Pages

Sabado, Disyembre 28, 2019

When The Smoke is Going Down: Kabayan's Aftermath MGB New Year Specials

'Happy 2020 Pilipinas mula sa Ubasnamaycyanide'


Ka Noli De Castro in Magandang Gabi Bayan New Year Specials

Tandang-tanda ko pa ang mga pangyayari sa New Years Episode ni Kabayan may de-kulay na ang TV namin noon at wala kang ibang makikitang kulay at nangingibabaw na kulay sa TV ng gabing iyon kung hindi pula. Pula na kulay ng dugo sa mga daliri ni "Chewy" o "Tsui". Sa panahon noon hindi na mahalaga ang spelling ng pangalan mo pero yung nickname na aking nabanggit ay nakuha sa pangalang niyang "Matthew". Sabihin natin siya yung isang matipunong lalaki na ang pormahan ay parang si Ace Vergel noong dekada nobenta marami kang masasabing maganda duon sa bata puwera na lang sa nangyari sa kanya noong umaga ng Enero 1 sa bungad ng dekada nobenta. Habang naghahanap ng mga paputok na hindi nasindihan, nasindihan pero hindi pumutok sa tumpok ng mga basura may nadampot siya na isang rebentador at walang anu-anoy sumabog ito sa kamay niya at sumambulat na parang tocino ang laman ng nasabugan. Since that day, nagkaroon siya ng bagong katawagan ang tawag na sa kanya ngayon ay si "Putol". Hindi ko alam kung nasaan na siya ngayon pero panigurado ako na kung may asawa na siya ay hindi sa palasingsingan na daliri nakalagay ang kanyang singsing puwera na lang kung sumapi siya sa X-Men at naging mutant. 

Bukod sa Halloween Special, ang New Year Special ng programang Magandang Gabi Bayan ang isa sa mga pinaka-inaabangang special episode ng sikat na news magazine program na ito hosted by former Vice President Noli "Kabayan" De Castro. Sa espesyal na pagtatanghal ng MGB mapapanood ang mga nangyaring pagsalubong sa Bagong Taon ng mga Pilipino sa uba't-ibang panig ng Metro Manila at buong Pilipinas. Pinapakita rin sa palabas na ito ang lahat ng kaganapan sa iba't-ibang hospital na laging naka-full alert sa tuwing sasapit ang Bagong Taon.

Matindi ang laging paalala ng programang ito bago sila magsimula ng New Year Special. "Ang susunod na programa ay naglalaman ng mga maseseleang eksena. Pinapayuhan po ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa panonood." Parang ganyan. At idadagdag ko pa dito, na kung nais mong manood ng episode na ito noon, siguraduhin tapos na kayong kumain ng hapunan dahil sa totoo lang ay mawawalan kayo ng ganang kumain. Kahit ang bituka mo ay uurong dito. Para ka na ring nanonood ng horror na mala-Texas Chainsaw Massacre at Saw ang datingan. Katakut-takot kasing mga eksena ng mga humahagulhol na bata at matanda with matching daliring nagmukang longganisang nalamog, binti na nagmukang dinurog na bulalo, at pagmumukhang parang pinutakte ng isang batalyon na paputok ang masasaksihan mo.

Putukan kapag Bagong Taon, video mula kay @KUYA WHENG Youtube Channel

Mga biktima ng putok

Mga biktima ng putok

Girlschool - Auld Lang Syne

Meron ding ipinapalabas sa New Year Special na ito ang mga inosenteng mamamayan na naging biktima ng ligaw na bala dahil sa indiscriminate firing. Nakapagtatakang karamihan sa mga tinatamaan nito ay mga batang paslit na walang kamuwang-muwang. Pero lalong nakakapagtaka na taun-taon ay meron nadadamay na inosenteng sibilyan sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng kinauukulan. Nangyayari pa rin ito hanggang sa kasalukuyan. 

Kung mayroong kalunos-lunos na pangyayari ay meron din namang ipinapakitang kalugud-lugod na eksena sa New Year Special na ito ng Magandang Gabi Bayan. Bumibisita rin ang MGB sa mga ospital hindi para i-dokyu ang mga naputukan, kung di para mainterview ang mga nanay ng tinatawag na "New Year's Baby", o yung mga sanggol na ipinapanganak ilang minuto pagkatapos sumapit ang alas-dose ng unang araw ng bagong taon. Sabi ng ilan ay swerte raw yung mga ganitong sanggol na ipinapanganak sa ganitong panahon.

Isa rin sa mga naaalala kong  good news ay ang pagroronda nila sa iba't-ibang barangay ng Metro Manila at ibang lugar na may isinasagawang street party. Lagi kong naaalala si Doris Bigornia na laging na-aasign sa Tondo, Manila. Sa street party na ito kadalasang ipinapakita na ang pagsalubong sa Bagong Taon ay hindi lang ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagpapaputok kundi maaari ring idaan sa musika at sayawan. At tiyak nga namang mas ligtas pa ang ganito.

Ngayong nalalapit na naman ang gabi ng putukan, ilang "longganisa" at "bulalo" kaya ang ite-televise kung sakaling hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin sa ere ang Magandang Gabi Bayan sa ABS CBN? Pero who knows baka mayroong New Year Specials si Kabayan dahil nagkaroon siya ulit ng Halloween Specials noong nakaraang Nobyembre. 

Scorpions - When The Smoke Is Going Down

Kabilang nga pala sa ipinagbabawal na paputok ang mga sumusunod:

Super Lolo

Whistle Bomb

Goodbye Philippines/Earth

Atomic Big Triangulo

Piccolo

Judas Belt o Sinturon ni Hudas

Boga

Watusi


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento