Pages

Biyernes, Agosto 25, 2023

90s Lifeline: Ang Tren ng Buhay

'Maroon, Orange at beige yan ang kulay na orihinal na bagon sa LRT noon'


Taong 1997 pagkatapos ng aking 3rd year high school ay naranasan ko na ang pagsabak sa hirap ng pagcocommute papasok sa eskuwelahan. Nakatira kami noon sa San Andres Bukid, Manila pero dahil hindi na pinarerentahan ang aming bahay sa Tuazon st ay kailangan na naming lumipat ng bagong matutuluyan. Dito sa taon na ito iniwan ko ang panahon ng aking kabataan sa Maynila at ito na rin ang hudyat ng paghihiwalay ng aming mga kamag-anak. Dito ko namiss and aking mga pinsan at ang aking Tita Martha ang panganay nila nanay. Nakahanap kami ng bahay sa lungsod ng Paranaque sa Multinational Village kung saan katabi lang ng NAIA airport ang lugar. At dahil graduating na ako sa high school ay hindi na ako pinalipat nila ermats ng eskuwelahan kaya walang choice at kailangan maglaan ng oras para bumiyahe papasok ng eskuwelahan.

Ang LRT ang pinakamabilis at pinakareliable na transportasyon noon para makarating ka kaagad sa iyong pupuntahan. Bagama't maraming challenges sa unang taon ng aking transportasyon ay nasanay na rin sa araw-araw na pagpasok at pag uwi. 

Paano ko mailalarawan ang LRT noon?

Halos wala naman pagbabago sa Light Rail Transit mula sa stiff edges na kanilang hagdanan sa ibaba hanggang paakyat kaya pagdating ng tuktok habol hininga ka na lalo na kami na medyo tumatanda na ang edad. Marahil nga ay hindi ko na kakayanin mamanhik manaog sa hagdanan ng LRT sa ngayon. Alam mong nasa Pilipinas ka kapag nakita mo ang beige tiles na aapakan mo pagdating mo sa taas may lima o hanggang anim na stall na hulugan ng tokens sa gitna at sa gilid may booth na pinabibilhan ng tokens.Oo nga pala baka magtaka kayo na ang gamit kong salita ay "tokens" pa sapagkat noon tokens pa ang hinuhulog namin para makasakay ng tren hindi katulad ngayon na access cards at pag-swipe na ng cards ang ginagamit para makapasok ka sa loob. Token na kasing-laki ng piso ngayon pero makapal ng kaunti at may carving ng logo ng LRT.


'Kapag naabutan mo pa ang orihinal na token ng LRT malamang nirarayuma ka na'

Ang pinakamurang pamasahe na aking naabutan ay 6 pesos kung sasakay ako mula Baclaran at bababa ako ng Quirino station pero kailangan maglaan ka ng oras, mahabang pasensiya at mabilis na pagkilos sa pagsakay ng LRT dahil asahan mo na makapal ang tao para sa mga unang batch ng sasakay sa pagbukas ng LRT ng alas singko ng umaga. Pagdating naman ng aking uwian ay medyo maluwang na dahil yung mga nanggaling ng Monumento ay nabawasan na ang mga pasahero pagdating ng Vito Cruz at wala na sigurong mas susulit pa na pamasahe pauwi sa halagang "piso" hanggang Baclaran. Super tipid at sulit at maluwang pa kaya naman mas fresh ako pag-uwi kesa sa pagpasok. 

Kung ikaw ay maghihintay na padating na tren sa katanghaliang tapat sa kalagitnaan ng oras ng alas dos at alas tres dito mo mararamdaman yung common vibes ng antok at bagal ng oras at bagal ng pagdating ng tren. Nakakasakay ako ng ganitong oras tuwing periodical examinations namin kasi maaga kaming nakakauwi mula sa eskuwelahan. Sasabayan pa ng mga old songs na tugtugan sa LRT stations. Kadalsan kong naririnig ay yung mga kantahan ng Scorpion, "Wind of Change", Tiffany's, "All this time" at "Another day in Paradise" ni Phil Collins.

Sa totoo lang LRT's music on every stations are good for the old souls. I really feel the 80s and 90's vibe noon at the end of the 90s era. It was already 1998 going 99 when I have my first commute at natutong mag commute as part of growing up during the 90s. Pero, sa totoo lang hindi ko pa hilig ang mga ganitong tugtugan noon late ko na sila na-appreciate during my 30s. But as they said. "good music never dies" and it is hanggang maappreciate na lang natin sa pagtanda na maganda nga kung ikukumpara lang din sa mga usong kantahan sa kasalukuyan. 

Tuloy ang musika niyan hanggang nasa tren ka na pero medyo garalgal na at titigil ang musika kapag malapit na sa susunod na estasyon dahil magaannounce na... "Libertad Station, "Libertad station" sabay bukas ng mga pinto ng tren na animoy tunog ng tinanggal na oxygen mask at kumpul kumpol na tao ang maglalabasan. May tutunog naman na parang tunog ng modem mo sa loob ng computer noong 90s habang kumokonek sa Internet hanggang sa magsara muli ang pinto at tutuloy sa susunod na destinasyon pagkatapos nito mga kaunting paalala at balik na uli tayo sa musika... 

🎵 All this time 
All in all, I've no regrets
The sun still shines, the sun still sets
And the heart forgives, the heart forgets
Oh, what will I do now with all this time? ðŸŽµ


'Dito ako laging bumababa sa Quirino Station kapag papasok sa eskuwela'



Nasubok ako ng katatagan sa pagcommute, sa pagpasok at paguwi at sa pakikipagsapalaran sa pagsakay ng LRT. Ang ibig kong sabihin ay hindi lahat ng pagkakataon ay swabe ang biyahe may mga oras na susubukin ka talaga ng hirap para makauwi katulad na lamang ng mala-sardinas na pakikipagsiksikan tuwing rush hour. Yung hindi mo na maramdaman ang lamig ng aircon dahil sa sobrang jampacked na pasahero. Tagaktak ang pawis at basang uniporme pagkalabas ng tren sabay tatama sayo ang malamig na hangin sa labas kaya kadalasan sakit ang inaabot ko. Wala atang buwan na ako ay may trangkaso. 

'Ganito ang mga tugtugan noon sa Quirino Station habang naghihintay ng tren'

Isa sa mga hindi ko makakalimutan ay tuwing may mga pa-project ang school. Nalalapit ang Pasko noon at siyempre hindi mawawala sa mga panahong ito ang mga pa-project tungkol sa pagdisenyo ng mga parol. Nagawa ang aking parol at ara ng submission dito ko namublema ng husto kung paano ko isasakay ang malaking parol na ito sa loob ng malasardinas na LRT dahil siguradong mapipisat ito ng wala sa oras. Ito na nga ata yung pinaka cramming at crying time na ganap ko sa buhay dahil nabutas nga ang parol sa siksikan at nabawasan ang mga disenyo at wala akong choice kung di mag cram sa araw ng submission. Bumili ng materyales at inayos muli ang aking parol. Torture! 

Dumating din ang araw na muntik ko na sukuan ang pagbiyahe sa araw-araw. Dito sa araw na ito ako'y naging si Iron Man hindi ang superhero kundi ang patatagin ka ng super bagyo at binansagan ang sarili bilang Iron Man. Tandang-tanda ko pa na kumain muna kami noon sa gotohan kasi nga napakalakas na ng ulan, kumbaga pampainit lang sa pakiramdam at kadalasan ay nagkakayayaan talaga kami ng mga kaklase ko na kumain muna ng Goto at itlog sa Sinangag Food house bago magsi-uwi sa kanya-kanyang tahanan. Gumagabi na pero walang tigil ang pagbuhos ng ulan. Hindi pa uso ang cellphone kaya wala rin akong kontak sa aking nanay sa panahong yun. Tumila ang ulan, wala akong payong, wala akong kapote, wala ako kahit anong panangga sa ulan. Nilalakad ko lang talaga mula sa aming eskuwelahan hanggang sa Quirino station ng LRT. Nakarating ako sa paanan ng hagdan ng LRT ng hindi pa nababasa dahil tumigil ang ulan pero ang kamalasan tumigil na pala ang operasyon ng LRT dahil sa lakas ng ulan itinaas na ang signal ng bagyo sa pangalawang signal. Wala ka na rin makikitang jeep na bumabiyahe dahil unti-unti na tumataas ang tubig lalo na sa Taft Station. Kung meron man, punuan pati mga nakasabit nagpaka-basa na makauwi lang sa kanya-kanyang bahay.


'Isa pang kanta na kadalasang naririnig ko sa estasyon ng LRT noon ang kanta ni Debbie Gibson'


Habang sinusulat ko ang parteng ito ay nagkakaroon ako ng kaunting anxiety dahil nga sa kalagayan ko ngayon kasi alam kong hindi ko na ito magagawang muli ang maglakad mula Quirino Station hanggang pauwi ng bahay namin sa Multinational Village, Paranaque kasabay ng lakas ng ulan, ginaw at ngatog sa lamig at mga bahaing lugar na aking nadaanan na may kasamang kaba dahil noon ay maraming open manhole sa kalsada. Pagdating ko ng Baclaran aasahang may jeep na akong masasakyan ay nanlumo ako dahil walang bumabiyaheng Sucat Hi-way, sa isip-isip ko maglalakad na naman ako ng ilang kilometro pa bago makauwi sa home sweet home. Tuloy ang lakad ala Johnnie Walker keep on walking. Ramdam ko na talaga ang hapo pero sobrang drain nung nakita ko na hanggang baywang na ang lalim ng baha bandang NAIA dahil dadagdag pa yung pagod sa pagsikad sa malalim na tubig. 

Nakauwi ako sa wakas sa aming bahay pero parang binuhusan ako ng langit at lupa dahil pag uwi ko ay naglulutangan na ang aming mga gamit. Hanggang beywang na rin ang baha sa loob ng aming bahay. Isa ito sa mga hindi ko makakalimutan na nangyari sa aking buhay.

Malapit na ang graduation noon at naglalakad ako mag isang pauwi sa tapat ng De La Salle University sa Vito Cruz, Manila. Normal na araw galing eskuwela di ko inaasahan na may mangyayari hindi maganda sa akin. Habang malapit na ako sa paanan ng LRT ay pinaligiran ako ng pito hanggang walong kabataan mga pormang gangster na mga naka-alpombra. May isang humablot sa aking bag na rattan. Pinakita ng isa na may kutsilyo siyang nakatago sa kanyang likuran. Kinuha nila ang aking wallet, sumbrero at Benetton na relos na regalo sa akin ng nanay ko noong aking kaarawan. Pumalag ako pinagmumura ko sila para makakuha ako ng atensiyon sa tao pero ramdam ko na biglang may sumuntok sa aking mukha hanggang sa nagpulasan patawid sa kabilang kalye. Natatandaan ko na nanghingi ako ng tulong noon sa security guard ng KFC pero alam kong wala naman siya magagawa dahil hindi rin siya makakaalis sa kanyang poste. Inalalayan niya nalang ako makaakyat hanggang sa LRT. Mula doon akala ko tapos na ang pagkabog ng puso ko hindi pa pala. Habang naghihintay ako ng paparating na LRT ay nangangatog na ko sa takot lalo pa nung nakita ko sa bandang unahan ay sinundan pala ako dahil nga piso lang ang ihuhulog mo hanggang Baclaran ay pwede ka nang makasakay noon sa LRT. Dumating ang tren at sumakay ako ng LRT. Alam ko sumakay din ang mga damuho pero nasa magkahiwalay kaming bagon. Pagkababa ko agad ng Baclaran ay tumakbo na agad ako sa maraming tao , takbo ako hanggang Redemptorist para makasakay agad ng Sucat. Hindi na nila  ako nasundan at kinabukasan ay nakipag coordinate ako sa kaklase ko na may tatay na pulis at sinuyod nila lahat ng rugby boys na tambay sa Vito Cruz hindi ko lang alam kung kasama doon ang mga nangholdap sa akin. Hindi ko na nabawi ang aking bag, wallet at ang regalong bigay sa akin ni nanay. Ito naman ay isa sa mga action-packed ko na karanasan sa kalsada at pati na rin sa LRT. 

'At dito naman ako sumasakay pauwi kasi piso lang ang inihuhulog na token sa LRT at dito sa
saktong lugar sa larawan ako naholdap ng mga batang rugby boys'


Ilang beses na rin akong nadukutan sa LRT at ang kadalasan talaga ay relos hindi ko alam kung anong mahika meron ang mga mandurukot at hindi ko man lamang nararandaman habang ginagawa nila ang kanilang masamang gawain. Dito ko rin naranasan ang paghinto ng LRT dahil nasiraan ang nasa unahan namin na tren at halos isang oras kami na nakatigil lang. Pero pasalamat pa rin dahil hindi ko narasan ang maglakad sa riles kapag nasisiraan ang tren. 

Bagamat sa dami ng hindi magandang karanasan ay wala akong pinagsisisihan sa pagsakay ng LRT dahil ito ang pinakamabilis na uri ng transportasyon, malamig. komportable lalong lalo na yung mga tagpong pag akyat ko ng station platform eh may maluwag na train tapos maghihintay ng kaunting pasahero dahil napakaluwang pa habang natugtog ang Christmas songs sa buong station. Isa sa pinakamagandang vibes na aking naranasan. Para sa huling salita hindi ang LRT ang nagbibigay ng hindi magandang karanasan sa isang tao kundi ang kanyang kapwa tao. Sa mga pasahero ng tren mag-ingat sa mga mandurukot at para sa mga kababaihan mag-ingat sa mga manyakis.

Magandang gabi!

🎵 Say goodbyeA bond we'll make another timeBut don't be sorry if you cryI'll be crying too 
All this time ðŸŽµ





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento