Pages

Linggo, Enero 22, 2017

Gymnuary Belly

'Let me hear your body talk'

Gymnuary

So, kamusta na pala yung mga nag gym, nagzuzumba, mga nagtetratraining ng iba't-bang klaseng pisikal na aktibidades para lumiit ang mga bilbil bago magbuwan ng romansa't-pag ibig sa Pebrero?

Hindi ko maikakaila na ang pagpapaliit ng tiyan ay parang trapik armageddon sa EDSA - nakakainip - nakamamatay.

Ilan sa mga remembrance sa aking mga pagpapasakit ay ang mag-push ng pagkaraming beses na naka-angat ang paa habang pinapanood ang aking mga nakolektang exercises mula sa Pornhub Youtube videos. Umakyat, bumaba, magmanhik manaog ng hagdan nang isang oras at ang magjogging ng mabilis palayo sa tumatahol na nakawalang pitbull ng kapitbahay para lang lumiit ang walastik na tiyan na ito. Yun bang para kang hihimatayin at aatakihin sa puso ang pakiramdam.

Kaya't ang aking sigaw itigil na yan. Itigil na sana ng lipunan ang ganitong pagpapahirap at pagpaparusa sa mga taong nagkakabilbil. Tama na. Sobra na. Uwian na wala pang nanalo, malaki pa rin tiyan ko.

Dati naman talaga nung mga araw pa ng kolehiyo, sana'y akong tumakbo ng isang kilometro araw-araw, sabayan pa ng apat na set na laro ng basketball. Natigil lang yun nung nailipat ang 7am subject ko sa alas diyes.

Noong nakaraang taon naisipan kong bumalik sa pag e exercise nang minsang kapusin ako ng hininga habang nanonood ng Desperate Housewives at Girls Jumping on Trampolines. At kahit gusto ko nang itigil ang mga kalokohang ito naniniwala pa rin ako sa salitang "HOPE" kahit sa kasalukuyan ang Hope na yan ay nagmimistulang brand na lamang ng isang sigarilyo. Higit pa sa maliit na tiyan ang inaasam ko. Gusto ko yung may anim na pandesal sa labas ng sikmura.Ewan ko, hindi ko alam kung paano gagawin yun. Goodluck.

Olivia Newton John - Physical

Ayon sa mga kuro-kuro at mga nagmamagaling da best pa rin daw na ABS exercise ang cardio o jogging o yung pagtakbo. Bakit hindi? tanong ko sa inyo, may nakita na ba kayong isnatcher na malaki ang tiyan? At dahil hindi na ligtas ang ating mga kalsada ngayon, sa tingin ko mainam na substitute ang SKIPPING rope. Ma-heart attack ka man sa kakatalon at least home sweet home kang mamamatay nasa privacy ng iyong tahanan.

Ang alam ko lang dati na pag exercise sa ABS ay ang pag-ubo. Sa tuwing dadapuan ako ng sakit na ito, sumasakit din pati ang mga abdominals ko sa kaka-ubo, di malayong para ka na ring nag crunches ng isangdaang beses sa isang oras ng buong araw. Buti na lang may Ritemed, kaya wag mahiyang magtanong.

Ayon ulit sa aking mga ibon ng karunungan, nauso daw nuon ang exercise na Inversion therapy. Ito ang pag ehersisyo na nakalambitin ka na patiwarik na parang paniki. Mainam daw ito sa back pains. Pero naimagine ko ang sarili ko kung gayon, baka matapos na ang isang araw hindi ko pa rin mahila ang sarili ko pataas na hindi sumisigaw ng saklolo. Samantalang napakahirap ngmaitupi ang tiyan habang nagmemedyas at nagsisintas. 

Pero dahil na rin sa likas na kaugaliang hindi pagsuko, ginawa ko pa rin ang inversion therapy at baka mapabilis ang paglabas ng six-pack pandesal ko. Minsan ko lang ginawa at hindi na muling inulit. Natanggalan lang ako ng snowflakes sa buhok, nagkalaglagan lang ang mga balakubak ko. At napagtanto kong hindi pala mabisa ang Head and Shoulders na yan.

Para mas lalo kang mamotivate sa ginagawa mong adhikain sa GYM, dapat rin daw meron kang KASAMA yun bang taga paalala, taga alalay, taga punas ng pawis at taga salo kung nafa-fall ka na. Hinikayat ko rin minsan ang isang kaibigan na sumama. AYAW niya raw, kesyo he is in shape daw. ROUND is considered a shape pa rin daw. Wala eh, pilosopiya niya yun eh. Wala tayong magagawa dun. 

Ikaw na nagbabasa nito, mga ilang patatas na ba ang lumitaw sa tiyan mo, may kalahating dosena na ba? o kamote pa rin?

At sa gabing malamig ako'y matutulog ng mahimbing habang nananaginip ng tungkol sa pandesal, patatas, six packs at inversion therapy.

Bahala na.....

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento