Pages

Linggo, Setyembre 27, 2015

Karera

'Kung ikaw lang ang makakarera ko, suko na ko, panalo ka na. Aangkas na lang ako sa likod.'

Una sa lahat wala akong gustong pahagingan o patamaan sa post na ito. Meron lang akong gustong malaman, para saan ba ang karera sa daan o yung tinatawag na drag racing kahit alam naman nating hmmmn illegal, di ba?

Marami na rin naman ang nagreklamo sa publiko sa lansangan lalo na kung gabi o madaling-araw at nagkalat itong mga ito sa kalye. Maaari mong sabihin na walang pakealamanan ng trip, pero aba naman tohl kung meron kayong sariling planeta bukod sa Earth okay lang, hindi lang kasi kayo ang nabubuhay sa  mundong ito. Kahit pa magkarera kayo sa buwan walang makekealam at wala kayong mapeperwisyo. 

Ito yung mga anak ng mayayaman na nasobrahan sa radiation ng kung anu-anong teknikal na gadgets na kumain sa mga kukote nila. Sila ang pasimuno ng drag racing na kung tutuusin ay walang kakwenta-kwentang sports at walang napapatunayan. Nakapanood lang ng Fast & The Furious nag- transform na ang mga mokong. Eh di wow! Kapag mabilis magpa-arangkada at magpasingit-singit sa daan.... cool na? astig na? iba ka na? Bwahahaha! Eh di kayo na si Michael Schumacher.

Pero siyempre dito sa Ubas na may Cyanide hindi namin kayo, bibigyan ng masamang pagtingin sa halip ay bibigyan pa namin kayo ng matitipunong suhestiyon para lalo kayong hangaan ng mga chiks na makakapanood sa inyo. 

*Bakit magkakarerahan sa gabi o madaling-araw kung wala naman masyadong sasakyan o tao sa lansangan? Kahangalan! Marapat na magkarerahan kung kelan peak/rush hours. Kailangan yung usad pagong daan at kabi-kabila ang tumatawid na  tao.

Sabihin nating ang starting point ay sa Baclaran dun sa ilalim ng LRT at matatapos sa NLEX. Rush hour at higit sa lahat, salubong sa trapik. Ang unang makakarating sa dulo nang buhay at walang gasgas ang sasakyan sa loob ng medya ora, magpapakaalipin ako sa loob ng isang taon. Pero kapag pinaglamayan naman siya ako ang magsisilbi ng kape, biskwit, tinapay at baraha sa mga mag-totong its... Pramis!

*Bakit makikipagkarerahan sa kapwa nila karerista na hindi naman mga propesyonal na karerista sa tunay na lansangan, sitwasyon at buhay? Karerista lang sila sa likod ng script. Ang suhestiyon ko, makipagkarerahan sila sa trak ng bumbero at ambulansiya. Ang sinumang karerista na makakatalo sa tunay na drayber ng trak ng bumbero at ambulansiya....siya na ang papalit sa mga ito. At last nagkatrabaho ka pa. Baka nga sa tunay na drayber ng karo ng Funeraria ay di kayo manalo.

*At dahil tunay naman na mga anak kayo ng burgis, bakit pera o kotse ang pustahan? Mas maganda kung sinong matalo, susunugin ang village o subdivision, o kaya pasabugin ang opisina ng kanya kanyang angkan, pabrika, warehouse ng negosyo ng pamilya. Mas may thrill hindi ba? Kung pera lang o kotse ang korni.

*Tohl bakit kayo magkakarerahan kung kailan maganda ang panahon? Nasaan ang challenge dun? Saan namin mahahanap ang kaastigan? Mas okay kung magkakarerahan sila kapag may super typhoon at baha sa mga pangunahing lansangan. 


Marami pa sana akong sasabihin. Kaso, mukhang nagiinit na ang karburador nila, botaks muna ako at baka sagasaan pa ako ng mga kupal na ito! 

Adios!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento