Pages

Lunes, Agosto 24, 2015

Nostalgia: Love Bus, Save Gas, Ride on a Love Bus

Pamasahe: 'P2.50, air conditioned, relaxing seats, mellow tunes, spacious bus. Angkas na! san ka pa? sa MRT?'

Touch down 1980's.

Pustahan tayo yung Nanay at Tatay mo kung taga Maynila ay nakasuot pa ng mga bell bottom pants at nagdedeyt sa paglubog ng araw sa Sunken Garden. Karaniwan kasi diyan o kaya sa Luneta ang tagpuan noon ng magsising-irog. Siguro noon magkaroon ka lang ng 100 pesos eh solve solve na kayong dalawa sa date niyo ni girlie. Magkano lang ba ang pagkain noon, ang bulaklak, tsokolate, sine, extra food na puwede itake-out sa Kowloon House para sa mga relative ni giliw. Kung ibabalik man ang lumang panahon sa kasalukuyan eh meron akong mahigit sa isandaang piso siguro hmmmm... pero wag na lang  wala naman pala akong idedeyt. Di bale na lang magmahal ang  mga bilihin. 

Isa pa sa nakakaginhawa sa buhay ng mga Pilipino noon eh ang pamasahe, tohl kung sasabihin ko sa inyo kung magkanong pamasahe ang naabutan ko, eh pagpipiyestahan niyo na naman ang edad ko at may magtatanong na naman na, "oh ilang taon ka na ba?" Leche!  taon-taon ko na lang naririnig yang tanong na yan. Pero para sa kaalaman ng karamihan na sumusubaybay sa Ubas na may Cyanide (feeling ko lang kunyari may sumusubaybay) ang naabutan kong pamasahe noong ako ay nasa elementarya pa ay P1.50! pangkalahatan yan. Astig di ba? Eh paano pa kaya kung estudyante ka? baka sentimo na lang ang bayaran mo. Nakakatuwa lang talaga noon. Okay pa ang mga tambutso ng mga jeepney, bus at iba pang sasakyan, sa madaling salita wala pang smoke-belching. Di ka tulad ngayon talamak ang itim na usok sa kalsada wala nang  pakealamanan kung malanghap mo yan, umubo ka na lang at bahala ka sa buhay mo.

Naalala  ko pang ang aming field trip noon na binisita namin ang pagawaan ng Sarao Jeepney Motors sa may Las Pinas, kung saan ipinakita sa amin ang iba't-ibang disenyo ng sariling atin na jeepney. Magaganda, magagara at makukulay libreng sakay na may picture-picture ang naging kaganapan. Kung uso na nga lang ang selfie noon malamang maraming nakapag selfie. Pero buti na lang hindi. 

Kung meron akong lubos na ikasasaya na sasakyang pampasahero ay itong sasakyan na kulay asul, may guhit na puti, may mga disenyong pusong kulay pink at may malaking puso na kulay pula at mula sa pusong iyon ay nakatatak ang salitang "Love Bus" sa isang puso naman na kulay dilaw ang nakasulat sa loob ng pusong iyon ay "Save Gas."

Mike Pedero - "Love Bus" <3



Paano nga ba naging espesyal ang Love Bus noong dekada 80's?

Naging kilala ang Love Bus dahil  na  rin sa kagandahan ng kanilang serbisyo ang Metro Manila Transit Corporation o MMTC, ito na ata ang pinaka disiplinadong bus company  noon. Ipinanganak ang Love Bus sa rehimeng Marcos kung saan sa ilalim ng Martial Law pumapasada ang bus na ito. Para sa mananakay napaka-cool ng bus at napaka risonable na rin ng pamasahe sa halagang P2.50 sa rutang Ali Mall-Escolta-Ayala. Isa sa pinaka unang bus na nagbigay lamig sa  mga pasahero. Air  conditioned class sa halagang P2.50? san ka pa   toohl? Maraming nabighani sa bus na ito lalo na yung mga Nanay at Tatay natin dahil karamihan daw ng sumasakay sa Love Bus ay  mga magsising-irog sa upong pandalawahan lamang. Napakalinis daw ng bus na ito, maluwang ang loob at ang mga tugtugan ay mga mellow tunes sa built-in na stereo speakers. Iba daw talaga ang aura sa Love bus, ramdam mo ang pagka-relax dahil ang ilan galing nga sa kani-kanilang trabaho. Actually meron theme song ang bus na ito sila lang ang meron niyan tohl! 

Pero katulad nga ng kasabihan ng mga jejemon na netizens "walang forever", kaya ang Love Bus bigla na lang nawala sa kawalan pati yung mga double decker na umiikot sa Maynila at Luneta ay bigla na lamang naglaho ng lumaon ang panahon. Yung bus na disiplinado at kumportable ang mga tao ay napalitan na ng mga bus na ang driver ay mga beast  mode, sobrang kakapal ng usok na tambutso at dadalhin ka sa hukay kung magpatakbo, hindi ba ambulansiya ang nasakyan ko sa  tuwing maluwang ang kalsada? May theme song din ang mga bus sa kasalukuyan, ito yung kanta ng AC/DC na "Highway to Hell". 

Wala kang choice kung ayaw mo sa MRT (Mamamatay Rin Tayo) na palalakarin ka sa riles ng tren kapag nasira, eh di mag-bus ka o kaya magrekwes ka ng seat-belt. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento