Pages

Martes, Abril 8, 2014

Kamusta naman Lapis mo?

Musta naman Lapis mo utoy? nene?

Anak ng tipaklong title pa lang weirdo na. Sino nga ba naman ang magtatanong at kakamustahin ang bagay na hindi naman kumikilos o humihinga? May social life din ba ang lapis mo para kamustahin siya? Yun bang pangangamusta may kasamang feelings at concern? Pero bago ka bumuo ng Inter Tropical Convergence Zone sa utak mo at sabihin mong siraulo na ang author ng blog na ito hayaan mo munang mabasa ng buo ang gusto kong isalaysay at bigyan ng saysay sa iyo. Relaks kalang dahil ako na nagtanong nito ay garantisado namang ginagamit ko ang utak ko ng mahusay at hindi ko pa ibebenta sa sulit.com este olx.ph na pala. At
syempre kung matino ka rin naman, tiyak na magkakaintidihan naman tayo. So here we go, sago...

Mahilig ako sa lapis. Bata palang amazed na ako sa lapis. Ito ngang pagkakatanda ko, kapag nakakahawak ako at gumagamit ng lapis, may kakaibang yanig o thrill akong nadarama. Para sa akin, mas higit pa ito sa baril-barilan, espadang patpat, lightsaber swords, bola, goma, eroplano, bangkang papel, robot, karton, tansan, jackstone, balat ng kendi, kahon ng posporo and the rest are fragile and trash toys. Napakadali kasing ihandle ng lapis at paglaruan. Parang lite version ng asking espadang patpat. Andun pa rin yung nakasanayang tulis na sapat ipangtusok ng mata ng bawat buskador, alaskador, bullyador at mapang-alipin mong mga kalaro. Panigurado kapag hawak ko na ito wala ng makakalapit pa. Bagaman, hindi naman talaga yun ang purposed ng hawak kong lapis, may gumagawa lang talaga ng ganun, pero hindi ako yun ha. Honesto! Promise!

Pero sa panahong nagigipit at naiipit, sa lapis ako kumakapit. Alam kong pwede ko na rin yun magamit as a weapon. Swerte na lang nila at maputi ang aking budhi at never ko pa naman talaga nagawang manusok ng eyeballs. Dahil kadalasan, matino ako mag-isip, resonable at fair ako sa lahat ng bagay (naks!). Lagi kong iniiisip yung consequences pag ginawa ko yun at siyempre naniniwala tayo kay Mama Karma baka sa pagdating ng panahon eh mas matindi yung balik kaya di bale nalang. Mang-asar man sila mapapagod din yan at lalawit lang dila ng mga yan. Iniisip ko rin baka mabakli yung lapis ko kawawa naman. Kapag nabali manghihinayang ka rin sa mga advance features na meron sa lapis kumpara sa paborito kong espadang patpat. Ang lapis  pwedeng ipansulat malamang sa papel, pader, sahig, damit at marami pang iba. At sana ako ang unang makagawa ng graffiti sa wall n ayari sa pagkakasulat ng lapis! Hayup yun! naiiisip ko pa lang pumapalakpak na tenga ko sa tuwa! So kung pantusok lang din naman may mga alternatib katulad ng ting-ting, barbekyu stiks ang pwede gamitin just in case di ka na makapagpigil. Tapos nung pumasok ako sa skul nagkaroon ng maraming kabarkada ang lapis ko. Sobrang tuwa ko dahil meron nang iba't-ibang kulay, tulis, tigas at tingkad. At sabi naman sa akin ng Super Nanay ng buhay ko ang tawag dun ay "krayola". Sabi ko naman sa kanya colored lapis lang yun 'nay. Until nalaman kong mag-nanay nga kame dahil mali ang aming bawat saloobin, ang tawag pala duon ay "Crayons". Tatak lang pala yung Krayola. Parang yung Frigider na tatak pala ng Refrigerator, yung Colgate na tatak ng toothpaste, at Xerox na tatak ng photocopier minsan nakakaumay....nakakalito. Tapos naging aware na rin ako na pagsamahin ang paggamit ng crayon at paborito kong lapis. Kaya kong drowingan at kulayan ang lahat ng surface na pwede. Parang paggawa ng Diyos sa mundo drowing muna, lahat muna draft bago lalagyan ng nakabibighaning mga kulay lalo na kapag fuschia pink o di kya kinky pink.

Basically, anglapis ay ginagawa kong panulat. Kahit puro lines, zigzags, abstracts, small circles at big circles lang ang nagagawa ko sa umpisa hanggang sa natuto ng iba pang symbols, numero at letra. At itong symbol na ito ang pinaka obra maestra kong nagawa "8===D " ang buto ng aso, hindi yang kung anong bastos ang nasa utak mo ngayon, walang ganun! burahin mo yang nasa isipan mo ng pambura kong lapis.

Gudnews!, dahil marami akong natutunan. Hanggang sa feeling ko lumelebel up na ako dahil tumataas na yung nakalagay na numero sa mga ginagamit kong mongoloid pencils. Hanggang sa malaman kong may sistema at pagkakaklasipika pala sa mga ginagamit kong panulat. Yun bang mga numerong (1,2,3,4) o letra (H-ard, B-lack, F-ine) na pangkaraniwang makikita sa katawan ng lapis. Tsk! ako lang pala ang nag-aakalang lebel up na yun. Hindi pala.

Sa panahong lumipas, iba-ibang klase na rin ang nagamit ko. Merong mahaba, mataba, matulis ang tasa, hubad o yung walang bahay, nawalan ng pambura, pudpod ang pambura, mar marka ng kagat ng ipin. Pero lagi pa rin akong may lapis no matter what. Madalas ko pa rin itong pinaiikot sa mga daliri ko pag meron akong iniisip na malalim o kahit kapag wala lang. Minsan isinasabit sa tenga o sa ilong kapag yung tipong wala ka na talagang magawa sa buhay mo o bored na bored ka na. Minsan naman gumagawa ng beat sa pamamagitan ng marahang paghampas ng lapis sa mesa nagiging little drummer boy for a while with pencil drumsticks. Gayunpaman, lagi kong iniingatan ang lapis ko, iniingatan ang lahat ng bagay na mahalaga sa akin. Hindi na rin ito basta-basta nababakli kahit ilang beses pa bumagsak. At sinisigurado ko ring  always sharp and bold ito for whatever purpose it may serve. Hindi na ako masyadong mapili sa kulay, kinis o brandname na makikita sa panlabas nitong itsura. Ang mas inaakaka ko na ngayon ay yung purong lapis na nasa loob ng kahoy.

Dahil kung yun ang mismong sa loob ang mabali o masira, kahit pa sabihing buo pa naman yung nakabihis ditong bahay ay wala na rin kwenta, wala ng silbi. May cancer na lapis at may taning na ang buhay. Wala na sa katinuan. Hindi na ito kayang lumikha linya, o hugis, o anumang letra o numero. Hindi na ito mabisa para makabuo ng salita, ng pahayag, ng komento, ng inspirasyon, ng sining. Hindi na pwedeng  tasahan pa ulit, upang tumalas pa at mahubog. Ito'y kahalintulad na lang ng ordinaryong patpat para ipanusok sa kapwa o ipansaksak. Naglaho na ang malikhaing  kagamitan. Ang natira ay yung pisikal, yung brutal, yung sandatang nkakapinsala ng lupang katawan. Yung pwedeng-pwede na itapon. Iwala. Dahil wala namang laman. Wala na. Paalam lapis kong mahal.

Kaya nga ang tanong ko ngayon sa'yo, "Kamusta naman ang lapis mo?"
Ako? Ayos na ayos pa naman. Sharp, Bold and Deadly!.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento