Pages

Sabado, Nobyembre 21, 2015

90's Nostalgia: Cartoons of your Time

'Ghostbuster's secretary, Janine Melnitz cosplay'

Iba yung anime, hindi ko pa trip ang anime noon sa regular na cartoons. Mas gusto ko yung mga cartoos na napapatawa ako kesa sa mas bayolenteng tagalized anime. Sa cartoons kahit English ag wika naiintindihan ko pa rin naman. Kung ikaw yung tipong di nahilig sa cartoons ay anak ka ng ewan, ang korni ng kabataan mo. Ika nga you've missed one of the important part of your childhood. Mula Biyernes ng gabi piyesta na ang palabas sa TV ng mga cartoons niyan, kung baga noon binibigyan ppang importansiya ang mga bata, hindi katulad ngayon mga gurang na lang ang nakikinabang kapag Biyernes, sa mga walang katapusang punyetang mga telenobela sa TV. Dapat talaga kahit sa isang araw ng Biyernes ng gabi, ibahagi naman sana sa mga kabataan ang mga palabas na para sa kanila. Ang siste kasi pataasan ng ratings ang mga kupal na giant network, kung ano ang palabas sa kabila, gagayahin ng kabila so kung yung dating cartoons ang palabas at siyempre mas mataas ang ratings ng kadramahan, automatik papalitan ang cartooons makasabay lang sa tumataas na ratings ng kabilang istasyon.

Egan,Peter,Ray and Winston

Biyernes ng gabi noong dekada, asahan mo ubos na ang tigpipisong chichirya sa tindahan, nabili na yan ng mga 90's kids mula sa Oishi, Boogeyman Crunch, Kirei, Pritos Ring,Snacku, Nutri Star, Sunshine Green Peas, Lechon Manok, Expo Nuts pati Texas at Bubble Gum. Kasi nga naman pagkatapos ng Original na TV Patrol na apat pa ang anchor men at pagkatapos ng segment ni Ka Ernie Baron, aba hudyat na para pumuwesto sa sofa bitbit ang tsitsirya dahil eentrada na ang Ghostbusters nila Peter,Egan,Ray at Winston + the cutest green jelly ghost na si Slimer. Nguya,ngasab, lunok habang nakikipag sagupaan ang ating mga bida sa mga monster ghost na naghahasik ng lagim sa city. At kapag nakareceive na ng tawag ang sekretarya nilang si Jenine eto na dito ko na maririnig yung pinaka astig na theme song.... "If there's something strange, in your neighborhood, who you gonna call.....siyempre sasabay kame ng mga pinsan ko at tatayo sa sofa, malakas at sisigaw kame GHOSBUSTERSSSSS!!! Trip na trip ko yung Ecto One na kotse, ful battle gear at maraming gadgets sa loob at labas, napaka cool din ng baril nila na proton pack ang tawag, kapag tinamaan na ang multo wala nang kawala, parang magnet na hindi na makakaalpas pa ung multo o halimaw. Pagkatapos nun ilalabas na nila yung ghost trap, isang device kung saan kinukulong o hinihigop yung multo at doon nila ilalagay yun sa isang malaking storage sa headquarters nila na kulungan ng mga masasamang elemento. Kinukulong nila ito sa ghost world para hindi na makapaminsala sa mga tao. Pero ang pinaka cool at ginaya ko rin minsan nung mag-gel ako, eh yung buhok ni idol Egan Spengler. Yung pa roll na twist na horizontal na bangs sabay long back. Hahaha the best!

X-MEN

Kailangan mong tipirin yung tsitsirya eh, porket naeexcite ka sa palabas nadadamihan mo yung kuha, pagkabili kasi noon, dapat papaprte-partehin niyo, mahirap na magkadayaan at may makalamang. Sa pagkain sa isang balot dapat aabot yun ng dalawa o tatlong patalastas sa isang cartoons. Kailangan hanggang huling cartoons meron ka ring last bite. Kaya ang ginagawa ko, isang kuha, isang kagat then 2 minutes bago ulet kumuha. Ewan ko na lang kung hindi pa umabot yan hanngan sa huling palabas.

Next in line: X-MEN, aba kung astig ang Ghostbusters mas maporma 'to, intro pa lang magilas na. Ang XMEN ay hindi samahan ng mga beki na may super powers. Tinatawag silang mutant. Half man-half mutant, mga nilalang na may kanya kanyang kapangyarihan pero hindi pa nila alam gamitin kaya't nariyan yung kanilang maestro na si Professor X, buti walang nagtanong na kabataan ngayon kung napapanood nila ito kung bakit lagi lang nakaupo si Professor X. Siya ang taga gabay sa mga mutant kung paano gamitin ng wasto ang kapangyarihan at para gamitin lamang sa kabutihan at  para labanan ang mga lupon ng mga mutant din naman ni Magneto, sila naman yung mga bad guys/kontrabida. Pero yung pinaka boss sa kasamaan ay si Apocalypse, na maikukumpara ko sa aming kapitbahay sa laki ng bunganga sa pagkatsismosa, ganun din kalaki ang bibig ni Apocalypse na kulay asul na gigantic robot. Ang super idol ko sa X-MEN ay si Gambit, maporma ang costume, may maskara na takip ang patilya hanggang baba, pula ang mata, may robe na pang sinister ang dating at may hawak na tubo, plus may pulang buhok na parang trolls ang itsura. Cajun expert ang skills niya sa pakikipagbugbugan at may playing cards na granada, kumikinang na cards pag itinapon sayo, titilapon ka! Tsaka gwapings din si idol!

Eh kung paastigan naman sa unang dalawang oras na programa, iba naman ang tema ng kasunod, hindi siya cartoons pero isa rin sa pinakakaabang-abangan ng mga bata noon. Magdidikit dikit na kame nuon sa sopa at magtatakip ng unan sa mga mata. Kasi katatakutan na ang kasunod na palabas. Introduction pa lang, nakakapanghilakbot na eh, una nagpapakita ng mga lugar na creepy, madilim at panay usok ang paligid. Creepy na seesaw, manika, hinahangin na dahon, bangkang sumasayaw sa madilim na alon, bumubukas na pinto at bintana, nakakapanindig balahibong background sounds sabay sindi ng posporo sa madili na sulok at doon lilitaw ang title ng programa "Are you Afraid of the Dark", lahat yan trademark na ng palabas na ito kaya pagkatapod ng programa, at kapag gusto mo umihi at uminom sa kusina, walang batang nakakababa noon dahil sa programang ito. Yung iba kunyari wet dreams at doon na lang umihi sa kama. At pagdating ng umaga, wapakkk!!! "nonood nood kayo ng nakakatakot hindi niyo naman pala kaya!" sermon kay ermats sabay latay ng Spartan na tsinelas sa puwet. Masakit ang Spartan kasi matigas at malutong ang tunog ng pagkakahampas. Kamot puwet na lang minsan, parang tusok lang naman ng scorpion yan.

Are you afraid of the Dark?

Sabado!

Siyempre rest day pa rin yan ng mga batang kalyeng katulad ko. Araw ko pa yan kaya manonood pa rin ako, dito naman ang cartoons pang umaga. Simula yan ng alas diyes ng umaga. Kapag narinig mo na yung "meep-meep" alam na, naghahabulan na naman sila Road Runner at Coyote, it's Looney Tunes time. Nakangiti na naman ako at parang trip ko na naman bumili ng mangangasab. Idol ko sila Bugs Bunny, Tazmanian Deil, Tweety Bird, Sylvester, Elmer, Porky Pig at Yosemite Sam. Ito ang pinakapaborito ko sa Sabado ng umaga idagdag mo pa si Mr. Bogus! Siya naman yung mukang goblin, kulay dilaw, matakaw at mapapansin mo lahat ng character dito kamukha niya, naiiba lang ang costume. Ang kalaban niya dito ay yung mga green goblin at mga monster na alikabok, kaya kung mapapadpad man si Mr.Bogus dito sa kwarto ko, eh malamang mapapalaban siya ng husto.

Napakarami pang cartoons nong dekada nobenta nakalimutan ko na lamang ang iba, halos araw-araw tuwing hapon pag uwi sa eskuwela. Bakit nga ba hindi na lang nila ibalik ag cartoons sa tanghalian at weekend? Panay battle of ratings na lang kasi ang mga punyetang network stations. Kaya yung ibang
kabataan imbis na cartoons pa lang ang pinanonood at humalakhak sa harap ng telebisyon eh napapalitan nalang ng kilig, kalandian at namumulat sa maagang kaartehan. Nasan na sila Garfield and friends, Carebears, Rugrats, He-Man, Thundercats, Tiny Toons, Beavis and Butthead, Southpark, Inspector Gadget, GI JOE, Smurfs, Ed, Edd and Eddie, Scooby Doo, Garbage Pail Kids, Attack of the Killer Tomatoes, Popeye, Captain Planet at special mention Rainbowbrite. Wala na kinaen na sila ng sistema, niluma na ng panahon ang mga nagpasaya sa akin nung kabataan ako, ang bawat ngasab, nguya at lunok ay alaala na lamang ng lumipas at kinupas na panahon. Wala na sila, napalitan na ng puros ka cheapan at kagaguhan na palabas, mga anime na panay sakitan at patayan, barilan at saksakan. Wala na yung simpleng katatawanan lang, yung maghabulan lang sabay madadapa ang nanghahabol, yung simpleng kadakilaan na lalabas ang bida at kakaripas na ng takbo ang mga kalaban na walang makikitang sapukan. Wala nang ganon cartoons eh, ang ilan hinaluan na ng kalaswaan o yung mga tinatawag na adult cartoons, yun ang mas trip nilang ipanood sa murang isipan ng mga kabataan sa ngayon. Pero ang tanong wala na rin naman talagang kabataan na nanonood ng cartoons eh. Wala na! ang lahat yan nilunok na ng buong buo ng mga teknikal na gadgets. Iba pa rin talaga ang kapanahunan noong dekada, simple lamang ang buhay bata, pero patok ang kasiyahan, sagad hanggang buto ang tuwa. At kapag Linggo na ng hapon, kailangan nang mag regroup at magahahanda na naman sa isang linggong pakikipagtunggali sa mga titser at pag-aaral at pagsapit uli ng Biyernes ng gabi tuloy na naman ang ligaya.

Ngasab. Nguya at Lunok! Paalam sa aking mga kalaro sa telebisyon nuong musmos pa aming isipan. Hindi namin makakaimutan ang ligayang taglay.

Paalam Cartoons ng 90's!


Nguya.Ngasab at Lunok!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento