
'Sumikat, Mapansin, Mapabilang'
Hindi na ako gaanong umiikot sa malawak na kalye ng blogosperyo ng iba sapagkat halos wala na rin naman ang nagsusulat ang ang ibang website ng mga paborito kong blog noon ay halos wala na sa internet, ngunit paminsan-minsan may nagsusulpot na katiting na poste—mga salitang kumakaway, mga kuwentong bumubulong—na nagpapaalala sa akin kung bakit ko minahal ang mundo ng pagsusulat noong una pa man.
Nakakatuwang silipin ang mga blog ng kabataan: para kang tumatanaw sa lumang larawan ng sarili mo, ‘yong bersyon mong puno ng sigla, pangarap, at pasikut-sikot na tanong sa buhay. Hindi ko rin alam kung dahil ba ito sa edad na pasan ko ngayon, o dahil ibang-iba na ang daloy ng aking araw-araw, ngunit may kakaibang lambing ang makita ang sarili sa kanila—kahit sa pagitan lang ng mga linya.
Matagal-tagal na rin mula nang huli kong talupan ang mga obserbasyon ko tungkol sa mga bagong manunulat. Ngunit gaya ng matagal ko nang paniniwala, parang isang paikot na orasan ang blogging—may mga panahong tahimik, may mga sandaling sabay-sabay ang tibok. Paulit-ulit ang pag-ikot, nag-iiba lang ang kamay na humahawak sa panulat, at ang boses na nagbibigay-buhay sa kuwento. Depende rin kung anong nasasaloob ng damdamin. Minsan masipag, minsan may galak at minsan naman ay wala lang dahil tinatamad at walang maisip na bagong maisusulat.
Naaalala mo pa ba ang mga nalilikhang damdamin noong nagsusulat ka?
MALUNGKOT ANG BUHAY DAHIL SINGLE?
May mga araw talagang tila sinasabayan ng langit ang bigat sa puso mo—nalulungkot ka tuwing umuulan, para bang bawat patak ay paalala ng mga gabing wala kang kayakap. Dumarating ang Pasko at napapahugot ka na naman; kahit gaano karami ang ilaw sa paligid, may isang sulok pa rin sa puso mong nananatiling madilim.
Sa Araw ng mga Puso, umiiyak ka, kahit pilit mong sinasabing hindi ka apektado. Nag-summer vacation ka mag-isa, umaasang ang dagat ang pupuno sa puwang sa dibdib mo, pero nauwi ka ring nakatanaw sa alon, iniisip kung saan ka ba nagkulang. At tuwing birthday mo, iisa ang hiling na paulit-ulit mong binubulong: sana naman, ngayong taon, may dumating.
Sa pagsalubong ng bagong taon, ang goal mo ay simple pero mabigat—magkasyota. Para bang hindi iikot ang mundo hangga’t hindi ka minamahal pabalik. Minsan, magpapanggap ka pa—sasabihin mong masaya ang single blessedness, na kaya mo, na kuntento ka. Pero paglaon, ilang linggo lang ang lilipas, at makikita mong muli ang sarili mo sa madilim na kuwarto, nakaupo sa tabi ng kama, nagmumukmok sa katahimikang ikaw lang ang nakakarinig.
MASAYA NG BUHAY SA IBA DAHIL MAY ASAWA O DYOWA
Ipopost mo ang anniversary ninyo—parang bandilang iwinawagayway sa buong internet. Ipopost ninyo ang monthsary, weeksary, pati daysary, na para bang bawat segundo ng inyong pagsasama ay dapat isulat sa mga bituin at i-broadcast sa timeline ng mundo.
Ipopost mo kapag nag-away kayo, kasama ang mga cryptic na hugot na alam mo namang siya lang ang patamaan. Ipopost mo rin kapag nagkabati na kayo—biglang may heart emoji, biglang may “goodnight” na may extra letters. Ipopost mo kapag miss mo siya, kahit katabi mo lang naman kaninang umaga. Ipopost mo ang mga date ninyo—mula sa mamahaling cafĂ© hanggang sa fishball sa kanto—lahat may caption, lahat may filter.
Ipopost mo ang pagmamahal mo sa kanya, kahit alam mong medyo nakakasuka na para sa iba. Pero mahal mo eh—ano pa bang magagawa mo? Ganyan talaga kapag masayang may kapareha.
MAGSUSULAT KAPAG WALA NANG NANGYAYARING MAGANDA SA BUHAY
Magsisimula kang magkuwento—mga kuwentong puno ng liko, sapot, at sugat. Isasalaysay mo ang hirap na dinaanan mo, tila epikong isinulat sa luha. Ikukwento mo kung paano ka niloko, iniwan, at iniwasan ng minamahal mo, na para bang isang eksena sa teleserye na walang commercial break.
Ipipinta mo rin kung paanong unti-unting gumuho ang mundo mo—dahil sa bulok na sistema ng bahay na puno ng sigawan, eskwelang puno ng pangungutya, trabahong walang direksiyon, o gobyernong pinamumugaran ng mgabuwitre't-buwaya, na sa paningin mo, lahat ay may ambag sa pagkasira ng iyong katahimikan. Hindi ka nakikinig sa mga nagsasabing maganda ang buhay; para sa’yo, ikaw lang ang maaaring mag-entitle sa drama ng sanlibutan.
At sa kaka-post mo ng drama, bigla ka na ngayong naging love guru. Ikaw na ang nagbibigay ng tips kung paano hawakan ang puso—kung anong klaseng girlfriend o boyfriend ang dapat hanapin ng mga mambabasa mo, kung paano mag-move on, kung paano mag-ayos ng mag-asawang nag-aaway. Minsan pa nga, gumagawa ka ng mahabang post para sagutin ang lahat ng tanong ng mga tagasubaybay mo—para kang si Charo Santos Concio o si Joe D' Mango ng Love Notes ng blogging, nakaupo sa harap ng ilaw habang nagbibigay-lakas sa madla.
At doon, sa gitna ng drama, ng payo, at ng papel mong self-appointed guru, naroon ang pinakamasarap na punchline: nagsusulat ka dahil gusto mong paniwalaang kaya mong gamutin ang puso ng iba… kahit hindi mo pa nasubukang ipahawak ang sarili mong puso sa kahit sino.
IKAW NA GUSTONG SUMIKAT ANG BLOG
Aktibo kang nag-iiwan ng bakas sa mga tahanan ng mga sikat na blogger—mga komentong umaasang may isang maligaw na mambabasa, may isang masipag na mata, na mapapadaan naman sa munting sulok ng internet na tinatawag mong bahay. Para kang kumakatok sa pinto ng bawat kilala, nagbabakasakaling may mag-imbita pabalik.
Gumagawa ka ng kung anu-anong paandar—mga pautot na ang tanging layunin ay masabi lang na in ka, na kasali ka sa umiikot na mundo. Nakikisali ka sa mga tag post kahit hindi mo naman gamay ang tema. Gumagawa ka ng mga badge na parang medalya, ipinapamigay sa iba para lang makuha ang kiliti ng pabalik na tingin. Namimigay ka ng awards na parang ikaw ang namumuno sa isang lihim na akademya ng mga blogger.
Ililink mo silang lahat—lahat, kahit hindi mo naman binabasa ang mga sinusulat nila. Para lang masabi na bahagi ka ng komunidad. Nagsusulat ka ng kung ano ang trending, kung ano ang uso, kung ano ang pinag-uusapan ng marami. Makikisawsaw ka sa bawat isyu, sa bawat alitan, sa bawat blog war na umiinit sa timeline—kahit hindi ka naman talaga bahagi ng labanan.
At araw-araw kang magtatala, magpupuyat, maghahanap ng inspirasyon kahit sa pagitan ng reklamo at kape. Dahil sa puso mo, may isang tahimik ngunit matinding pagnanasa:
At sa bawat post na inilalabas mo, umaasa kang malapit-lapit ka na. Kahit kaunti. Kahit sandali.
IKAW NA MANGINGINOM NG SPRITE
Ikaw ‘yung uri ng manunulat na hindi marunong magpanggap. Nagpapakatotoo ika nga sa Sprite commercial. Isinusulat mo ang tunay mong damdamin—hilaw, walang dekorasyon, walang sugarcoat. Wala kang pakialam kung may bumabasa o wala; para sa’yo, sapat nang mailabas ang bigat o saya ng loob. Minsan isang pangungusap lang ang buong post mo, isang hibla ng emosyon na inilapag mo sa mundo, bahala na kung may makapulot o wala.
Hindi mo hangad ang bagong kaibigan, bagong syota, o bagong koneksiyon. Nagsusulat ka dahil doon ka masaya—dahil iyon ang tanging lugar kung saan kaya mong huminga nang malaya. Minsan, ikaw lang ang nakakaintindi ng sinusulat mo, at ayos lang ‘yon. Nakakatawa pa nga, dahil sa iyong simplicity, ikaw pa ang gustong kaibiganin ng mga tao.
Mayroong kokontra sa paniniwala mo, mga estrangherong dadaan lang para mangutya o magsabi ng dapat o hindi dapat. Pero ikaw, dedma lang. Tahimik mong iginagalang ang opinyon nila, kahit hindi mo tanggap. Dahil alam mong ganyan talaga ang mundo—magkakaiba ang isip, pero puwedeng magtagpo ang pag-unawa.
Ang dami-dami nang nagsusulat sa mundo ngayon. Madalas nakakatuwa; madalas nakakainspire. Pero minsan, nakakapagod din, nakakainis, at minsan pa nga, nakakabagabag ng puso. May mga sandaling gusto mo nang huminto, pero hindi mo rin magawa.
Hanggang ngayon masaya ang magsulat dahil nakakatanggal ng stress lalo na sa aking kondisyon at ito nga ang halos naging pampalipas oras ko kaya marami-rami rin ang aking nalikhang post ngayon 2025.
Mahirap iwan ang pagsusulat at least kapag nawala ka sa mundo, mayroon kang naiwang alaala sa kung sino man ang mapadpad na mahilig magbasa.
Ikaw naaalala mo pa ba noong nagsusulat ka? Sino ka sa aking mga nabanggit?