Pages

Sabado, Oktubre 29, 2016

Gloomy Sunday

'Life is not like Gloomy Sunday, with a second ending when the people are disturbed'

Buo na ang loob niya. Matibay na ang kanyang dibdib at handa na siyang magpakamatay. Para sa kanya, Linggo ang pinakamaiging araw ng pagkitil ng buhay. Pahinga ang Diyos. Hindi siya abala. Baka daw maunawaan ang gagawin niyang pagpapakamatay.

Kinuha niya ang maliit na dumbell at dinurog ang ga-buto ng sampalok na panlinis ng silver sa isang tasang kumukulong kape.

Binuksan ang kanyang kompyuter. Pinuntahan ang YouTube at naghana ng mapapanood at mapapakinggang malungkot na awitin.

Nakita niya ang "Gloomy Sunday". Isinara ang lahat ng bintana. Tinabingan ang lahat ng puwedeng pagmulan ng liwanag. Kinuha ang front cover ng tabloid Abante newspaper at nilamukos pinantakip niya sa butas na screen dahil mayroon pa ring pumapasok naliwanag. Binuksan ang bentilador. Tanging liwanag na lang sa monitor ng PC ang liwanag na kumakalat sa kwarto niya.

Tagaktak ang pawis niya kahit bukas ang pupugak-pugak na elekt rik fan. Kulob ang kwarto.

Tinignan niyang mabuti ang nakakalungkot na palabas sa PC. Dinamang mabuti ang melodya. Pumikit siya. Dumilat.

Kinuha niya ang tasa ng kape. 

Tinikman. Napaigtad siya sa init. Napaso ang kanyang labi. Sa pagkaigtad niya lumigwak ang kape sa kanyang hita. Tumama ang tuhod niya sa nakausling patungan ng keyboard. Kumalog ang mesa. Umuga ang  monitor. Inagapan ng isang kamay ang monitor. Lalo lang lumigwak ang kape. Natapunan ang keyboard. Inagapan ng isang kamay niya na galing sa monitor ang keyboard.

Silverchair - "Suicidal Dreams"

Natumba ang monitor. Napatayo siya para saluhin. Muling tumama ang tuhod niya sa nakausling patungan ng keyboard. Tumagilid ang kompyuter table. Tuluyan nang natapon ang kape sa mesa ng kompyuter. Tuluyan nang tumaob ang mesa kasama ng buong  kompyuter.

Namatay ang monitor.
Biglang kinumutan ng dilim a ng buong silid.
Tumayo siya para hanapin ang switch ng ilaw.
May narinig siyang ingay. May nasagi siya. Natapakan niya. Tumumba rin ito.

Nang magbukas ng ilaw, bagsak ang bentilador. Basa ang keyboard. Durog ang screen ng monitor.

Nang walang anu-ano'y "HOY, PUTANG INA KANG BATA KA, ANO NA NAMANG KAPALPAKAN DIYAN ANG GINAWA MO? HINDI KA BA PAPASOK NGAYON? PUTANG INA KA, LUNES NA LUNES, A-ABSENT KA NA NAMAN."

Maingat niyang itinayo ang natumbang mga bahagi ng kompyuter. Habang umiikot pa ang elesi ng bentilador. Marahan. Parang humahalakhak.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento