Pages

Huwebes, Setyembre 11, 2014

Baryacology 101


Isang magandang gabing tahimik para sa lahat!

Ayoko mag-isip kung anong isusulat ko sabi ng guru ko magsulat ka lang ng magsulat wag mong planuhin, kung anong iniinterpret ng mensahe sa utak mo isulat mo. Ngayong gabi di ako nag-isip hinayaan ko lang gumalaw ang mga bagay sa paligid, hinayaan kong kalmado ang membranes, kung anong unang pumukaw sa isip at magpapansin sa mga bagay sa loob ng apat na kwadradong kwartong ito iyon ang bibigyang kong pansin.

Hanggang sa........

May umalingawngaw sa sahig isang bagay na nagbigay panaghoy sa tahimik na gabi. Kagulat-gulat, kapansin-pansin. Mula sa ibabaw ng aking computer table nahulog, gmulong at lumagapak sa sahig ang tatlong bilog na bagay. Hindi isa, hindi dalawa kung di tatlong bente singkong barya ang nagbigay ning-ning sa aking mata. Gumana ang natutulog na balbula ng isipan, nagalawan ang mga spaghetti-like nerve cell sa utak, ngayon puno na ng kuryente ang diwa powered by three 25 centavos that kiss the floor.

Hindi kaya dahil nagparamdam ang mga bente singko sentabos sa sahig dahil hindi ako nagbabayad ng tamang pamasahe sa jeepney? Mula otso pesos, ngayon otso-singkwenta na ang pamasahe. Sinasabi kaya ng tatlong bentsingkong iyon na wag ka madugas at magbayad ka ng tama. Ngayon ko lang napansin na marami pala akong barya sa ibabaw ng kompyuter table. Pero minsan kung magbayad ka naman ng nueve pesos eh ang siste hindi ka rin naman susuklian kaya quits lang tayo Manong driver.

Nagparamdam kaya ang tatlong bente singko dahil ba narinig ko ang kanta ni Dingdong Avanzado kaninang tanghali sa isang OPM radio station? Naaalala ko pa ang lyrics "Tatlong bente singko lang ang aking kailangan. Upang makausap ka kahit sandali lang." Isang kantang pang romantiko, na ginamit ang tatlong bente singko bilang bridge para makausap ang sinisinta sa isang phone booth. Walastik mahalaga pala talaga ang mga barya, pwedeng gamiting medium panglandi sa nakukursunadahang ligawan. 

Marami naman talagang advantage ang barya, hindi ka naman siguro makakakita ng sticker sa jeep na "BARYA LANG SA UMAGA" kung hindi talaga mahalaga ito. Paano kung wala kang barya? Paano kung walang panukli si Manong ng ganun kaaga? Puwedeng hindi ka na niya pagbayarin dahil malapit ka ng bumaba. Oo advantage sayo kasi nakalibre ka, pero naman tsong hindi mo naman kasalanan yun. At wag naman sana ko sisihin ng isang pang sticker na "HUDAS NOT PAY" dahil may pambayad naman ako wala lang talaga silang panukli.

No doubt maraming silbi ang barya, lalo na noong dekada nobenta. Sa pamamaraan ng transportasyon kung ikaw ay galing Vito Cruz station at gusto mo mapadali ang byahe pwede ka mag tren o LRT hanggang Baclaran sa halagang piso. Yun ang token mo yung piso mo at hindi pa uso noon yang mga swiper no swiping ngayon sa LRT at MRT. Dati hinuhulog lang ang token, sais pesos lang noon makakabiyahe ka na ng hanggang apat o limang destinasyon. Ngayon ang mahal na ng presyo para ka pang nasa loob ng lata ng sardinas sa sikip at hindi na safe ngayon magbiyahe sa mga tren. Kamakailan lang sunod-sunod ang disgrasiya. Iba na nga ang akronim para sa akin ng MRT sa ngayon dahil sa mga naghihiwa hiwalay na bagon habang bumibiyahe, bigyan natin ng bagong akronim ang MRT "Mamamatay Rin Tayo." Sa kasalukuyan ang halaga ng piso mo mauuwi na lang sa mga Piso Net.

Gayunpaman, mahalaga pa rin naman sa akin ang barya kahit pa yang mga sinusukli sa SM na diyes sentimo na may butas ang gitna itago mo pa rin yan dahil hindi mabubuo ang piso mo kung wala ang maliliit na value. Tsaka baka magalit si Dingdong Avanzado, sa barya ata siya namuhunan ng pag-ibig kay Jessa Zaragosa kaya naman napasambit ito pabalik ng "Parang di ko yata kaya kung ikaw ay mawawala pa." 

Paalam! yun lang at sanay may nakapulutan kang kalokohan sa gabing ito. :p 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento