Pages

Sabado, Hunyo 6, 2020

Ang Kwento ni Piknik


'Piknik the pregnant cat'


Mas lalo kong minamahal ang aking ina. Mas lalo kong natututunan ang kahalagahan ng isang ina ang kanilang pisikal na paghihirap upang mailuwal ka sa mundong ating ginagalawan. Naging bokal ako sa social media bilang isang tunay na mangingibig sa pag-aalaga ng hayop partikular na rito ang mga aso at pusa. Hindi ko mawari ang awang aking nararamdaman sa tuwing may mga nakikita akong mga hayop na inabandona at pinabayaan na lamang ng kanilang mga pet parents na magpagala-gala na laman sa kalsada. Para sa akin ay animo'y katumbas na rin ito ng pagligaw mo sa isang batang musmos na hindi niya alam kung saan siya magpupunta at kung paano siya makakahanap ng pagkain. Kaya naman sa tuwing may nakikita akong mga kuting sa mga gilid ng kalye o malapit sa basurahan ay aking inaampon at dinadala sa bahay. Sa kasalukuyan mayroon akong dalawang inampon at inalagaan, ang mga pangalan nila ay 'Potchie' na nakita ko sa damuhan ng gilid ng kalsada ng Buhay na Tubig na tapat ng Shelter Town Subdivision. Malaki na si Potchie pero nabulag ang isa sa kanyang mata, sapagkat dumadaan talaga sila sa isang matinding sakit katulad ng sipon bago sila umusad sa kanilang normal na kalusugan. Yan ang natutunan ko sa matagal na pag-aalaga ng pusa. Hindi ko naagapan ang kanyang mata dahil sa pagluluha at noo'y mucus na lumalabas sa kanyang mata na naninigas at ito ang nagdulot ng kanyang pagkabulag. Ang isa ay si 'Dayo', pinangalanan ko siya ng ganito dahil tila napadpad lamang siya sa likod ng aming bahay. Si Dayo ay galing sa bukid sa aming likod bahay. Tatlong araw rin bago ko siya nakuha sa likod. Hindi ko agad siya kinuha dahil nag-uuulan ng panahon na yun at madulas sa likod-bahay. Pagkatapos ng tatlong araw akala ko ay wala na siya sa likod dahil hindi ko na naririnig ang kanyang matining na pag-ngiyaw. Pero nabuhayan ako ng loob kagaya ng pagsikat ng araw sa umaga. Buo ang paniniwala ko na siya yung narinig ko. Sinuong ko ang matataas na damuhan sa likod bahay para mahanap ko siya. Dahan-dahan din ako sa mga madudulas na bahagi ng batuhan dahil dito umuusad ang aming tubig na itinatapon galing sa aming kusina. Sinuong ko rin ang mabahong kanal upang makita siya. Sa awa ng Diyos ay nakita ko siya na nakaupo sa ibabaw ng basag na hollow blocks. Mas tumining ang kanyang pag-ngiyaw nung nakita niya akong papalapit sa kanya. Tumalon siya sa hollow block na yun at dahan-dahang lumapit sa akin. Masaya ako nang araw na yun dahil alam kong nakasagip ako ng buhay kahit pa buhay ng isang kuting ay mahalaga sapagkat ipinaubaya sila ng ating Mahal na Diyos para alagaan natin at para hindi pahirapan sa mundong ito. 

'Siya si DAYO, dayo dahil napadpad lang at naligaw sa likod bukid pagkatapos ng bagyo'


'Siya naman si Patchie na inampon ko noong Nobyembre 2019 sa gilid ng kalsada ng Buhay na tubig'

'Eto na si Patchie ngayon ngunit nabulag ang kanyang isang mata dahil sa matinding sipon at pagmumuta'



Si Piknik ay matagal na sa amin, taong 2018 siya ipinanganak. Hindi pa ako naooperahan sa aking puso ay kasama na namin siya dito sa aming bahay. Piknik ang ipinangalan ng aking kapatid dahil ito yung mga snacks na palagi naming kinakain. Ang kapatid niya ay si Nova at Cheesecake, cheese cake dahil kakulay siya ng lemon square na cheese cake. Namatay ang kanilang kapatid na si Pringles dahil na rin sa matinding sipon. Minsan talaga hindi natin sila lahat maisasalba. Napaka sensitive ng isang buhay ng kuting. Madali silang magkasakit kagaya lang din ng mga maliliit na anak, o mga sanggol na ating inaalagaan ganun din sila ka-sensetibo. 

Si Piknik yung isa sa pinakamalambing na alaga. Siya yung sumasalubong sa umaga sa hagdanan pa lang para manghingi ng kanilang pagkain na cat food na biskwit. Alam kong nanghihingi dahil nakasanayan na nila ito sa umaga. Titingin sila sa supot ng kanilang cat food na nakasabit at sabay-sabay na magngingiyawan. Ganito palagi ang sistema sa aming paggising. Nariyan ang bubunguin ng kanilang ulo ang legs mo para magpapansin. Minsan kakapit sa paa mo. Madugo talaga kapag naglambing at nagharot ang pusa kaya dapat malaman mo ang mga bagay na ito kung sakaling binabalak mo na mag-alaga ng pusa. 

Demon Hunter - "The End"

Dumating ang araw at nagkalaman ang tiyan ni Piknik. Parang ikaw lang din na taong buntis. Minsan ay tamad na tamad siyang tumayo para kumain. Kadalasan naman ay gutom na gutom. Tatlong buwan din ang itinagal ng paglaki ng kaniyang tiyan. Sumobra ang laki ng kaniyang tiyan na ikinatakot namin dahil dumating na sa pagkakataon na hindi na siya makatayo. Binilhan namin siya ng kahon para tahimik siyang manganak at para walang ibang pusang umuusyoso sa kanya habang siya ay umiire. Isang linggo rin siyang nasa kahon lang at walang kinakain. Panay inom lamang siya ng tubig. Inilagay ko siya sa bakanteng kwarto sa gabi. Naaawa ako dahil hindi siya kumakain at baka manghina siya at hindi niya kayanin ang pag-ire. Alam kong malakas na pwersa ang kakailanganin upang mailabas niya ang mga anak niya. Nag-isip na rin ako na tumawag o itext ang veterinarian na kakilala ko kung nag-ooffer sila ng "caesarian" services para sa pusang manganganak. Naghintay pa kami ng ilang araw. Kinaumagahan nailabas niya sa buong isang araw ang tatlong anak niya pero wala nang buhay ang lahat. Yung isa ay deform pa nga. Sa mga oras na yun ay malaki pa rin ang tiyan ni Piknik at wala pa rin siya ganang kumain at ang bilis ng kanyang paghinga at tibok ng kanyang puso. Aaminin ko na natatakot ako dahil ayaw kong mawala sa amin ang isang napakalambing na pusa. Dalawang araw ang pagitan at may nailabas muli siyang anak niya ngunit kagaya ng nauna ay wala na itong mga buhay. Ang aking palagay ay nakablock yung isang anak niya na na-deform kaya hindi tuloy-tuloy ang paglabas ng kanyang mga anak na ikinadulot ng pagkamatay nito lahat. Pagkatapos nun ay hindi pa rin siya kumain. Makalipas ang isang araw ay lumabas ang huling anak niya na kulay puti. Sa wakas ay buhay ito at sa pagkakataong ito ay lumiit na ang kanyang tiyan. Ang buong akala ko ay malusog ang huling anak niya na lumabas. Pagkalipas lang ng tatlong araw ay namatay rin ito.

'Paumanhin po sa mga larawan. Sila ang mga kuting na anak ni Piknik na bago pa lang ilabas ay wala nang buhay'




Naniniwala ako na mayroon din depression ang mga pusang nanay dahil makikita mo sa kanya yung lungkot at hirap na pinagdaanan niya sa panganganak. Anim na anak niya na walang nabuhay. Sinusundan niya ako bitbit ang plastik na pinaglagyan ng kanyang mga anak na walang buhay at kahit sa wilang tao ay ipinaliwanag ko sa kanya na wala ng buhay ang mga anak niya. 

Napakabisa talaga ng pagdarasal. Sa tuwing ako ay matutulog ay sinasama ko ang mga hayop kong maysakit sa aking pananampalataya at pasalamat ako sa Diyos dahil nakukuha ko ang mga kasagutan. Hindi man natin lahat sila maisalba ay masaya akong nabuhay sa Piknik at narito pa rin sa aming piling, nagpapalakas at may gana nang kumain. Alalahanin rin natin itong natutunan ko sa aking beterinaryo na kapag hindi kumain ang pusa ng tatlong-araw ay maaaring malagay na sa kritikal ang kanilang buhay. Paano pa kaya ang mga pusang-kalye di ba? 

Kaya't hanggat may nanay tayo ay isipin natin yung pisikal na hirap na kanilang ibinigay para sa atin upang tayo ay iluwal sa mundo. Isipin natin lagi na ganito nila tayo kamahal sapagkat sa tuwing lalabas tayo sa kanilang sinapupunan ay kalahati ng kanilang buhay ang nakasugal. 

Respeto para sa mga kababaihan. Respeto sa ating mga nanay at respeto na rin sa mga alaga nating hayop. 

Ito ang kwento ni Piknik. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento