Pages

Biyernes, Setyembre 27, 2019

Family Dinner Throwback Nobenta

'Masarap mag-kwento lalo na't matatamis ang mga alaala'

"Time Space Warppppp, ngayon din!!"

1992. Noli De Castro.

"Magandang Gabi....Bayan!"

"Hoy! Kain na! Lalamig na ang pagkain! Susmaryosep..."

Tinatawag na kami ng tita ko para kumain. Ayos! Nakatakas na naman ako sa pagse-set ng lamesa! Yahoo! Ayoko kasi talagang gawin yun ee, yung mag-seset ng lamesa. Actually madali lang naman yun pero lagi kasing wrong timing yung pag-uutos nun ee. Matatapos mo na ang stage 3 ng Contra., saka ka tatawagin para ayusin ang lamesa. Papaunahin mo na pakainin yung alaga mo sa Tamagotchi tsaka bubulyawan na maghanda na ng mga plato't-kubyertos. Umininit na ang kamay ko sa pagsasagot ng homework, "Oy, mag-set na ng lamesa!" Mapuputol ko na yung paa ng Barbie ng pinsan kong si Jun-jun, "ano ba, hindi ka pa ba magseset ng lamesa?" Nakalabas na ang kalahati ng ebak kong inipon ko nang dalawang linggo, "DALIAN MO DIYAN AT MAG-SET NA NG LAMESA!"

Anyway, nakaligtas ako ngayong gabi. Sinipag ang tita ko kaya siya ang nagset. Siyempre ang sosyal kasi ng ulam namin ee - adobong sitaw. Walang karne. Oyster sauce at sitaw lang. Pupurgahin ka sa sitaw di ko malasahan kung nasaan ang adobo. "Tita sarap neto ah!" Sabay inom ng tubig kada subo. Nabusog ako ee - sa tubig.

Masarap din naman talaga in fairness ang hapunan. Usually, nasa bahay na ang karamihan sa pamilya. Para sa dun sa mga late na umuwi, eh kelangan nila umasa na may ulam pang matitira pag-angat nila ng plastik na bubong ng pagkain. Lahat ba ng pamilya ay may ganun? Alam niyo ba yun? Yung plastik na parang Araneta Coliseum na pinapatong sa tirang ulam para hindi langawin? Actually, hindi epektib sa bahay namin yun kasi may napakalaking langaw sa bahay, -si Uncle Ricardo. Sapul lagi  ang mga tira sa kanya. Kakain siya ng madami sa hapunan at ang kanyang panghimagas ay yung ulam na tinira namin para sa pinsan ko.

Ipinapaalala sa atin ng hapunan na may bahay tayong kelangang uwian at pamilyang dapat saluhan. Oo nga, hindi ko naman nakalimutan 'to ee. Parati ka ba naman tawagin ng nanay mo nang pasigaw ee. "Diyan ka nalang ba matutulog sa labas ha?!"

Pagdating ng ala-sais ng hapon, tatawagin na ako para punasan ang pawis at maghugas ng paa sa banyo. Nakaupo na silang lahat at naka-fighting stance na, maliban sa aming nanay. Sinasalok pa ni nanay ang mainit na sabaw ng sinigang na baboy. Tatayo sandali si erpats para kumuha ng toyo at platito. Ako naman, pinapanood sila habang pasimpleng kumukuha ng Coke 500. "Wala panglaman ang tiyan mo Jack!"  "Eh kumain naman ako ng Rinbee sa labas ee." Yare.

Masarap kumain ng hapunan na kumpleto ang pamilya. Heto ang mga kadalasang nangyayari:

1. Manonood kayo ng balita sa TV at panay ang comment ng tatay at nanay mo. "Puro patayan nanaman! Wala na talagang matinong balita ngayon!" "Um, loko buti nga sa'yo kalaboso ka." Ngumunguya pa yan sila habang nagkokomento.

2. Magtatanong ang nanay at tatay m tungkol sa skul kung mataas ba ang grades mo, kung kasama ka sa top ten, bakit may bitbit na Dunkin Donuts yung isa ninyong titser habang may PTA meeting. 

3. Kumikindat-kindat ang ilaw sa lamesa. "Mag-b-bra-awt"

4. Tatapon ang Coke pag-abot mo. Dun mismo sa kanin. Sa kanin ng tatay mo. Ikaw na tuloy ang kakain ng kanin niya. Pero papaluin ka pa rin.

5. Uutusan ka bigla ng tatay mo na bumili ng yelo sa labas. Sabay tapon ng basura, na guguluhin nanaman ng pusa o aso ng kapitbahay.

6. Ipapaabot sa'yo yung remote at ipapalipat sayo sa Channel 4 at manonood daw siya ng Blow by Blow yung boksing na palabas tuwing Linggo. Magagalit naman nanay mo kasi nanonood siya ng Mel and Jay.

7. Kapag nagbrawn out magkakailaw kaagad pagkasindi na pagkasindi ng kandila. Ganyan noong 90s ee tapos mag-uunahan kayo ng mga pinsan mo hipan yung kandila.

8. Mag-b-brawn out ulit. Sabay hindi na maaalala ni nanay kung saan niya nailapag ang posporo.

Zac Brown Band - 'Family Table'

Masayang hasel ang hapunan. Masaya siyempre kasi kadalasan talaga eh kumpleto ang buong pamilya. Kwentuhan, asaran at tawanan. Si Lolo medyo nale-late dumating kasi galing sa trabaho at may pasalubong sa amin lagi na Serg's o di kaya ay Moonbits. Namimiss ko si lolo at mga pasalubong niya na nagiging panghimagas naman namin pagkatapos maghapunan. 

Ang hasel? Syrempre una na nag pagputol ng paglalaro mo. Nabuburot ka man sa langit-lupa sa labas, naglalaro ng family computer o game n' watch eh ititigil mo yan dahil kakain na kayo. At huwag mo nang hintayin na tatay mo pa ang tumwag sa'yo. Alam natin lahat yan. Tapos papaliguin ka pa bago kumain kaso nanlilimahid ka na sa dumi sa kakalaro mo sa kalye.

Wala rin nakakatakas sa'tin sa pagtapon ng kung anu-ano sa mesa. Sabaw ng iba't-ibang ulam, natapon ko na. Tubig, natapon ko na. Coke, natapon ko na rin. Sawsawang suka o toyo, natapon ko na. Kulang na lang talaga na ako ang itapon ng nanay ko. Kapag may natapon ako eh tatahimik na ako at matatapos agad ang pagkain ko sabay alis na sa mesa. Baka bigla pang mahalungkat mga iba kong kasalanan ee.

Eto ang makulit, malikot, aking escape plan pero masasaya kong alaala sa hapagkainan kasama ng aking pamilya noong dekada nobenta. Lumungkot na kasi hindi ko na kasama ang mga tita at pinsan ko. Wala na rin akong lola, lolo at tatay kaya mga matatamis na alaala na lamang ang natira at naisulat ko ngayon dito. Maraming salamat pa rin sa mga alaala niyo! Mahal ko kayo!



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento