Pages

Biyernes, Enero 8, 2016

Singularity: Bakit nga ba Single ka pa rin ngayon? Part 2

'Coz I'm confidently single with a heart'


Noong nakaraang taon Hunyo 2015  nagsulat ako at tinimbang ang sarili. Hindi literal na timbang kung ano na nga ba ang bigat ko. Kung di nagreflect sa sarili at tinanong ang aking kaluluwa kung bakit single pa rin ba ako hanggang ngayon.

Napuna ko na napakatahimik ko kasing nilalang, sa araw-araw "oo", "hindi", "kumain ka na ba?", "para ho", "tanginamo", "ha", "kamusta", "ganda mo", "bayad ho" lang ang aking mga nasasabi sa loob ng bente kwatro oras. Bilang lang sa daliri ng kamay hanggang paa ang mga nailalabas kong salita mula sa aking bibig. Hindi naman maikli ang dila ko at hindi rin naman ako nagdodroga para umikli ang dila ko at walang masabi. Sadyang tahimik lang po talaga ako at napagkakamalang pipi. Siguro kung may miyak lang ako sa pagitan ng labi maiintindihan nila ako na hindi magsalita. Pero hindi rin naman ako ngo-ngo para mahiya magsaad ng aking mga sasabihin. Ayoko lang magsalita ng walang katuturan at walang saysay. Pero kung kakausapin mo naman siguro ako, hindi ako magsasign language sa'yo katulad nung maliit na bilog na may tao sa gilid ng TV sa Kapwa ko Mahal ko na palabas. Ayoko rin naman kasi isipin niyo na galit ako sa mundo o dahil bad breath ako kaya hindi bumubuka ang bibig ko.Pero ang totoo talaga tahimik lang ako kaya siguro kung makakahanap ako ng partner ay gusto ko yung parang talk show host sa TV. Pero wag naman si  Tito Boy Abunda o si Nap Gutierrez. Ang  dapat siguro na para sa akin eh yung mga kasing daldal na katulad nila Toni Gonzaga, Bianca Gonzales, Heart Evangelista at Lolit Sol.....ay move on.

Ang sabi kasi ng karamihan kung hahanap ka ng makakasama mo sa  buhay eh yung magkaiba kayo ng gusto pero hindi niyo pagtatalunan sa halip ay ishashare niyo iyon sa bawat isa. Kung ikaw gusto    mo Milo dapat siya Ovaltine, kung Royal spaghetti dapat ikaw Sunshine spaghetti, kung Colgate ikaw Happee, kung Nilaga dapat Tinola, kung 7-11 ikaw Mini Stop, kung Likas Papaya ikaw Kojik, kung mabango siya dapat ikaw mabaho para ishare niya sa'yo  kung paano naman bumango at turuang maligo araw-araw.

Okay lang maghanap ng kapartner na madaldal, kasi nga masayahin at paniguradong mahahawa ako sa kadaldalan niya di ba? Natutuwa ako sa mga babaeng maraming kwento at  kalog. Op, opp, opps ano yang nasa isip mo na naman? Ang ibig kong sabihin e yung maboka, makulet at yung hindi ka maboboring. Yung maraming jokes sulit na sulit ang buong araw na magkasama kayo kapag maraming nakakatawang usapin. Wala kong pakealam kahit ikwento mo sa akin yung una mong pag-utot, pangungulangot in public places o kahit pa lumobo ang sipon mo sa kakatawa. Patok na patok sa isang katulad ko yun  at hinding hindi ko makakalimutan ang mga ganung topic. Masarap sa isang relasyon ang pagkekengkoyan, hanapan ng kiliti, magpitik bulag sa bubongan sa ilalim ng buwan, tumambay sa dalampasigan at humiga sa  buhangin na tanaw niyo ang milyon-milyong bituin sa gabing mapang-akit. Wala na siguro akong hihilingin pa sa bulalakaw kung sakaling makakatagpo ako ng isang kasintahan na ganito ang trip.

TEETH - "Darating"

Pero wala eh, single pa rin tayo. Kaya uulitin ko ang tanong bakit nga ba single pa rin tayo?

Ang pinakaayaw ko yung umaatend ng mga handaan ng kamag-anak. Kapag nagmano ka sa mga tiyahin, lolo at lola mo ang sasabihin sa'yo: "O. ang  gwapo-gwapo naman ng apo ko ah! Tutoy kelan ka ba mag-aasawa ha?" Yung katulad kong hindi nagsasalita eh, tatahimik lang at ilalabas ko ang   aking pinakamatamis na ngiti sa nagtanong at magbablush. (Talande epeks!) Napagisip-isip  ko rin naman na sigurado namang  hindi ako nag-iisa at marami akong ka-edad na hanggang ngayon ay wala pa rin asawa. Bakit  kaya? At least ako medyo alam ko na ang dahilan para sa sarili ko. Eh ikaw ? Kung single  ka hanggang ngayon, alam mo ba ang dahilan? Tohl, mga bhe 2016 na bakit hindi tayo sumubok at baka  ngayon na ang panahon, panahon ng mga unggoy tayo makahanap  ng  ungg... este ng ating makakapartner o makakarelasyon sa buhay.

Ako ay ipinanganak na.......
ERASERHEADS - "Torpedo"


Ngayon kung di mo alam,  heto marahil ang ilang dahilan.

Baka naman kasi....CAREER ORIENTED ka?

Sige trabaho kung trabaho. Ayos lang overtime to the max. Pero ang sasabihin ko lang sa'yo hindi mo naman mapapangasawa yang "spreadsheet" eh, hindi mo magiging best man ang "powerpoint" at hinding hindi mo magiging ring bearer ang "Microsoft word". Nandoon na  tayo gusto nating ma-promote at makatulong sa pamilya. Understood na yun kasi bread winner ka. Halos taon-taon may promotion ka. Ang saya-saya nga naman. Pero naman bhe, kumustang love life mo? Ni hindi mo man lang naranasang mag blush :(  Wala ka man lang kikay kit o kahit Revlon na pampaganda sa maganda mo rin namang mukha. Ang meron ka lang suklay at ang standard reply mo kapag tinanong ka kung kelan ka mag-aasawa: "Kapag bongacious kasi ang career, zero ang  lovelife!" Asa ka pa bhe! Huwag kame, iba na lang! Tapos nagiging bitter tayo kapag mayroong naglalampungang mag nobya sa harap mo. Awwtsuuu inggit ka noh?

Hmmmnn HOMEBODY KA LANG TALAGA?

Iniisip ko rin na baka nga ganito lang din ako. Tsar! Pero oo lagi lang naman akong nasa bahay, lalabas lang naman ako  ng bahay kapag sumweldo na on or before seven pm. Kapag hindi ako homebody ako yung tipong gala na sarili, lagalag kahit saan. Yun nga lang tatlo ang kasama ko: me, myself and  I. #4r4yk0Bh3

Balik tayo sa'yo, kasi conservative ang family mo? Ayan tuloy naiwan ka na ng panahon. Lumabas ka rin minsan at suminghot naman ng fresh na hangin. Amuy-amuyin ang mga bulaklak sa hardin, magpaulan sa ulan at sumali sa mga foam discoparties. Pumunta ka rin ng malls, magbingo ka. Tumaya sa Jai-Alai. Tumaya sa lotto, malay mo manalo ka at bumili ng maraming boyprend. Subukan mo sumali sa mga organizations. Ay wag lang sa Singles for Christ ha, dahil mas mawawalan ka ng pag-asa  dun. Kaya bhe lumabas ka, life is fresher when you breathe in breathe out   inside and outside  your environment. Lumabas ka lang marami nang nakatambay na tsismosa diyan sa bahay niyo for sure maaaliw ka sa kanilang mga kuwento.

Baka naman mas mataas pa sa Burj Khalifa ang STANDARDS mo?

Patay tayo diyan. Payo lang, bago mo i-set sa sarili mo ang pagiging high standards mo, tingin ka  muna  ng sampung beses sa salamin. Dalawang beses sa umagahan, dalawa sa tanghalian, dalawa sa hapunan, dalawa sa  midnight snack, isa bago matulog at isa sa panaginip (maghanap ng salamin sa panaginip). Kung di ka naman masyadong kagandahan at kaguwapuhan, magdecide ka naman. Kung di maganda at gwapo siyempre ilaban na yan, dahil yan lang ang mukhang meron ka. Ipusta na yan, kaya yan, tiwala lang sa karakas. #puso

Puwede na yung medyo may attitude dahil puwede naman ang kahit na sino magbago. Ipagpray over mo siya gabi-gabi bago kayo matulog. Dasalan mong maigi, ewan ko na lang kung hindi pa magbago yan. Wag maghanap ng mayaman, dahil hindi lahat ng marangyang buhay masaya.  Okay na yung hindi mayaman basta maayos ang trabaho at sapat ang kinikita para mabuhay ang pamilya at masustentuhan ang kinabukasan ng inyong magiging kids. Ang mahalaga pa rin talaga yung makakasundo mo sa araw-araw at hindi magsasawa sa'yo.

Siguro BURARA KA?

Utang na loob bhe, tohl wala naman sigurong itinayong bahay na walang suklay o brush sa loob ng tahanan nila. Make sure naman na kapag lumabas ka ng bahay hindi ka mukhang kagigising lang. Hindi ka pusa o aso na naninigas ang muta sa gilid ng mata nila. Mabuti pa nga sila marunong magtanggal sa pamamagitan ng pagkukusot ng mga paa nila sa kanilang mata. Eh ikaw, ayos na yung ganun? Magsalamin kahit naasiwa sa iyong pagmumukha. Walang masama sa pag aayos, new  year, new me! tsar! Oo, hindi naman siguro masama mag eksperimento sa itsura natin di ba? Maging simpleng fashionista na hindi ka naman gagastos ng ganun kalaki. Kahit hindi ka pogi o maganda ang mahalaga hindi ka amoy imburnal. Alalahanin mo sa sarili mo na hindi ka taong-grasa. Maligo ng maayos kuskusin ang mga kasingit-singitan, gumamit ng sabon na dun ka mahihiyang. Dahil ang pagligo ang isa sa malaking pagbabago ng kaanyuan ng isang tao. At magpagupit ng naaayon sa hugis ng mukha.

O baka, FEELING GENIUS ka!

Ito ang mahirap sa  mga feeling henyo e. Pakiramdam nila isa silang malaking regalo sa mga naghahanap ng kapartner sa buhay. Nakakaturn off kaya ang masyadong mautak. Boring din siguro kung masyadong kang maraming alam hanggang sa hindi na makarelate yung nililigawan mo. Anong paguusap ang ihahain mo sa lamesa tungkol sa siyensiya? Metaphysics? Hydraulics? Chemical reactions of paminta? Thermodyamics? Economics? Gross production rate of Somalia? Napakakorni nun tohl, wag ganun. Ang gusto ng karamihan ay yung masarap kausap go on with the flow     hanggang saan kayo dalhin ng usapan, walang kwentuhang teknikal siyempre ang mahalaga hahaluan mo ng sense of humor para  naman mapatawa mo si girlie. Ang bagong gwapo kasi ngayon ay yung sandamukal ang sense of humour. Pero siyempre  hindi lahat ng babae ganyan. Ang sasabihin ng iba "hindi rin". Okay this is a free country and you have your own opinions. Yan lang naman ang sa akin. Puwede rin ilagay sa lugar ang katalinuhan, kailangan mo lang humanap ng pagkakataon kung kelan mo isisingit.

MASUNGIT KA PA SA PUSANG KABUWANAN?

Oh eto maraming ganito ee, porke't  magaganda at gwapo ay kasusungit. Kung akala mo eh kyut ang pagsusungit, think again. Aba mga bhe, toxic na nga ang life ibabalandra mo pa yung mukha mong nakasimangot. Siguro frustrated principal ka noh?  o di kaya frustrated terror teacher ng Math? Ngiti naman diyan. Hindi naman halos lahat ng nakakasalamuha mo araw araw e may balak na gawing masama sa'yo. Wag na wa g magiging pintasero kung kapintas pintas din naman ang karakas. Teh, hindi ka lioness na laging umaangil kapag kinakausap ka.  Just smile and the whole world smiles at you. I-stretch ang mga labi at ipakita ang mapuputi mong ipen, say chess at  for sure susuwertehin ka na makahanap ng kapartner mo for life.

TORPENG BOYET AT DEADMANG  GIRLIE ka

Tohl alalahanin mo wala tayo sa Europa o Amerika para babae ang manligaw sa'yo. Kung tiyempo ang hinahanap mo, 2016 na tohl tiyempo pa rin? Sabi nga ng  mga payo ng mga bruskong tiyuhin natin, "If you really like someone, go for it. Dapat buo ang loob and make the best of it." Onga naman tapos iiyak iyak ka diyan kapag naunahan ka ng katunggali mo sa pag ibig? 

Kung single lady ka naman at deadma ang dating, then ang tawag sa'yo  numb o walang pakiramdam. Galet sa mundo at nagpapakamanang. Mag mamadre ka ba teh? May nagpaparamdam na nga para ka pa ring mannequin na walang pakiramdam. Matagal pa ang Pasko ulet para hintayin. Wag na mag-antay ng Pasko isang buwan na lang Valentines na. Kaya go for it and entertain him.

KURIPOT KA!

Ayaw mong gumastos sa mga lakad niyo pero nagaaya ka ng date? Mahirap yan tohl. Kung aakyat ka ng ligaw e kailangan mo rin naman siyempre maglabas ng pera. Saan mo siya dadalhin sa first date niyo? Hanggang sa palengke treats mo lang ba siya mapapakaen sa sobrang kakuriputan mo? May mga babaeng gusto rin naman na ganun, pero tohl wag naman sa unang pagkakataon. Gusto mo ikaw lang ang gagamit ng  suweldo pero gusto mong magkaroon ng lovelife? Sige yakapin mo sa gabi ang pera mo, ewan ko lang kung yakapin ka nila pabalik. Sasaya ka niyan!

BEKI KA O TIBO.

Yun lang, may rason ka naman pala. Pero marami pa rin naman sa kanila ang nakakahanap ng matagumpay na relasyon. Wala nga lang kasing same sex marriage sa Pinas.  Puwede ka pa rin naman sumaya kahit single kang bading or tibo. Hanapin ang kasiyahan at ikaw lamang ang makakasolusyon diyan.







NASA GUHIT NA NG PALAD MO MAGING SINGLE FOREVER.

Dala mo na siguro ang weight of the world kung kapalaran mo nang maging single forever. Ito ang pinakamabigat na laban. Baka naman meron kang spiritual insight sa pagkatao mo or sabihin na natin na may calling ka. Naranasan mo na bang magsuot ng abito? Bagay ka bang magpari o mag madre? Bow  your head and kneel down at humingi ng sign kay Lord. Amen!


Pero kung iispin mo tohl ah, ano naman kung single ka di ba? Kung halimbawang sakupin man tayo ng mga aliens at predator eh wala kang aalahanin na asawa o anak at kaya mong iligtas ang sarili  mo ng wala kang iniisip. Hindi naman sa pagiging makasarili mga bhe, yun lang siguro ang advantage ng pagiging single. Kung single ka solve solve ka na sa 100 pesos sa isang araw at mabubusog mo na ang sarili mo, makakakain ka pa rin sa Jollibee ng 1 or 2  pc burger steak with 3 shanghai rolls di ba? Pero ang tanong ang mga single ba na namatay ipinapatapon ng langit sa impiyerno kasi sabi ng Panginoon di ba, "Huma yo kayo at magpakarami." Baka naman nasuway natin siya? Pero siguro sa panahon ngayon yung hindi na nagfafamily planning  yung napapatapon sa dagt dagatang apoy kasi naman hindi na nila nasusustensiyahan yung mga anak nila, anakan pa rin sila ng anakan. Baka yun ang ireason ko kay San Pedro kapag namatay akong single. Na dapat papasukin niyo po ako sa langit dahil  hindi na po ako nagdagdag ng lahi ko sa lupa dahil punong puno na po ang Earth ng tao kaya po minarapat ko na lang maging single habambuhay. 

Pero siyempre kung uukol, bubukol. Baka naman ipapanganak pa lang yung para sa'yo? Ano ka Madam Auring?  Chiz Escudero? Haha! Kung para sayo talaga yan, darating yan.

IN THE MEAN TIME, BE HAPPY. MASARAP PA RIN MABUHAY! 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento