Pages

Lunes, Disyembre 16, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 1

'Ang kampana'y tuluyang nanggigising'


Noon hindi ko naman talaga ugali ito. Nakakapagsimba naman noong mga nagdaang taon pero matagal na ang huli kong Simbang gabi, 2013 pa ata kasabay ng pagbibigay ko sa mga asong makikita ko ng kaunting pagkain para sa kanilang nagugutom na mga sikmura. 

Hindi ako nagsisimba, hindi o nakikinig ng misa, o nagkukumpisal, o nag e effort na gumising ng madaling-araw.. Ewan, pero sa panahong ito kailangang baguhin ang mga dating gawi. 

Marami akong dapat ipagpasalamat sa katapusan ng taong ito dahil may pagkakataong kamuntikan nang matuldukan ang aking buhay sa pag-umpisa pa lamang ng taon na ito. Sa mga nakakakilala sa akin at alam ang aking istorya ay naoperahan po ako sa puso noong buwan ng Enero sa taong ito. Matagumpay naman ang aking naging operasyon at pasalamat ako ng sobra sa Poong Maykapal sa pangalawang buhay na kanyang ipinagkaloob sa akin at sa tuluy-tuloy na biyaya na aking natatanggap. Ganyan kabait ang ating Panginoon ginantimpalaan ka na niya ng pangalawang pagkakataon na mabuhay ay hindi ka pa rin niya pababayaan sa mga pangangailangan mo sa pang-araw-araw. Nawala sa akin ang trabaho ngunit maka-ilang buwan ay natanggap ako sa work-from-home job na mas higit na mataas ang nakukuhang pangkabuhayan kaysa doon sa nauna. Though mabigat ang mga trials ang ibinibigay sa atin pero hindi niya ito ibibigay sa atin ng alam niyang hindi mo kakayanin, ika-nga Trust the Process lang and God has a better plan for you na mas makakabuti sa iyo pero kailangan mo munang pagdaanan ang mga pagsubok. Pero lagi nating tatandaan na once you received your victory always remember that someone is facing a defeat on the day you clinch that victory. Kaya laging tandaan na palaging maging mabuti sa kapwa dahil hindi natin alam ang pinagdadaanan niya sa araw-araw. Always choose kindness above all.

Alas-tres y media ng madaling araw akong nagising at nag-ayos, tamang hilamos lang ayaw ko kasing maligo dahil napakalamig ng tubig sa madaling-araw kaya sa makakatabi ko ulit mamaya "Peace be with you" na lang ha. Taong 2013 pa lang ay ginagawa ko na ang magbisekleta papuntang simbahan. Pasalamat talaga ako at nakabili ako ng bagong bisekleta para na rin makapag exercise tuwing umaga at eto ang ginagamit ko ngayon papuntang simbahan. Gusto ko sanang mamigay ulit ng pagkain sa mga stray dogs sa madaling araw ngunit wala na akong nakikita sa kanila halos lahat ata ng asong gala ay nakuha na ng city pound. Nakakaawa lang kasi imbis na nakakadiskarte sila ng kanilang makakain eh sa lugar na ito dito sila hinuhusgahan ng tao na hanggang tatlong araw lang ang buhay mo kapag walang nag-adopt sayo. Napakaunfair ng buhay para sa mga hayop anoh? Binigay sila sa atin ng Diyos para gabayan at alagaan pero ano ang ginagawa natin? Sinasaktan natin sila, ang iba ay kinakain, ang iba ay tinutuldukan ang buhay dahil walang mga mag-aadopt sa kanila. Pero hindi ako tumitigil sa aking pagdarasal na balang-araw ay mababago ang mga batas sa city pounds na yan at maghari sana ang mga dog sanctuary kung saan "no kill solution" ang batas. 

Leo Valdez - 'Kampana ng Simbahan'

Sampung minuto lang ang aking pagpadyak at narating ko na ang simbahan. Maraming tao at hindi na ako nakapasok sa loob ng simbahan sapagkat hanggang sa labas na ang mga tao. Ayos lang naman kasi paniguradong mainit sa loob. Ang pinakamaraming nagsimba ay halos mga kabataan at sila ay grupo-grupo ang nakakalungkot lang ay nandoon ba talaga sila para magsimba? Mas lamang kasi ang kuwentuhan kesa sa pagpaparticipate sa psalmong tugunan at pagkanta ng mga awiting pangsimbahan. 

Ang homily sa unang gabi ng Misa De Gallo ay tungkol sa mga pangako ng ating Panginoon na kaniyang tinutupad. Mayroon tayong Diyos na marunong tumupad sa kaniyang mga pangako na inihambing naman ng pari sa mga tao kagaya na lamang ng mga taong may mga pagkakautang nako dito sa puntong ito ay marami ang tinamaan ang mga nangangako na mababayaran nila ang kanilang pinagkautangan. Bato-bato na lamang sa langit ang tamaan ay sapul. Isinama rin ni Father ang mga ikinasal at nagsumpaan na magmamahalan sa dambana ng ating Panginoon kung matibay pa ba ang kanilang pagmamahalan at tapat pa rin sa isa't-isa dahil may mga kakilala daw siya na limang taon pa lang nagsasama ay hiwalay na at sa hiwalayang ito ay dito naman daw nabubuo ang mga anxiety, depression at minsang nauuwi sa suicide na mga kabataang napapabayaan ng mga magulang sa kadahilanang broken family sila. 

'Lord, ako po yung photobomber niyo at walang ligo'

Natapos ang misa at siyempre di mawawala ang mga pagkain sa gilid ng simbahan. Di mawawala ang mga puto bumbong, bibingka, ihaw-ihaw, mami, mamilog mga pampainit na sabaw sa ating mga sikmura at siyempre nakadalawang sampung pisong taho ako kanina. Nakakamangha naman na pagkatapos na pagkatapos ng misa ay pumatak ang banayad na ulan na nagmimistulang parang blessings mula sa kalangitan.

Iyan lang muna sa ngayon ang kuwento. Ewan ko lang kung makaka day two pa ako.

But who knows, history in the making pala ito. Basta kitakits sa simbahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento