Pages

Sabado, Agosto 8, 2015

Dirty Laundry II: Planggana't-Pag-ibig

'Hatid ng init ang papawi sa kalungkutan ng aking mga sinampay.'

Ang bukambibig ng karamihang bruskong lalake eh nakakasira daw sa pagkalalaki nila ang paglalaba. Bakit? yung batuta mo ba ang gagawin mong palo-palo sa mga damit na iyong lalabhan, yang bang dalawang itlog mo ang gagamitin mong pangkuskos na pantagal sa mga libag mong nanikit sa damit? Iharap mo  nga sa akin ang nagsabi niyan at ipagugulpi ko kay Mr.Clean.

Lalake ako (di nga la ng brusko) pero.......gabi-gabi ako naglalaba! at sinasakripisyo ko ang hindi makapanood ng inaantabayanan kong mga teleserye sa telebisyon matapos ko lamang ang aking pagkukuskos-piga.

Heto ako ngayon may sariling telenobela kasama ang mga palanggana,sabong panglaba, palo-palo at brush. Nagkukusot under the light of a thousand stars, habang ramdam kong bumibigat ang pakiramdam dahil bumabalik ang iyong mga alaala. Pakiwari ko'y ayaw na kitang isipin pero tila mas malakas ang pagbulusok ng iyong mga alaala kesa sa tapang ng amoy ng aking  Zonrox, oooppss wag kang bastos, hindi yang Zonrox na nasa isipan mo, ito yung likidong nagtatanggal ng kahit ano mang marka ng dumi. Kung puwede lang lagyan ng Zonrox na ito ang memorya ng tao upang maalis na rin ang mga alaala ng lumipas, ay gagawin ko. Pero hinde, pipilitin ko na lang na kalimutan ka sa isipan ko, at ibabaling ko na lang dito sa rubber ducky na lumulutang sa aking palanggana. Ganyan ako maglaba kailangang may nakikita akong nagpapalibang sa akin, kasi nuon ikaw ang mistulang rubber ducky ko habang nagkakatinginan tayo sa isa't-isa ay bigla tayong nagkahawak ng kamay sa ilalim ng palanggana. Iyun na ata ang pinakamatamis na sandali na nilikha ng tadhana para sa akin. Leche! naalala na naman kita.

Hindi ko ipinagyayabang na magaling akong maglabada. Dati konting babad at konting kusot ayos na. Pero ang lahat ng iyan ay nagbago. Dahil gusto kita makalimutan, naging makalilimutin na ko, bumagsik ang aking pagkukusot na animo'y na possessed ako ni evil Mr. Clean at halos mabura ko na ang mga print na disenyo sa aking mga t-shirts. Ang pagpapalo palo na tila nagchochop-chop ako ng  kinatay na baboy sa palengke. No holds barred. Out of control. Ito rin ang dahilan ng pagkaluwang ng garter ng aking mga karsunsilyo, brip at medyas. Dahil pa rin ito sa'yo.

                                     
'Tol dehins 'to kontrabando, huwag ka na lang maingay, may naglalaba.'

Sa gabi malamig ang tubig at malakas ang current sa gripo. Malawak ang espasyo sa sampayan at yung mga langaw na lang na tumatambay sa gabi ang naroon. Ramdam ko sa kalawakan ang mundo, ang buwan na tila ngumingiti sa akin, ang pagning-ning ng mga bituin na tila ilaw ng kabaret ng Jackie Roll diyan sa may kanto ng Palico (bago mag Imus bridge) ang hagikhikan ng mga palaka at halakhakan ng mga kulisap, habang pinipigil ko pa rin ang pag-alab ng aking damdamin. Masipag daw ako. Hindi! hindi yan totoo. Ang di nila alam sa aking palanggana ay parang dagat na nangangalit ang aking pagbanlaw. Walang tigil ang pagtilamsikan ng bula sa aking mga mata.

Sabi ng Nanay ko, gumamit na lang daw ako ng washing machine mas madali at mas mabilis patuyuin gamit naman ang dryer. Tama din talaga si ermat, pero ang mas nakumbinsi ako eh kung paano kabilis magpatuyo ang dryer. Sana dryer  na lang ako, sa isang ikot, isang pihit, tuyo agad ang puso kong nilunod mo sa ating palanggana  ng ating pagiibigan. Sana dryer na lang ako.

Ayaw na ayaw kong ipaglalaba ako ng iba, labhan mo na lahat wag lang ang mga pag-aari ko.  Gusto kong ako ang trumabaho sa aking mga dumi,putik,libag,libog,galit at iba pang paninibughong kumapit sa aking mga damit. Ang isang banlawan ay hindi sapat para mahugasan ang animo'y samu't saring nararamdaman.

Bahala na kinabukasan, naging marahas man ang aking pagkukusot-piga, nahamugan man ako ng mapang-asar na buwan, nangulubot man ang aking palad, nangilid man ang aking luha dahil sa bula.
Alam ko, sa muling pagsikat ng araw kinabukasan, hatid nito ang init na papawi sa kung anong lungkot meron ang aking mga sinampay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento