Pages

Miyerkules, Setyembre 16, 2015

Throwback Memories: Field Trip Reminiscence (PILTRIP)

'Anu-ano ang mga naaalala mong lugar na napuntahan sa sarili mong piltrip experience?'
Sa eskuwelahan namin noong ako ay elementarya, basta pagsapit ng Hulyo -Agosto masaya na. Bibigyan na kayo ng teacher ng papel at doon nakasulat ang mga lugar na pupuntahan niyo!

Educational Field Trip na! Pero kung educational yun e bakit yung mga boplaks kong kaklase eh excited pumunta? Anak ng......

Hindi mabubuo ang isang schoolyear kapag walang PILTRIP, eto ata ang pinakaaabangan kong event at ikokonsider ko na rin na isa sa masasayang highlights ng buhay-eskuwela. Pagkabigay pa lang ng titser ko ng reply slip para sa magulang ko ay halos hindi na ako magkanda-ugaga sa pagiisip tungkol sa araw na ito. Bawal daw yun magusot kapag ibabalik na sa amin at talaga nga naman pinakakaingat-ingatan ko itong papel na ito hanggang sa maibalik na kay ma'm. Saan kaya ako uupo? Harap ng bus? Likod? Anu-ano kaya ang babaunin ko? Ano kaya babaunin ng mga kaklase ko? Ilang Zesto ba ang kailangan ko? tsaka  ano kayang flavor?

Nung kapanahunan ng aking kamusmusan, hindi ko maintindihan kung bakit bigla nalang umaasim ang mukha ni Nanay ko tuwing matatanggap niya ang sulat sa eskuwelahan tungkol sa field trip. Pero buti naman ant pinapayagan niya ako at binabayaran niya pa rin ito kahit alam niyang pakulo lang iyun ng school para lalo pa siyang perahan. Hahaha! I lab yo mom!

Gabi pa lang hindi ko alam kung paanong posisyon ako matutulog o matutulog pa ba ako  o aantayin ko na lang ang oras. Ito hudyat ng sobrang pagka excited. Pero pinatulog pa rin ako ng Nanay, kasi pa g di daw ako nakatulog hindi niya ako pasasamahin, eh alam ko namang panakot niya lang yun. Kaya pinilit ko matulog kahit kaunti.

Araw ng field trip. Excited ang lahat. Hindi nakakainis gumising sa araw na ito. Malayang isinuot ni  Tita ang aking medyas nang hindi ko siya sinisipa sa ilong. Masarap ang pasok ng almusal pati na din ang agos ng Milo sa aking lalamunan. Off to school we go!

'Saan ka sa tatlo?'


Eto na sakay kame ng tricycle ni tita, kita ko na ang pila-pilang bus sa harap ng aming eskuwelahan. Di na talaga mapigilan ang excitement at gusto ko nang tumalon sa traysikel. Pag tung-tong ng bus ay deretso ako sa likod na upuan dahil doon daw umuupo ang mga "cool". Sa sobrang cool ko ay naitaas ni Tita ang sinturon ko hanggang sa ilalim ng aking dede. Tita ayoko po maging katulad ni Mr. Bean!

Anyway, umandar na ang bus at nagsimula na kami magdasal ng isang buong rosaryo. Kinuha ko na muna ang una kong sandwich or mas kilala noong panahon ko na "samwitch". Kinain ko ito habang nagdadasal. Oka y lang yon kasi nasa harap naman yung teacher ko eh.

Pero sa ibang banda may disadvantage din ang field trip sakin e, nung mejo nagka edad na ako hindi na ako gaanong naeexcite kapag alam kong may field trip, kahit anong pambobokster pa ang gawin ng titser namin. 'Yung mga kaklase ko nagpapalakpakan tapos ako medyo kunot ang noo e. Sabi ko pa, "sana sa malapit lang ang pupuntahan  namin, para  hindi ako......."

"SUMUKA".

Oo, mahihiluhin ako sa biyahe, kaya kasama ng mga tsitsirya at samwitch sa bag ko, meron din akong baong Bonamine. Kaya hindi ako cool.  Hindi ko kailanman ginustong umupo sa likod na parte ng bus (nakakahilo daw, yan ay sabi ng kakilala kong mahihiluhin daw). E langya hindi naman ako makaupo sa unahan. Lagi ako sa second row from the back. Malas.

Ang lamanin ng knapsack ko - sumbrero, bimpo, extrang damit, tsitsirya (na ipapamigay ko sa mga kaklase ko), at tatlong supot.

Ewan ko ba kung bakit ako naging mahihiluhin, ang teknik ko diyan hindi ako kakain ng almusal, para walang maisuka kapag nahihilo na. Tapos inom ng Bonamine. Habang yung mga kaklase mo masayang masayang inuubos ang baon nilang Rinbee, Snacku at Oishi at kwentuhan, tawanan sa unang oras pa lang ng biyahe, wala naman akong kakausaping kahit sino. Matutulog. Hihinga sa bibig pa ra hindi maamoy ang nakakabuwisit na pabango ng buwisit na bus na 'yan ng Mapalad Liner. E tatlong oras lang naman akong ganyan parati. Tatlong oras na stress. Nyeta!

Pansamantalang mawawala ang pag-aalala ko sa reputasyon ko kapag pumarada na ang bus. "Yeheeeeyyyy!" Malabon Zoo - apat kaming skul na sabay sabay nag nagfield trip dun. Payabangan kami sa pagpapakain ng mga hayop. Ayun, umiyak 'yung kaklase   ko, nakagat ng unggoy. 

Eto talaga ang pinakaayaw kong puntahan sa lahat - Museum. Hello? bata pa ko nun at ano naman ang "aral" na makukuha ko sa pagpunta dun? Wala ngang puwedeng kainin dun e.

Pero na-thrill kame sa huling Museum na napuntahan namin, ito ay sa San Agustin Museum, napakalaking musoleo, nakakapanindig balahibo ang mga paintings at napahiwalay kame sa tour guide na magtrotropa. Natakot kame nang makarating kame sa isang lugar na parang simbahan at bigla na lang tumugtog ang isang organ na di naman namin makita kung saan, ang tono pa ng ritmo ay yung parang kay Drakula. Takbuhan ang tropa ng may mapasok naman kameng isang kwarto na napakaluwang at pinagmasdan namin ang kwarto na isa palang sementeryo kung saan sa buong ding-ding ay panay lapida ang nakapaligid. Yun pala libingan ng mga paring Dominikano at Heswita. Takbo na naman habang yung mga naglalakihang painting parang nakamasid sa amin. Ang nakakahiya sa amin nakatingin lahat nung nakita namin sila at halos hingal kabayo kame. Kaya ayun sermon at pingot ng patilya kay sir. 

Hindi puwedeng hindi puntahan ng mga batang estudyante ang Nayong Pilipino. Para mo na ring  inikot ang buong Pilipinas. Kapag malapit na maglunch dito karaniwan ang next destination. Nakakabilib ang Chocolate Hills, sarap laruan ng mataya-taya. Puwede ka pang mag exhibitioning gumugulong habang nakikipaghabulan ka. Hindi mo mapapansin ang pagka-Metro Manila kapag nandito ka eh, parang ang dami mong puwedeng puntahan nang hindi ka maliligaw. Galing!

Pero hindi ko alam  kung hanggang ngayon buhay pa ang lugar na ito. Mukang napalitan ng Paraiso ng Kabataan na naging tambayan na lang ng mga taong-grasa at kabataang rugby boys. Mukhang napabayaan na ang paborito naming puntahan noong araw. Sayang!

Eto ang mga kadalasang pupuntahan niyo sa Field Trip:

Manila Zoo o Malabon Zoo - kapag medyo maliit budget ng skul niyo e sa Malabon Zoo ang bagsak. Diyan kasi kame pumunta nung nagfield trip kami. Medyo boring at napakaliit lang, parang isang ikot lang at nuon puro ibon ang nandoon. Ewan ko lang ngayon baka may dinosaur na?

Nayong Pilipino - Bandang Pasay at bago mag NAIA o Ninoy Aquino International Airport. Wala nang mas kaklasik pa dito. Hindi puwede mawala sa listahan yan. Andiyan ang Mayon, Chocolate Hills at iba't-ibang model ng mga anyong lupa sa Pinas. Tanda ko pa nung inakyat namin ang Mayon at muntik na kong mahulog. Malapit na ko sa tuktok at biglang bumitaw yung isa kong kamay. Buti na lang at nakakapit pa yung isa. Kinabahan din ako nun. Tapos makikita ko lang pala sa butas niya e puro basura.

Coca Cola Factory - Dito ok. Uminom lang kayo ng Coke hangga't kaya niyo. At yung may mga dalang Coleman e tiba-tiba. Itatapon nila ang laman na tubig nun at pupunuin lang ng coke yung coleman nila. Hanggang sa pagdating ng bahay  may lamang coke pa rin yung coleman.

Rizal Park/Luneta - Papatignan lang naman sa inyo si Rizal at paglalaruin kayo ng konti. May malaking mapa ng Pilipinas diyan at may mga dinosaur na bato.

Exhibit sa Mall - Minsan kasi may mga malls na nageexhibit ng educational things para sa mga bata. Pero parang wala pa rin naman akong natutunan dun. Pano ba naman eh mall yan, malamang nasa isip namin eh pamamasyal at mga arcade games. Minsan tumatakas kame sa pila at naglilibot kami sa mall  tapos babalik na lang kami bago matapos ang tour. Hindi kasi kami nahahalata sa dami ng bata at kadalasan pa e may may kasabay rin kaming ibang skul kaya ang gulo talaga. Labo-labo!

May iba rin namang mga pinupuntahan pa. Depende rin sa skul  yan e kung saan nilang maisipang mag-field  trip. Masayang parte ng field trip yung pamimili niyo ng upuan sa bus. Siyempre magkakatabi dapat kayo ng mga kaibigan mo at magkukulitan lang kayo sa loob ng bus. Tapos sa unahan nakaupo ang mga titser at staff ng skul. Yan ang field trip!









Walang komento:

Mag-post ng isang Komento