Pages

Huwebes, Oktubre 23, 2014

Anong meron sa High School Life?

"There are times may problema ka♫♬, kung ang homework left undone♫♬. Pray ka lang, wag tawagin ka, upang di pagtawanan♫♬."
Bukod sa sikat na kantang pinasikat ni Ate Shawie, ano nga bang meron sa high school life?

Ito yung stage ng buhay teenager mo na makikilala mo ang mga kakaibang simple at simpleng kakaiba. Mga bagay na bubuo sa pagkatao mo. Di man sila mga perpekto...at least pwede mo sila pagbuhusan ng mga sama ng loob mo.

"High school life." Ano nga ba?

Diyan mo mararanasan ang lupet ng periodical test. Parang basketball ang leveling nyan, from 1st quarter, 2nd quarter (halftime or sembreak) 3rd quarter at 4th quarter. Yan yung hagdan ng examinations from easy to difficult.

Meron ding mga quiz, quiz bee at long quiz. Meron din namang mga short quiz, surprise quiz, at open note quiz. Pero ano nga ba ang kaibahan ng mga quizzes na ya:

Short quiz
Ito yung tipong nag short discussion lang si teacher, tungkol kunyari sa mga definition of terms. Ang short quiz puwede yan umabot ng hanggang 10 to 15 items at laging Part 1 lang ang test. Puwedeng identification at True or False. Ito yung quiz na after niya mag discussed pagrereviewhin kayo ng 15 minutes at karaniwan sa 1/4 sheet of pad paper lang ang gagamitin. Siyempre hindi mawawala yung hingian ng papel. Kapag may one whole sheet ang kaklase mo magkakatupian na yan, pupunitin, o lalawayan muna bago punitin at maghahati kayong apat. Malas mo lang kung napunta sayo ang part na may pinakamaraming laway. 

Surprise quiz
Kadalasan kapag galet lang naman ang teacher nagkakaroon ng ganitong quiz. O di kaya nagpopower tripping si mam at sir dahil wala siyang maituro ng araw na yun. O di kaya kapag naramdaman niyong walang exam sa isang buong linggo asahan mo merong mga surprise quizzes on Monday. Talagang masusurprise ka kasi Lunes pa, medyo bangag ka pa noon kasi galing ka ng pahinga ng weekend. Pero tiyak naman na hindi rin ganoon kahaba ang items ng quiz. Tumatakbo lang din ito sa 10 to 15 items depende sa mood ni Mam na di nakabenta ng tinda niyang longganisa, yema o pulboron nuong weekends.

Long quiz
Patay ka. Ito yung quiz na mahaba-habang kopyahan, depende sa diskarte, depende kung paano ka titiyempo ng sagot sa katabi. Sa exam na ito, yung dating seat plan niyo medyo maiiba. Kapit na sa "source" na tinatawag. Dito bida ang mga nerds ng klase dahil tumatabi na yung mga nasa row 4 sa mga genius. Dito one whole pad ang gagamitin. Kaya wag kang papasok na dala mo ang isang buong intermediate pad paper mo, dahil paniguradong pagtapos ng quiz, manipis na lang ang dating makapal na intermediate pad. Ito yung quiz na nagcocover ng isang buong linggong pinag-aralan. Kaya bago ka kumanta ng "It's Friday Night" ni Rebecca Black, dadaan ka muna sa Friday the 13th experience ng quizzes lalo na kapag hindi ka nag-aral. Tuwing Biyernes ang ganitong mga long quizzes. Karaniwang nasa 25 to 50 items at hanggang part 3 ang quiz with matching essay. Yung tipong para ka nang nag-unit test. Pumasok na sana si Mam buong week wag lang talaga Friday. Dahil talagang nagbubunyi ang klase, kapag may absent na teacher tuwing Biyernes, for sure walang long quiz.

"High school life?"

Diyan mo matututunan ang iba't-ibang command sa CAT, pagsasaludo at pagmamartsa. Dito mo malalaman ang ibig sabihin ng "tigas-pahinga", "pasa-masid", "ateeennn....shuuuuttt", "platoon" at yung mga "phonetic alphabets". Ang usual na get-up sa pagmamartsa ay simple lang, blue jeans at t-shirt lang tsaka cap na kulay lumot na berde na may nakasulat na kulay dilaw na "Citizens Army Training." 

Pero ewan ko lang ah, lagi ko tinatanong sa isip ko anong magandang bagay ba ang maidudulot sa akin ng pagmamartsa? Sabi nila para daw matuto ng disiplina. Sabi ko naman e kahit anong oras naman pwede kang maging tarantado anytime, at anytime and anyplace, anywhere na gustuhin mo. Kumabaga nasa tao pa rin talaga. Nasa pag-uugali pa rin talaga. Hindi mo naman kasi mababago ang ugali ng tao sa pagmamartsa lang at pagsunod sa mga iniuutos ng iyong commandant. Ang tangi ko lang naalala eh nasira yung Vans kong sneakers sa punyetang kakamartsa na yan. Wala naman silang ibang tinuturo kungdi pumila ng diretso, align your hands sa balikat ng nasa harapan mo para pumantay ang linya, at ibilad kayo sa araw na parang mga tinapa. Pagkatapos nun may baril naman na rifle, aba may exhibition pa dun talaga ko sobrang nalito kasi para ka na ring nagsasayaw may bilang bilang pa bawat galaw ng rifle. Eh bakit kapag ba makikipagbarilan ka na e kailangan pa bang mag exhibition ng ganun? Nako malamang deads ka na agad. Tapos meron din yung lekat na espada na yun, hindi ko naman pinangarap na maging si Zorro para matutunan ang pag exhibition nun at diba itak at bolo ang ginamit ng mga Katipunero at ni Bonifacio para supilin ang mga mananakop. Bakit espada? Shet!

Sa high school mo rin matututunan ang walang sawang exercising sa PE class. Halos isang buong taon ata kame nuon nag stretching kaso hindi naman ako humaba, maliit pa rin. Dito mo makikita sa high school ang latay ng comprehension at recitation. Yung putanginang flash cards na nakapag papanginig ng buong katawan ko na tatawagin ang pangalan niyo para sa recitation, bubunot lang si mam ng pangalan sa hawak niyang flash card at yari ka kapag di ka nakasagot. Ang siste remain standing ka, minsan pag nag power trip pa, sa upuan ka pa tatayo. Kaya kapag may nakita akong index cards sinusunog ko agad. Ayaw na ayaw ko nun magkakasalubong ang eyeball namin ng teacher kaya kadalasan kapag recitation na maraming nakayuko.

Dito mo hahalukayin ang buhay ni Simon, ang buhay ni Crisostomo Ibarra, Florante at Laura at ng ibong Adarna. Diyan mo rin aalamin ang walang katapusang teksto. Ang walang ending na Narativ, Informativ, Eksplesitori, Argumtativ at marami pang iba.

Dito ka magiging writer for a while, lalo na kapag mga bakasyon at holidays o merong mahalagang topic in public news kaya ihanda mo na lahat ng alam mong kwento at ilalagay mo ito sa "Original" composition paper, at kapag may mga corrections si mam sa grammars at capitalization, isusulat mo ngayon ito sa "Rewritten" composition letter. Ito talaga yung gusto kong parte ng high school nuon dahil marami akong kwento. Kasama na rin dito ang parts of speech, figures of speech at idiomatic expressions. 

Sa Matematika naman dito ka naman duduguin sa paghahanap ng unknown variables, cartesian planes at polygon x and y. Ang magsukat ng area, height, length at width. Lahat nalang numero, lahat nalang kailangan sukatin at kompyutin. Masuwerte na talaga ko maka 80 na grado sa Math.

Dito ko rin nakilala sila Miguel Lopez de Legaspi, Villalobos at Ferdinand Magellan para pag-aralan ang historya ng Pilipinas, Asya at maging ang kasaysayan ng daigdig. Buti nalang sa universe at galaxies wala pang mga mananakop. Kasama na rin ang pag-aaral ng Ekonomiks, taxation, hanap-buhay at pati kabihasnan. Dito ka rin magsasawa sa mga system system katulad ng body system, solar system at ecosystem. Ewan ko  kinain na ata ako ng sistema. Ang water cycle, food web at parts of the Earth!

Diyan mo makakaeyeball si Biology, Chemistry at Pisiks. Ang pakikialam sa mga buhay ng bacteria, atomic weight ng isang element at kahit pag-aaral ng bilis ng light and sound. Ang pagbukas at pagsarado ng tama sa mga computer at magpipindot sa mga keyboards at mouse. Ang pagbisita sa Internet na siyag tinatawag na bintana ng mundo at unang nakadungaw kay Maria Ozawa at Priscilla Almeda. Dito mo rin maeexperience ang mag make up kahit hindi mo alam at magluto ng kung ano-ano. At gumawa ng parol bilang proyekto sa Arts kapag malapit na ang Kapaskuhan.

Diyan mo iguguhit ang construction lines at pagtutupi ng table napkin at dito ka matututo ng instant na pananahi. Ang mag-pass ng drawing book na walang laman at mag discuss ng topic na hindi mo alam.

Oo tama!

Diyan at diyan mo rin marerealize ang lahat-lahat na sakripisyo ng mga magulang mo makapag-aral ka lang!

Diyan sa "High school life" nabuo ang pagkatao mo....
Bilang ikaw, at ikaw mismo.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento