Pages

Miyerkules, Mayo 27, 2020

Burger stand ng Bayan: Minute Burger

 'your nostalgic burger stand, since 1982'


Hello, isang mabilisan lang at flex ko lang itong meryenda ko ngayon. Kung nostalgia rin lang naman ang pag-uusapan, isa ito sa pinkamatatagal nang burger stand sa Pilipinas. Ang MINUTE BURGER. Bata pa lang ako at nasa San Andres Bukid pa kami nakatira ay lagi akong binibilhan o pinapasalubungan ni nanay ng burger na ito. Sa tuwing magkakasakit ako at ipinahihilot ako kila Mang Demet sa aking mga lamig sa likod ay hindi kami uuwing wala akong masarap na burger. Si ermats naman ay palaging silvanas ang inoorder o minsan ay noodles. Yes, meron silang noodles noon sa kanilang menu. Kung sa pasarapan lang naman ay hindi patatalo itong Minute Burger sa burger ng McDo o Jollibee. Mas lalong naging malasa ang burger nila at makakapamili ka ng mas maraming flavor ng burger mo. Mas nadagdagan ang kanilang menu sa burger at maging sa hotdog sandwiches. 

Though the minute burger is just a franchise restaurant, nakakasiguro naman na malinis ang food quality ng mga iniluluto nilang pagkain even though they were consider as a kind of street food restaurant. Ang pinaka da best strategu ng burger stand na ito ay yung kanilang "buy one take one". The price is somehow cheap relative to the quantity and the quality of the food. Ang isang order ay nagkakahalaga ng P58, ibig sabihin P29 each lang ang isang burger kumpara sa presyo ng burger ng Jollibee, KFC or McDonalds mas makakamura ka nga naman at masarap pa. Bago sa panlasa at madaling maka-hooked sa panlasang Pinoy. Sabi ko nga hindi sila patatalo pagdating sa kanilang mga special sauces and ingredients. Hindi katulad nung isang burger diyan na isang kagat eh tinapay lahat. Dito sa pagkagat mo ay kasama ng tinapay ang karne, ang keso at ang sauce depende sa kung anong flavor ng inorder mong burger. 

Parokya ni Edgar - Ordertaker

Ang Minute Burger stand ay tambayan ng mga pagod at kauuwi lang sa trabaho na nais magpasalubong sa kanilang mga love ones, tambayan at hintayan ng mga may jowa, isama na rin natin ang single, tambayan ng taong nag-eemote tuwing umuulan at kakain muna yan ng burger habang nageemote sa pagpatak ng ulan, tambayan kasi maganda yung nagluluto. Ang problema lang sa kanilang ambience ay sobrang init dahil walang electric fan or airconditioners at dahil na rin sa kanilang frying steam na nasa gitna ng burger stand. Medyo mabagal ang service crew pero naiintindihan naman natin yun dahil minsan iisa lang ang kanilang tao kaya natatagalan ang order kapag dumarami na ang tao. Kaya kung gutom ka at maraming tao ay masusubukan talaga ang pasensiyang mong maghintay. Pero diyan ka naman magaling di ba? ang maghintay? Sa dami at sa lahat ng transcation ngayon ay pila system hindi ka pa ba masasanay mag-antay?

Napakasarap ng aking inorder na Burger Pizza na buy one take one kasama na rin nung Bacon Hotdog. Sulit ang pagbibisekleta para maka-order. Sinuwerte rin dahil walang bumibili sa oras ng aking pag order. May nakikita akong mga post na malinamnam din daw yung Black Pepper burger at Sea Food burger. Oh di ba? napakarami ng pagpipilian. Bili na sa pinakamalapit na Minute Burger stand. 

At para mas matakam ka, narito ang ilang mga larawan.



















































Narito po ang ilang mga satisfied customer comments ng ating Minute Burger:









Sabado, Mayo 23, 2020

Nostalgic Machines: Betamax/VHS

'Ganitong-ganito ang betamax na uwi ni erpats galing Saudi.'


"Ayan na simula na, huwag na kayong maingay! ayan na....o kalaban 'yan... ay hindi... kakampi pala... proooot!"

Puta may umutot ambaho naman.

Masarap manood sa VHS o Betamax, laging enjoy kahit hindi maganda ang napiling bala, basta you're comfortable at your home. Noong panahon natin wala pa ang mga VCD at DVD. Sino ba ang nagpauso ng mga yan? Dahil sa inyo eh nagsarado ang mga rentahan ng beta at VHS sa may amin! Habang sinusulat ko ito ay tinititigan ko ang Betamax unit namin na nag-iipon na ng alikabok sa loob ng compact stereo na naiwan ni erpats. Haaay bumabalik na naman ang masasayang memories. 

Nauso ng husto ang pagrerenta ng bala ng betamax. Magpapamember ka tapos ayan na. Tuluy-tuloy na ang pagrenta kada weekend. Lagi akong hindi naisosoli on time dahil likas lang akong tinatamad. Pero ni minsan ata ay hindi ako nagbayad ng overdue payment dahil yung manager eh kaibigan ko yung anak niya na batang kalye din. Ano di ba noon pa man uso na ang palakasan system. 

'Betamax tapes'

Sa rentahan ay may drama section, action section, comedy section, romance section, horror/suspense/thriller section at siyempre sa may likod ng parte ng bidyo city ay may Scorpio Nights section o bomba section kung saan naghihintay ang mga suki kong sina Amanda Paige, Aya Medel, Katrina Paula, Priscilla Almeda, Rita Avila, Alma Concepcion at iba pa.

Pag-uwi sa bahay ay nagmamadali na akong umakyat ng kuwarto. Pagpasok sa kwarto ay BAM! Kandado agad ang kuwarto. Ay sandale. Bukas ulit ng kwarto. Punta muna sa banyo, kuha ng lotion para makinis ang balat at hindi nagda-dry, O-ha! Dadalhin ko ang lotion sa kwarto ulit para dun magpakinis ng balat. Ayan. Lock na ulit. And then, isasalang na ang bala. Ayan, nakatitig na ako sa TV. Siyempre kapag maganda na ang eksena ay....

Tok! tok! tok!

Puta pindot agad ng pause.

"Sandale" Ayan na bubuksan na nga ee!"

Sira ang session.

Buti na lang may rewinder kami.

'Ang dakilang Rewinder'


Ang betamax ang pinaka sikat na kasankapang-bahay natin noon na nagpalibang at nagpasaya sa atin sa bawat pamilya sa kanya-kanyang bahay. Ang betamax tapes ang rektanggulong bala na may mahabang film sa loob. May sticker na papel sa isang gilid para dun ilagay ang title ng pelikula. Kung sa maaayos na rentahan ka umarkila eh naka-typewriter ang sulat ng title nito pero kung sa pipitsuging rentahan ka eh sinulat lang ng may-ari gamit ng pentel pen ang title. 

Nanghihiram kami palagi ng mga pinsan ko sa aming kalye sa Tuazon sa San Andres Bukid, Maynila ng mga betamax tapes. Masaya nga kami dahil kapitbahay lang namin ang nagpaparenta. Bahay lang siya na nilagyan ng bookshelves ang isang kwarto para lagayan ng mga betamax at  tadaaahhh!! Isang video rentals na siya. Ang nagbabantay eh si Unique, ang kapitbahay kong kalaro ko sa tatching. Kapag maglalaro si Unique sa labas eh ang kuya niya ang tumatao. Suki na kami dito sa video rentals nila. Lahat ng WWF events eh sa kanila namin hinihiram katulad ng Royal Rumble, Summerslam at ang grand daddy ng wrestling pay-per-view events ang Wrestlemania. Masaya ako dahil ang ganda at ang linaw ng kopya kapag wrestling. 


Sandwich - Betamax

Siyempre dumating din ang VHS, ang upgraded version ng betamax. Ang DVD ng VCD. Mas marami kang malalagay na pelikula. Tatlo ata kasya dito eh. Pero ang pinakamagandang lamang ng VHS sa betamax eh ang rewinder1 Ewan ko lang ha pero ang alam ko eh walang rewinder ang betamax. Sa mismong betamax player mo siya i-rerewind at ang bagal ng prosesong yun.

Video Home Service ang ibig sabihin ng VHS. Hindi ko alam kung bakit kailangang mag-evolve ng betamax into a VHS. Pinalaking cassette tape ang betamax. Pinalaking betamax ang VHS. Bakit bamas malaki? Para mas maraming mailagay?

Isang araw sa pag-uwi ni erpats galing Saudi eh may dala siyang betamax player. Tapos may binili rin siyang mga bala syempre. Voltron! Looney Tunes! All the Marbles! Ilang ulit din naming pinanood 'to pero hindi nakakasawa. Parang may sinehan sa bahay! Nakakamiss talaga lalo na kapag weekend at manonood kami. Usually, cartoons ang pinapanood namin.

'VHS tapes'


Paglipas nga ng panahon e napalitan ng VHS ang betamax at sa VHS nagsimula gumamit ng rewinder. Lumaon pa ang panahon nagsara ang video rentals nila Unique at dito na kami nagsimulang mag-arkila sa Video City. Halos lahat noon ay may branch ng Video city eh at sikat na sikat noon ang ganitong business pero unti-unti itong nanamlay simula ng palitan ng VCD at DVD. 

Ang RA Homevision ang isa sa sikat na rentahan noon na nauna pa sa Video City


Iba pa rin talaga kapag betamax at makalumang player. Yung maiinis ka dahil yung hinahanap mong bala ay nasa hiraman, pagbalik mo uli ay nahiram ng iba at dito rin nauso ang "reserved". "Uyy kapag bumalik na paki-reserve mo na sa akin."| Yung sasabikin ka bago mo panoorin dahil kailangan munang irewind ang film bago mo mapanood ang umpisa. Yung mayayamot ka dahil hindi mo alam kung sa bala yung dahil o yung player mo kasi mukhang marumi at tumatalon ang picture ng TV screen mo. Yung matutuwa ka dahil HD ang pagkakuha ng rekord dahil napakalinaw. 

Ito ang panahon ng Betamax at VHS.

(Kinain ng VHS player ang bala):

"Tok! tok! tok!"

"Naku, sandali poooooo!"

Linggo, Mayo 3, 2020

Quick Heat Escape: Mamang Sorbetero

'Palamig muna tayo!


"Tingaling-aling! Tingaling-aling! Tingaling-aling-dingdong!"

Alas-dos ng hapon ang palabas sa TV ay Valiente. Kapag narinig na namin ang bell ng ice cream ay maglalabasan na kame dala ang kanya-kanyang barya sa bulsa. Sa init nitong bansa natin eh pano ba naman tayo hindi maiinlove sa pagkain ng mga malalamig na pagkain o inumin. Malamig, matamis, malambot, masarap dilaan....masarap dilaan...masarap dilaan...

Magnolia ang una kong nakitang ice cream sa TV. Ito ang pinakasikat na sorbetes sa Pilipinas. Asul na plastic ang lalagyan ng Magnolia at madami siyang flavors. Paborito ko dito ang cheese flavor na ice cream dahil malalaki ang buo-buo niyang keso. Hindi ko alam kung "Ques-o" ang nilagay nila pero wala akong paki. Masarap talaga siya. Magnolia... mmmmmm.

Ice Pop


Sino ba ang makakalimot sa sikat na sikat rin na Selecta Ube? Sikat ang Selecta Ice Cream no'n dahil latang ginto ang lalagyan nito. Siyempre hindi ko alam kung yun nga ba ang totoonng dahilan kaya siya sikat kasi uso na rin ang fake news noon ee, hahaha. Minsan talaga ay kung anu-ano ang sinasabi ko na akala mo'y siguradong sigurado ako. Pero mabalik tayo sa ating kwentuhang ice cream. 'Pag Selecta, ube agad di ba? 

Presto Tivoli Ice Cream

Wala akong pambili ng Tivoli nun kaya kapag may Presto Tivoli ang kaklase ko ay todo-sipsip ako sa kanya para lang makakagat kahit na isang beses lang. "Tol, pakagat nga...maliit lang..." Tapos kakagatin ko yung kalahati ng Tivoli niya. Solb. 

Sa mga batang kalyeng katulad ko ay hindi makakatakas pagdating sa usapang ice cream ang "dirty ice cream", ang pinakamasarap na sorbetes sa daigdig. Walang tatalo sa rectangle na cart na may tatlong cylinder na timba. Chocolate, strawberry, cheese at sorbetero's choice. Iyan ang set-up. Hawak ni manong ang kanyang kililing na nakatali sa kanyang cart. Lagi akong nagpapaalam kay manong sorbetero kung pwede kong patunugin ang kanyang kililing (May ibang tawag ba dito? Para kasing tililing eh). Pumapayag naman siya madalas basta bumili ka lang ng may matamis na apa. Yun ang the best na apa ee. Kaso nga lang ay mas mahal yung matamis na apa. P2.50 yung murang apa at P5 naman yung matamis. Medyo hasel pero sulit naman. Kung gutom na gutom naman ako ay sa buns ko ipapalagay para sulit na sulit. 


Celeste Legaspi - Mamang Sorbetero

Madami pang memories ang ice cream - mula sa pinipig hanggang sa popsicle na tatlo ang kulay, hanggang sa rocky road na nagmantsa sa brip kong Hanes na puti. Siguradong marami rin kayong mga alaala pagdating sa sorbetes ni manong at ng iba't-ibang klaseng ice cream. 

Ice drop

Tropikal na bansa tayo kaya kailangan talaga natin ng ice cream! Ang sarap nun ee yung malamig na chocolate na gumagapang sa lalamunan mo. Uhmmm sarap!

Chocolate, ube at cheese - itong tatlong 'to madalas na flavors ng ice cream ni manong. Ang sarap sigurong gamitin ng scooper niya noh? Klik-klik, klik-klik, kilik-klik. Ang sarap pakinggan nun ee. Scoop. Klik-klik. Lagay sa apa. Repeat 5 times hanggang mapasa-kamay mo na ang malamig pa sa jowa mong ice cream. 

Paano bang pagkain ang gagawin ko? Didila-dilaan ko ba o kakagat-kagat ako? Alternate ba ang pagdila at pagkagat? Hihigupin ko ba? Pa'no nga kaya? Ang sarap ng apa! Tsaka tsismis lang naman yun di ba? na may kulangot daw sa dulo ng apa?

Pinipig

Tuwing weekend, inaabangan namin si mamang sorbeterong may bitbit na styrofoam na kahon. Nakamagnet focus talaga ang mata ko habang binubuksan niya ang kahon at tatambad ang mga tinda niyang nakalapat sa diyaryo. Iba-ibang mga ice drop ang nandyan. Nakalimutan ko na ang brand names. Basta ang alam ko e may kulay orange na ice drop sa stick, kambal na chocolate ice drop sa stick, Tivoli, ice bukong may munggo, cheese-flavored ice drop sa stick, at marami pang iba. Pinapatanggal ko dati kay mama yung munggo kasi ayaw ko nun e. Higop ng natutunaw na parte. Kagat uli. Higop ulit. Paiikut-ikutin ng kamay ang ice drop. Sarap! tanggal ang init. 

Sorbetes

Hindi puwedeng matapunan ng ice cream ang mga damit natin. Tyempong parati akong natutuluan ng ice cream kapag naka school uniform ako. Recess palang sa umaga e puro kulay brown na yung nasa polo ko. Dugyotin ee. Tapos malagkit pa talaga 'yung palibot ng bibig at kamay ko e. 

Minsan ginagawa ko rin flying saucer sa classroom yung takip ng Magnolia ko. 

Isa pang dumadaan na kleng-kleng eh si Manong Pinipig. Kahit mapait ng kaunti ang tsokolate niya masarap pa rin ee. Kahit minsan medyo makunat na ang mga pinipig panalo pa rin ee. Pagdating naman sa ice buko na may munggo sa dulo, palaging ang mga matatanda ang kakain nun tsaka ibibigay sa bata.