Pages

Martes, Oktubre 21, 2014

Kaha de Lapis (Pencil Case)

'Ang klasik na speyship na pencil case na maraming kaha.'
Ang Pencil Case na nga siguro ang isa sa mga naging inspirasyon kong bagay para mag-aral akong mabuti. Dahil sa tuwing papatapos kada isang taon ng pag-aaral lagi akong binibilhan ng pencil case, pero ang lahat ng yan ay depende sa makukuha kong grado sa 4th quarter sa aking Report Cards nuong elementarya. Kapag mas mataas ang grado, mas magarang pencil case ang puwede ko maiuwi. Naging die hard fans talaga ako ng mga pencil case nuong kabataan kaya naman lagi kong sinisiguradong matataas ang makukuha kong grado.

Kada bakasyon at malapit na ulit ang pasukan nagpupunta kame ng National Bookstore para bumili ng mga gamit pang-eskuwelahan. Lagi talaga akong natatagalan sa pagpili ng aking reward, ang pencil case. Ang sarap isipin kung anu ano ang pwede mong mailagay duon. Pero bago ka mag-silid ng kung anu-anong bagay diyan eh siyempre pipili ka muna ng klase ng pencil case na gusto mo. Ano ba dito ang sa'yo.

-Pencil case na isa ang palapag, yung mga 3-4 lapis lang ang kasya.

-Pencil case na dalawa ang palapag. Ito naman yung mas malalaking espasyo ang unang palapag kesa sa ikalawang palapag. At merong transparent na bilog na design sa gitna para kita mo ang mga nasa loob.

-Pencil case na idinesign na marami ang compartment. Kumabaga, may lalagyan para sa mga lapis, bolpen at pambura. Organized ang istilo at indi labo-labo ang nasa loob. Hindi simple ang paraan ng pagbukas. May parang drawer din itong hinihila sa gilid.

Ito ang lagi kong gamit, ang pangatlong uri ng pencil case, kung saan marami ang compartment. Bago ako kumuha ng gamit sa loob ay meron muna kong orasyon bago buksan. Minsan gagawin kong robot, tangke o spaceship ang pencil case ko. Mas maganda may sound effect sa pagkuha ng lapis. Likas na sa amin mga kabataan noon na gumawa ng sound effect na parang mga robot, dahil na rin sa metal casing ang pencil ko kaya maikukumpara ko sa spaceship ni Shaider. Ganito lang kasimple ang paglalaro ng imahinasyon nuon, ganito kasimple maglaro ang kabataan nuon. Masasabi mong parang tanga, pero klasik na klasik yan pre at walang katulad, kesa sa mga naglalaro ng mga high tech na puwedeng libangan at yang putanginang dotang lumalason sa utak ng mga kabataan ngayon. Lilipad siya mula sa bag ko na animoy parang headquarters ng spaceship at lilipad sa mga mukha ng kaklase ko sabay landing sa arm chair ko. Sabay bubukas ang drawer with sounds. Ganito lang trip namin nuon pero sapat na ang saya. 

Ito nga pala ang mga laman ng pencil case ko nuon:

*Mongol numbers 1 to 3.

*Lapis na itim yung mataba at makapal ang pambura.

*Pambura na manipis na hati ang kulay sa puti at gray (Yung puti pambura daw ng lapis at yung gray naman pambura ng sulat ng bolpen, pero bago mo tuluyang mabura ang bolpen mapupunit muna ang papel mo bago tuluyang mabura.)

*Maliit na pantasa.

*Panda bolpen (pink and blue na may glitters sa loob at mabango ang tinta).

*Pinagtasahan ng lapis (na hangga't di mapuno, hindi itatapon).

*Maikling ruler.

*Mga goma (para kapag napagtripan magtirahan na gamit ang tinuping papel na parang hugus boomerang as a panira, handa ako sa kanila).

*Maliit na magnifying glass (para sa Science class)

*Colored pencils

Ikaw nakailang pencil case ka nuon? At ano-ano ang design? Ang sarap talaga balikan ang mga bagay na nakakapagpasaya sa atin, gaano man ito kasimple sulit na sulit pa rin naman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento