Pages

Huwebes, Oktubre 2, 2014

F.L.A.M.E.S - A Love Test

The actual love test game. <3

Wala nang mas masarap pa sa pakiramdam na ikaw ay umiibig o naiinlab. Kapag nasa ganitong stage ka feeling mo napakagaan at napakasarap mabuhay sa mundo. Ito yung mga panahon na wala pa tayong pakealam sa oras. Ngayon kasi bawat galaw natin, bihag na tayo ng bawat sandali, bawal na ang pumetiks at ang iba ay panay trabaho na lang ang ating nasa isipan. Isang konsepto, isang katotohanan na habang tayo ay lumalaki mas lalong papahirap ng papahirap ang buhay. 

Maaga akong nainlab nasa ikatlong grado palang ako may crushes na ako sa school. Kakauwi ko pa lang ng aming bahay galing eskuwela ay parang gusto ko na ulet pumasok. Gusto ko mabilis ang oras para makita ko siyang muli. Akala ni ermats gustong-gusto ko mag-aral, pero ang hindi niya alam kaya hindi ako umaabsent ay para lang masilayan ang babaeng itinitibok ng aking puso. Nakanang! 

Alam ko rin naman sa sarili ko na ako'y isang torpedo, kapag pag-ibig na ang pag-uusapan. Ang panget ko kasi kaya wala akong lakas ng loob na manligaw. Kaya, ayun hanggang ligaw-tingin at crushes lang ang kaya sambitin ng puso kong mamon. Hanggang panaginip at pangarap na lang.

Noon, hindi pa uso sila Papa Jack, Marcelo Santos at kung sino-sino pang author pagdating sa pag-ibig meron na akong nakilalang ganyang kaklase. May ituturo daw siyang pamamaraan upang malaman ang ko ang aking kapalaran sa aking kras. Yan yung panahon na hindi pa uso ang mga apps sa android tungkol sa mga match-making, match-dating at kung anu-ano pang ka-ek-ekan. Simple lang pero mabisa at malaman. Isa raw itong tested na paraan para malaman ang compatibility ng dalawang tao. Maihahalintulad daw ito sa mga petals ng santan flower "she loves me....she loves me not".  Sa pelikulang Resident Evil, malamang narinig mo na ang Red Queen kung saan sinasangguni ang mga bagay-bagay. Sa mga katulad kong inlababo sa buhay, ang F.L.A.M.E.S ang nagsisilbi naming Red Queen noong mga panahong iyon. Mabisa itong gabay kung itutuloy mo ba ang panliligaw at pambobola sa babaeng iyong sinisinta, sa babaeng hindi nagpapatulog sayo minu-minuto, oras-oras at gabi-gabi. Ito ay acronym na ang ibig sabihin ay:

F = friends
L = love
A = anger
M= marriage
E = engage
S = sweetheart

Paano ba ito ginagamit? Simple lang naman. Kumuha ng scratch paper. Isulat mo ang kumpletong pangalan mo. Sa ibaba ng pangalan mo ay isulat mo naman ang sa kras mo. Next step ay i-cross out ang mga letrang nagkakapareho kayo at bilangin. Kunin mo na rin ang total ng dami ng mga letrang nagkapareho kayo. Ang mga numbers na 'yun ang gagamitin para malaman ang iyong kapalaran. Kung ilan ang na-cross out, 'yun din ang ibilang sa letra ng F.L.A.M.E.S. Sampol, F (1, 7, 13), L (2, 8, 14)....gets mo na ba?

At para mas maliwanagan ka pa, heto ang pinaka ultimate crush ko noong ako ay bata pa. Unahin natin noong high school.

JACKY MAIC
MA. ROSSETTE KARUNUNGAN

*Crossed out letters sa akin =     4 (marriage)
*Crossed out letters sa kanya =   5 (engage)
                                   I-total: 9 --> ANGER

Isa sa mga pinakamasakit na resulta ang "anger" sabi ko pa naman ultimate kras ko siya. Kaya ayun kung sakaling ligawan ko siya, malamang ay mauwi lang sa anger ang lahat. Kung pwede ko lang talaga palitan ang pangalan ko na Jackylou para makuha ko ang mga letrang "U" at "O" baka ibang kapalaran ang taglay. Pero ang baho, ang halay at dadalhin ko sa buong buhay ko ang kahihiyan kung Jackylou ang pangalan ko dahil iyon ay isang ngalan ng babae. 

Minsan na rin akong nangarap kahit alam kong malayo sa katotohanan:

JACKY MAIC
RICA PERALEJO

*Crossed out letters sa akin =     5 (engage)
*Crossed out letters sa kanya =   6 (sweetheart)
                                   I-total: 11 --> ENGAGE

Holy cow! engage daw ako sa pinaka hot sexy icon ng dekada nobenta. Walanjo kung pwede lang maging makatotohanan ang lahat di ba? Shet! pero hindi malabo pa sa katarata alam kong kalokohan lang ang lahat at pampalipas oras lang para sa mga torpedong idinadaan ang sarili sa mga ganitong bagay. 

Pero minsan nagiging makatotohanan ang F.L.A.M.E.S. kung sasamahan mo ng tunay na pagsuyo at pagmamahal sa iyong napupusuan, at si Lord na ang bahala duon kung gagawin niyang makatotohanan ang resulta kahit pa "enemy" o "anger" ang lumabas. Sa pag-ibig walang imposible kung ipapakita mo ang dedikasyon at sakripisyo sa napupusuan at minamahal. Kahit gaano ka pa kapanget noh!

Noong ako ay bata pa, sadyang naniniwala ako sa kapangyarihan ng F.L.A.M.E.S.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento