Pages

Sabado, Hunyo 30, 2018

Hinugot sa Ulan: Window Pain

'This post is brought to you by Vicks Vapor Rub'


Kapag ganitong umuulan ako'y sinisipon. Lugmok at nakatulala sa kawalan. Iniisip ang panahong tag-init at ikaw ay nariyan. 

Oras na naman para magbitbit ng payong. Itim na payong para masaya. Hindi na ako mnahihirapang ipaalam ang kulay ng aking nararamdaman. Pero bakit ganun? Pati ata utak ko sinisipon. Bakit mukha mo ang nakabara sa aking isipan. Ayan tuloy, palagi kong nakakalimnutan iuwi ang payong. Di ko maalala kung saan ko ito naiwan. O kung may humiram. O kung ito'y napaginteresan. Kaya kadalasan...basa pa rin ako ng ulan.

Kaya marahil sinisipon ako kapag ganitong umuulan. Buong araw akong amoy Vicks at palaging may bitbit na inhaler. Mahirap huminga at ewan ko kung ito nga ang dahilan kung bakit naninikip itong dibdib. Kelangan kong uminom ng maraming tubig at humigop ng sabaw. Pero walang lasa ang sopas. Hindi na ito kasing-init at kasing-sarap ng mga panahong ako ay may kasalo.

Wala munang love songs ngayon tag-ulan. Bawal muna ang mga himig tungkol sa mga walang hanggang pangako. Hindi ko naman maririnig ito habang maingay ang bubong at kumukulog. Ayaw ko mag-momol sa ganitong masarap na lamang itulog ang pagbibigay ng langit ng pansamantalang lamig. Mas ikatutuwa ko pa ang mga tugtog na puwedeng sabayan ng indak para pagpawisan. Baka sakaling mabawasan ang hirap na dala ng baradong puso ilong.

                                     IV OF SPADES - Mundo



Mas marami akong libreng oras kapag ganitong sakitin ako at walang nag-aalaga. Mas masusundan ko ang lovelife nina KathNiel, JaDine, LizQuen, Piolo at Sam. Nakakasanayan ko na rin manood ng Ang Probinsiyano alam ko namang hindi pa huli ang lahat dahil alam naman nating lahat na mahaba pa ito. Mas magkakaron ng extension ang aking oras mag Facebook at magview ng profile mo ng mga taong di ko kilala.

Umiyak man ang langit, di ako makikiramay. Mas nalulungkot ako sa bawat buhay na nawawala sa giyera sa Mindanao, sa bawat pamilyang nagdidildil ng asin, sa bawat pisong napupunta sa korapsyon. Sana sipunin din ang mga taong may pakana nito.

Alam kong magiging malamig ang bawat gabi sa susunod na mga araw. Pero hindi ako giginawin. Marami akong kumot na magsisilbing pananggalan. Meron akong makakapal na jacket na magbibigay ng init laban sa mga alaala. Hindi ko lalabanan ang antok. Mariin kong ipipikit ang aking mga mata at bibilangin ang pagkarami-raming tupa. Wala akong mapapaniginipang buhangin, sun block, si David Haselhoff man o tag-araw.

Kapag ganitong umuulan ako'y sinisipon. Kaya huwag kayong magtataka kung ako'y palaging sumisinga o sumisinghot-singhot.  Hindi ako umiiyak kala niyo. Mawawala din ang sipon na ito.

Kung sana meron lamang kamay na magpapahid ng Vicks sa aking dibdib.