Pages

Lunes, Disyembre 25, 2017

iPhone X

'Malas ako sa raffle'


Kung nabasa mo ang title ng blog na ito at napaisip isipan mong tungkol ito sa paguunboxing ng isa sa pinakamaluluhong telepono sa balat ng lupa ay nagkakamali ka ng napuntahan. Walang talakayan na magaganap tungkol diyan, wala akong balak na pag usapan ang kahit anong features na nilalaman ng teleponong ito. Ako yung taong walang hilig sa selpon, sawang-sawa na ko kakapindot sa keyboard at makipag usap, makipagtalo, makipag-girian sa mga Briton sa chat kaya bakit ko pa papagurin ang sarili ko na dapat ay ipinapahinga na lang ng mga daliri ko. Ayaw ko ng iPhone X, ayaw ko pero kung sakaling swertehin sa pag drawlots ng pangalan ko eh di salamat, pero walang confetti na sasabog sa loob ng isipan ko. Kung isigaw ang pangalan ko sa mikropono eh siguro parang naka half mask lang na watawat ng Pilipinas ang ipapakita kong ngiti. Ipapaalam ko sa paglapit ko at pag abot ng selpon na iyon na wala akong hilig sa ganyang uri ng teknikal na bagay. Baka masaya ko sa unang pagkakataon na yun kasi 1st time ever na isisigaw ang pangalan ko na hindi dahil sa pag-call out na naka status akong "away" sa chat. Ewan ko ba sa ganung pagkakataon kasi medyo natatawa ako feeling ko talaga nasa isang shop ako sa loob ng SM department store at sa tuwing may magsasalita sa mikropono feeling ko sumisigaw sila na parang ipinapaalam sa loob ng tao sa stock room kung meron bang size 7 na sapatos na request ng customer o di kaya ay nananawagan sa magulang ng batang nawawala sa loob ng mall. 

Balik tayo sa iPhone X, may oras din naman na gumagamit ako ng selpon. Meron akong app na alam na sinubukan ko lang naman dahil na curious cat ang inyong lingkod. Hindi ko gusto yung app pero natutuwa ako sa mga taong ipinapakitang sobrang bored na bored sila sa buhay nila sa BIGO Live, pota ewan ko ba at halos magkulong ang mga kwarto sa iba sabay sayaw ang mga haliparot at nanghihingi ng kung anong virtual coins para umakyat ng level ang mga damuho. Tsaka hindi rin naman kasi ko nagloload kung hindi rin lang may lakad at makikipagkita sa mga dating kaibigan para lang makapagtxt kung nasaan na sila. Eh kasi naman di ba, uso sa atin ang "Pilipino time" yung mga taong nagsasabing "on the way" na sila pero naliligo pa ang mga putangina. Bato bato sa langit ang tamaan bubulagta. Ano pa ba? Hmmmm... ayun ginagamit ko lang din ang selpon sa tuwing ako'y susulyap sa orasan. Hindi na kasi ko nagdadala ng relos buhat nang ipagbawal ng mga burikat ang Smart watch. Binili ko pa naman yung ng 600 pesos tapos hindi ko naman nagagamit.Ang dami daming bawal tapos wala naman ano... ham. Puta!

Hindi rin ako mahilig sa mga lekat na games na yan sa selpon. Kaya kung mabubunot ako't pagpalain na manalo baka gawin ko lang yang libangan sa musika. Oo, musika lang hindi ko trip manood ng porn sa selpon, mas gusto ko sa widescreen. Tsaka nakakahiya rin naman sa iPhone X na yan  kung gagamitin ko lang siyang alarm sa paggising ko para pumasok sa gabi o baka madaling-araw dahil nagdedelikado ata ang grupo namin sa shift bid na yan. 


                                        Itchyworms - Gusto Ko Lamang Sa Buhay



Hindi ako papasok ng 31 kasi baka mabunot ang pangalan ko, ayaw kong hawaan ko kayo ng pagka negatib ng muka ko pagpasok ng taon dahil hinding hindi niyo ko mapipilit na maging masaya o maging excited sa matatanggap ko. Ano ba yang iPhone X na yan? nakakadiri, magiging heartrob na ba ko kung sakaling mahawakan ko yan? At hindi rin ako yung taong mahilig magseselpi sanay pa rin akong may kasama sa picture at magbibilang yung kukuha ng 1,2, 3 at sasabihin munang say cheese para mas maayos ang ngiti ko. Kung solo ko sa mga litrato baka duon lang kapag magpapakuha ako ng ID picture. Isa pa sa kinaiinisan ko walang katapusan yang iPhone na yan nag umpisa sa ata sa 1st generation hanggang X = 10 na ngayon, putragis matatalo niyo na yung Shake, Rattle and Roll natapos ata hanggang sa 13 yun ee. 

Isa pa pala at higit sa lahat malas ako sa mga raffle. Hindi naman ako galet sa iPhone, hindi rin ako bitter sadyang wala lang talaga sa bituka ko ang gumamit ng mga high definition devices at baka maging mitsa pa ng buhay ko yang balang-araw. Hindi naman masama alalahanin ang kamalasan sa buhay, minsan kapag naaalala  mo ang isang bagay na sa tingin mo ay pinaglaruan ka ng tadhana, ay matatawa ka na lang.

Noon, palagi akong nawiwiling sumali sa mga raffle. Yung mga raffle na kailangan ng proof of purchase. Bibili ka ng ganito , ganyan  tapos isasali mo yung wrapper. Ewan ko ba. Hindi pa naman ako nananalo e, iniisip ko na kung ano ang gagawin sa premyo. Kaya siguro minamalas. Ni minsan di pa nanalo. Counting the eggs kasi kahit hindi pa ito hatched. 

Pero hindi. Hindi ko ata matatanggap na ako ay malas. Naghubad ako sa aming CR at tumalikod sa salamin, tumungtong ako sa  inidoro para makita sa salamin ang aking puwit. Sinilip ko sa salamin, aba eh wala  naman. Wala naman yung "marka" na sinasabi nila. Oo naniniwala ako na wala naman akong balat sa puwet para malasin ng ganito. Mas gugustuhin ko pa kasing isipin na ako ay dinaya. Tama. Dinaya ako! Imposibleng hindi ako manalo. Sinusunod ko ata ang mga regulasyon. Pinapaganda ko pa ang aking sulat kamay. The best pa ang aking signature. Kumpleto ang address. Kulang nalang lagyan ito ng autographed picture ko e. Kaya lang di ko na nilalagyan. Parang panunuhol na yun, kaya wag na lang.

Kung sino man siguro ang mabubunot sa iPhone X na yan ay para sa kanya ay napakaswerte na niyang nilalang. Hindi ako kokontra. Wala akong sasabihin magiging masaya lang ako sapagkat deserve mo ang selpon na yan. Gusto kong makakita ng kapwa ko na masaya dahil nabiyayaan siya ng isang pagkapetmalu loding mamahaling selpon sa balat ng sansinukob. Basta ako masaya ko ng mga araw na yan sa loob ng aking pamamahay, tsumitsibog ng hamon (san ako kumuha?), yumuyupyop ng malamig na softdrinks, pumapapak ng barbekyu't hotdog na may marshmallow, nagpapailaw ng Mabuhay Roman Candles, nagkikiskis ng watusi sa pader, tumitingin sa kalawakan ng mga naguumilaw na paputok mula sa kalangitan, maeexcite kung anong top 1 song sa yearly countdown sa radyo at makikinig ng Auld lang syne habang sinasabayan ko ng pagtalon kapag alas dose na.

Masaya ako. Masaya ka sa iPhone mo.

Happy New Year sa inyo!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento