Pages

Miyerkules, Hunyo 26, 2019

Sa Tuwing Umuulan

'Mga alaala sa tuwing tag-ulan'

Makulimlim na naman ang paligid kahit mainit ang sikat ng araw. Ulan, init, ulan, init iyan ang laro ng panahon sa maghapon. Katamtaman ang ihip ng hangin, malamig din ang panahon, heto nga at naaamoy ko pa mula sa aking puwesto ang masarap na pritong daing na bangus ni Nanay, na paborito naming ulam lalo na kapag ganito ang panahon. 

Paborito ko ang tag-ulan lalo na kapag sumasapit ang dapit-hapon. Kalmado. Alam kong uulan kapag ang mga kulisap ay nagkakagulong magsiliparan pabalik sa kani-kanilang lungga. Masaya ako kapag umuulan. Nais kong maligo at magtampisaw sa malamignitong tubig. Nais kong kumawala sa init ng nagdaang araw, isang pagbabanlaw sa lahat ng pagod at hirap mula sa matinding sikat ng haring liwanag. Ibinabalik nito ang masasayang larawan ng aking kabataang araw-araw ay nais kong balikan. Ang ulan para sa akin ay isang katuparan ng pinakakaasam na kahinahunan ng mundong aking ginagalawan. Isang paghuhugas sa mga alinlangang nadarama ko sa kabila ng kabutihang idinudulot sa akin ng buhay.

Noong bata pa ako, waqla akong kalayaang magpasya na maligo sa ulan. At alam kong sa bawat pagpupumilit kong magtampisaw ay pagagalitan ako ng aking mga magulang. Kung bakit ba noon, noong bata pa ako, mas napapansin kong mas madalas ang pagbuhos ng ulan kumpara sa pagsikat ng araw. Marahil, noon pa man, umiibig na ako sa ulan. Hanggang ngayon.

At ngayong malaya na akong maligo kahit anong oras na bumuhos ang ulan. Ngayon pang mas pipiliin kong magtampisaw sa tubig nito kaysa ang manatili sa loob ng aming silid-aklatan upang magbasa ng mga panitikan patungkol sa ulan. Ngayong wala ng makakapigil sa aking magpagulong-gulong sa nakabibighani nitong tubig. Ngayong hindi ko na kailangan pang uminom ng isangbasong tubig kapag nangangamoy alimuom. Ngayon pang malaki na ako at marunong ng magpasya sa sarili, ngayon pa na kakaunti lamang ang ulan.


After Image - Tag-ulan

Ang ulan ay nagpapaalala sa aking ng mga ginupit-gupit at tiniklop-tiklop na papel noong aking kabataan. Ito ay  ang bangkang papel. Masaya magkarera nito sa kanal lalo na kapag umuulan dahil malakas ang agos ng tubig sa kanal. Kanya-kanyang gawa agad ng bangka at paunahan na. Parang hindi na nga lang talaga karera ang nangyayari eh kasi sa lakas ng ulan nagiging survival na ang labanan. Patibayan na lang ng pagsalo ng mga patak ng ulan at sa lakas ng pag-agos ng tubig. Kapag umabot sa imburnal ang bangka mo at shumoot dun eh panalo ka. Ang tibay ng bangka mo.

Sa lakas ng ulan noon ay hindi ka makukuntento ng basta sa ulan lang eh minsan ay naghahanap pa kayo ng mga kalaro mo ng parang Maria Cristina Falls. Ang rumaragasang tubig sa alulod ng mga bahay yan ang pinaka the best time ng paliligo tuwing umuulan kahit pa alam niyong sinuway na kayo ng mga nakakatanda dahil daw sa may kasamang ebak ng at ihi ng daga ang tubig na dumadaloy sa mga alulod. 

Ito lamang ang aking mga mumunting alaala sa tuwing umuulan. Tila nananariwa ang paligid, pawang naaalis ang dumi, alikabok, putik ng nakaraan at mistulang bagong Paraiso ang masasaksihan pagkatapos ng ulan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento