Bakit Nga Ba Hindi Ka Nananalo Sa Mga Christmas Party Raffle Ng Kumpanya?
'Yung nakasalubong ka ng pusang itim bago umattend sa Year-end party at bigla itong nagsalita'
Hindi naman masama alalahanin ang kamalasan sa buhay. Minsan, kapag binalikan mo ang isang bagay na sa tingin mo ay pinaglaruan ka ng tadhana, matatawa ka na lang. Hindi dahil Throwback Huwebes kaya gusto kong bumalik sa parte ng nakaraan ng aking buhay, kundi dahil natural lang talaga sa tao ang magbalik-tanaw.
Walang nagdidikta sa’yo kung kailan ka dapat mag-isip, magsulat, o alalahanin ang mga tagumpay, kahihiyan, kamalasan, o kalungkutan. Hindi naman porke Huwebes lang saka gagana ang memorya mo para maghukay ng mga detalye ng mga naranasan mo habang nabubuhay ka sa mundong ito. Automatic na lang kasi sa kasalukuyang panahon na kapag Huwebes, required kang maging nostalgic.
Minsan nga naisip ko, bakit hindi na lang bigyan ang lahat ng araw ng katumbas ng Throwback Thursday? Bakit hindi puwede sa Lunes mag-isip? Maaari naman:
#MondayMemories
#TakingBackTuesday
#WednesdayWayDownMemories
#FlashbackFriday
Yung dalawang araw, magpahinga ka naman sa kaiisip. Kasi aminin natin, overthinking is not good for your health. Hindi ka rin naman babayaran ng algorithm sa dami ng alaala mong hinukay.
At oo, aminado naman ako—mababaw lang ang problema ko. Hindi ito tungkol sa heartbreak, hindi ito tungkol sa existential crisis. Pero nakakainis pa rin.
OO, MALAS AKO SA RAFFLE.
Inuulit ko: MALAS AKO SA RAFFLE.
At siguro, balang araw, kapag binalikan ko ulit ito—hindi dahil Huwebes, hindi dahil uso—kundi dahil gusto ko lang, matatawa na lang talaga ako. Kasi minsan, ang kamalasan, kapag tumagal, nagiging kwento na lang. At kapag naging kwento na, pwede mo na siyang pagtawanan… kahit konti.
Taon-taon na lang. Pare-pareho ang eksena. December na, may pa-Christmas décor na sa opisina, may naka-play na “All I Want for Christmas Is You,” at may group chat na tungkol sa exchange gift. Masaya na sana… kung hindi lang dahil sa isang bagay na paulit-ulit na bumabasag sa puso mo:
Hindi ka pa rin nananalo sa raffle. Kahit kailan.
Samantalang si officemate mong kakapasok lang last week, nanalo na agad ng 55-inch Smart TV. Si boss, kahit hindi sumama sa party, nanalo pa rin ng air fryer. Ikaw? Kahit consolation prize, wala. Kahit tumbler, wala. Kahit eco bag, nganga.
So bakit nga ba? Eto na ang mga posibleng dahilan—scientific, spiritual, at corporate-approved.
1. Hindi Ka “Favorite ng Raffle Gods.”
May mga taong sadyang pinagpala. Kahit sa bunutan pa lang ng number, ramdam mo na agad: “Ay, mananalo ‘to.”
Ikaw naman, kahit hawak mo na yung ticket, parang ramdam mo na:
“Hindi ito ang taon ko.”
May invisible hierarchy ang raffle universe. At sad to say, madalas nasa ilalim tayo. Hindi dahil masama kang tao—sadyang hindi ka lang chosen one. Kaya para maiwasan ang disappointment maaga pa lang tanggapin mo na, na hindi ka talaga raffle material. Hindi ka swerte sa mga ganyang bagay pero kapag sinabi mo naman ang saloobin mong yun malamang may isa diyan sa ka-trabaho mo na magsasabing masyado ka namang "nega".
2. Masyado Kang Tahimik sa Office
May mga taong kilala ng lahat—maingay, palatawa, at bida-bida (minsan annoying pero memorable). Sila yung madaling maalala kahit wala namang ginagawa minsan. Ikaw naman, tahimik lang, ginagawa lang ang trabaho, at uuwi agad pagkatapos ng shift. Sa raffle, parang may unspoken rule na kapag mas kilala ka, mas ramdam ka ng universe. Hindi ito written sa HR manual, pero ramdam natin.
3. Hindi Ka Nagpost ng “Manifesting ✨”
Yung mga nanalo, mapapansin mo, may Instagram story pa na “Manifesting iPad cutie ✨” at may caption na “Claiming this energy 🙏.” Ikaw naman, tahimik lang, skeptical, at sinasabi sa sarili mo na “hindi naman totoo ‘yan.” Ayun, hindi rin naniniwala sa’yo ang raffle gods.
4. Sobra Kang Excited (o Sobrang Hindi)
Kapag sobrang excited ka, hawak mo na yung ticket, nakapikit, at may mini prayer ka na sa isip. Kapag naman sobrang wala kang pake, sinasabi mo na lang na “okay lang kahit di manalo” at “masaya na ako sa spaghetti.” Pareho itong kinaiinisan ng raffle gods, dahil ang gusto nila ay yung sakto lang ang hope at sakto lang din ang despair.
5. May Karma Ka Mula Last Year
May karma ka mula last year. Naalala mo ba noong nakaraang taon—tinawanan mo yung hindi nanalo, sinabi mo pang “next year na lang,” at umuwi ka agad bago matapos ang program? Hindi nakakalimot ang universe, lalo na ang raffle universe.
Rivermaya - Olats
6. Ikaw ang “Moral Support Character.”
Sa pelikula ng buhay opisina, hindi lahat bida. May mga karakter na tagapalakpak, tagasabi ng “Congrats!”, at tagahawak ng bag ng nanalo. Ikaw ‘yun—ikaw ang emotional support ng mga nananalo. Kaya tinatanggap mo na ganun na lang ang kapalaran mo sa tuwing may pa-raffle ang kumpanya sa Year-end party.
7. Hindi Ka Sumali sa mga Games
May mga nanalo na sumali sa parlor games, nagpatawa sa harap, at inialay ang sarili sa kaunting embarrassment para sa saya ng lahat. Ikaw naman, “pass po,” “nahihiya ako,” at “okay lang, manonood na lang.” Minsan, kailangan mo talagang ialay ang dignidad mo kapalit ng rice cooker.
8. . Hindi Pa Ito ang Panahon Mo (Pero Paulit-ulit na Sinasabi ‘Yan)
Ito ang pinakamasakit na dahilan: “Hindi pa ito ang time mo.” Taon-taon mo nang naririnig, taon-taon mo ring tinatanggap, at taon-taon ka pa ring umaasa.
Noon, palagi akong nawiwiling sumali sa mga raffle. Yung mga raffle na kailangan ng proof of purchase. Bibili ka ng ganito , ganyan tapos isasali mo yung wrapper. Ewan ko ba. Hindi pa naman ako nananalo e, iniisip ko na kung ano ang gagawin sa premyo. Kaya siguro minamalas. Ni minsan di pa nanalo. Counting the eggs kasi kahit hindi pa ito hatched.
Pero hindi. Hindi ko ata matatanggap na ako ay malas. Naghubad ako sa aming CR at tumalikod sa salamin, tumungtong ako sa inidoro para makita sa salamin ang aking puwit. Sinilip ko sa salamin, aba eh wala naman. Wala naman yung "marka" na sinasabi nila. Oo naniniwala ako na wala naman akong balat sa puwet para malasin ng ganito. Mas gugustuhin ko pa kasing isipin na ako ay dinaya. Tama. Dinaya ako! Imposibleng hindi ako manalo. Sinusunod ko ata ang mga regulasyon. Pinapaganda ko pa ang aking sulat kamay. The best pa ang aking signature. Kumpleto ang address. Kulang nalang lagyan ito ng autographed picture ko e. Kaya lang di ko na nilalagyan. Parang panunuhol na yun, kaya wag na lang.
Kapag hindi ako nananalo sa pa-raffle ng kumpanya at nakalagay sa tambyolo ang mga bubunutin lagi kong naiisip na dinadaya ako ng mga 'to, posibleng baka wala dun ang pangalan ko kasi sila na ang nag-setup ng mga papel na bubunutin, baka may doble, triple o mas higit pa ang mga pangalan dun na gusto nilang manalo kaya halos 60 to 70% ang chance ng taong paborito nila ang manalo. Nagkakaroon ng pandarayang mala-Viveka Babajee. Kaya kapag tambiyolo na ang nakita ko sa stage umaasa akong hindi ako mananalo ng grand prize. Iniisip kong nakatalaga na yun sa gusto nilang manalo.
Bakit kasi ang malas ko sa mga ganyan. Bakit ba hindi ako mabunot-bunot ng walang hassle. Ano kaya sa susunod, pa bendisyunan ko na sa pari ang lahat ng aking entries. Baka naman pagbigyan na ako ni Lord manalo. Baka naman, Lord. Ah ewan, basta!
Pero alam mo ba? Okay lang ‘yan. Kahit hindi ka man nanalo sa raffle, may trabaho ka pa rin, may 13th month ka (sana), may handa ka sa bahay na hindi lang P500 ang budget sa Noche Buena, at may kwento ka na naman para sa susunod na taon. At balang araw, darating din ‘yan—baka hindi sa Christmas party, baka hindi sa company raffle, pero darating din ang swerte hindi lang sa mga ganitong bagay. Try mo kayang tumaya sa Lotto, di ba sabi nga nila mas may greater things na plan si God sayo. Baka panahon na mag-ipon ng mga lucky numbers mo at simulang tumaya sa mga nearby Lotto outlets!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento