Pages

Biyernes, Marso 27, 2020

Lagnat

'Noon yakapsule at kisspirin lang ni nanay ang kasagutan sa ating mga lagnat'


Lagi na lang akong nilalagnat tuwing tag-ulan. Madalas naman ako mag-take ng vitamins at kumain ng gulay (french fries - gulay yun di ba?) pero sa tuwing maambunan ako, sasakit na agad ang ulo ko tapos uubuhin na tapos sisipunin na tapos ayan na, lagnat na ang kasunod pero hindi covid-19 ha kasi hindi naman nauso ang ganyang sakit noong panahon ko. Saglit lang ang magkasakit noon isa o dalawang araw lang ay gumagaling na ang aking ubo at sipon. Hindi nakamamatay ang lagnat noon hindi katulad ngayon na parang nag-evolve sa pinakamatinding sakit ang lagnat. Pero kahit simpleng lagnat lang noon ay hasel pa rin. Bigla kang mawawalan ng ganang kumain. Kahit anong sarap ng paksiw at crispy pata eh hindi mo maipasok sa bibig mo ang kutsara at nasusuka ka na agad bago pa ibigay sayo ang pagkain mo.

Isang beses ay binigyan ako ng Nissins Ramen Noodles na may itlog. Ito daw ang klasik na pampagaling ng lagnat. Masarap naman ang pasok niya sa simula. Pagkatapos ng 30 minutos ay isinuka ko rin.

Tuwing may lagnat ay iisa ang gamot ni nanay para sa akin yan ay yung Vicks Vapor Rub. 'Pag nilalagnat, Vicks. 'Pag may almuranas, Vicks. 'Pag uhaw, efficascent oil.

Ako lang ba ang tao sa mundo na hindi marunong magbasa ng thermometer hanggang ngayon? Ang gamit kasi ngayon eh digital na hindi katulad ng nakagisnan kong thermometer kung paano ba malalaman ang tamang temperatura ng iyong katawan. Ewan ko ba, hanggang ngayon ay hindi ko makita kung saan nakalagay 'yang mercury na yan. 

'Old-skul thermometer'


Lagnat, isa ito sa mga dahilan para mag astang prinsipe at prinsesa ang mga tsikiting. Kahit anong irequest mo, susundin ni nanat, tatay at manang. Daig mo pa ang naglilihi. Nag-b-boses kawawa ako 'pag maysakit at walang pang two seconds eh nasa tabi na ng kama ko si mama. Lahat ng hingin ko ee ibibigay talaga. Pwede ka pang magpabili ng bagong laruan!

"O sige anak, pagkagaling na pagkagaling mo ha kakain tayo sa labas at pupunta tayo sa Fiesta Carnival para bumili ng laruan. Basta, magpagaling ka ha."

The National - Cold Girl Fever

Kulang pa ang tatlong araw na absent kapag may lagnat ka. Nakaratay ka lang sa kama mo at tuwing gabi ay nagigising kang umiiyak dahil kung anu-ano ang nakikita mo sa dilim. Parati kasi akong nalulula noon at hindi ko naman ma-explain kay mama kung bakit. Pagkatapos nun ay maghahanda si mama ng palangganang may bimpo at maaligamgam na tubig at pagkapiga sa bimpo ay isasalpak na 'to sa noo ko. Gustong-gusto kong naririnig ang tunog ng pagpatak ng tubig galing sa pagkakapiga sa bimpo. Plok plok plok. Hmmmm sarap! Maya-maya ay kukunin niya ang thermometer at ilalagay sa kili-kili ko. Ang alam ko lang talaga ay may color red sa thermometer. Kapag super color red ba ay pwede kang mamatay?

Kinaumagahan, para akong sinakluban ng kalungkutan habang nakaharap sa mesa. Hindi ata ako maisasalba ng hotdog sa lamesa sa kalungkutang ito. Sa tanghalian, mainit na tinola, sinigang, sinampalukan, at kung anu-ano pang pagkain na may sabaw ang nakahain para sa akin. Mukhang masarap ah! Pero hanggang tingin lang yun dahil hindi ko maintindihan kung bakit hindi gumagana ang panlasa ko. Pati yung sawsawan ko ng aking isda na toyo at suka ay iba ang aking pang-amoy. Wala rin akong gana kahit pa sabihin ng utak kong masasarap ang mga niluto ni mama. Badtrip!

Neo Aspilet! Hehehe! Sarap papakin nito ee! Alam mong para talaga sa mga bata ee noh? Masarap ang lasa, iba't-iba ang kulay, puwede pang nguyain. At ang Tempra? Sanay na ko sa lasa niyan. Papatakpan pa sa akin ni nanay ang ilong ko habang binibigyan niya ako ng isang kutsara ng kulay na violet na gamot. Sabay higop, lunok, tubig! Paiinumin din niya ako ng kalamansi juice. Hay sarap ng buhay-prinsipe.. Ganito yung buhay noon kapag may lagnat ka pero sa panahon natin ngayon kung magkakalagnat ka, ay nako di bale na lang.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento