Pages

Huwebes, Nobyembre 13, 2014

Papakan Na!

'Mahilig ka rin bang pumapak?'
Araw na naman ng pahinga, oras na naman na magsasama ang kape, bolpen, at ang yellow pad paper na sinungkit ko noon sa supplies ng dati kong pinapasukan na trabaho. It's a perfect day to write when peace and quiet surrounds your room. Parang dolby digital ang katahimikan, suwabeng-suwabe para makapag-isip na naman ng mga bagay-bagay na puwede kong balikan at ikwento sa inyo mula sa nakaraan. Ewan ko ba bigla na lang papasukin ng bulateng madaldal pa kay Kris Aquino ang isipan ko para magsulat ng kung anu-anong kalokohan para lamang mabigyan ng konting ngiti sa mga labi ang aking mga invisible readers. Game!

Noong kabataan nyo, mahilig ba kayong manapak? este mamapak?

"Papak" isang terminolohiyang Pilipino at puwede ring salitang kanto na ang ibig sabihin ay sumimpleng pagkurot at pagtikim ng isang bagong lutong pagkain (on the spot kapag nakatalikod si Nanay). Karaniwan ang papak hanggang tatlo o dalawa lang eh pero kapag nasarapan ka na talaga dumadaming beses na at kapag nahuli ka ng ermats mo ay malamang sapak ang iyong abutin. Puwede rin naman hindi ulam, puwedeng mga simpleng bagay lang pero gusto mo itong balik-balikan para papakin.

Na-miss ko ang pagpapak ng kung ano-ano e. Nakakaubos kasi ito ng boring na oras pero masaya naman ang tiyan ko. Puwede ako matae maya-maya pero hindi ko muna iisipin yun. Kung matae man ako bigla pipigilin ko muna (refer to the blogpost "Jerbaks) dahil ang sarap pa rin namnamin ng Sustagen Powder na nanunuot sa dila at lalamunan ko.

Hindi mawawa sa ating mga bata dati ang gawaing ito. Isa ito sa mga habits ng mga chikiting kung hindi sila naglalaro ng tumbang preso o chinese garter o di kaya'y nanonood ng TV sa hapon. Nakatambay ang mga yan sa kusina at nag-iimbak ng mga pagkaing puwede nilang papakin sa loob ng isang oras, o hanggang sa magsawa ang kanilang mga tiyan sa kaka-digest ng mga pagkain. Tempting kasi ang lasa. Siguro naisip ng mga magulang natin noon na kung bakit hindi na lang yung mga nakahaing pagkain sa mesa ang ating papakin baka natuwa pa sila. Pero ako, ayaw ko pumapak ng inihaw na ampalaya sa hapon o di kaya ay papakin ang tinapang dalawang araw nang pinagnanasaan ni Miyaw at nakatakip pa rin duon sa lamesa. 

Anu-ano nga ba ang madalas nating papakin noong araw? Eto baka makarelate ka tropa:

Asukal

Masarap, malasa at madaling hanapin. Sino ba namang bata ang hindi nagpapak niyan? Kadalasan, bago lagyan ng tubig ang tinitimplang juice o Milo e sisimple muna ng dalawa o tatlong kutsaritang asukal para kainin. Tapos maya-maya eh mapaparami na ng kuha, hanggang sa tamarin nang tapusin ang pagtitimpla. At kapag nakita ka ni Nanay, tangina malas mo lang kung hindi ka tamaan ng kutos niya, kaya daw pala nagtataka siya sa tuwing nagtitimpla ng kape at magugulat na lang siya na ubos na ang asukal. "Lekat kang bata ka kaya pala unti-unting nauubos ang asukal!"

Ovaltine at Milo

Eto meron naman akong pahintulot para papakin ito siyempre bata eh, nakkaugalian na rin kasi papakin ito ng mga bata. Pero kung pagpipilian ang dalawa mas una kong hinahagilap ang Ovaltine sa grocery at itatapon ko dun sa basket ni Nanay kasi mas masarap ito at malalaki ang granules at mas maganda ang pagkakulay brown. 

Cerelac

Ito ang isa sa mga pinag-aawayan namin ng nakakabata kong kapatid. Tuwing naghahanda si Nanay niyan e kinakalahati ko na bago mapunta sa kapatid ko. Ang sarap e! Nakakamis ang lasa... at bukas suweldo, ma-try ngang makabili bukas ng Cerelac na yan. 

Leche Flan

Puta lalo na pag Pasko ang sarap pumapak nito. Habang nakalagay pa lang sa llanera at kapag naihain na sa lamesa siguradong bawas na yan at naka landing na ang kutsara ko sa leche flan. Lalo na yung pinaka ilalim putek talaga yun ang the best part na papakin dun yung sinunog na asukal! Heaven! Wala akong pakealam kung sobrang tamis ka at masisira ang ngipin ko. Ang importante makain kita! 

Halo

Ito naman yung time na medyo nagiging mad scientist ako pagdating sa papakan. Masarap mag eksperimento ng kung anong puwedeng pagsamahin para papakin. "Ilang porsiyento ng Milo? ng Ovaltine at ng Sustagen? Ay, sandali baka puwedeng lagyan ng konting Tang. Ayy teka Birch tree na lang! Siguro puwede ko rin lagyan ng konting tubig para mag-iba ang texture!" Success ang eksperimento at rekta sa banyo pagkatapos mapapak ang halo-halong powder.

Wala talagang pinipiling oras ang pagpapak. Puwedeng pagka-gising pa lang, habang nanonood ng TV, bago kumain ng tanghalian, pagatapos kumain ng tanghalian o kahit ano pang oras yan. Kahit midnight snack este midnight papak, sneak sneak lang sa kusina. Ang da best talaga papakin eh ang kombinasyon ng Ovaltine, gatas powdered at asukal. Paghahaluin mo lang yan sa isang maliit na mangkok at solb-solb ka na.

Mayroon rin namang ulam na mahilig naming papakin. At alam kong lahat kayo pinapak nyo rin 'to imposibleng hindi. Ito ang hotdog. Pagkalagay pa lang sa mesa ng Nanay ko e naka-abang na ang mga tinidor naming mag-uutol. Medyo pumapayag naman si ermats kong pumapak kami ng hotdog kasi totong pagkain naman yun pero siyempre hindi pa rin puwedeng ubusin lahat at kailangang magtira para sa kanin mo.

At sana ay nasiyahan kayo sa konting pagbabalik-tanaw ng ating mga gawain nuong ating kamusmusan. E ngayon hindi ko pa rin talaga mapigilan ang pumapak lalo na kung masarap ang tanghalian o di kaya'y hapunan! Magandang gabi at eto na pala nagluluto na si Ermats ng malinamnam na longganisa (alam na).........

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento