Pages

Huwebes, Oktubre 30, 2014

Araw ng mga Buhay?


'Yung totoo Araw ng mga Buhay o Araw ng mga Patay'
Teka...Anong petsa na ba? Ang alam ko lang sweldo ngayon eh dahil atrenta. Oktubre na pala at dalawang araw na lang Nobyembre na, at pagkatapos nuon Disyembre na, makakatikim na naman ako ng keso de bola at hamon. Pero alam mo ba na bawat Kapaskuhang nagdaraan ay duon natin maaalala ang mga mahal natin sa buhay bukod sa pagdiriwang ng Undas. Dahil sa Pasko mo mararamdaman na kulang na ang pamilya at mga kamag-anak. Ang kasiyahan sa Pasko ay napapalitan ng sandaling pagkalungkot dahil sa matatamis na alaala ng nakaraan nuong kasama pa natin ang ating mga minamahal. Pero ganun talaga unahan lang talaga yan, di mo alam kung kelan ka susukbitin ni Kamatayan, kaya dapat lagi tayong handa. 

Taon-taon sa tuwing sasapit ang November 1, (kung saan ay All Saints Day and not All Souls Day), lahat ng tao ay dumadagsa sa sementeryo maging nasa probinsiya man o Metro Manila. Sa ating mga Pilipino eto ay naging tradisyon na upang dalawin ang mga mahal natin sa buhay na namayapa na. Para sa ibang bansa naman, kung saan Halloween ang katawagan nila. Ito daw ay para sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagsasaya sa tradisyon naman nilang "Trick or Treat" kung saan parang karoling na nagbabahay-bahay pero hindi kakanta. Nakasuot ang mga kabataan ng mga nakakatakot na mga maskara o kasuotan kakatok sa inyong mga pinto at magtatanong ng trick or treat? Mapa trick man o treat ang piliin mo ihanda mo na ang mga kendi o chocolotes na ibibigay sa kanila. O kung ayaw mo magbigay puwedeng ikaw ang manakot sa kanila para umalis sila sa tapat ng inyong bahay. 

Sa mga lumipas na taon, kapansin-pansin lang din na paunti na ng paunti ang mga dumadalaw sa puntod ng kanilang mga yumao. Eto ba ay dahil sa hirap ng buhay? dahil ba masyadong nakakatakot bumiyahe? O mas napaaga ang kanilang pagdalaw, o sa ibang araw sila dumadalaw dahil ayaw nilang sumabay sa kapal ng tao sa mga sementeryo.

Mapapansin mo rin na ang ibang dumadalaw ay para na lamang namamasyal sa parke at para lang silang nagpipicnic. Mayroon namang bagay na hindi nagbago. Eto yung mga naghahanap buhay sa araw na ito. Ang mga bulaklak na nagtaasan ang presyo, P100 o higit pa na parking fee, mga nagtitinda ng pagkain at kung anu-ano pa. Ang mga ganitong okasyon ay nagiging pagkakataon na lamang sa mga tao upang makapaganap-buhay. Oo makapaghanap-buhay sa araw ng mga patay! Cool!

Matutunghayan sa araw na ito ang pagkakabuklod ng pamilyang Pilipino. Marami ang umuuwi sa probinsiya at may ilan na galing pa sa ibang bansa, hindi lamang para magbakasyon, kungdi para ipanalangin ang mga kailanma'y di malilimutang yumaong kapamilya.

KATATAKUTAN O KASIYAHAN, hindi ito ang mga diwa ng Araw ng mga Kaluluwa. Higit pa ito sa pag-aalay ng bulaklak, pagsindi ng kandila, pagdarasal at pagbisita sa puntod ng yumaong minamahal. Bagkus, maganda itong pagkakataon para pagnilayan natin ang ating tungkulin sa lupa at gampanan ng mabuti habang tayo ay nabubuhay pa. 

At para sa mga taong ginagawang parang pista sa kasiyahan ang araw na ito, katulad na lamang ng pagiinuman, pagkakantahan ng videoke, pagpipiknik at pagsasakla sa sementeryo, ipinapaalala ko lang po na hindi ito ARAW NG  MGA BUHAY, kaya maraming respeto na lang po kaibigan sa kanilang tanging araw, ANG ARAW NG MGA PATAY.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento