Pages

Miyerkules, Pebrero 7, 2018

Parisukat na Mundo


'Masarap magburda ng mga salita sa mundong parisukat'


Kape. Ubo. Dahak.
Alas singko beinte dos
(madaling araw)

Nakakailang tipa pa lamang ako ng letra sa unang linya ay naka tatlong kahol na ako. Higop ng kapeng mainit upang humagod ang lalamunan. Nakakulong sa isang silid na di ko mawari kung paano ko matatakasan. Nakatago sa isang aparador na puno ng mga bagay na hindi ko madama. Ako'y nakaupo sa isang silya na gawa sa metal at sadyang nakagigimbal ang lamig, sapagkat bukod sa pagkakaupo'y nakatali ang aking mga kamay ng makakapal na kadenang umuubos ng enerhiya. Hindi ko alam kung nasaan ako. 

Nilisanan na ako 
ng mga luhang
noo'y hindi
lumilisan sa 
aking mga mata.

Tila niyayakap
na ako
ng takot at kalungkutan
masikip at hindi makahinga
sa pagkakabigkis
ngunit ako ay
hindi patitibag.


                                            KWARTO - Sugarfree



Kung may sariling buhay lang  'tong blog na 'to, sa madaling araw at sa oras na ito, malamang ay tampong tampo na ito sa akin. Sapagkat nabibigyan ko lang siya ng pansin kapag kailangan ko ng katahimikan mula sa mapanghusga, mabangis at magulong mundo ng isang pagiging manunulat. Siguro binubulyawan na ako ng mga ubas na nakadisplay sa banner na ito. Baka nilason na nila ko sa sa pamamagitan ng cyanide. Anong sasabihin nila sa akin? "Andito ka na naman punyeta ka kasi hindi mo masubuan ng salita ang isa mong post? Andito ka na naman kasi pnamumugaran ka na naman ng karuwagan at kalungkutan?" Kung sisigawan niya ako ng ganito, tatahimik lang ako't tatango kasi yun naman talaga ang totoo. Baka nga punung puno na naman ng karuwagan ang puso ko. Duwag na ipahayag ang totoong saloobin. Dito kasi, ako lang ito, ako ang hari ng aking mundo, ako ang namumuno sa bawat salitang aking binibitawan. Pero naman kasi hindi niyo naman ako kilala. Kasi hindi niyo naman ako kinakausap. Kasi isa lamang akong hangin (wag lang masamang hangin) na dumadaan sa inyong mga dashboard na hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang tagalog. Dashboard. Ewan, basta wala atang katumbas na tagalog para sa salitang ito. Maganda na rin siguro ang ganito. Napakatahimik kahit nagtitipa lang naman talaga ako ng letra at tanging paghigop ko lang ng kape ang naririnig ng sarili kong tenga sa pag-usbong ng isang mangandang umaga.

Di niyo lang alam napakasarap magsulat lalo na sa mga oras na pakiramdam mo tinalikuran ka na ng mundo. Kapag pakiramdam mo na wala nang nagnanais na makinig sa mga nakakasawa mong kwento. Masarap mangsulat lalo na kung nagiisa ka at walang nag-aabot ng kamay upang patayuin ka't yakapin sa kalungkutang kinasasadlakan mo. Masarap bumurda ng mga salita kung marami kang nais isigaw sa mundo ngunit ika'y nagmimistulang pipi sapagkat walang lumalabas na tinig galing sa bibig mo. Masarap magsulat sa mundo ng tinta at papel, may mga kaibigan o di mo kakilala na nais makinig sayo, may mga taong gusto kang damayan. Ang mga tinta't papel sa harap mo ang siyang mga totoong kaibigan na kailanman ay hinding hindi ka lilisanin. Masarap magsulat lalo na kung ang sinusulat mo ay ang sarili mo at ang pinapasulat mo ay yung totoong ikaw.

Minahal ko ang pagsulat gamit ang wikang sarili. Hindi ka cheapan sa isang blogosperyo ang paggamit ng dilang kayumanggi at dito ako sasang-ayon kay Baby Ama, mag-tagalog ka! May mga taong ma-Ingles noon at sabik daw na makita ang aking mundo ng salita ngunit noong napag-alaman na Tagalog ay wala na akong narinig mula sa kanya, siya na mismo ang nagmistulang naging pipi at bingi nang bumulantang ang mga letrang nakaukit sa pananagalog. Hindi kita makakalimutan Ginang. 

Labis kong ikinagalak ang pagsiksik ko ng mga kaisipan sa bawat talata ng aking prosa. Minahal ko ang pahinang ito. Ang mga bawat pahinang repleksiyon ng puso ko ng aking pagkatao. Sa kabilang banda'y nalulumbay ako dahil kahit ano pang gawing pagpapakatotoo - sa bawat salitang sinasambit ko, sa bawat salitang likhang isinusulat ko, ay wala pa ring saysay. Ayaw kong huminto subalit lubhang napakasidhi nitong puwersang lumalamon sa akin. Bibitaw na ba? Aayaw na ba?

Malamig na ang kape mula sa isang libong ubo't-dahak. Magandang panimulang umaga mula sa aking parisukat na mundo.


Alas syete kwatro.
(umaga)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento