Pages

Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ghost of My Christmas Past Part 2

'Christmas 1990s'


1990's settings.

Kumukulo na ang tubig na pinakukulo ni ermats para sa aking pampaligo. Alas-singko ng madaling-araw at excited akong gumising. Nakaupo sa hapagkainan at nag-aantay ng almusal mula sa pinaka-maaruga at pinakamamahal kong nanay habang pupungas-pungas ang aking mga mata at nakabaluktot sa upuan dahil sa lamig ng madaling araw ng buwan ng Disyembre. Ito talaga yung mga panahon ng hindi ka pwedeng hindi magpapakulo ng tubig o gagamit ng heater para maligo ka sa ganitong kalamig na umaga. Napakasarap mag-alaga ng aking ina sa mga kilos niya parang ipinahihiwatig na dapat ako ang pinakapogi sa pag-aayos sa mga isusuot ko para mamaya sa Christmas party. Hindi ko alam na binilhan niya pala ako ng bagong damit sa Divisoria para sa isusuot sa araw na ito. Nakita ko na lamang ito noong inilatag niya ang kabayo para plantsahin ang aking ijajaporms sa party ng aming eskuwelahan. Tandang-tanda ko pa ang checkered na polo na kulay maroon at blue, bago rin ang aking jeans na maong na pambata at ang aking leather shoes na ginagamit pamasok. Okay lang kahit hindi bago ang sapatos magaling naman akong mag-brush ng aking sapatos at Kiwi na ang bahala dito para parang bagong-bago sa kintab. Pero sa kasalukuyang panahon nakakamis na mag brush ng leather shoes kasi hindi na naman ako gumagamit ng mga formal shoes. Ang huli kong pagkakataon na nagba-brush pa ako ng sapatos ay noong nagtuturo pa ako sa kolehiyo ng taong 2006. 

Bilang bata noong dekada nobenta walang sisidlan ang aking kasiyahan at ramdam na ramdam ko pa ang Pasko. Unang-una ito na ang huling araw ng pagpasok sa school dahil magkakaroon kayo ng Christmas vacation na aabot din naman ng dalawang linggo at magkikita kita na kayo ng mga kaklase mo sa susunod na taon na. Naiisip mo na yung mga gagawin mo sa bakasyon na panay laro na lang ang aatupagin mo at panonood ng TV, cartoons o di kaya ay nakakatakot na pelikula yung mga tipo na pelikula ni Mother Lily na horror eh okay na sa akin yun para panginigin ang aking tumbong. Suwerte rin kung magyayaya ang mga tita mo para manood kayo ng sine. Ang sarap talaga ng Pasko ng kabataan noong dekada nobenta kahit walang mga gadgets, cellphone o kung ano man na uso ngayon eh pagkain lang at simpleng pagkakasiyahan ay sobra-sobra na para sa akin.

Karen Carpenter - 'Have Yourself a Merry Little Christmas

Isa sa pinakagusto ko sa school eh eto ngang Christmas Party. Bakit kamo? eh maraming tsibog eh dati nang uso ang lumpia sa mga party pero ewan ko ba noon hindi big deal ang lumpia sa party di katulad ngayon na tila masyado yata tayong naaadik sa pagpapapak ng lumpiang shanghai na ito. Ang gustong-gusto ko eh siyempre hatdog! Di lang basta hatdog, yung hatdog na may marshmallow sa unahan ng stick. Toka-toka ang pagdadala nito at si teacher ang magbibigay ng dadalhin mo. Minsan na rin akong naatasan na magdala ng hotdog at natuwa naman si ermat kasi madali lutuin at madali rin dalhin sa school. Ang karaniwang handa sa party eh siyempre unang-una spaghetti, hotdog, lumpia, lutong-ulam, ice-cream, mga sapin-sapin, puto, kutsinta at pansit. Pero mas nauubos ng mga bata ang spaghetti kasi hindi naman gaanong paborito ng mga bata ang pansit kasi may gulay. Tapos may sayawan, stop-dance contest, mga relay games, trip to Jerusalem at kung anu-ano pang laro. At ang pinakahuli ay ang exhange gifts. Ang masaklap lang eh yung nabunot ka ng kaklase mo pero hindi naka-attend ng Christmas party kaya ayun baka sakali lang na next year mo na matatanggap ang regalo mo (kung naalala niya pa). Ano ang madalas na natatanggap kong regalo? Yung walang kamatayang bimpo, Good morning towel, baso at kung anu-ano pang hindi magugustuhan ng bata. Noon kasi hindi pa uso ang Christmas wishlist magbibigay lang si titser kung hanggang magkano ang para sa exchange gift kaya ayun mga mas nakakatanda ang nakikinabang ng nakukuha naming regalo.

APO Hiking Society - 'Himig Pasko'

Naalimpungatan ako isang madaling-araw dahil naririnig kong may kumikilos sa kusina at maya-maya pa ay nag-iingay ang aming whistling kettle at mag nag-iinit ng tubig sa ganitong oras? Yan ang tanong ko sa aking sarili. Maya-maya pa ay kumakalembang ang kampana ng simbahan. Sabi ko sa sarili ko bilang musmos "nananaginip ba ako?", "tanghali na ba?" Makalipas pa ang ilang minuto ay ginising ako ni ermat at ang sabi niya ay magsisimbang gabi kami. Unang beses kong naranasan ang magsimba ng gabi at kahit pupungas-pungas ay ininom ko na ang aking gatas at nagpawala ng kaunting antok at pinaliguan na ako. Okay lang dahil hindi ko ramdam ang lamig sa loob ng aming banyo pero pagkalabas ay talaga nga namang manginginig ka sa lamig. Binigyang aral din ako ng mga nakakatanda kung bakit kailangang gawin ang Simbang gabi.

"Tayo na giliw magsalo na tayo meron na tayong tinapay at keso, di ba Noche Buena sa gabing ito at bukas ay araw ng Pasko"



Hinding hindi ko makakalimutan ang kantang ito sa bisperas ng Pasko habang ang lahat ng aking mga kasama sa bahay ay kanya-kanya ang toka sa paggawa mula sa mga kailangang iprito, himayin, isalang, hiwain na mga rekado. Habang ako nanonood lang at kung may ipabibili sa aking ingredients na hindi nabili sa palengke ay ready akong tumakbo sa tindahan nila Aling Meding o kapag wala ay sa kabilang kanto naman kila Aling Dely. Para sa akin okay na okay lang mapagod kasi alam mo naman mamaya na mabubusog ka sa sarap ng mga ihahain namin para sa Noche Buena. Magsasawa ka sa pritong manok, spaghetti, mechado o afritada, puto, fruit salad, macaroni salad, leche flan, ice cream, ginataan, lechon at morcon, pagpapak ng keso de bola at hamon. Talagang kumpleto noon sa hapag-kainan ang karaniwang mga inihahanda tuwing bisperas ng Pasko ee.

Marco Sison - 'Noche Buena'

Meron na ring mga nagpapaputok sa labas kahit anim na araw pa bago mag-bagong taon. Pero alam mo ba na noon ay grabe na ang putukan sa amin, mistulang parang bagong taon na rin sa ingay ng paputok at pagtotorotot. Siyempre hindi matatapos ang gabi na hindi ako magkikiskis ng watusi sa aming gate at hihingi ng isa o dalawang piraso ng lusis para lang makapag-pailaw. Habang ang mga nakakatanda naman ay kuwentuhan ng kuwentuhan at kainan ng kainan. Naaalala ko na minsan ay naglalaro sila ng bingo na barya barya lang ang pustahan. Pero bago yan ay magpapaagaw ang pinakamatanda sa mga kapatid ni ermat ng barya. Isasaboy yun pagdating ng alasdose ng gabi at talagang magrarambulan kami ng mga pinsan ko para makarami ng makukuhang barya. Kasabay ng pagpatak ng alasdose ay magbibigayan na kame ng regalo pero hindi kami kasaling mga bata kasi talagang binibigyan kami ng regalo tuwing Pasko. Kapag nagutom naman ay kakain ulit.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento