Pages

Linggo, Enero 4, 2015

Angels and Demons

'Hindi po sungay ang matulis sa akin'

Unang Linggo ng taong 2015.Araw ng Panginoon.Araw ng Pagsimba.

Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? Ganun na ba katulis ang sungay ko para tanungin niyo ko ng ganyan? Hindi po sungay ang matulis sa akin.

Alam ko rin naman na matagal na akong hindi nagagawi sa simbahan. Mas madalas dinadala ako ng aking mga paa sa mga tagayan ng mga barako na hawak ang bote ng Red Horse, o tayaan ng Lotto, o sa bilihan ng porno. Kaya marahil hindi pinagpapala ang aking kapalaran dahil sa mga kademonyohang ito.

Nakakaguilty na rin kung minsan. Oo nakakaramdam ako ng guilt. Hindi naman ako taong bato na ganoon katigas ang puso. Hindi lang pagkatao ko ang matigas sa akin. Minsan isang taon. Lalo na at malapit na ang mating Lenten season. February 18 Ash Wednesday na. Malamang sa araw na yun na lang ako pupunta ng simbahan. Unang punta ko sa taon na ito kung sakali. Para magpatatak ng dinurog na uling na may basbas ng pari at itatak sa noo kong nagbabaga sa gitna ng mga sungay na ito. Masunog na kaya ako?

Pero hindi ko naman talaga kelangan magbalik loob kay Bro, este sa Diyos. Dahil hindi naman talaga nawala ang loob ko. At para maniwala kayo magpapapako ako sa krus sa darating na Semana Santa at magpapahagupit ng latigo at kadena sa aking likod. Siyempre joke lang yun. Kapag ginawa ko yun parang sinabi ko na rin na titigil na ang korapsyon sa ating bansa.

Huwag kayong maniniwala sa naririnig niyong malapit ng sunugin ang kaluluwa ko sa impiyerno. Hilig ko lang talaga ang paglalaro ng apoy. Naiingit nga ako sa mga taong bumubuga ng apoy, sumasayaw na may umiikot na apoy, at yung mga taong kayang pasuin ang sarili nila na hindi man lang nasasaktan at mas kinaiingitan ko yung mga taong umiinom ng kape na kakakulo lang ng mainit na tubig pagkatimpla ng kape ay higop agad. Hindi kaya wala na silang pakiramdam at sanay na sa init at kapag nasa Impiyerno na ang mga ito ay easy na lang ang pagsunog sa kanilang kaluluwa? Pero sobrang aliw ko talaga sa kanila tuwing nakikita ko sa Tarantadong Pinoy este Talentadong Pinoy kahit di sila nananalo. Sabi ko nga, hindi sila mahihirapang mag-adjust kung sakaling hindi sila sa langit mapupunta.

At para mas lalong mapalalim ang aking pananampalataya, ako ay mag-aayuno. Alam kong hindi ito gaanong sakripisyo kung tutuusin. Sa mahal ng presyo ng pagkain ngayon aba'y mapipilitan ka talagang bawasan ang iyong nilalamon. Puwera na lang ng nakaraang buwan, alam ko tumodo lamon ka. Oo ikaw. ano kasya pa ba ang uniporme mo? Ikaw na nagtatrabaho naisasarado mo pa ba ang mga zipper at butones sa iyong uniporme? Kung hindi na huminga ka ng malalim at ipilit mong pag-abutin ang butones na magla lock sa iyong pantalon. Kung wala talaga eh di magpa order na lang sa inyong kumpanya ng bagong uniporme. Pero mabalik tayo sa pag-aayuno. Change me! Ibahin niyo ko dahil di ko kakainin lahat ng klase ng karne sa panahon ng ayuno. Hindi ako titikim, kahit singhot. Kahit yung karneng masarap pisil-pisilin, iiwasan ko.

Pagpalain nawa ako.

Kailangan din magbawas ng luho bilang sakripisyo. Kailangang gayahin ang Tagapag ligtas na namuhay ng simple at payak. Sabihin niyo yan sa ating mga buwitreng pulitiko, mga buwaya ng gobyerno at hindi sa akin. Wala akong kapasidad sa buhay para maging maluho. Hindi naman siguro luho ang magpagupit kung saan si John Lloyd nagpapagupit di ba?

Judge me.

Hindi ko masasagot kung ano ang tunay na sukatan ng tamang pananampalataya. Malamang may dagdag pogi points ka sa Maykapal kung sasali ka sa mga pabasa at senakulo, magpuprusisyon at magbisita Iglesia. O magpahagupit ng latigo sa harap ng madlang pipol.

Pero sana maging sapat na muna ang tanging paraan ng pagsisisi na alam ko. Ang maging mabait sa kapwa, ang magsakripisyo, at ang magsuot ng karsunsilyo tuwing magsu surf sa Internet.

Amen.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento