Pages

Miyerkules, Setyembre 13, 2023

Reminiscing the Good Old Days of Yahoo Messenger


Started with ASL's and CTC's so many love stories and friendships built here

Kung puwede ko lamang suriin ang aking buhay pabalik sa nakaraan ang pinakamaraming oras siguro na nagugol ko sa pagbababad sa Internet ay dahil sa Yahoo Messenger. 

1997 noong unang inilabas sa mundo ng Internet ang Yahoo Chat. Ito na nga ang siguro ang pinaka past time na hobby ng mga ka-dekada nobenta natin at unang beses na nakipag socialize ang karamihan sa pamamagitan ng chatting. Noong panahong yan wala pa naman akong computer at ang peyborit past time ko lang siguro noon sa edad na kinse ay pumatay ng langgam, mang hunting ng langaw gamit ang fly swatter. Wala pa rin kasing mga smartphones noon, mga app, social media websites at kung anu-ano pang kinababaliwan ng mga tao sa kasalukuyan. Basta ako okay na sa akin ang mang masaker ng langgam na pula hindi yung itim na mabibilis kasi suwerte daw yun at bad daw kasi yung mga pulang langgam bukod diyan masakit mangagat. Ipinagpasalamat siguro ng langgam na tinigilan ko ang pag-massacre sa kanilang colony nung unang nabilhan ako ni erpats ng computer at dito na rin ako natuto magkuskos ng ISP Bonanza card ilagay ang code na hinihingi sa modem at presto! pwede ka na makapag Internet. Masaya na noon kumabit lang ang connection mo sa internet. Kapag tumigil na yung ingay ng modem at nagdilaw na yung smiley face ni Yahoo ay okay na yun pwede na magsearch ng porn. Oopps half-joke lang. 

Para sa mga Pilipinong nasa hustong edad at nakapagbasa ng good 'ol Yahoo major announcement noong 2016 ang pagtigil ng Yahoo Messenger sa mga operasyon nito ay parang parakamatay na rin ng isang nostalgic friendship, Napakaraming memories ang nilisan sa pagkawala ng aming one and only tambayan at stress reliever. 

Ang Yahoo Messenger ang pinakamabisang paraan upang palawigin ang mga social relation na nagagamit rin sa eskuwelahan upang makipag usap sa bawat kaklase maaaring one on one o di kaya ay ang tinatawag na group chatting. 


                                         Hall and Oates - You've Lost That Lovin' Feeling



Paano ko nga ba ilalarawan ang environment ng Yahoo Messenger?


Kadalasan sa mga computer noon kasama na ang mga unit sa computer shops kapag nagbukas ka ng system unit ay kasabay na nagloload ang log in window ng Yahoo Messenger at malalaman mong naka Connect ka na sa Internet kapag dumilat na yung gray na icon ng Yahoo messenger at naging dilaw na smiley face na ito pwede ka nang mag log in with those weird Yahoo ID's back in time and just put in your password at presto! puwede ka nang makipaglandian at makipag usap kani-kanino. Kasabay ng pag log in sa Yahoo messenger sigurado akong nakalog in din ang Friendster mo at My Space. Sure din akong nagtatanong ka noon kung anong email address niya para makita mo kung itsura ng kausap mo sa chat at hahanapin mo yun sa Friendster. Ganyan ang cycle ng landian noon sa social media. 



Para makahanap ka ng makakausap kailangan mong pumili ng papasukan mong chatrooms kadalasan sa Regional ako pumupunta at pipiliin ko siyempre ang sariling bansa at doon napakaraming chatrooms na puwede mo pasukin pero kadalasan ang tambayan ko ay sa mga rooms ng Metro Manila Barkadahan meron yang MMB 1 to MMB 60 ganyan karami ang puwede pagpilian kaya marami ka talagang makikilalang iba't ibang personalidad sa pakikipag chatting. 



STEALTH OFFLINE MODE

Isa sa mga option kapag ikaw ay maglolog-in sa YM application ay ang pagpipiliang "Mag-sign in bilang hindi nakikita ng lahat". Nananatiling tulog ang icon ng Yahoo ibig sabihin ay maaaring hindi ka gumagamit pero ang katotohanan ay naka log in ka pero hindi ka nakikita ng mga ka-chat ito ay para hindi ka maistorbo ng kung sinoman, o maging "stalker" mode. Kung naka offline ka pero nakita ka ng kasintahan mo na nasa ibang room lang at may nilalandi ka doon ay alam na ang kasunod na tagpo. Dito na magsisimula ang online drama. Totoo yan kasi hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang tinatawag na online relationship lalo na noong early 2000s. 

ONLINE STATUS WITH HYPERLINKS

Bukod sa karaniwang status sa chat kung available or busy ang gumagamit maaari din i-customize ng mga user ang kanilang status depende sa kung anong gusto nila. Ang mga pariralang tulad ng "BRB", "Do not disturb". at maging mga quotes ay puwedeng gawing status sa yahoo messenger. 

BUZZ!

Limang minuto ka nang hindi pinapansin ni crush? I-Buzz na yan. Schoolmate or project mate na walang ginagawa at nag-aaksaya ng oras mo? Buzz mo na yan! Masyadong maraming oras sa pagitan ng mga pag-uusap, o natigil sa awkward na sandali? I-Buzz mo! 

Ang buzz ay ginagamit para magpapansin kapag naantala ang isang paguusap pero minsan kapag si crush ang kausap bigyan mo siya ng panahon siguradong kapag buzz ka ng buzz kay crush puwedeng mabwisit sayo yan at magtago sa pamamagitan ng stealth offline mode at hindi ka na kausapin. 

CHAT USERNAME

Tanda mo pa ba ang ginagamit mong username noon? Pagandahan yan ng username noon maaaring hango sa mga cartoons, anime o kung ano man ang uso noon. Isa pa sa features ng yahoo messenger ay puwede kang mag experiment ng kulay ng text kapag nagchachat, Kaya napakakulay noon ng mga chatrooms dahil sa mga ganitong features. 

MGA AVATAR AND YAHOO AUDIBLES


Ang mga digital na representasyon sa anyo ng mga avatar ay mas cool at hipper kumpara sa paggamit ng aktwal na imahe ng isang tao. 

Maaari mong i-customize hindi lamang ang pisikal na anyo (mukha, buhok, kulay ng balat, atbp.) ang iyong avatar kundi pati na rin ang damit at accessories at maging ang background at lugar.

Karaniwang makakakita ng profile picture ng isang taong may avatar noon ay ang nakasuot ng tank top at shorts habang nasa beach. 

IM WINDOWS

Nakupo baka mamali ka ng rereplayan baka si crush no 2 ang mareplayan mo imbis na si crush no 1. Sa Yahoo chat noon mayroong multiple instant messaging windows ang puwede mong mabuksan lalo na kung ikaw ay hari ng pakikipagchat  at kaya mong replayan lahat ng kinakausap mo sabay-sabay.

MESSENGER THEMES

Mula sa iba't-ibang kulay na skin, default na font, laki, kulay ay puwede ma-customized ang magiging itsura ng kabuuan ng iyong yahoo platform. Pero ako I keep the original theme na purple sa aking yahoo messenger. 

At lumipas pa nga ang maraming panahon at tuluyan nang nabaon ang ating mga mensahe ng mga masasayang alaala sa Yahoo Messenger. Hindi mailalarawan ng salita kung gaano nagpapasalamat ang isang henerasyon ng mga Pilipino sa Yahoo Messenger at ang bumuo sa likod nito. Maaaring naglaho na ang YM, ngunit ang hindi mabilang na naka-archive na mga pag-uusap, mga kaibigan, mga naging kasintahan online at mga matatamis na alaala ay hinding-hindi malilimutan.

Salamat Yahoo Messenger. March 9, 1998 - July 17, 2018. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento