Pages

Huwebes, Setyembre 24, 2015

Mga Basang Pahina

'Minsan masarap paganahin ang isang motibasyon na nanggagaling sa isang inspirasyon. Masaya ang mag-isip, lumilok  manahi, manggatsilyo ng mga salita para makabuo ng isang piyesa sa  isang tulaan ng pag-ibig.'


Kagabi nanahi ng mga salita at gumawa  ng tula, dahil sa bilis ng inspirasyong dulot ng mga piyesa ni Juan Miguel Severo na nag-aaral sa UP. Ma-emosyon, mabigat ang mga banat na salita. Nakakadala at nakakabighaning makapagsulat ng mga ganitong piyesa. Ramdam ang pagkalungkot, galit at tuwa. Heto at panoorin ninyo ang hebigats na performance niya sa entablado.


"Ang Huling Tula na Isusulat ko para sa'yo"



At eto naman ang aking likhang piyesa sa pinamagatang......


Mga Basang Pahina

Sa isang librong kayputi, pumatak ang luha
kaya't wala kang naaninag kahit isang talata
Bumaha ang luha sa gitna ng pahina
Pilit inaral,inisip at kinabisa
Tumanda na tayo't lahat ngunit ang kaalaman ay di sapat.


Pag ibig ano ka nga ba?
Saan ka nagmula at paano ako namulat sa'yo ng hindi kita kinikilala
Noong umpisa,simple lamang ako at payak
Ngunit ngayo'y kinakausap ang sarili at laging na lamang nakayapak


Bulag ka nga ba o nagbubulag-bulagan lamang
Sapagkat pinasok mo ang aking isipan, puso't sinaniban ang kaluluwa
Lumapit ako sa'yo nang matagal ang pagsuyo ngunit naglaho
Lumayo ako sa'yo, tagos ang kalungkutan, nananaghoy ang pagsuyo


Sana'y hindi na lang kita nakita, sana'y hindi na lamang nasilayan.
Ngayo'y bumabalik ang mga alaala kung saan kita unang nakilala.
Para kang mala-asidong alak na pumupunit ng aking lalamunan at kalamnan
Isang mabagsik at maamong kidlat na gumuhit sa aking katahimikan.


Ang pag-ibig kapag bahag ang buntot ay parang ilog na payapa't walang agos
walang pagwasiwas at paghampas ng alon,walang tigil ang paggalaw at walang sigla
Ang pag-ibig na matapang ay hindi lamang puso ang inaanod
Pati ang kanyang balon-balunan,bituka,baga,atay,lapay at apdo
Nalunod na rin ang dangal, yaman at dunong.


Ang pag-ibig hahamakin ang lahat masunod lamang
Ngunit kapag ika'y umurong sa tatahakin mong sakuna't panganib
Takot ba ang pag-ibig mo, walang tibay, walang gabay at hindi ka pa umiibig.
Dahil ang naturang pag-ibig, kahit hanggang hukay na lang ang pag-asa ay pilit 
mong aariin ang kanyang langit


Ang pag-ibig ay hindi pagnanasa 
Hindi ito ang pag-angkin ng perlas na puti
Wala kang karapatang umibig kung iyan lamang ang iyong mithi
Ang pagkasasa sa bukirin para lamang durugin ang isang napakagandang bituin?


Itong pag-ibig na ito ay may mata, ang pag-ibig ko'y hindi bulag
Ang marunong umibig ay laging dilat sa mga sugat na natamo at natanggap
Dahil ang pag-ibig ay masakim at hindi kakailanganin ng kabyak
Dalawang pinagka-isa at dalawang pinagbigkis
Hindi tayo kambal, ngunit ikaw ang gusto kong katambal sa pelikula ng buhay 
Kung saan maaari nating danasin ang lungkot at ligaya, takot at pighati


Kaya't kayong mga kabataang pag-ibig ang ninanais
Mga animo'y paru-parong lumiligid sa ilawan ng lampara
Kapag kayo'y umibig na, hahamakin ang panganib,
at ang bawat pakpak ninyo'y masusunog sa alab ng pag-ibig


Isasara ko na ang libro na binaha na ng luha
Ang puting libro ko ngayo'y pula na ang mga talata
Dulot ng matatalim na bawat pahinang ikaw ang gumawa ng masasakit na salita
Pinabaha ng luha't dugo, isasara ko na at hindi muling bubuksan pa.
At sa isang bagsak, nagtilamsikan ang dugo't luhang para sa'yo....para sa'yo
At pinapangako sa sarili na ako'y magsisimulang muli

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento