Pages

Linggo, Oktubre 26, 2014

Ouija Board

'Wag na wag na wag, lalo na kung hindi ka eksperto.'
Yamang in-na-in na ngayon sa TV, social media at mga sinehan ang mga nakakatakot na palabas at mga paksa. Busugin na natin ang ating sarili sa mga katatakutan. Tutal isa ka rin naman sa mga katulad  nila na mapaglaro. Mapaglaro in a way na, tinutulak ng iyong isip ang pagiging mausisa sa mga bagay na hindi mo pa nabibigyang pansin o nararanasan. Kagaya na lang ng katanungang TAMA BANG MAKIPAG-UGNAYAN SA MGA PATAY SA PAMAMAGITAN NG OUIJA BOARD? at iba pang pamamaraan tulad ng spirit of the glass, coin at bolpen.

Kung personal na opinyon ko ang tatanungin mo, hindi ko gagawin yun dahil sa posibleng panganib na maaaring idulot ng ganitong hakbang sa mga taong gumagawa nito. Maliban na lang kung ikaw talaga ay isang eksperto at may katanggap tanggap rason kung bakit mo ito gagawin.

Kung gagawin lang itong katuwaan lalo na sa mga hanay ng mga kabataan ay magyaring wag na ituloy dahil sa posibleng masamang mangyari lalo na kapag nabuksan ang pintuan sa mababang antas o dimensiyon kung saan nananahan ang mga negatibong espiritu.

Mayroong mga kuwentong kapag nahalili sa isa sa inyo ang kaluluwa, maaari kayong kontrolin at bigla na lang mababago ang inyong pag-uugali. Mula sa inyong pagiging masayahin maaaring mapalitan ng kalungkutan at paghihiganti at pagiging bayolente. Dahil hindi mo alam kung anong klaseng kaluluwa ang maaari nyong matawag. Pinakanakakatakot na atang lumitaw ang matataas na uri at makapangyarihag kaluluwa, malas mo kung sikat na demonyo sa impyerno ang maka appointment niyo. Siguradong kamalasan at kamatayan ang idudulot nito sa iyo at sa iyong buong pamilya.

Mayroon akong kuwento, hindi siya nangyari sa isang pagtawag ng espiritu, hindi sa Ouija board o kahit anong medium na puwede tumawag ng espiritu. Ito ay ang istorya ng aking nakababatang pinsan na babae. Mula sa likod ng bahay, at labahan open-air at tanaw ang bukid. Maaliwalas sa umaga at dilim kung dilim sa gabi. Dito sa aming likuran maraming nagkalat na kahoy, uling, at piraso ng yero dahil na rin sa mga nagdaang bagyo dito na lang pinagsama sama ang mga ito para na rin merong pang dingas sa tuwing mag-iihaw ng aming pagkain. Ang pinsan ko na ito ay mahilig magsulat at magdrowing ng kung ano-ano hanggang sa may nakuha siyag piraso ng yero, makinis, malinis at nakakaaya talagang sulatan. Hawak ang pulang pentel pen gumuhit siya ng bilog at star sa gitna, tila animoy pentagram na nakasulat sa pulang tinta. Hindi niya iyon sinabi sa pag-aakalang wala lang yun at guhit lang ng imahinasyon dulot na rin ng mga napapanood sa TV. At dumilim na, iniwan niya ang kanyang iginuhit na nakaharap sa pinto sa likuran.

Yamang bakasyon sila ng aking tita sa aming bahay, dito sila matutulog sa amin ng isang linggo. Kinagabihan sila ermats at tita ay sa baba natulog at kame ng mga pinsan ko ay sa taas naman humimbing ng tulog. Sa tagal rin na hindi nagkita ni ermats at tita ay nagsawa silang magkwentuhan sa aming sala. Alas-dose na ng gabi ay gising pa sila, dahil bumaba ako nun para uminom ng tubig at mag CR. Ang kwento, alas dos ng madaling araw daw ay umalulong ang aking alagang aso na hindi naman usually na ginagawa. Sinaway nila ito at paulit-ulit pa rin na ginagawa. Natahimik din naman ang aso, pagkalipas ng labinlimang minuto ay nagising ulit sila dahil mayroon silang naririnig na tila nag-uusap na hindi maintindihan sa loob mismo ng bahay, ibang lengguwahe at hindi maintindihan, mga bulong na parang sa ilalim ng lupa ang kanilang narinig ng gabing iyon. 

Kinaumagahan, nagkwento sila sa amin at nagkaron na ng takutan. Bandang ala-sais ng gabi naman ng sumunod na araw, kumukuha ng litrato ang aking kapatid at pinsan sa harap ng aming mahabang pa-vertical na salamin. At nang subukan nilang tignan ang resulta ng mga kuha nilang litrato ay animong may humugis na pigura ng isang babaeng naka suot na puti at tila pamburol, karaniwan na suot ng isang white lady. Talagang sobrang sindak at takot ang naramdaman namin ng gabing iyon at ang matindi pa ang nangyari kila ermats nuong unang gabi ay nangyari pa ulit at sa parehong oras umalulong din ang alaga kong aso. Nuong gabing iyon halos lahat kame ay hindi na natulog, dahil kapag ka kame ay nahimbing baka hindi namen alam ang susunod na mangyari habang tahimik ang gabi. 

Umaga na at lahat kame ay napuyat, nung naglalaba na sila ermats ay nakita niya ang sign na idrinowing ng aking pinsan. Maaaring ito nga ang dahilan at kung saan mayroong nabuksan na gateway ng mga kaluluwa sa aming bahay. Pinagsabihan nila ang aking pinsan na huwag na ulit gagawa ng mga ganung signs at hindi niya alam ang simpleng kapangyarihan ng pagguhit ng mga ganoong bagay. Itinapon at isinilid ang yerong pinagsulatan at isinama sa basurahan para kunin ng trak ng basura. At nagpausok na rin kame ng insenso at nagdasal noong umaga. Noong gabing iyon ay mapayapa na at wala ng nangyaring ganoong insidente. At hindi na rin umaalulong tuwing alas dos ng madaling-araw ang aso kong si Garci.

Batay sa aking nalalaman, ang paggamit ng Ouija board, at spirit of the glass ay mabisang paraan para mabuksan ang pintuan ng kabilang dimensiyon lalo na sa daigdig ng mga patay. Ngunit ang panganib dito ay hindi mo matiyak na ang tinatawag mong pangalan ng sumakabilang buhay ay siya nga ang biglang darating sa sandaling ginawa niyo ang ugnayan.

Ito ay sa katotohanan na ang mga negatibo o masasamang espiritu ay maaaring magkunwaring sila ang inyong tinatawag para lamang makapasok sa daigdig ng mga buhay. Ibig sabihin, kahit sinuman sa mga espiritu sa kabilang dimensiyon ay maaaring magsabing sila ang inyong tinatawag ngunit sa katotohanan ay kampon pala sila ng kadiliman na nais lamang makipaglaro sa ginagawa niyong ugnayan sa kabilang dimensiyon.

Para sa akin hayaan na natin sila manahimik na lang at wag na gambalain pa dahil lang sa gusto nating maranasan at dahil na lang din sa curiosity ng tao. Kung meron man silang mensahe sa atin, ay marami silang paraan na gawin yun tulad na lamang ng pagpapakita sa ating panaginip, pagpaparamdam sa atin, pagpapakita sa atin kahit na tayo ay gising.

Hayaan na lang natin na sila ang magparamdam para sabihin ang kanilang mensahe hindi yung tawagin natin sila para maka-ugnayan. Ngunit may mga pagkakataong kailangang kailangang gawin, ngunit ito ay dapat na gawin lamang ng mga taong may sapat na kakayanan na isakatuparan ito sa ligtas na pamamaraan.

Kaya kayong mga totoy at specially mga nene wag na wag nyo itong gagawin at baka bigla na lang matawag ng mga nene ang pangalang K.......A......N........O........R.......... mahirap na at baka kayong mga nene ay madonselya ng ganyang espiritu. Sa mga totoy naman hinay lang sa pag toma dahil wala ng mas lalakas na espiritu kapag sinapian ka na ni San Miguel at Ginebra o di kaya'y ang Pulang Kabayo at yan naman ang kalakasan ng espiritu ng ALAK.

Malapit na ang Undas uwag natin silang kalimutang dalawin at mag-alay ng bulaklak, kandila at dasal.

PS: sabi ni Lolo sa puntod, huwag daw kalimutan ang kanyang yosi.......


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento