Pages

Lunes, Enero 4, 2016

Walang Paasa: Just Snooze Your Feelings

'Sabi mo BRB, two weeks akong naghintay'


At dahil hanggang ngayon ay na-lalast song syndrome pa rin ako sa mga kantahan ni Carole King ay hayaan mo akong makapagsulat ng medyo hindi kagandahang aral na sisira sa gabi mo na tungkol sa pag ibig, iniibig, iniirog, sinisinta na ikaw lang pala ang nakakaalam na mahal  mo na pala sila. Kailangan kasi natin tohl balansahin ang uniberso, kung ako inspired sa kanta, dapat ikaw na nagbabasa ay mapapaisip sa katotohanan ng nilalaman ng post na ito. Maari kang malungkot o mawalan ng pag-asa pero siyempre tiwala lang.

"Snooze", oo mapapaisip ka't mapapatulog ka pagkatapos mong mabasa ito. Kaya ihanda mo na ang unan at tissue, wag masyado mag overthink. Mapapatanong ka na lang sa sarili  mo, "ganun nga ba ako tohl?" "Ganun nga ba yung pinaramdam sa'yo ng chic na gusto mo?" "Tohl, sigurado ka pinaasa ka niya?" Ang gwapo mo naman.

Ang mga tao sa kasalukuyan, mabilis pa sa alas kwatro na na-realize nila na PINAASA sila nang hindi man lamang inaanalisa ang bawat sitwasyon. Kalurkey di ba? binigyan mo lang ng Stork na candy tapos hindi ka sinagot nung nagtapat ka ng totoong pakay mo, pinaasa ka na agad? Kulang na lang magsumbong ka kay St.Valentine at utusan ang mga isang army ng kupido na panain ang niligawan mo para matodas na. Huwag ganun tohl, magkaiba naman kasi kayo ng nararamdaman eh. Wala kang karapatan para sabihan na niloko ka niya, sinaktan o pinaglaruan ang damdamin. Hindi ganun!

Hindi ibig sabihin kapag nahulog ka sa kanya dahil araw-araw mo siyang nakakasama at nakakausap  eh hindi ibig sabihin na ganun din ang lebel ng emosyon ang puwede niyang ibalik sa'yo. Maaring masaya siya kasama ka kasi masarap ka kausap, ikaw naman masaya ka dahil kasama mo siya, nakakausap mo pero un pala parang sa pelikula meron kang libreng passes na +1 na nararamdaman mo para sa kanya. Puwedeng umibig, puwedeng magtapat walang bawal pero kapag nabigo. H uwag magtratransform bilang green leafy vegetable na ampalaya at never magsasabi na paasa si girlie.

"PAASA"

Pero kung ipagpipilitan mo na PINAASA (all caps para intense) ka talaga, dito na papasok ang Ubas na may cyanide para mag-inaso sa sinasabi mong "paasa".

Bago ka magkulong sa kwarto at mag selfie habang tumutulo ang luha mo at bago mo yan ipost sa social media with cheesy captions Basahin mo muna ito at itanong mo sa sarili mo kung pinaasa ka talaga:

*Kung yang nararamdaman mo ay kasing kitid  ng daanan ng dating bahay namin sa ikswater sa Brgy Damayan Lagi QC, eh siguradong walang mag-aadust sa kakitiran ng nararamdaman mo. Aba, ikaw lang ang may kakayahan na umintindi ng mga bagay-bagay.  Hindi mo kailangan si Papa Jack sa  radyo at manghihingi ka ng advice. Baka lalo ka lang paiyakin at lalo ka lang pagtawanan ng mga kaibigan mo. Sigiraduhin mo lang na wala kang hawak na blade kung tatawag ka sa radyo.

*Hindi porket sinubuan ka lang ng "Vinegar Pusit" na tsisirya e, ibig sabihin parehas na kayo ng nararamdaman. Kung sa unang pagkakataon may feelings ka na sa kanya, hindi niya namamalayan na binibigyan mo na pala ng meaning yung mga bawat kilos niyang ipinapakita niya sa'yo. Malay mo yung lasa nung Vinegar pusit, kasing-asim pala nun ang nararamdaman niya sa'yo, may maganda lang nangyari sa bahay nila o nakatanggap ng magandang balita kaya ka nasubuan. Tuwang-tuwa ka naman. Hindi mo kailangan bigyan ng meaning. Tandaan mo nung nag-aaral ka pa hindi ka magaling sa definition of terms.

*Ask yourself, don't follow your heart and put a big question mark on it na tatarak sa puso mo. Isipin mo, binigyan ka nga ba talaga ng motibo? o namisinterpret mo? Pinaasa ka nga ba o palagay mo lang? Kung di ko sure tohl, advise ko lang, try to find the x and y coordinates in Algebra, alamin mo yung difference ng inertia at freefall sa physics at try mo maglaro ng maraming sudoku para malaman mo kung kelan dapat  at hindi dapat mag-assume. Asyumera ka kasi!

*Panigurado ko namang lahat nung umiibig ngayon sa panahon na ito ay nadaanan ang "Batibot" kung saan tinuruan tayo nila Kiko Matsing, Pong Pagong, Ate Sienna at Kuya Bodjie kung paano pagsama-samahin ang mga bagay at bagay  at kapag pare-pareho ay kailangang igrupo. Marunong naman siguro tayo tumingin ng dipirensiya di ba? Alamin ang pagkakaiba sa 'sadyang mabait' at 'sadyang sweet lang'. Marapat na alamin ang pakikisalamuha niya sa iba sa kung paano ka niya rin pakisamahan para hindi ka kaagad nagfeefeeling special kamote. Paano kung sweet din pala siya sa aso, sweet din siya sa'yo eh di patas lang kayo ni doggie. Sinusubuan niya ng dog food, ikaw gusto mo rin?

*Hindi porke't feeling heaven ka palagi at komportable ka sa mga bagay na pinaparamdam niya, hahayaan mo na lang na magpakahulog at wala ka  nang pakealam sa mundo at yung muka mo parang smiley icon sa  Facebook na nakanganga at may dalawang puso sa mata. Sa bandang dulo eh bigo ang end credits ng pelikula mo. Na-Colombiazoned ka dre.

*Ang tanong updated ba siya sa totoo  mong nararamdaman, bago mo ipagsigawan sa buong galaxy na pinaasa ka nga. Dapat maging patas ka na alam niya rin yung nararamdaman mo, bago mo siya ipagtsismisan at ipagkalat sa mga kaibigan mo na pinaasa ka nga. Baka naman isumbong mo pa siya sa Nanay at Tatay   mo na pinaasa ka niya. Huwag maging self-appointed pinaasa cry baby.

*Wag masyadong pabigla-bigla tohl. Nariyan ang relaxing cactus o mesmerizing cucumber, kape-kape din. Masakit man pero ang katotohan talaga hindi lahat ng minamahal mo, mamahalin ka rin. Never ask for something in return. Hayaan mong siya ang makaramdam ng effort mo. Pero kung wala talaga, mahalin mo sa huling pagkakataon, tapos bitaw na.

Hindi kasalanan ng kahit sinong living things and non living things, may backbone o wala ang pagiging marupok mo. Hindi man nabubuntis ang puso ng bawat indibidwal pero ikaw lamang ang may pananagutan ng nararamdaman mo. Wala kang karapatang manisi ng iba kung ano ang nararamdaman mo sa kasalukuyan at sa katapusan. Napaliguan o nasabuyan ka man ng matatamis na ngiti at pagkakataon para magkaganyan ka, 99% pa rin nun ay kagagawan mo dahil nagpakahulog ka sa isang balon na walang hagdanan para iakyat ka at iligtas ka sa nararamdaman mo. 

Wala man talagang nag-papaasa, ito'y sadyang matamis na multo at guni-guni lamang na lumilikot sa isipan at damdamin mo. Habitual na kasi tayong umasa, gawain na nating umasa. Kadalasan para tayong mga masokista na kailangang meron kaunting sakit, saktan ang sarili, waratin ang damdamin. Ugali na natin ang may sinisisi bukod sa mga sarili natin. Sapagkat dun natin nararamdaman na mas nagmamahal tayo.

Sana'y may napulutan kayong pait at hinagpis sa gabing ito. Kaya kung ako sa inyo sabay sabay nating i-isnooze ang feels...

Magandang gabi sa mga pusong hindi nasusuklian ng pag-ibig!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento