Pages

Huwebes, Setyembre 25, 2014

The Struggle of Little Kermit


Alas nueve impunto. Gabi!

Papasok sa trabaho. (nightshift)

Umuulan....Malakas!

Palakas ng palakas ang ulan. Kidlat.Hangin.Kulog! Paulet ulet Kidlat.Hangin.Kulog!

Bitbit ang knapsack sa harapan upang hindi mabasa sa lakas ng rumaragasang ulan, patawid ng kalye. Hawak ang payong kakapaayos ko pa lang nung nakaraang Sabado. Kailangang malakas ang grip sa payong at baka tangayin ng hangin at malamang pumasok akong bagong ligo sa ulan kapag nabitawan. Nakatawid naman ng matiwasay sa kabilang kalye mula sa aming subdivision, wala pang tricycle at konti lang ang bumibiyahe. Ramdam ko na, na medyo basa na ang medyas ko at maya-maya pa maaari ng bumaha sa kinatatayuan ko.

Umaapaw na ang tubig, bumabaha na. Kailangan ko na munang gumilid malapit sa mga damuhan. Wala na akong maaninag kung di mga ilaw na lang ng mga sasakyan at mula sa ilaw ng mga kotse tanaw ang lakas ng buhos. Mula sa damuhan maraming maiingay na nilalang, mga insekto na sama-samang nagkukumpulan sa dilim ng makapal na damo. Ngunit ang pinaka matining kong narinig ay mga palaka. Kooookaaaakkk!!! Koookaaaakkk!!  Koookaaaakkk!! kanya kanyang himig, kanya kanyang huni. May matining, may di kalakasan, merong malaking boses ito ata yung tinatawag na palakang bato at meron din namang maliit ang pagkokak.

Sabi ko sa sarili ko, mukang malalate na ako dahil wala talagang nabiyaheng jeep at tricycle kung meron mang tricycle hindi ka mapaparahan dahil yung iba gagarahe na at pauwi na, yung iba naman puno na rin ang sakay. Meron nga bakanteng upuan sa likuran pero sabi ko wag na lang, dahil parang nagpaka basa basa na rin ako kung duon ako pupwesto. Sa baha pa lang na daraanan along the way, malamang nag shower na ang bagong sapatos na binili ko kay Kenneth Camerino. Bago pa lang eh malalabhan na ng tubig ulan? Never! Pero ikaw aminin mo man at hindi kapag bago bago pa lang ang gamit mo dun ka lang maingat pero kapag nagtagal na ang gamit na bago malamang babalasubasin mo na rin ang paggamit dito. Sa madaling salita sa una ka lang nag-iingat kasi bago. Hindi ba't ganyan ang ilang Pinoy?

Pero hindi talaga yun ang umagaw ng atensiyon ko sa gabing maulan na iyon. Kung di sa isang mumunting palaka. Tama ka sa isang froglet na paslit. Maaari kang matawa sa akin pero ayos lang at tanggap ko naman. Sa isang bumabagyong gabi nauwi ang atensiyon ko sa isang palaka. Baliw na nga ata ako? Tama nga ang kanta ng Rivermaya "sinong hindi mababaliw sa ulan?"

Isang palaka ang napahiwalay sa kanyang grouplets at bigla ko na lang siyang naaninag na tumatalon talon sa kalye. Pinangalanan ko siyang Kermit mula sa isipan. Di alintana ni Kermit ang dulot na panganib na pagtawid niya sa kalye. Baby frog pa lang si Kermit sa aking pagkatantiya dahil maliit pa ang kanyang mga paa, ang pagtalon niya ay hindi pa kataasan. Maaaring hindi pa siya nakakatikim ng mas pinakamasasarap na insekto sa mundo. Kung hindi lang talaga delubyo ang ulan sa pagkakataon na yun irerescue ko ang aking palaka. Pero hassle, malabo ang daan walang pag-asang matulungan. Naging likas na rin kasi sa akin ang maging maawain sa hayop o insekto man kahit pa yung iba naninira at peste kagaya na lang ng isang daga. Natatandaan ko nun, sa banyo namin sa lumang bahay sa Paranaque merong na trap na daga sa isang lumang hawla na sira-sira na at wala na rin naman duon ang mga ibon. Nakita ni Super Nanay at sabi hatawin ko raw ng tubo at baka maka alpas pa. Sabi ko sige at ako na ang bahala. Umalis na si ermats. Hinawakan ko ang tubo. Pero yung iyak at daing nung daga, di ko kaya hambalusin pa siya. Wala kong lakas dahil ang sabi ko sa sarili ko di ko kayang pumatay ng kahit anong nilalang na buhay na ginawa ng Diyos sa mundong ito. Ipit ang kanyang tiyan sa talas ng alambreng hawla. Suwabe na siguro ang sakit nun eh. Bakit ko pa hahambalusin ang kawawang nilalang? Makikita mo rin ang luha na umaagos sa gilid ng mata niya at nangangausap na mga mata na nagmamakaawa. Dahil sa sobrang di ko rin nmn talaga kinaya, kumuha ako ng gunting at unti-unting kong pinutol ang alambre ng hawla para lumuwang ang pagkakaipit niya at mula duon pina eskapo ko na lang ang kawawang daga. At pinarinig ko na lang kay Ermats ang hataw ng tubo sa pader. Eh anong gagawin ko? Ikaw kakayanin mo ba? Yan naman ang kwento ng struggle ni Doding daga.

Paparating ang isang ten wheeler truck, tensiyon ang bumabalot sa akin dahil ayokong masagasaan ang kawawang palaka. Heto na! Malapit na ang truck. Buti na lang at nahagip lang si Kermit tuloy ang kanyang pagtalon. Sa bawat pagtalon niya hindi siya tumutuloy at tumitigil muli. Eto na naman ang isang jeepney na biyaheng Imus. Wagas safe ulet ang ating bidang palaka. 2nd life niya na ito. Animo'y parang nanonood ako ng nakaka thrill na pelikulang live! Isang tricycle naman ang lumiko, mula sa pagkakahagip ng tricycle alam kong may tama na si Kermit dahil mas natagalan na siyang kumilos bago tumalon muli. 3rd life pero may tama. Eto na, sa tingin ko wala na siyang lakas tumalon pa hindi na siya nakagalaw mukang ang jeep na ng biyaheng PAG-ASA ang tatapos sa kanyang buhay. Kung pwede ko lang siya kausapin sa isip at i-cheer na konti na lang Kermit konti na lang gumalaw ka na at nasa safe zone ka na at matagal pa rin naman nagbaba ang jeep ng pasahero. Ngunit ubos na ang oras, umandar na ang jeep at tuluyan ng nagulungan ang batang palaka. Lagutok na lang ng parang daliri ang narinig ko sa katawan niya ng magulungan siya ng jeep na hindi siya binigyan ng PAG-ASANG mabuhay. Pisat na ang katawan ng aking munting palaka wala ng buhay. Wala na.

Natapos rin ang bilis ng tibok ng puso ko sa kaba. At mula duon tumila ang ulan tapos na ang paghihirap. Paghihirap na sa kakaunting pagsubok na lang akala mo maliligtas ka na,ngunit hindi rin pala. Maikukumpara mo sa mga taong akala nila tapos na ang paghihirap sa malalang sakit ngunit biglang binalikan at tuluyang kinuha ang kanilang buhay. Duon sa may mga kanser na akala mo nanalo ka na sa laban ngunit bumalik at patraydor na kinuha ang buhay ng kawawang maysakit.  

"Para sa mga lumalaban sa sakit, ngunit pilit pa ring kinalawit ni kamatayan."

Magandang gabi sa lahat!



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento