Pages

Huwebes, Oktubre 24, 2019

Undas Specials: Ano Ang Nasa Dako Pa Roon?

'Death moves in mysterious ways 🎶'


Ang sabi nga sa kanta ng bandang MYMP, "love moves in a mysterious ways", pero siguro sa tingin ko hindi lamang ang pag-ibig ang misteryoso ang buong buhay ng tao ay nababalot ng misteryo. Verum Est totoo ba ito? Ano ang nasa dako pa roon? Ano nga ba? 

Marami tayong mga katanungan ngunit wala pa talagang nakakasagot. Sa tuwing mapapag-usapan ang ganitong mga paksa ay hanggang duon lamang tayo sa mga teorya kung mayroon na nga bang nakabalik sa buhay pagkatapos ng kamatayan.

Undas na naman hindi ito panahon para mag-party sa sementeryo, magdala ng malalaking speakers, pagkain at kung anu-ano pa. Higit sa lahat hindi ito picnic. Ang undas ay hindi para magtakutan panahon ito upang magnilay-nilay tayo sa ating mortalidad.

Ang kamatayan ay natural na bahagi ng buhay. Mukhang dito lang halos nagkakasundo sundo ang paniniwala ng bawat relihiyon sa buong mundo. Sinasabi nga ng ilang mga philosophers na kaya naimbento ang relihiyon at pananampalataya ay para mas maintindihan natin ang kamatayan. May mga taong hindi matanggap na sa sementeryo na lang magtatapos ang lahat. Ayaw nating tanggapin na hanggang sa paglagay lang sa atin ng bulak sa ilong, mamake-upan, at pagsusuotin ng puting barong at ibuburo sa panghabambuhay na kaha matatapos ang lahat. 

Para sa Kristiyanismo at Muslim ang buhay ng tao ay isa lamang matinding paghahanda para sa susunod na buhay. Sa Bibliya sa John 11:25, ang sinumang maniwala kay Kristo ay makakamtan ang buhay na walang hanggan sa langit. Sa Islam naman, kailangan ang tapat na paglilingkod kay Allah para makamtan ito. Sa mga relihiyon naman na Buddhism at Hinduism, nakadepende ang susunod mong buhay kung paano mo trinatrato ang kapwa mo. Kung salbahe ka puwede kang mareincarnate bilang uod, ipis, kuto o balakubak o di kaya gagambang stick. Kung mabait ka naman, siguro uhmmm puwede kang maging ruler hindi yung panukat ha, puwede ka maging isang leader o hari o sabihin na nating Presidente ng Pilipinas. Yun ee kung tatanggapin mong maging Presidente ng Pilipinas.

Ang problema eh, wala pang nakakabalik mula sa kabilang buhay para ipahayag kung anong meron sa itaas o sa ilalim o hindi kaya ang karamihan ay nasa gitna o yung tinatawag na purgatoryo? Kaya uulitin ko ang tanong ano nga ba ang nasa dako pa roon? Kaya kahit na ano pang sabihin ni Juan Karlos Labajo na "puting ilaw" na nakakabulag na kailangan mong sundan para sa tuwid na daan eh baka sa piling lang ni NoyNoy Aquino ka mapunta o mga bagay na nagpaflash ang buong buhay mo sa iyong mga mata, wala at WALA pa rin kongkretong siyentipikong eksplanasyon o patunay na meron ngang buhay na nakabalik mula sa the "other side".


Demon Hunter - 'On My Side'

Pero tohl, let us take a wild imagination, let's make a guess, ano nga kaya ang feeling pagkatapos ng buhay natin sa mundo? Oo naniniwala ako sa kaluluwa, pare-pareho tayong naniniwala na lalabas ang ating kaluluwa sa katawan pagkatapos nating ma-deads, pero ang tanong saan ito papunta pagkatapos nating ma-todas? Makikita ko nga ba ang aking sarili sa tinatawag na death bed habang lumabas na ang kaluluwa ko sa aking katawan? Ang sabi nila ang kaluluwa mo ay bigla na lang hihigupin sa mundo ng mga espiritu. Makikita ko kaya sila Eugene at tropang Ghost fighters sa mundo iyon?  Paano yung mga namatay sa kalsada, paano sila makakauwi sa kani-kanilang tahanan para magpaalam o magparamdam man lang sa mga mahal sa buhay? Ang kaluluwa ba natin ay makakapagteleport na sa ting mga kabahayan o kailangan pa ng kaluluwa na mamasahe umangkas sa jeep, taxi, MRT para lamang makauwi. Nako kaluluwa ka na mata-trapik ka pa noh?

Marami akong napapanood na nanggaling sila sa kamatayan at muling nabuhay. Ito yung mga tinatawag na near death experience. Though may mga kwento sila na napunta sila sa impyerno ang iba naman ay sa langit at mismong si Hesus ang guide nila at ipinakita sa kanila kung anong kahihinatnan ng isang nilalang kung sakaling ito ay mapunta sa lugar kung saan ang apoy ay panghabambuhay at lahat ng pag-asa ay hindi mo makakamtan. Ipinakita sa kanila dahil iyon malamang ay huling warning ng ating tagapagligtas na nararapat sila ay magbago sa masasamang gawain. 


Demon Hunter - 'Carry Me Down'

Sa aking mga nababasa at napapanood kung ikaw daw ay sakaling mapunta sa ilalim, wala ka nang takas dito tohl at habambuhay na parusa at pagsisisi ang iyong mararamdaman. Sa isang video na pinamagatang "Gates of Hell" dito isinasaad na dapat tayo ay naniniwala na may impiyerno at dapat mangilabot ka at katakutan ang lugar na ito. Kaya hanggat may pagkakataon ay baguhin ang masasamang gawi at umpisahan ang mabubuting gawa at tanggapin ang guidance at pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo. Na siya rin namang pinaniniwalaan ko na wala kang dapat ikatakot sa kamatayan kung ang lahat ng iyong kasalanan ay pinagsisihan mo na at hiningian mo na ng tawad sa ating Panginoon. Lahat tayo ay mamamatay, at lahat tayo ay may patutunguhan pagkatapos nating magpaalam sa mundong ito. 

Sa tingin ko sa pagsilang pa lang natin ay nakasulat na ang mga mangyayari sa atin sa buhay. Kung kelan ka bibigyan ng pagsubok ng Diyos hanggang sa kung papaanong paraan ka mamamatay. Kaya napakalaking kasalanan nga talaga kung sino man ang mga taong gustong magpakamatay, mga taong kumitil sa kanilang buhay. Instant go to hell nga ba ang mga taong nagpakamatay? at sa Katoliko ay hindi binibigyang bendisyon ang katawan sa simbahan bago ihatid sa huling hantungan?

Sa impiyerno daw ay araw-araw kang papatayin kinabukasan ay muling mabubuhay at bago matapos ang isang araw ay pahihirapan ka na naman hanggang sa mamatay ka na naman. Sabi nga ni Kuya Germs, "walang tulugan", wala ka ring kapayapaan. Yung tipong ang maririnig mo lang ay masasakit na sigaw na pagpapahirap ng mga demonyo sa mga katawan ng kaluluwang nandito. Makikita mo yung mga ampapanget na demonyo na unti-unting pinipilas yung katawan mo, mga pagpapahirap na unlimited, yung kung anong gusto nilang gawin sa katawan mo ay wala kang masasaklolohan. Basta para ka lang light switch, "patay-buhay-patay-buhay". 



Kapag namatay ka daw ay may susundo sa iyo na isasakay ka sa bangka, ito yung tinatawag na Ferry Man at ihahatid ka sa purgatoryo. Purgatory, as Catholic says, is a place or a state of suffering having the quality of cleansing or purifying before going to heaven. How cleansing is done is we don't know. What kind of creatures are there in purgatory, we don't know. How long will we stay there is we don't know? Eh, mas okay na sa purgatory mapunta kesa rekta ka sa impiyerno di ba? In purgatory you are purifying but you are purifying it with fire. Everyone in the purgatory under this purifying fire will be saved, while those who are in hell are lost forever. Oh di ba olats na sila agad dun wala na, no return no exchange. Now if the souls are already purified, every tear of suffering that we endured in the purifying process every tear will be wiped away in heaven. 

'Charon' - the Ferry Man

Lahat tayo walang takas sa kamatayan at dahil alam nating mamamatay tayo balang araw diba dapat yun nga ang magtulak sa atin para mas mabuhay. Kung alam mong bilang na ang mga araw mo dapat mas lalo mong habulin ang pangarap mo. Kung alam mong maigsi lang ang buhay hindi ba mas lalo kang magmamahal. At kung alam mong tinatawag ka na ni kamatayan hindi ba mas lalo mo ngang gusto mabuhay.

Kapag kumatok na si kamatayan handa ka na bang salubungin siya? Walang makakapagsabi kung sino ang mamamatay o sino ang mabubuhay, kaya dapat mabuhay ka na parang wala ng bukas. Wag kang matakot mamatay dahil sa kamatayan nangagagaling ang halaga ng buhay.

Kaya kung ikaw ay walang pananampalataya at sa kabaong lang matatapos ang kwento ng buhay mo, paano mo ba gagamitin ang buhay na ito? Magpapaka happy-happy ka na lang? o magpapakamartir na lang? sabihin na nating parang mga Santo dahil umaasa ka na may mangyayari pa sa'yo 'pag-exit mo sa mundong ito. Pero yun ang kagandahan ng buhay ee, nananatiling misteryo pa rin kung ano ang mangyayari sa atin pag-disappear natin sa mundong ito. Unless, kung ikaw ay Buddhist na naniniwala sa "re-incarnation". Kaya nga i-enjoy na lang natin ang buhay dahil isang beses lang tayo mabubuhay. Hindi video games ang buhay mo tohl na may tatlong spared lives. Ika nga ng kasabihan ng mga put*&^%$ nmga millennials "You Only Live Once". 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento