Menu

Linggo, Hunyo 14, 2026

Sacred Sinaing

 

Every cooked rice is a blessing from God

May mga bagay na unti-unting nawawala sa paglipas ng panahon. Isa na rito ang malalim na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa bigas at sa sinaing na lulutuin. Para sa nakatatandang henerasyon, lalo na sa ating mga lola at lolo, ang kanin ay hindi lamang pagkain. Isa itong biyaya, bunga ng pawis, at simbolo ng buhay.

When I was a little kid on C. Tuazon Street, San Andres, Manila, ako minsan yung taga-tawag sa mas nakakatanda sa akin kapag nakikita ko na ang usok ng kaldero ng sinaing namin. Para sa akin kasi malapit na yung mainem. Oo, ang work na "mainem" ay ginagamit kapag luto ang sinaing at puwede nang sandukin ang kanin sa kaldero. Isa itong salitang medyo malalim na Tagalog na natutunan naming mga bata. 

Noong araw, iba ang paghahanda ng bigas bago ito maging mainit na sinaing sa hapag-kainan. Hindi basta kinukuha sa sako at inilalagay sa kaldero. Madalas, makikita natin ang ating mga lola na inuuna munang ilagay ang bigas sa bilao. Dahan-dahan nilang hinihipan o kinakalikot ang mga butil upang alisin ang maliliit na bato, ipa, at iba pang dumi na maaaring nakahalo rito. Isang simpleng gawain, ngunit nagpapakita ng paggalang sa pagkain na ihahain sa pamilya.

Ang lola noon ay nauupo pa sa kanyang tumba-tumba habang hawak ang bilao at binubusisi nang maigi ang bigas para tanggalin niya ang ilang dumi dito. Napakanostalgic nito para sa akin na alalahanin, habang palubog ang araw at sa tapat niya ito ng bintana ginagawa.

Pagkatapos nito ay saka pa lamang huhugasan ang bigas sa kaldero. Maingat ang bawat galaw. Hindi nila hinahayaang may masasayang na butil habang hinuhugasan ito. Para sa kanila, bawat piraso ng bigas ay mahalaga. Bawat butil ay may kuwento ng paghihirap ng magsasaka sa ilalim ng tirik na araw, ng pag-aararo sa putikan, ng pagtatanim, pag-aalaga, at pag-aani.

Inaalaala rin noon ng mga matatanda kung ilang takal ng bigas lamang ang dapat isaing sa bawat kainan upang maiwasan ang anumang masasayang. Hangga't maaari, dapat ay sapat lamang para sa buong pamilya. Kapag may naiwang kanin na napanis at nauwi sa pagtatapon, tiyak na may kasamang sermon mula sa mga nakatatanda, dahil para sa kanila, ay hindi lamang ito simpleng pag-aaksaya ng pagkain kundi pag-aaksaya rin ng biyayang ipinagkaloob ng Diyos. Ganito kalalim ang pagpapahalaga ng mga Pilipino noon sa kanin—isang pagkain na hindi lamang itinuturing na pang-araw-araw na pangangailangan, kundi isang grasya mula sa Panginoon na dapat igalang at pahalagahan hanggang sa huling butil.

Kaya naman lumaki ang maraming Pilipino na may isang paulit-ulit na paalala mula sa kanilang mga magulang at lolo't lola:

"Ubusin mo ang kanin sa plato."

At kapag may natirang kahit ilang butil lamang, agad nating maririnig:

"Huwag mong sayangin ang biyaya ng Diyos."

Marahil noong tayo ay bata pa, iniisip natin na simpleng pananakot lamang ito upang mapakain tayo nang maayos. Ngunit habang tayo'y tumatanda, mas nauunawaan natin ang lalim ng aral na iyon.

Ang bawat butil ng kanin ay hindi basta produkto ng isang makina o tindahan. Dumaan ito sa mahabang proseso. Mula sa binhing itinanim sa bukid, sa mga magsasakang nakikipaglaban sa init, bagyo, baha, at peste, hanggang sa makarating ito sa ating mesa. Bawat kutsarang kanin ay bunga ng sakripisyo ng maraming tao. Sama-samang effort upang magkaroon ng masaganang pagkain sa mesa ang bawat pamilya. 

The Dawn - Magtanim Ay Di Biro

Sa kulturang Pilipino, ang kanin ay sentro ng pagkain. Ika nga ng iba at ng mga dayuhan, "Rice is life in the Philippines." Kahit gaano kasarap ang ulam, tila hindi kumpleto ang kainan kung walang sinaing. Ito ang dahilan kung bakit napakalaki ng respeto ng ating mga ninuno sa bigas. Hindi lamang dahil ito ang pangunahing pagkain, kundi dahil ito ang sumasalamin sa halaga ng sipag, tiyaga, at pasasalamat.

Sa kulturang Pilipino, napakalalim ng ugnayan natin sa kanin na halos anumang pagkain ay maaari nating ipares dito. Kahit pa kapwa carbohydrates ang pagsasamahin, hindi ito hadlang sa maraming Pilipino. Karaniwan nang makakita ng pansit na inuulam sa kanin, spaghetti na may kasamang isang tasang mainit na sinaing, o maging tinapay at instant noodles na sinasabayan pa rin ng kanin. Para sa marami, hindi kumpleto ang pagkain kung walang kanin sa mesa.

Maaaring pagtatakhan ito ng mga dayuhan, ngunit para sa mga Pilipino, ang kanin ay higit pa sa simpleng side dish. Ito ang pundasyon ng bawat kainan at bahagi na ng ating pagkakakilanlan bilang isang bayan. Maging sa mga handaan, piyesta, o simpleng hapunan sa bahay, madalas na makikita na ang kanin ang sentro ng salu-salo. Ipinapakita lamang nito kung gaano kahalaga ang bigas sa ating kultura—isang pagkain na hindi lamang nagbibigay-busog kundi sumasalamin din sa ating kasaysayan, tradisyon, at pagpapahalaga sa biyayang ipinagkakaloob ng Diyos.

Sa panahon ngayon, madalas nating makita ang mga natitirang kanin na basta na lamang itinatapon, lalo na sa mga fast food restaurant. Minsan ay nakalilimutan natin ang mga aral na itinuro ng ating mga lola habang nakaupo sila sa tumba-tumba, hawak ang bilao, at maingat na pinipili ang bawat butil ng bigas. Ngunit marahil panahon na upang balikan ang mga simpleng kaugaliang iyon.

Ang pag-ubos ng pagkain ay hindi lamang tungkol sa pagtitipid. Isa itong anyo ng paggalang—sa Diyos na nagbigay ng biyaya, sa magsasakang nagtanim nito, at sa mga magulang at lolo't lola na nagturo sa atin ng wastong pagpapahalaga sa pagkain.

Sa bawat mainit na sinaing na nakahain sa ating mesa, naroon ang isang tahimik na paalala: huwag nating sayangin ang biyayang pinaghirapan ng marami.

Sapagkat para sa ating mga Pilipino, ang kanin ay buhay, kultura, alaala, at biyaya na dapat pahalagahan hanggang sa huling butil.

Ang paksa sa blog post na ito ay napakalapit sa karanasan ng maraming Pilipino, lalo na sa mga lumaki noong dekada '70, '80, at '90, kung kailan ang pagrespeto sa bawat butil ng kanin ay bahagi ng araw-araw na pagpapalaki ng pamilya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento