'

Along Aguinaldo Hi-way at bababa ka ng abandonadong Imus Sports Complex, hindi ka lalagpas ng Maynilad dahil baka kay Bulalohan ka ni Pat tumuloy na pagkatapos mo kumain amoy ka na usok ng barbecue. Pagkababa ng Imus complex kung galing kang Imus tatawid ka sa kabilang kalye at didiretso ka bandang dulo sa paglakad. Kulay brown ang gate at may puno sa garahe at may tindahan. Kapag narinig mo na ang kalansingan ng pinggan at kubyertos at pag may narinig kang "sisty-fi" nasa karinderya ka na ni Nanay Ling.

Eh ano pang hinihintay niyo? punta na dito mga erp! enka na mga lodi!