Pages

Biyernes, Disyembre 26, 2014

Tindahan ni Aling Meding (Tsitsirya Part II, Debris of my Past)

'Sari-sari Store - your friendly neighborhood store with free chismis and kwentuhang lasing.'
Ituloy natin ang kwentuhang junk foods noong dekada nobenta mula sa Tindahan ni Aling Nena, mabuti nating ituloy ang Part 1 ng dakdakan tungkol sa tsitsirya sa blogosperyong ito. Hayaan mo akong iextend pa more at purgahin kayo sa mga chichirya....kaya heto. Saksak niyo sa baga niyo!

Sari-Sari Store - Ano nga ba yun? 
Ito ang Glorietta naming mga batang laki sa kalye. Dito matatagpuan ang lahat, as in, LAHAT ng kailangan natin sa buhay. Puwera pag-ibig. Hindi na kailangang lumabas pa sa kung saan-saan. Kupitin mo lang yung muka ni Manuel Quezon sa bulsa ni Lola at pumunta na sa iyong suking tindahan, isulat ang pangalan, address, lagda at pirmahan (Diba pareho lang yun?). Ilakip ang proof of purchase at ihulog sa pinakamalapit na drop  box at manalo ng limpak limpak na papremyo! Eto yung lagi mong maririnig sa programa sa tanghaling tapat katulad ng Eat Bulaga tuwing may mga pa-raffle. Pero anong kuneksyon? Ewan ko nabanggit ko lang. Pakelam mo ba? Nagbabasa ka lang. 

Mabalik tayo. Eto ang set-up ng sari-sari store sa may amin.

"Aling Meding's Sari-Sari Store" (with Pop Cola logo sa gilid), way back 1992. San Andres Bukid Manila. 

May screen sa harap ng tindahan. Ito ang nagsisilbing protekta sa mga malilikot ang kamay at nagsisilbing salamin sa mga binebenta sa loob at ito rin ang sabitan ng mga biskwet (Marie, Rebisco Choco at Cream, Wafer), shampoo, jelly ace, pop rice at kung anu-ano pa.

Sachet ng Shampoo - Nakasabit ang mga 'to sa may screen sa harapan ng tindahan. Palmolive, Rejoice, Sunsilk, Creamsilk, Vaseline,at  Sunsilk Black na kapag natalsikan ang pader sa CR niyo wala ng burahan at magmimistulang mantsa na ito, ewan ko ba bakit ganun yang hayop na shampoo na yan. Trinay ko burahin kaso lalong kumalat putaaaa! - Mamili ka na kung anong shampoo ang gusto mo. "Manang, isang Creamsilk nga." Sabay punit ni Manang. "Vrrrrtttt! O eto o..Tri-pipty." Ang nakakatawa naman sa mga Pinoy yung sa mga bibili ng sabon o shampoo yung iba nakatapis na at nakatuwalya. Di mo alam kung may mga panty at brief pa ang mga walang-hiya e!

May puting ref sa tindahan. Ano yung White Westinghouse pa ang tatak. Sosyal. Dito naman nakalagay ang Coke, Royal, Fanta, Sprite, 7UP, Pop Cola, Mirinda, Sarsi (bilib sila sa Pinoy ads naaalala mo pa?), Gold Eagle, San Miguel Beer at Red Horse. Nasa freezer naman ang limpak-limpak na ice tubig at tuwing summer ay may choco-ice candy with buko strips...na minsa'y may naiiwan pang brown na balat ng buko na matigas..pero kinakain pa din natin...kahit lasang kahoy.

Jelly Ace na nakasampay - Nasa harap din ito siyempre. Ito yung maliliit na jelly ace na masarap pisilin lang pagbukas. Pero nyemas minsan pahirapan magbukas kasi wala pa akong ngipin nun eh, sumasakit naman ang kamay ko sa paghila nung plastik. Daming problema sa buhay nung bata e. Tapos pagbukas na isang buhusan lang sa bibig. Red and pinakamasarap at yung green naman ay naiiwan ang lasa sa bibig. Ang masarap pa malamig sa bibig habang unti-unti mong nginunguya yung lambot ng jelly-ace.

Sa bandang harap din nakalagay ang garapon ng mga bubble gum. May Judge na napaka minty. Siyempre pagdating sa bubble gum hindi pahuhuli ang Bazooka na nagturo sa akin magbasa ng napakaliit na sulat sa libreng komiks sa loob na pakete. At never din talagang makakalimutan ang magpinsang Double Mint at Juicy Fruit Gum na may tag line na "come share the fun, sweet na sweet kay linamnam." TV commercial yan nuong 1979, pero siyempre di pa ako pinanganak niyan, konting research lang. Para talaga silang magpinsan dahil parehong-pareho ang itsura nila pero magkaiba ang purpose. Di padadaig ang Big Boy sa patamisan, juicy at kung gusto mo magpalobo ito ang ngunguyain mo dahil mabilis magpalobo sa bubble gum na yan. Di pahuhuli ng buhay ang White Rabbit at Tootsie Roll na hindi mo mawari kung kendi ba o babal gam. Pero higit sa lahat, wala nang mas co-common pa sa mga tindahan kundi ang bilog bilog na bubble gum. Alam niyo ba tawag dun? Yung iba't-ibang kulay na bilog na walang pangalan at wrapper? Napangiti kayo no? Minsan nung bumili ako kila Aling Meding nito naglasang sibuyas, yun palang mga time na yun eh nagbabalat ang manang ng sibuyas. Pambihira, nag onion flavor tuloy yung babal gam ko eh, eto hassle sa walang wrapper. Pano kaya kung bagong ebak lang si Manang! Pweeeeh!

Sa may sahig naman ng tindahan ay ang mga magkakapatong na case ng bote ng sopdrinks at beer. Yun lang.

Nasa bandang likod naman ng tindahan ang 555, Ligo, Blue Bay Tuna Timplado, Century, Gusto, Reno, Rica, Alaska, Philips Meat Loaf at Hakone. Minsa'y may Lily's Peanut Butter pero hindi lahat ng tindahan ay meron neto.

At siyempre walang tindahan na klasik kung wala yung dalawang bench sa magkabilang gilid sa harap ng tindahan. Ito ang perfect tambayan ng lahat.  Asahang laging may naka-upo sa bench na yun. Yung matandang tambay nuon sa amin, si Mang Gustin, laging andun sa bench na yun, nakamaong shorts at basketball jersey. Minsa'y itinaas niya at pinatong ang kanyang kanang paa sa bench habang umiinom ng Royal. Wala brip ang matanda. Por dios por santo. May dumungaw.... masaklap na ala-ala..

Kayo, anong itsura ng sari-sari store niyo?

Pabileeeeeeh! Pabileeeeeeeh! (sabay katok ng piso sa kahoy) Pabileeeeeeeeeeeeh!

Yan ang klasik na istayl ng mga batang kalye sa pagbili sa sari-sari store. Iba't-iba ang haba niyan depende sa pagkakabuwelo ng boses mo. Mayroon din naman gumagamit ng "pagbilhaaaaan!" pero mas klasik ang pabile na may kasamang katok ng barya. 

Ikaw paano ka tumawag ng nagtitinda? Anong style ang pagtawag mo? Paano kaya kung Amerikano bibili anong sasabihin niya? Hellooooooo does anyone in here? I need to buy something. Heloooooow! o kaya Fabileeeeyyyyy or Fagbilheeeeen?

Nasa kanto ng street namin ang "Hulinganga Sari-sari Store" na may tatak naman ng Pepsi sa magkabilang gilid ng karatula. Semento ang upuan sa magkabilang gilid ng harapan kaya solido talagang tambayan. Doon naman kame umuupo ng barkada para magmeryenda ng Pompoms at Sarsi na nasa plastik. Pagkaubos ng sopdrinks e puputukin sa tapat ng taenga ng kalaro. Nagulat siya, natalamsikan pa yung pisngi niya ng tirang sopdrinks na malagkit sa balat kapag natuyo. Pinunasan niya na lang ng Good Morning towel niya pero di siya nagalet kasi maglalaro na kame ng turumpo sa harap ng tindahan. Tipong harutan lang talaga. At kapag napagod kaka turumpo tsibog na naman bibili lang kame ng Lumpia na Hotdog. Oo yung tatlong piraso na malalaki tapos cheese flavor. Ang korni na nga kung bakit Lumpia eh di naman lasang ganun, di rin naman lasang hotdog. Di na lang tinawag na Cheese rolls ang hinayupak. Tapos ibang sopdrinks naman, tinira naman namin ay Fanta, tangna ang daming flavor nun e, may strawberry, orange, grapes may mga apple blast, apple blast pa nga eh. Astig yung sopdrinks na yun nawala lang at naiwan sa panahon na yun. Shet sayang naiimagine ko tuloy kung may Family size na yun o di kaya 1.5 litro eh di ang saya ng sopdrinks life ko. Kahinayang talaga, kesa naman yung RC cola ngayon. Ok lang naman pero sa tingin ko may kulang sa lasa. Yung Fanta lang kasi yung tanging sopdrinks na maraming flavors at maraming choices.

Ganito ang kadalasang structure ng paborito niyong Sari-sari Store:

May mga garapon na plastik sa harapan.

Ang mga nakalagay diyan eh yung paborito kong tsoknat, bilog-bilog na babal gam na nasabi ko kanina na obobs sa advertising, ni hindi man kasi sila nakilala. Hahahaha! e marami namgn batang uhugin ang nabili nun e, lollipop na papel ang balot na may iba't-ibang kulay depende sa flavor, tira-tira (napakamurang kendi, sisirain talaga ngipin mo dahil marami kang mabibili), Serg o Goya na tsokolate. Klasik para sa akin ang Serg, eto ang laging pasalubong sa akin ni Lolo nung nabubuhay pa siya e. Naiiyak tuloy ako eh, kahit walang pera si Lolo Jose e binibili niya ko nyan dahil alam niyang paborito ko. Haist, naalala ko tuloy ang aking konsintidor na Lolo na sobrang protector ko kapag may nagagwa akong kasalanan at sisinturunin ako ni Erpats at tsitsinelasin ako ni Ermats. Magagalet agad yun eh at may tag line na "eh bata yan eh." Ayos safe! Napakwento na ko ng dahil sa Serg. Balik tayo sa inyong Sari-sari Store. Makikita mo din diyan sa garapon yung Goya Gold Coins ay putek, napakasarap din niyan e. Pagkatapos mo kainin mapapakinabangan mo ung silver foil dahil may instant braces ka na. Minsan iba iba pa kulay ng foil may red, green,blue, silver. Cooool! At hindi lang yun marami pa jan sa garapon na yan ang sisira sa mga ngipin mo.

May alambre o tali sa likod.

Dito naman sinasabit ang mga shampoo at conditioner, minsan yung Nips (alam kong isang komersiyal lang nito ang naalala niyo at kakantahin niyo na siya),  "When I want fun and get a bag of nips, and make a Rainbow. Nips! Nips!". Meron din iba't-ibang tatak ng mani katulad ng Expo, Corn Bits na kornik, Sugo, Nagaraya at marami pa. Ito pa isa naaalala niyo ba yung produkto ng Japan na sumikat sa Pilipinas yung Nano Candies, maasim yun e. At may themesong din yan at lagi ko sinasabayan kapag naaalala ko:

"Oh Nano, Nano it drives me crazy
I really love what it does to me
Sweet, sour and salty
Nano, Nano, Nano, Nano
Nano, Nano
Nanooooooooooooo!"

Nakasabit na basket.

Syempre alam niyo ang nakalagaya diyan. Iba't-ibang klase ng instant noodles at ang most favorite almusal at meryenda ang Lucky Me Pancit Canton. Palaging may sariling basket na puno yan, at yun lamang ang laman. Pakyu ka sa sarap! Tapos lalagyan mo ng konting sabaw, naglalasa talaga ang flavorings ng hayup na yan e. Wala nang tatalo diyan sa instant noodles na yan. Di ba Lucky? I love you Lucky!

Ref!

Siyempre isa sa pinakamahalagang parte ng tindahan ang ref kung saan nakalagay ang mga pampalamig na inumin, sopdrinks, beer, ice tubig, ice candy (minsan dinudurog ko sa pader para mas madaling kainin) at kung anu-ano pang kailangan ng lamig.

Special mention ang mga gimupit ng cardboard na pahaba. Diyan naka stapler ang tingi-tinging pamintang durog o buo at dahon ng laurel. Pati na rin ang nakasabit na plastik ng mga straw ng sopdrinks sa harapan. At kung klasik lang din naman ang pag-uusapan tungkol sa refrigerator ng Pilipino. Hindi mawawala diyang yung mga prutas na design na may magnet, mamili ka mais, grapes, apple, banana, orange andiyan na lahat pang ipit yan sa mga bills natin sa Meralco, Nawasa at kung anu-ano pang bills na bayarin diyan nakaipit sa magnet na prutas na yan para hindi makalimutang bayaran.

Hindi puwedeng magkatabi ang bench. Magkatapat dapat para puwedeng lagyan ng mesa sa gitna kung sakaling may mag-inuman sa tanghaling tapat. Dapat ay may tolda rin para kapag umulan e may masisilungan ang mga tambay. 

Let's walk the park at duon naman tayo sa kabilang kalye walang pangalan ang tindahan na ito sa amin, ibig kong sabihin na walang pangalan eh dahil ipinangalan mismo ito sa kalye. Ang Taal's Sari-sari Store, katabing kalye namin yan, sa Ciriaco Tuazon street kasi kame. Eto Taal Street, ang tindahan ay Taal Street your South Superhighway Sari-sari Store (SSSSS). May logo naman ng Royal Tru Orange sa magkabilang gilid ng signboard. May tolda pa ng promo ng Royal (Bukas Inom Sarap Panalo Part 2!).

Bago pa man naimbento ang doorbell sa mga tindahan, piso ang tinataktak natin sa bakal na parte ng tindahan. Sasabayan natin ito ng pabatang boses na "Pabileeeeehh!" O 'di naman kaya ay, "Pagbilaaaaannn!" Kapag nagustuhan ni Manang ang pagtawag natin ay gagayahin niya ang tono natin ng, "Anu 'yoooonnnn?!" "Pop Cola pooooh." "Sandaleeeeeh." (anu tina try mo ba 'yung tono? Pucha klasik na klasik yan).

Sa bandang bungad o harapan ng tindahan e nakapatong ang magkakatabing mga garapon na kadalasan kulay pula ang takip. Ang laman ay mga sumusunod: Wafer (yung kendi na tableta ang hugis), Sigarilyo candy, ay pota nangungulekta ako ng kahin niyan eh, ang ganda kasi puwede ipameke kay Nanay at magpapakita ako sa kanya ng kahon na akala niya naman ay nagyoyosi ako. Fake! Hahahaha! Anjan din yung Joy na kendi (ito yung bilog na kendi kulay orange at white kabilaan na sumisipol) Minsan sa yung paborito mong kanta sinasabay mo sa paghimig sa sipol. Ayos din eh tapos pahina na ng pahina na yung sipol kasi natutunaw na sa bibig mo. Ayos din ang tamis niyan. Eto pa Mik-mik (may chocolate at milk flavor, at may maliit na straw-talagang straw e, malupit na pauso talaga nila ito e), at meron ding mga holen, gel na tig 2-piso, at wag kalilimutan ang pomada ni Lolo na lagi niya akong pinabibili sa tuwing aalis siya papunta sa trabaho. "Hayup brush up Lo!" na shining and shimmering pag tumatama sa buhok niyo ang sikat ng araw. Andiyan rin ang pakete ng sigarilyo, Marlboro, Hope, Camel, Philip Morris, L&M, Winston (brand ni Lolo), at yung More na may tag line na "Catch the taste of magic, the magic taste of More, More International Cigarettes, catch the taste of magic, a magic taste of More." Meron pa isa yung Champion Cigarette, "Savor, your winning moment with Champion cigarettes. Taste the flavor of success with Champion kings. The brand for the brand of man you are. Champion Cigaretttessssss." Sabay may lalaking boses na pa cool. "Champion Cigarettes the brand of Champion." Astig!  Huwag nating kalimutan kapag may sigarilyo hindi mawawala ang mga lighter na may litrato ng hubad na babae. Hayup din sa marketing itong lighter na ito e, kaya mabili. 

Nakasabit naman sa screen at bakal ang mga maliliit na tsitsirya tulad ng Oishi, Kirei, Clover Bits, Tortillos, Kornets, Pompoms, Lumpia, Lechon Manok, Wonder Boy, Boogie Man Crunch, Rinbee, Humpty Dumpty, Moby, Richee, Pritos Ring, Golden Sweet Corn, Cedie, Ding Dong, Expo, PeeWee, Cheezums, Starkid, Tomi, Nachos at marami pang iba e. 

Yung tindahan duon sa Taal e merong salamin na lalagyan sa bandang ibaba ng garapons. Dito nakalagay ang magkakatabing school supplies, tinapay, at sitaw, kangkong, at iba pang mga piling gulay. Ewan ko lang kung bakit pinagsama-sama ang mga ito sa iisang puwesto.

"Dalawang kokomban nga po, tsaka isang pambakat (yung pandaya sa pagdrowing na kapag hinawakan mo yung itim eh kakalat sa kamay mo) tsaka po isang tali ng sitaw."

Gawin na nating MTV cribs yung tindahan duon sa Taal, pasok na tayo ng konti sa loob ng tindahan. Medyo hahawiin natin ang shampoo ng nakasampay sa alambre. Ang mga klasik na shampoo nuon eh: Rejoice, Palmolive, Gard at yung klaskik na wala na ngayon na Gugo Aloe Vera. Tangna nawala yun ganda pa naman nun sa buhok partner ko niyan na sabon eh Lifebuoy na nalipasan na rin ng panahon. Kalungkot eh!

Sa magkabilang gilid may mini-cabinet. Sa itaas na bahagi, doon nakalagay ang mga sikat na sawsawan tulad ng Marca Pina, Datu Puti, Silver Swan, Papa Banana Catsup, Jufran, Mother's Best Hot Sauce at UFC Tamis-Anghang Catsup. Isama mo na rin ang ang klasik na sikat na mga pang-rekado tulad ng Ajinomoto at Maggi Chicken Cubes. Yan ang madalas na ipabili sa akin ni ermat eh. "Manang Ajinomoto nga po yung tig-pipiso." Dalawang klase kasi yan may tig-pipifty centavos at merong piso, yung piso marami nang laman yun. Wala pang Magic Sarap nuon e. Minsan naka display din duon ang mga noodles, at Maggi Rich mami Noodles, Payless Instant Mami at ang pinaka gusto kong noodles sa tuwing trip namin magsabaw o di kaya pag umuulan eh yung klasik na Nissins Ramen. Patok na patok sa pamilya ang beef flavor tapos may itlog. Wow sarap! Sa ibabang bahagi ay nakalagay ang sandamakmak na de-lata tulad ng Ligo at 555 Sardines, Master ang pinaka trip ko nun, yung pula kasi ramdam ang anghang at pagka tomato sauce. Minsan pag di pa maanghang dudurugan ko pa ng sili yang sardinas eh. Nakakailang bandehado din ako ng kanin nung araw. Isa pang paborito ko yung Hunt's Pork and Beans, Carnation Evap (para halo-halo'y tiyak na masarap), Century Tuna, at Maling.

'Di kalayuan sa mga nakasampay na sachet ay ang mga nakasabit na basket na may malalaking mga tsitsirya ang ilan ay mahal kaya minsan lang ako makatikim, kapag suweldo lang ni Ermats, katulad ng Piattos, V-Cut, Potato Chips, yan yung mga A+ na chichirya nuon kaso naman pagkabukas mo hangin lang pala ang nagpapalaki. Putangina nga yang Potato Chips na yan masarap nga bitin ka naman ni hindi umabot sa lalamunan eh. Pagkadaya din minsan ng Jack N' Jill na 'to. Kaya kadalasan Kropek na lang yung tinitira ko kapag manonood na ko ng Bioman at Shaider o kaya yung simpleng Chicharon na nasa plastik bubudburan ko na lang ng Datu Puti suka. Ayos! Babiloooosssss!

Sa ref meron ding mga benta na nasa chiller lang na mga fruit juices at chocolait di naman kasi puwede i-freezer at maninigas. Anjan ang Magnolia Chocolait siyempre "the chocolatiest", kung gusto mo mapamura yung fruit juice na tig dodos ang tirahin mo, anjan ang Hi-C Orange, Zip (eto naman ung korteng triangle ang kahon, naalala mo pa?).

"Pautang naman manang."

"Bawal utang!"

Nakakamis 'yung mga panahong umuulan nang malakas tapos takbuhan kayong lahat sa may tindahan (lalo na kapag walang dyip na kaparada na matatambayan) para sumilong. Maya-maya sa kakaantay ng pag-tila eh mapapabili ka ng sopdrinks sa plastik. Tapos pupulot ng matulis na bato o pako yung kalaro mo, at maya-maya ay nagvavandal na pala sa upuang kahoy ni manang.

PUNKS NOT DEAD. 








1 komento:

  1. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    TumugonBurahin