Pages

Biyernes, Pebrero 14, 2020

Kilig to Death: Valentines Throwback

'Wala nang mas kikilig pa sa paggawa ng love letter at makatanggap ng love letters'

Kartolinang pula at pink, Elmer's glue o di kaya paste, gunting, glitters at kung anu-ano pang eche burecheng art work yan ang ipinalalabas na gamit ni ma'm isang linggo bago mag i-katorse ng Pebrero. Wala naman talaga kaming alam bakit kami pinagdodrowing ng hugis korteng puso sa pula at pink na kartolina pagkatapos ay guguntingin at tatambakan at lulunurin namin ng korteng puso ang buong silid-aralan at papaliguan ng glitters ang mga ito. Dyahe pa naman kasi bukod sa hirap tanggalin ng glitters sa buhok at balat ko ee nadagdagan pa ang hirap tanggalin ng mga ito dahil na rin sa pandikit sa mga kamay ko. Yun daw pala ay Valentine's day kapag February 14. Eh, anu ba yun? Malay ko diyan basta ako sinunod ko lang ang utos ni ma'm at para na rin sa grades. Wapakels ako diyan (hanggang ngayon naman).

Lumipas pa ang mga panahon at pagkatapos na ako'y matuli eh nalaman ko rin kung bakit ba natin ipinagdiriwang ang araw na ito. At naintindihan ko rin na hindi naman pala lahat ay nagdiriwang sa araw na ito lalo dun sa mga taong "single", uulitin ko "SINGLE". So, ganun pala yun puwede naman palang hindi compulsary para sa lahat ang araw na ito. Bilang bata ang sabi ko sa sarili ko, "ah parang Pasko lang din pala, kasi araw ng pagmamahalan at pagbibigayan" pero ngayong matanda na ako double meaning na para sa akin yung "pagbibigayan", hoy napaka green minded niyo naman pagbibigayan ng mga tsokolate hindi ko naman sinabing "pagbibigyan" iba yun.

Ito rin pala yung araw na puwede kang sumipsip sa mga guro mo kasi puwede mo silang bigyan ng mga bulaklak katulad ng rosas huwag lang papahalata kay mam o sir na pinitas mo lang yung bulaklak sa likod ng paaralan.

Noong bata pa ako sa harapan ng eskwelahan, maraming nagtitinda ng mga bagay na kulay pula at pink. May mga teddy bear din at mga bulaklak na plastik na pinisikan ng hiwaga ng baby cologne. Naakit ako sa kulay nito at natripan na bumili. Pagkauwi ko inilagay ko ito sa isang vase at tinanong ako ng nanay ko noon para kanino yan. Hindi ko rin naman alam kung kanino ko ibibigay yun kaya sinabi ko na lang sa nanay ko, "eh di sa inyo na lang, nay". Tinanong niya tuloy ako kung napilitan lang ba ako. Sabi ko hindi eh wala naman talaga akong pagbibigyan at naakit lang ako sa kulay pula kaya ayun sa inyo na lang.

Ibang-iba talaga ang paraan ng selebrasyon ng mga bata at matatanda. Lalo na sa mga kabataan. Sa edad na ito pumapasok ang konsepto ng pagmamahal, narito rin nabubuo ang mga tinatawag na "hopeless romantic". Sila daw yung mga umaasang may makasama sa araw ng mga puso.

Shades Apart - Valentine

Tsokolate at rosas talaga para sa akin ang namulatan kong simbolo ng Valentines day kasama na diyan ang mga love letters para sa mga nanliligaw pa lang. Mas cute noon lalong lalo na noong uso pa ang pag-aabutan ng love letter. Siyempre yung ikaw na nabigyan hindi mo pa babasahin yan agad pagkabigay ng messenger. Oo, asahan mo na laging may mga messenger. Hindi na kailangan ng sobre noon stationery lang yan na tinupi tupi na parang oregami pagdating sa tupian at dapat kailangan mabango para pagbukas niya ay hahalimuyak ang pagkabango-bangong papel sabay pagkita ng handwritten eh parang kinahig na manok. Basted! Hindi naman siguro ikakaila ng mga kababaihan natin na may halo naman talagang kilig factor habang binabasa niyo ang mga matatamis at mga papuri ng may mga crushes sa inyo. Babasahin mo pa nga yan bago ka matulog eh yung tipong kuliglig na lang ang naririnig mo sa gabi para feel na feel mo yung bawat salita na nakasulat duon sa love letter.

"Alam mo sa tuwing nakikita kita sa school ay hindi ako mapalagay, sa mga mata mo pa lamang ay natutunaw na ako lalo na siguro kapag lagi kang nakangiti. Para kang diwata sa kagubatan na nagbibigay ningning sa lahat ng nilalang. Para kang araw na pumapawi sa aking kalungkutan at ang kagandahan mo'y isang bahaghari na nagbibigay kulay sa aking buhay."

Naks di ba?

Ganyan kakilig ang dekada nobenta kung saan uso pa ang mga salitang "crush/crushes". Uso pa noon ang paghalik sa kamay ng babae pagkatapos siyang ipakilala sa iyo. Ako rin naman ay may mga nabigyan ng mga love letters na yan especially high school days. May mga pagkakataon na kinilig dahil nakasabay si crush sa jeep na kayo lang dalawa habang tumutugtog ang kanta ng Side A na "Forevermore". Napakasarap talagang makinig ng mga musika lalo na kapag inlab ka. Yung tipong kahit hindi ka pa nababayaran ng may utang sayo eh sige ayos lang. Ang gaan-gaan ng feeling lalo na noong nauso na ang texting era. May mga pagkakataong habang nagbabasa ka ng message eh napapangiti ka nalang. Kapag tumunog na ang "standard" message alert button eh ititigil mo ang ginagawa mo kahit naghuhugas ka ng pinggan ay kakaripas ka ng takbo para basahin ang reply niya.

Titiiit-titiit (1 message received)

*opens message inbox*

"Ikaw, kumain ka na?"

Sa dekada rin na ito naranasan namin ang libangin ang sarili at umasa, magmuni-muni na interesado rin sana sa amin ni crush sa pamamagitan ng larong FLAMES. Ito yung ililista niyo ang pangalan niyong dalawa ni crush at iko-cross out ang mga magkakaparehong letra na meron sa buong pangalan niyo at pagkatapos ay itototal yung cross out at ibibilang ito sa bawat letra ng salitang FLAMES. Ang F ay friend, L ay love, A ay angry, M ay marriage, E ay engage at S ay sweetheart. Nagkataon naman na sa A natapat ang total naming dalawa ni crush kaya iniba ko ang rules at isinaman ko ang middle name niya kaya ayun naging friend na kaso olats pa rin sa tunay kong minimithi para sa kanya. Kaya ayun hanggang friends lang talaga at friends kami sa Friendster. 

Ang foundation day kasi ng aming school ay natatapat sa araw ng mga puso at isang linggo rin kami halos walang ginagawa sa school. Sa oras na ito tambay lang at nanonood ng mga activities para sa Foundation day at siyempre ang pinakagusto ng lahat ang sumakay ng tsubibo at ferris wheel. Nagiging instant perya ang eskuwelahan namin kapag Foundation day. Hindi mawawala ang mga booths like marriage booth at jailbooth. Kapag marriage booth dito nagkakabistuhan ng mga crush crush. Huhulihin ka ng mga malalakas ang trip at pagpasok mo doon may instant partner ka na nakablindfold kayong dalawa at ikakasal kayo kuno. Tatanggalin lang yung blindfold pagkatapos ng seremonya ng kasal. Kapag kiss the bride, depende yan kay bride kung gusto niya magpahalik sa pisngi o sa kamay. Eh ako hindi man lang ako mahuli-huli dun kasi mga gwapo at magaganda lang ang kinakasal dun para may tilian ang mga nagmimiron. Lagi ako diyan sa jailbooth tanginang yan trip ko pa naman stripes shirt  kaya laging hinuhuli bayad ka pa bente samantalang dun sa marriage booth kinilig ka na nahalikan mo pa ang crush mo. Unfair pota kaming mga panget jailbooth pag magaganda at gwapo sa marriage booth. Nasan ang hustisya? Kaya minsan dun na lang ako bumabawi sa request song booth kung saan pwede ka mag-alay ng kanta at puwede mo idedicate kay crush. The best yun kasi puwede kang magpa-unanimous basta irequest mo lang sa kanya yung kanta like sasabihin ng DJ: "This next song is dedicated to (pangalan ni crush) coming from: "Mr.Eskinol boy of Grade 5 Camachile, the song is called Hurt by Kalapana." 

Kahit ganyan-ganyan lang noon kilig to death na yan. 

Kalapana - Hurt

🎵Oh, you say you're mine
And I believe you every single time
even though my friends say you're not my kind
I just can't believe you'd be lying ðŸŽµ