Pages

Huwebes, Hunyo 4, 2015

Raffle Fever

'Malas lang, tohl'
Hindi naman masama alalahanin ang kamalasan sa buhay, minsan kapag naaalala  mo ang isang bagay na sa tingin mo ay pinaglaruan ka ng tadhana, ay matatawa ka na lang. Hindi dahil throwback Huwebes kaya gusto kong bumalik sa parte ng nakaraan ng aking buhay. Walang nagdidikta sa'yo kung kelan ka dapat mag-isip, magsulat o alalahanin ang mga tagumpay, kahihiyan, kamalasan o kalungkutan. Automatic kasi sa kasalukuyang panahon na sa Huwebes lang gagana ang memorya mo para maghukay ng mga detalye ng iyong mga naranasan habang nabubuhay ka sa mundong ito.
Minsan naisip ko na nga na bigyan na lang lahat ng araw na katumbas ng Throwback Thursday,  bakit hindi ba puwede sa Lunes mag-isip? Maaari naman #MondayMemories, #TakingBackTuesday, #WednesdayWayDownMemories at #FlashbackFridays yung dalawang araw magpahinga ka naman sa kaiisip. Over thinking is not good for your health.

Ang problema ko mababaw lang naman. Pero nakakainis.

OO MALAS AKO SA RAFFLE. Inuulit ko MALAS AKO SA RAFFLE.

Noon, palagi akong nawiwiling sumali sa mga raffle. Yung mga raffle na kailangan ng proof of purchase. Bibili ka ng ganito , ganyan  tapos isasali mo yung wrapper. Ewan ko ba. Hindi pa naman ako nananalo e, iniisip ko na kung ano ang gagawin sa premyo. Kaya siguro minamalas. Ni minsan di pa nanalo. Counting the eggs kasi kahit hindi pa ito hatched. 

Pero hindi. Hindi ko ata matatanggap na ako ay malas. Naghubad ako sa aming CR at tumalikod sa salamin, tumungtong ako sa  inidoro para makita sa salamin ang aking puwit. Sinilip ko sa salamin, aba eh wala  naman. Wala naman yung "marka" na sinasabi nila. Oo naniniwala ako na wala naman akong balat sa puwet para malasin ng ganito. Mas gugustuhin ko pa kasing isipin na ako ay dinaya. Tama. Dinaya ako! Imposibleng hindi ako manalo. Sinusunod ko ata ang mga regulasyon. Pinapaganda ko pa ang aking sulat kamay. The best pa ang aking signature. Kumpleto ang address. Kulang nalang lagyan ito ng autographed picture ko e. Kaya lang di ko na nilalagyan. Parang panunuhol na yun, kaya wag na lang.

Ayan! Ayan ang aking sandamukal na basura sachet ng Extra Joss. Araw-araw ko yang iniipon pero hanggang ngayon wala pa rin silang parapol!! Araw-araw kong ibinubuhos sa aking ngala-ngala sa pag-asang lumakas ang aking dating! pangangatawan. Ngunit ngayon ako'y  nanghihina at mukhang mapupunta sa wala ang pag-iimbak na ito.Natunugan ata ng kumpanya ang aking mga pagpanic-buying at minabuti na lamang na wag magpa-raffle kasi bumibenta naman sila. Langya talaga.,

Dapat kasi hindi na ako umaasa e. Dapat kasi hindi na ako nagpapadala sa mga ganitong buladas/marketing strategy para bilhin ang ganitong produkto. Dapat kasi itapon ko na ang mga wrapper ng kendi, karton ng toothpaste, sachet ng shampoo etc. na iniingat-ingatan ko. Ako kasi yung  taong naniniwala sa kasabihang "may pera sa basura." Buti na lang madalang ang raffle sa mga sanitary napkin.

Makakabuti siguro sa akin kung itatapon ko na ito sa lalong madaling panahon. Mahirap na. Baka masyado akong maging attached sa mga basurang ito. Nakakahiya at baka pagkamalang basurahan na ang bahay ko at baka dito na lang din magtapon ng basura ang mga kapitbahay ko. Baka isipin nila na may business akong junk shop.  

Punyeta may naalala pa ko, trip ko rin kasing uminom ng softdrinks at inaamin kong adik ako dito. Nag-ipon rin ako ng maraming tansan. Ang ganda sa mata ng mga tansan na ito kapag nagsama sama. Sa tindahan kapag may umiinom ng softdrinks talagang inaantay  ko siya matapos at pag umalis na siya dadakmain ko yung tansan. Sabi ko lokong yun hindi niya ba alam na may prize ang bawat tansan na ito ng Pepsi Bottling Company? Oo to make the story short, ito ang first time na nanalo ako sa isang raffle. Halos magtatalon ako nung inannounce ni Miss Susan Africa yung numero ko sa likod ng tansan. Ang numero 349. Ito yung Pepsi Number Fever na bawat numero sa likod ng tansan ay may katumbas na pera. At sa pagkakataong iyon ay P50,000 pesos ang katumbas ng hawak kong  tansan. Halos magswimming ako sa mga nakolekta kong tansan noon dahil alam ko talagang may 349 ako at memoryado ko lahat ng aking hawak na numero. 

Ang masaklap lang.................(mahabang silensiyo) Anak ng pitumput pitong puting tiger shark, nagkamali daw ng announcement ng numero. At naging scam pa, dahil napakarami ng may tansan holders na 349. Naging kontrobersiyal yang Number Fever na yan noong dekada nobenta. Pusang-gala talaga akala ko eh may instant singkwenta mil na ko. At sa isip-isip ko naka-ahon na ako sa kamalasan. Yun pala e hindi pa rin. Nangako ang Pepsi na bibigyan na lang lahat halos may isan daang mahigit na tansan holders  ng tig papayb hundred pesos, ang kaso sabi ko sa inyo na lang, dahil sa pamasahe pa lang luging-lugi na ako. Sa Quezon City pa kukurbahin yung limang-daan. Di bale na!

Bakit kasi ang malas ko sa mga ganyan. Bakit ba hindi ako mabunot-bunot ng walang hassle. Ano kaya sa susunod, pa bendisyunan ko ke pader ang lahat ng aking entries. Baka naman  pagbigyan na ako ni Lord manalo. Ah ewan, basta! 
                                                      . 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento