Pages

Linggo, Agosto 27, 2017

1965


'mga gunita: mil novecientos sesenta y cinco'


1965

Atin na lamang nagugunita
ang kanilang mga pangalan
kung sila'y nawala na.
Subalit habang humihinga't nagdarahop
sila'y mga walang pangalan,
walang mga mukhang madaling matandaan
walang karapatang maimbita
at magtalumpati sa liwasan 
sa harap ng mga tao, sa buklod ng lahing Pilipino
mga pangalang hindi nailalathala ng pahayagan
ang kanilang mga blangkong larawan,
at kung sakaling makasalubong mo sa tawiran,
kahit anong halimuyak ng pabango ang yaring gamit
ay hindi ka mapapalingon.

Ang mga taong walang ngalan,
walang mga mukhang madaling matandaan
subalit sila ang mga makina at motor
ng kilusang mapagpalaya.
Sila ang mga magigiting na talampakang nagmartsa 
sa mga kalsadang binudburan ng bubog at alambreng tinik,
ang mga duguan at pawis sa kanilang bisig na nagwawagayway
ng bandila at pakikibaka
sa harap ng libu-libong batuta at bala,
ang mga sugatang kamaong nagbitbit ng naglalagablab na sulo
sa madilim na gabi ng walang hangganang dulong karahasan.

Walang mga pangalan
walang mga mukhang madaling tandaan
mga anino't magagandang layunin lamang ang kanilang bigkis
ito ay mga karaniwang mamamayan,
ang mahihirap na laging pambala ng kanyon.
Ang mga walang pangalan na walang imik 
ngunit magiting na lumaban
kahit kinakalaykay ng nerbiyos,
at dagang ibig kumawala sa dibdib

Sila'y mga walang pangalan
walang mga mukhang madaling matandaan
ngunit ipinaglaban ang sambayanan
kahit hindi kuhaan ng litrato para ilathala sa dyaryo,
kahit walang ginto o pilak na isinasabit sa leeg,
kahit hindi hinaharap ng Pangulo.
Sila'y lumaban para sa iisang lahi,
walang hinangad na luwalhati o gatimpala't medalya
kundi kaunting kanin at ulam na maipasok sa kumakalam na tiyan,
bubong na panangga sa araw at ulan,
damit na hindi gusot at gulanit,
ang laya ng bawat isang
lumakad sa gabi
nang hindi  sinusutsutan ng pulis
para ikulong, pagbintangan at kitilin ang buhay.
Isang bukas na may kaakibat na pag-asa't aliwalas
para sa yaring sarili't, pamilya't mga anak,
buhay na marangal,
mataas na kwalidad ng edukasyon,
yan ang tanging hiling
ng mga walang pangalan,
kahit walang mga mukhang madaling tandaan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento