Linggo, Mayo 3, 2020

Quick Heat Escape: Mamang Sorbetero

'Palamig muna tayo!


"Tingaling-aling! Tingaling-aling! Tingaling-aling-dingdong!"

Alas-dos ng hapon ang palabas sa TV ay Valiente. Kapag narinig na namin ang bell ng ice cream ay maglalabasan na kame dala ang kanya-kanyang barya sa bulsa. Sa init nitong bansa natin eh pano ba naman tayo hindi maiinlove sa pagkain ng mga malalamig na pagkain o inumin. Malamig, matamis, malambot, masarap dilaan....masarap dilaan...masarap dilaan...

Magnolia ang una kong nakitang ice cream sa TV. Ito ang pinakasikat na sorbetes sa Pilipinas. Asul na plastic ang lalagyan ng Magnolia at madami siyang flavors. Paborito ko dito ang cheese flavor na ice cream dahil malalaki ang buo-buo niyang keso. Hindi ko alam kung "Ques-o" ang nilagay nila pero wala akong paki. Masarap talaga siya. Magnolia... mmmmmm.

Ice Pop


Sino ba ang makakalimot sa sikat na sikat rin na Selecta Ube? Sikat ang Selecta Ice Cream no'n dahil latang ginto ang lalagyan nito. Siyempre hindi ko alam kung yun nga ba ang totoonng dahilan kaya siya sikat kasi uso na rin ang fake news noon ee, hahaha. Minsan talaga ay kung anu-ano ang sinasabi ko na akala mo'y siguradong sigurado ako. Pero mabalik tayo sa ating kwentuhang ice cream. 'Pag Selecta, ube agad di ba? 

Presto Tivoli Ice Cream

Wala akong pambili ng Tivoli nun kaya kapag may Presto Tivoli ang kaklase ko ay todo-sipsip ako sa kanya para lang makakagat kahit na isang beses lang. "Tol, pakagat nga...maliit lang..." Tapos kakagatin ko yung kalahati ng Tivoli niya. Solb. 

Sa mga batang kalyeng katulad ko ay hindi makakatakas pagdating sa usapang ice cream ang "dirty ice cream", ang pinakamasarap na sorbetes sa daigdig. Walang tatalo sa rectangle na cart na may tatlong cylinder na timba. Chocolate, strawberry, cheese at sorbetero's choice. Iyan ang set-up. Hawak ni manong ang kanyang kililing na nakatali sa kanyang cart. Lagi akong nagpapaalam kay manong sorbetero kung pwede kong patunugin ang kanyang kililing (May ibang tawag ba dito? Para kasing tililing eh). Pumapayag naman siya madalas basta bumili ka lang ng may matamis na apa. Yun ang the best na apa ee. Kaso nga lang ay mas mahal yung matamis na apa. P2.50 yung murang apa at P5 naman yung matamis. Medyo hasel pero sulit naman. Kung gutom na gutom naman ako ay sa buns ko ipapalagay para sulit na sulit. 


Celeste Legaspi - Mamang Sorbetero

Madami pang memories ang ice cream - mula sa pinipig hanggang sa popsicle na tatlo ang kulay, hanggang sa rocky road na nagmantsa sa brip kong Hanes na puti. Siguradong marami rin kayong mga alaala pagdating sa sorbetes ni manong at ng iba't-ibang klaseng ice cream. 

Ice drop

Tropikal na bansa tayo kaya kailangan talaga natin ng ice cream! Ang sarap nun ee yung malamig na chocolate na gumagapang sa lalamunan mo. Uhmmm sarap!

Chocolate, ube at cheese - itong tatlong 'to madalas na flavors ng ice cream ni manong. Ang sarap sigurong gamitin ng scooper niya noh? Klik-klik, klik-klik, kilik-klik. Ang sarap pakinggan nun ee. Scoop. Klik-klik. Lagay sa apa. Repeat 5 times hanggang mapasa-kamay mo na ang malamig pa sa jowa mong ice cream. 

Paano bang pagkain ang gagawin ko? Didila-dilaan ko ba o kakagat-kagat ako? Alternate ba ang pagdila at pagkagat? Hihigupin ko ba? Pa'no nga kaya? Ang sarap ng apa! Tsaka tsismis lang naman yun di ba? na may kulangot daw sa dulo ng apa?

Pinipig

Tuwing weekend, inaabangan namin si mamang sorbeterong may bitbit na styrofoam na kahon. Nakamagnet focus talaga ang mata ko habang binubuksan niya ang kahon at tatambad ang mga tinda niyang nakalapat sa diyaryo. Iba-ibang mga ice drop ang nandyan. Nakalimutan ko na ang brand names. Basta ang alam ko e may kulay orange na ice drop sa stick, kambal na chocolate ice drop sa stick, Tivoli, ice bukong may munggo, cheese-flavored ice drop sa stick, at marami pang iba. Pinapatanggal ko dati kay mama yung munggo kasi ayaw ko nun e. Higop ng natutunaw na parte. Kagat uli. Higop ulit. Paiikut-ikutin ng kamay ang ice drop. Sarap! tanggal ang init. 

Sorbetes

Hindi puwedeng matapunan ng ice cream ang mga damit natin. Tyempong parati akong natutuluan ng ice cream kapag naka school uniform ako. Recess palang sa umaga e puro kulay brown na yung nasa polo ko. Dugyotin ee. Tapos malagkit pa talaga 'yung palibot ng bibig at kamay ko e. 

Minsan ginagawa ko rin flying saucer sa classroom yung takip ng Magnolia ko. 

Isa pang dumadaan na kleng-kleng eh si Manong Pinipig. Kahit mapait ng kaunti ang tsokolate niya masarap pa rin ee. Kahit minsan medyo makunat na ang mga pinipig panalo pa rin ee. Pagdating naman sa ice buko na may munggo sa dulo, palaging ang mga matatanda ang kakain nun tsaka ibibigay sa bata. 







Sabado, Marso 28, 2020

Papakan Blues

'Naranasan mo 'bang mamapak?'



From the root word "papak".

Na-miss ko ang pagpapak ng kung anu-ano lalo na sa mga panahong ito na nasa haybol lang tayo at patuloy tayong hinehele ng kaboringan, nakakamis ang mamapak. Nakakaubos kasi ito ng oras pero masaya naman ang tiyan ko. Pwede akong matae maya-maya pero hindi ko muna iisipin yun dahil mas matimbang pa rin ang lasa ng Birch Tree Powdered Milk na nanunuot sa dila at lalamunan ko.

Hindi mawawala sa ating mga batang lumaki sa kalye ang mga gawaing ito. Isa ito sa mga top 5 habits ko noong uhugin pa. Kung hindi sila naglalaro nanonood ng TV, malamang ee nakatambay sila sa kusina at nag-iimbak ng mga pagkaing puwede nilang papakin sa loob ng isang oras, hanggang sa magsawa ang kanilang mga sikmura sa pagda-digest. Tempting kasi ang lasa.

Anu-ano nga ba ang madalas nating papakin noong araw? Eto ang listahan ko.

1. Asukal

Masarap, malasa, madaling hanapin. Sino ba namang bata ang hindi nagpapak niyan? Kaya nga eto meron akong diabetes ngayon, lol. Kadalasan, bago lagyan ng tubig ang tinitimplang juice o Milo ee sisimple muna ng dalawa o tatlong kutsaritang asukal para kainin. Tapos maya-maya e mapaparami ka na ng kuha, hanggang sa tamarin nang tapusing ang pagtitimpla ng Tang. 

"Tang*** kang bata ka inubos mo na yang asukal".

PS: Hindi ako nagpapak ng asukal kapag iba ang kulay, ayoko kasi lasa nung brown na arnibal.

2. Milo o Ovaltine

Ay kung papakan lang din ang usapan sigurado akong walang batang 90s ang hindi nakagawa nito. Mas masarap ang Ovaltine para sa akin, mas malalaki kasi ang granules nito at mas maganda ang pagkakulay brown. Pero minsan pagkatapos mamapak eh iisa pa ako pero hindi ko papapakin titimplahin ko ito at ilalagay ko sa freezer. After 2 or 3 hours tsaraaaannnnn meron na akong brain freeze na Ovaltine o kaya Milo. Kukuha ako ng kutsara sabay didikdikin ko ang nagyeyelong tsokolate sa baso, sabay uhmmmmm instant halo-halo, saraaappp! Ginagawa ko ito lalo na kapag summer. 

3. Leche Flan

Nakakatikim lang ako nito kapag may mga okasyon ee, wala akong pakialam kung matamis ka at masisira ang mga ngipin ko Ang importante makain kita lalo na 'yung ilalim na parte mo!

4. Cerelac

Ito ang isa sa mga pinag-aawayan namin ng nakababata kong kapatid. Tuwing naghahanda si nanay niyan ee kinakalahati ko na bago pa mapunta sa kapatid ko. Isa ito sa masarap papakin.

5. Halo/Mixture

Eto kapag naiiwan ka sa kusina puwede ka maging instant chemist. "Ilang porsiyento kaya ang Milo? Ang Ovaltine? Ang Asukal? Lagyan ko na rin kaya ng Sustagen? Ay teka baka puwede lagyan ng kaunting Tang? Ay final na Birch Tree na lang! Siguro puwede ko rin lagyan ng tatlong kutsaritang tubig para mag-iba ng konti ang texture!"

Walang oras na pinipili ang pagpapak. Puwedeng pagkagising pa lang, habang nanonood ng Crayon Shin-Chan, bago kumain ng tanghalian, pagkatapos kumain ng tanghalian o kahit ano pang oras yan.

Frozen Banana Ice Cream + MILO


Pero ang pinakadabest talagang papakin eh ang kombinasyon ng Milo, powdered milk at asukal. Paghahaluin mo lang yan sa isang maliit na mangkok at solb na. Pagkatapos mo pumapak nito ee maymaiiwan pa talaga sa singit-singit ng ngipin m at parang bungi ka. Minsan nakakaloboso kami lalo na sa umagahan kapag papasok ng school kasi si nanay ang nagtitimpla sa amin ng mainit na maiinum, "teka lang parang kakabili lang natin sa grocery ng Milo ahh, bakit parang nakalahati na agad", siyempre dedma lang kami kay nanay at nagpapahalatang inaantok pa kami hanggang sa makalimutan niya na lang na kalahati na lang ang Milo. 

Mayroon rin naman ulam na mahilig naming papakin. At alam kong lahat kayo pinapak niyo rin ito imposibleng hindi. Ito ang ha? Hotdog. Pagkalagay pa lang sa mesa ng nanay ko eh naka-abang na ang mga tinidor naming mag-uutol. Medyo pumapayag ang nanay ko kapag pumapapak kami ng hotdog kasi totoong pagkain naman yun pero siyempre hindi pa rin puwedeng ubusin lahat at kailangang magtira ka para sa kanin mo. 

"Ooopsss, may naaalala ako naglagay nga pala ako ng malamig na milo sa ref." Masarap itong panulak pagkatapos kumain ng ulam na hotdog. "Aaaaahhh (dighay) sarap!"



Biyernes, Marso 27, 2020

Lagnat

'Noon yakapsule at kisspirin lang ni nanay ang kasagutan sa ating mga lagnat'


Lagi na lang akong nilalagnat tuwing tag-ulan. Madalas naman ako mag-take ng vitamins at kumain ng gulay (french fries - gulay yun di ba?) pero sa tuwing maambunan ako, sasakit na agad ang ulo ko tapos uubuhin na tapos sisipunin na tapos ayan na, lagnat na ang kasunod pero hindi covid-19 ha kasi hindi naman nauso ang ganyang sakit noong panahon ko. Saglit lang ang magkasakit noon isa o dalawang araw lang ay gumagaling na ang aking ubo at sipon. Hindi nakamamatay ang lagnat noon hindi katulad ngayon na parang nag-evolve sa pinakamatinding sakit ang lagnat. Pero kahit simpleng lagnat lang noon ay hasel pa rin. Bigla kang mawawalan ng ganang kumain. Kahit anong sarap ng paksiw at crispy pata eh hindi mo maipasok sa bibig mo ang kutsara at nasusuka ka na agad bago pa ibigay sayo ang pagkain mo.

Isang beses ay binigyan ako ng Nissins Ramen Noodles na may itlog. Ito daw ang klasik na pampagaling ng lagnat. Masarap naman ang pasok niya sa simula. Pagkatapos ng 30 minutos ay isinuka ko rin.

Tuwing may lagnat ay iisa ang gamot ni nanay para sa akin yan ay yung Vicks Vapor Rub. 'Pag nilalagnat, Vicks. 'Pag may almuranas, Vicks. 'Pag uhaw, efficascent oil.

Ako lang ba ang tao sa mundo na hindi marunong magbasa ng thermometer hanggang ngayon? Ang gamit kasi ngayon eh digital na hindi katulad ng nakagisnan kong thermometer kung paano ba malalaman ang tamang temperatura ng iyong katawan. Ewan ko ba, hanggang ngayon ay hindi ko makita kung saan nakalagay 'yang mercury na yan. 

'Old-skul thermometer'


Lagnat, isa ito sa mga dahilan para mag astang prinsipe at prinsesa ang mga tsikiting. Kahit anong irequest mo, susundin ni nanat, tatay at manang. Daig mo pa ang naglilihi. Nag-b-boses kawawa ako 'pag maysakit at walang pang two seconds eh nasa tabi na ng kama ko si mama. Lahat ng hingin ko ee ibibigay talaga. Pwede ka pang magpabili ng bagong laruan!

"O sige anak, pagkagaling na pagkagaling mo ha kakain tayo sa labas at pupunta tayo sa Fiesta Carnival para bumili ng laruan. Basta, magpagaling ka ha."

The National - Cold Girl Fever

Kulang pa ang tatlong araw na absent kapag may lagnat ka. Nakaratay ka lang sa kama mo at tuwing gabi ay nagigising kang umiiyak dahil kung anu-ano ang nakikita mo sa dilim. Parati kasi akong nalulula noon at hindi ko naman ma-explain kay mama kung bakit. Pagkatapos nun ay maghahanda si mama ng palangganang may bimpo at maaligamgam na tubig at pagkapiga sa bimpo ay isasalpak na 'to sa noo ko. Gustong-gusto kong naririnig ang tunog ng pagpatak ng tubig galing sa pagkakapiga sa bimpo. Plok plok plok. Hmmmm sarap! Maya-maya ay kukunin niya ang thermometer at ilalagay sa kili-kili ko. Ang alam ko lang talaga ay may color red sa thermometer. Kapag super color red ba ay pwede kang mamatay?

Kinaumagahan, para akong sinakluban ng kalungkutan habang nakaharap sa mesa. Hindi ata ako maisasalba ng hotdog sa lamesa sa kalungkutang ito. Sa tanghalian, mainit na tinola, sinigang, sinampalukan, at kung anu-ano pang pagkain na may sabaw ang nakahain para sa akin. Mukhang masarap ah! Pero hanggang tingin lang yun dahil hindi ko maintindihan kung bakit hindi gumagana ang panlasa ko. Pati yung sawsawan ko ng aking isda na toyo at suka ay iba ang aking pang-amoy. Wala rin akong gana kahit pa sabihin ng utak kong masasarap ang mga niluto ni mama. Badtrip!

Neo Aspilet! Hehehe! Sarap papakin nito ee! Alam mong para talaga sa mga bata ee noh? Masarap ang lasa, iba't-iba ang kulay, puwede pang nguyain. At ang Tempra? Sanay na ko sa lasa niyan. Papatakpan pa sa akin ni nanay ang ilong ko habang binibigyan niya ako ng isang kutsara ng kulay na violet na gamot. Sabay higop, lunok, tubig! Paiinumin din niya ako ng kalamansi juice. Hay sarap ng buhay-prinsipe.. Ganito yung buhay noon kapag may lagnat ka pero sa panahon natin ngayon kung magkakalagnat ka, ay nako di bale na lang.



Lunes, Marso 23, 2020

Tips for a Happy Lockdown Pilipinas

Ano ang mga maaaring gawin sa loob ng bahay?


Naasiwa ako sa title ng blog post na ito pero sa ngayon yan talaga ang riyalidad na iisip-isipin mo kung paano ka magiging masaya sa loob ng bahay sa loob ng isang buwan o kung madadagdagan pa ba ang ating staycation sa ating mga home sweetie home. Sa totoo lang hindi ko inaasahang mabubuhay ako sa ganitong pagkakataon pero here we are we all need to give is our contributions by staying at home, do the social distancing, wash our hands, stay healthy, offer prayers and help others as long as we can para matapos na ang bangungot ng Covid-19 na ito. Alam naman natin na ang lahat ng ito ay pansamantala lamang and all will be restored at the right places.

Sa mga matitigas ang bungo at hindi talaga kayang tumigil sa loob ng bahay, magbibigay ako ng ilang mga tips kung paano mo gagawing productive ang sarili habang nananatiling masaya hanggang matapos ang lockdown na ito:

SPIDERMAN CLEANS HIS WEB.
















Ang sabi nga ng ibang influencer na niroromanticize ang virus na ito sa pamamagitan ng pagpuri nila na nakahinga na daw ang mundo sa polusyon dahil wala nang mga sasakyan ang bumabiyahe sa ating mga kalsada at kakaunting kalat na lamang ang napoproduce ng tao sa lansangan, baka ikaw naman eh puwedeng mag-agiw agiw sa mga kisame ng inyong bahay. Walang halong biro pero ito yung mga type ng kalat o dumi sa ating mga kabahayan na napapabayaan natin ng ilang taon dahil hindi naman tayo madalas tumitingala sa ating mga kisame. It's time for you to hawakan ang walis at simulan na magtanggal ng mga agiw. 

GALAWANG ADORABLE HOME












Kung nilalaro mo ang app na ito puwede kang makakuha ng ideya kung paano magiging productive ang lockdown at makakapagbanat ka pa ng buto. Sa app maaari kang bumili ng mga kagamitan para mapaganda ang loob ng bahay ang gusto ko lang isuggest ay use your creative imagination katulad sa adorable home kung saan mo ilalagay ang gamit na ito, saan mo ilalagay ang gamit na ganyan. Kumabaga home decoration maaari kang magbago o maglipat lipat ng kagamitan at para mas ramdam mo ang adorable home app maaaring irekord ang relaxing background songs ng app at patugtugin habang naglilipat lipat ng mga kagamitan. Kung trip mo maglagay ng pusa order ka sa akin marami ako. 

COLLECT PICTURES/MEMORIES

Ito yung mga panahon na maaari kang mangalkal ng mga old pictures inside the box and it's time for being nostalgic. Hanapin ang mga baby pics, school pics nuong elementary ka at highschool and try to remember things from the past and walk down memory lane. Ito rin yung panahon para makapagbonding kayo ng mga tao sa bahay especially parents mo o kung may lolo't-lola ka pa. Magtanong ka ng mga bagay ng mga masasayang alaala na hindi mo na masyadong maalala. "Look at my mole." Wag lang kakalimutang magmask dahil baka ikaw ay sipunin sa alikabok at katakutan na may covid-19.

MISSING THE BEACH? BUILD A BEACH!

Isa sa sakripisyo nating mga empleyado sa panahon ngayon ay ang pagbabakasyon sa mga magagandang beaches sa ating bansa. Puwede ka pa rin naman magtampisaw sa tubig. Maaaring ilabas ang mini swimming pool na ginagamit mo noong bata ka pa, o mini swimming pool na binili mo para sa mga junakis mo. Ilatag ito kung malawak ang garahe at umastang nasa piling ng dagat. Magtimpla ng malamig na iced-tea, mag-ihaw ng barbecue at magbathing suit kung kinakailangan at huwag kalilimutan ang shades. Magpatugtog ng mga tugtugan katulad ng "Roses" ng Chainsmokers basta yung mga pang summer na vibes. Panigurado hindi mo na mamimiss ang dagat.


Franco - Better Days


BOOKWORM SAVES THE DAY
















Kung gusto mo naman dagdagan ang mga kaalaman ay maaaring magbasa ng mga libro. Panahon na para basahin yung mga librong binili mo na hindi mo pa kailanman nabubuklat. O kung walang libro sa bahay ay maaari ka rin naman magbasa online. May mga nadodownload na PDF books mayroon ka rin makukuha na audio books ito yung pakikinggan mo lang ang narrator at ikaw ang babasahan ng mga impormasyon o kuwento. 

PETS TIME!
















Matagal ka na nilang hinihintay ma-solo at kung mayroong pagkakataon ito na yun. Nawawalang bisa na ang kuwento duon sa Secret Life of Pets dahil makakasama na nila ang kanilang mga tagapag-alaga 24/7. Makipagkwentuhan ka sa mga aso mo o sa pusa itanong mo kung anong masasabi nila sa breakup ng Jadine. Huwag kalilimutan ang belly rub sa aso at cheek rub naman sa mga pusa. They are the happiest during this lockdown kaya wag silang biguin at paliguan araw-araw at gupitan ng kuko si muning para hindi ka olats kung kayo ay maghaharutan. Give them the best treats you can give. 

IT'S OKAY TO DAYDREAM 
















Minsan talaga napapatulala tayo sa kawalan at nakakapag-isip tayo ng kung anu-ano. Okay lang yan wag lang mag-overthink ng negative things. Think of a happy thoughts, remember the best days of your life. Isipin mo at alalahanin ang mga taong naging espesyal sa buhay mo na lumisan na, mga pets na nagpasaya sayo simula nang nag-alaga ka ng hayop sa bahay simula noong bata ka pa. 

LISTEN TO THROWBACK TUNES


















Alam ko naman na may mga personal song choice tayo sa ating mga buhay-buhay. Why don't you play them and think of a throwback memories na kaugnay ng kantang yun. Yung tila bang mapapangiti ka na lang kasi naalala mo yung first crush mo nung highschool kasi itong kanta na ito yung idinedicate mo sa kanya noong Foundation day niyo sa song request booth. Oh di ba nakakagaan ng feeling at nakakalimutan mo pansamantala ang kaguluhan sa mundo. Salamat na lang talaga sa musika at nakakapagpagaan ng ating mga damdamin ang bawat ritmo ng hindi sumasabay sa mundong magulo at mapanakit. 

 Ito lamang ang mga simpleng tips ko para hindi ka na lumabas ng haybol. Kalimutan mo muna ang lahat ng personalidad sa labas, lahat ng mga gawain sa labas. Ituon mo muna ang sarili mo sa kaligtasan na rin ng mga kasama mo sa bahay. Hindi naman ito panghabambuhay na ganito na lang tayo. Alam kong mahirap pero tulungan ang sarili at makakaahon din tayong lahat sa delubyong ito. Panandalian lang ito, pagsubok lang makikita mo uli ang girlprend mo, ang boyprend mo hindi ka niyan ipagpapalit sa virus at ikaw pa rin ang uuwian niyan at pipiliin ka pa rin sa araw-araw. Mararamdaman mo pa rin ang hangin sa labas, ang lagaslas ng tubig sa dagat ang paghampas ng alon sa ating mga katawan, wag kang mag-alala makikita mo pa rin yung mga taong may utang sa'yo sa opis at sana nga mabayaran ka na nila pagkatapos nito. Pagkatapos nito makakaorder na rin ako ulit ng lumpia kay Nanay Ling kasabay na rin ng napakasarap na suka nito. Tiis lang. Kapit lang. Pagkatapos nito kahit tumira ka pa sa kalye okay lang. 

Mag-ingat ang lahat. Magiging maganda ang Abril-Disyembre para sa lahat. Mahal pa rin tayo ng Panginoon!





Biyernes, Pebrero 14, 2020

Kilig to Death: Valentines Throwback

'Wala nang mas kikilig pa sa paggawa ng love letter at makatanggap ng love letters'

Kartolinang pula at pink, Elmer's glue o di kaya paste, gunting, glitters at kung anu-ano pang eche burecheng art work yan ang ipinalalabas na gamit ni ma'm isang linggo bago mag i-katorse ng Pebrero. Wala naman talaga kaming alam bakit kami pinagdodrowing ng hugis korteng puso sa pula at pink na kartolina pagkatapos ay guguntingin at tatambakan at lulunurin namin ng korteng puso ang buong silid-aralan at papaliguan ng glitters ang mga ito. Dyahe pa naman kasi bukod sa hirap tanggalin ng glitters sa buhok at balat ko ee nadagdagan pa ang hirap tanggalin ng mga ito dahil na rin sa pandikit sa mga kamay ko. Yun daw pala ay Valentine's day kapag February 14. Eh, anu ba yun? Malay ko diyan basta ako sinunod ko lang ang utos ni ma'm at para na rin sa grades. Wapakels ako diyan (hanggang ngayon naman).

Lumipas pa ang mga panahon at pagkatapos na ako'y matuli eh nalaman ko rin kung bakit ba natin ipinagdiriwang ang araw na ito. At naintindihan ko rin na hindi naman pala lahat ay nagdiriwang sa araw na ito lalo dun sa mga taong "single", uulitin ko "SINGLE". So, ganun pala yun puwede naman palang hindi compulsary para sa lahat ang araw na ito. Bilang bata ang sabi ko sa sarili ko, "ah parang Pasko lang din pala, kasi araw ng pagmamahalan at pagbibigayan" pero ngayong matanda na ako double meaning na para sa akin yung "pagbibigayan", hoy napaka green minded niyo naman pagbibigayan ng mga tsokolate hindi ko naman sinabing "pagbibigyan" iba yun.

Ito rin pala yung araw na puwede kang sumipsip sa mga guro mo kasi puwede mo silang bigyan ng mga bulaklak katulad ng rosas huwag lang papahalata kay mam o sir na pinitas mo lang yung bulaklak sa likod ng paaralan.

Noong bata pa ako sa harapan ng eskwelahan, maraming nagtitinda ng mga bagay na kulay pula at pink. May mga teddy bear din at mga bulaklak na plastik na pinisikan ng hiwaga ng baby cologne. Naakit ako sa kulay nito at natripan na bumili. Pagkauwi ko inilagay ko ito sa isang vase at tinanong ako ng nanay ko noon para kanino yan. Hindi ko rin naman alam kung kanino ko ibibigay yun kaya sinabi ko na lang sa nanay ko, "eh di sa inyo na lang, nay". Tinanong niya tuloy ako kung napilitan lang ba ako. Sabi ko hindi eh wala naman talaga akong pagbibigyan at naakit lang ako sa kulay pula kaya ayun sa inyo na lang.

Ibang-iba talaga ang paraan ng selebrasyon ng mga bata at matatanda. Lalo na sa mga kabataan. Sa edad na ito pumapasok ang konsepto ng pagmamahal, narito rin nabubuo ang mga tinatawag na "hopeless romantic". Sila daw yung mga umaasang may makasama sa araw ng mga puso.

Shades Apart - Valentine

Tsokolate at rosas talaga para sa akin ang namulatan kong simbolo ng Valentines day kasama na diyan ang mga love letters para sa mga nanliligaw pa lang. Mas cute noon lalong lalo na noong uso pa ang pag-aabutan ng love letter. Siyempre yung ikaw na nabigyan hindi mo pa babasahin yan agad pagkabigay ng messenger. Oo, asahan mo na laging may mga messenger. Hindi na kailangan ng sobre noon stationery lang yan na tinupi tupi na parang oregami pagdating sa tupian at dapat kailangan mabango para pagbukas niya ay hahalimuyak ang pagkabango-bangong papel sabay pagkita ng handwritten eh parang kinahig na manok. Basted! Hindi naman siguro ikakaila ng mga kababaihan natin na may halo naman talagang kilig factor habang binabasa niyo ang mga matatamis at mga papuri ng may mga crushes sa inyo. Babasahin mo pa nga yan bago ka matulog eh yung tipong kuliglig na lang ang naririnig mo sa gabi para feel na feel mo yung bawat salita na nakasulat duon sa love letter.

"Alam mo sa tuwing nakikita kita sa school ay hindi ako mapalagay, sa mga mata mo pa lamang ay natutunaw na ako lalo na siguro kapag lagi kang nakangiti. Para kang diwata sa kagubatan na nagbibigay ningning sa lahat ng nilalang. Para kang araw na pumapawi sa aking kalungkutan at ang kagandahan mo'y isang bahaghari na nagbibigay kulay sa aking buhay."

Naks di ba?

Ganyan kakilig ang dekada nobenta kung saan uso pa ang mga salitang "crush/crushes". Uso pa noon ang paghalik sa kamay ng babae pagkatapos siyang ipakilala sa iyo. Ako rin naman ay may mga nabigyan ng mga love letters na yan especially high school days. May mga pagkakataon na kinilig dahil nakasabay si crush sa jeep na kayo lang dalawa habang tumutugtog ang kanta ng Side A na "Forevermore". Napakasarap talagang makinig ng mga musika lalo na kapag inlab ka. Yung tipong kahit hindi ka pa nababayaran ng may utang sayo eh sige ayos lang. Ang gaan-gaan ng feeling lalo na noong nauso na ang texting era. May mga pagkakataong habang nagbabasa ka ng message eh napapangiti ka nalang. Kapag tumunog na ang "standard" message alert button eh ititigil mo ang ginagawa mo kahit naghuhugas ka ng pinggan ay kakaripas ka ng takbo para basahin ang reply niya.

Titiiit-titiit (1 message received)

*opens message inbox*

"Ikaw, kumain ka na?"

Sa dekada rin na ito naranasan namin ang libangin ang sarili at umasa, magmuni-muni na interesado rin sana sa amin ni crush sa pamamagitan ng larong FLAMES. Ito yung ililista niyo ang pangalan niyong dalawa ni crush at iko-cross out ang mga magkakaparehong letra na meron sa buong pangalan niyo at pagkatapos ay itototal yung cross out at ibibilang ito sa bawat letra ng salitang FLAMES. Ang F ay friend, L ay love, A ay angry, M ay marriage, E ay engage at S ay sweetheart. Nagkataon naman na sa A natapat ang total naming dalawa ni crush kaya iniba ko ang rules at isinaman ko ang middle name niya kaya ayun naging friend na kaso olats pa rin sa tunay kong minimithi para sa kanya. Kaya ayun hanggang friends lang talaga at friends kami sa Friendster. 

Ang foundation day kasi ng aming school ay natatapat sa araw ng mga puso at isang linggo rin kami halos walang ginagawa sa school. Sa oras na ito tambay lang at nanonood ng mga activities para sa Foundation day at siyempre ang pinakagusto ng lahat ang sumakay ng tsubibo at ferris wheel. Nagiging instant perya ang eskuwelahan namin kapag Foundation day. Hindi mawawala ang mga booths like marriage booth at jailbooth. Kapag marriage booth dito nagkakabistuhan ng mga crush crush. Huhulihin ka ng mga malalakas ang trip at pagpasok mo doon may instant partner ka na nakablindfold kayong dalawa at ikakasal kayo kuno. Tatanggalin lang yung blindfold pagkatapos ng seremonya ng kasal. Kapag kiss the bride, depende yan kay bride kung gusto niya magpahalik sa pisngi o sa kamay. Eh ako hindi man lang ako mahuli-huli dun kasi mga gwapo at magaganda lang ang kinakasal dun para may tilian ang mga nagmimiron. Lagi ako diyan sa jailbooth tanginang yan trip ko pa naman stripes shirt  kaya laging hinuhuli bayad ka pa bente samantalang dun sa marriage booth kinilig ka na nahalikan mo pa ang crush mo. Unfair pota kaming mga panget jailbooth pag magaganda at gwapo sa marriage booth. Nasan ang hustisya? Kaya minsan dun na lang ako bumabawi sa request song booth kung saan pwede ka mag-alay ng kanta at puwede mo idedicate kay crush. The best yun kasi puwede kang magpa-unanimous basta irequest mo lang sa kanya yung kanta like sasabihin ng DJ: "This next song is dedicated to (pangalan ni crush) coming from: "Mr.Eskinol boy of Grade 5 Camachile, the song is called Hurt by Kalapana." 

Kahit ganyan-ganyan lang noon kilig to death na yan. 

Kalapana - Hurt

🎵Oh, you say you're mine
And I believe you every single time
even though my friends say you're not my kind
I just can't believe you'd be lying ðŸŽµ




Martes, Enero 28, 2020

January 29: LIFE after 1 year of Open Heart Surgery

Add caption


There are dates in our lives that we can't simply forget because of happy moments or a tragedy. For me this day, January 29 could be my death anniversary instead it happens to be my reborn. God has given me a second life. This day was my 1st heartiversary, the day that I survived my open heart surgery at the Philippine Heart Center




Sa mga nakakakilala po sa akin marahil alam niyo na yung condition ko before my surgery. It's been a hell and back to the emergency room 2 years after akong madiagnosed sa sakit na "Coronary Artery Disease", it's a kind of heart disease where my artery is blocked by cholesterol plaque that given me many kind of symptoms like extreme shortness of breath that almost cost my life. Siguro kung hindi ko nakayanan yung open-heart surgery ko itong day na siguro na ito ang nakasulat sa lapida ko. But all my life, I will carry this day and never forget that in my deepest pain I saw God's glory. Patunay lang talaga na nothing is impossible with prayers.

The night before the surgery parang wala na lang. Wala na akong maramdaman na kahit anong feelings ang sabi ko na lang Lord kayo na po ang bahala sa akin bukas kung ano man po ang mangyari sa akin ay ibinibigay ko na lang po sa inyo ang lahat ng worries ko. I was visited by a chaplain at my hospital bed and he ask me to confess all my sins if in case alam niyo na. We prayed and that was the most sorrowful prayer that I ever had. When you're in front of the death's doorstep is parang lahat ng winoworries mo noong normal ka eh parang hindi mo na maiisip pa. At that moment ang sabi ko na lang sa isip ko, "Lord, please if I ever die tomorrow please let me die without the pain." Since naisip ko na naka-general anaesthesia naman pala ako so hindi ko na mararamdaman yung sting of death. I was trying to convince my self that time na ready na ako whatever happens.


Demon Hunter - Leave Me Alone
This song hits me on a personal level... Ryan wrote it about a serious, albeit temporary, health problem. For people with chronic stuff, it means a lot more. Sometimes we want to know the reason why do we suffer.

The surgery started at 3PM and dinala na ako sa surgical room. I was all naked when I brought there. After that hindi ko na alam yung mga sunod na nangyari yung feeling na parang hindi ka nag-exist. Nagkamalay ako the other day na, January 30 bale gabi na ata hindi ako sure kasi groggy pa ako sa mga gamot na itinusok. Pagmulat ng mata ko ang una kong nakita ay si doc kinamusta niya ako kung anong nararamdaman ko at sinabi niya sa akin na "tapos na". Yung gising ko na yun pakiramdam ko na parang nandoon pa rin ako sa pakiramdam ko kahapon. When I looked around ang daming umiilaw sa paligid ko na mga devices at monitors. May nakita akong device dun at tumunog yung parang sa mga pelikula na kapag patay ka na yung tunog ng flatline. Hindi na kasi ako makatulog nun ulit at narinig ko yun kinabahan ako kasi flatline pero naitanong ko pa sa nurse kung patay na ba ako. Sabi niya sa akin "sir nakapagtanong pa nga po kayo ee, buhay po kayo." Wala lang daw yung tumunog na yun, lol. Oo nga naman, natawa na lang ako sa isip ko pero kabado pa rin. Kabado ko kasi nung time na pinaliguan ako at tinanggal yung hospital dress ko underneath my skin may mga tubes pa palang nakakabit. Pero at that time di ko pa ramdam yung sakit ang natatandaan ko lang ihi ako ng ihi sa hose na nakakabit sa tagiliran ko. My first meal is a gelatin kailangan soft foods muna. I was feeling like a kid again noong pinapasok si ermats sa ICU at sinubuan niya ko ng food ko. 


Demon Hunter - More Than Bones
"'More Than Bones,'" is basically saying that when I leave this earth, I'll leave you more than bones - I'll leave you all of my thoughts and all of my hopes and dreams and my desire to connect and resonate with people through this music."


Lumabas ako ng ICU hapon na ng January 31 and I stayed at the ward for 4 days para magpalakas. There was a kid na almost katapat lang ng bed ward ko. They said he is 21 years old. That kid is okay, kasi siya nakakapaglakad na siya nauna siya maoperahan sa akin and he really looks well. However, the tragic morning of January 31 has changed it all. May narinig kaming sumisigaw sa comfort room yung guardian nung 21 year old and she continously screaming for help. Halos 10 to 15 seconds din siguro yung itinagal bago dumating yung mga nurse. The boy died that day. Yung time na binabantayan siya ng mother niya sa loob ng CR para jumebs napa-iri ata siya ng todo that caused severe heart attack ang kwento nalaglag nalang sa kinauupuang bowl yung patient at kinapos ng paghinga at nangisay na lang. Seconds later wala na siyang pulse inihiga siya sa hospital bed na dala ng crew ng mga nurses later on the doctor pronounce him dead at that morning. Bawal na bawal kasi umiri ang mga bagong opera kasi mafoforce yung mga ugat sa puso na bagong lagay. Sad to say na uuwi na sila that day but that tragedy happens. Imagine how quick life has taken in just seconds. I will always remember that kid because he is my ward mate. That's the first time I saw someone died and I admit na sumakit yung dibdib ko nun and nahirapan din akong huminga knowing that the kid is already well and he is  about to go home but death still claimed him. 


'Tagaytay, June 2019'
Recovery began and rough days ahead full of anxieties and as expected there's depression. Naka dalawa or tatlo pa rin akong emergency room after the OHS because bumababa ng sobra yung blood pressure ko dahil sa mga BP medicines and my heart rate bagsak sa 60, my BP at the lowest at 72/50 something. Nahirapan ulit akong huminga kasabay ng fever and chills at night. The doctors adjusted my medicines thrice hanggang sa maging okay na ang BP and heart rate ko. After 4 months, my doctor gave me a go-signal na puwede akong bumiyahe kasi nagkaroon ng family outing dahil sa akin to lessen my worries and anxiety we visited Baguio City last summer. I made it doon ako nag-umpisang maglakad-lakad ng medyo malalayo . There were times that I got winded pero thank God kinaya ko yung trip to Baguio. We also had a trip to Tagaytay's Pink Sisters and Father Pio's Shrine at Sto.Tomas, Batangas. 


'Baguio City, April 2019'
'Batangas, September 2019'


After that, recovery goes on a straight line. By prayers and God's guidance the anxiety and depression slowly fades away. Nagagawa ko naulit yung mga bagay na hindi ko na nagawa before like this one blogging, biking, basketball, walking around malls, nakatapos ako ng Simbang gabi na gamit ko ang bike and especially yung stray feeding which I missed the most. That's the contract I signed and all these prayers were answered by Him and I need to do something to give back. I have feed every strays that I saw here in Imus and Bacoor and I am also giving foods to homeless people every Sunday. I'm not trying to be a saint or something. Second chances are rare, He gave me new leash of  life now He needs something in return for the goodness He has given me. 




                 

'Feeding Stray Dogs'
'Project Pawprints'


'Completing the Simbang Gabi night ride'




 Everything has changed from sorrow to happiness. God is real and prayers are heard. I've followed the right path and kung iisipin mo kapag maghahanap ako ng trabaho sa labas they will saw my medical record and malamang na hindi agad ako matatanggap but look nagkaroon ako ng work from home last July and dahil sabi ko sa kanya na mag-shahare ako sa mga nangangailangan nabigyan niya ako ng work na mas higit pa sa mas kaya kong ipangbili ko ng mga gamot ko. I can say na mas nagiging matatag yung faith ko today it makes me closer to Him. Dati wala eh makareceived ako ng mga blessings balewala lang I just consumed all that blessings after that hindi ako nakakapagpasalamat. Pero ngayon I give importance for every blessings big or small I always say "Thank you Lord" before going to bed. 





Biyernes, Enero 24, 2020

Trending: The Kain Pepe Shirts at Ang Mapanghusgang Social Media




I really like a healthy conversation on social media on some comment section threads but I was really fired up when netizens are bashing a girl's picture wearing a brand clothing with a word printed in the shirt "Kain Pepe".



Yes,napakapanget naman talaga pakinggan ang salita na yun lalong lalo na para sa ating mga kababaihan. But what I didn't like are these common judgmental Filipinos bashing this poor girl's photo. They also include her graduation picture with a caption insults pertaining to the model:


"Graduate ka naman at may pinag aralan, Siguro marunong kang mag basa ng A E I O U. Sana binasa mo muna bago mo sinuot. Social Media Influencer ka tapos ganyan mo I impluwensya ang mga kabataan? Haaaist, Hindi ka naman ata gipit o na nangangailangan. Tang ina, Kahit magkano pa ang ibayad sayo kung matino ka at maayos ang pag iisip mo hindi ka basta basta mag susuot nang ganyan ka basura at walang kwentang clothing at lalo na kung babae ka.
You want to earn respect? Then respect yourself first. Di ako haters ayoko lang mamulat ang mga kabataan sa henerasyon ng xbatallion." - Linel Joeren (siya yung haters)
Gusto ko lang himay-himayin ang sinasabi ng kolokoy na ito na akala mo ay ipinanganak na santo. Ito yung mga taong feeling righteous pero malalaman mong sila pala yung mga gumagawa ng katarantaduhan sa kapwa nila.
Sabi niya "graduate ka naman at may pinag-aralan." So, what's the point? Nagsuot lang siya ng t-shirt na hindi ka sang-ayon sa kung anong nakasulat eh nawala na ba ang pinag-aralan niya all through her life? In the very first place kung isinuot niya yun it doesn't reflect naman sa buong pagkatao niya. Who are you to judge? By clothing alam na agad natin ang personality ng isa't-isa?
"Social media influencer ka tapos ganyan mo iimpluwensiya ang mga kabataan?" - ang matinong kabataan alam ang tama o mali para sa kanila hindi naman porke't sinabing social media influencer eh may kasamang hipnotismo na kung anong ginagawa niya sa video eh iaapply mo na rin sa buhay mo. Binigyan ka ng sarili mong utak para timbangin mo ang sarili mo kung tama ba o mali ang ginagawa mo. 
"Hindi ka naman ata gipit o nangangailangan". Hindi ka pala sure ee pero nakapanghusga ka na ng kapwa mo. Paniguradong marunong siya ng A E I O U pero bakit ba napakapakialamero mo sa kapwa. Tsaka isa pa lalake ka parang galit na galit ka sa babae? Naiingit ka siguro kasi wala kang pepe gusto mong magpakain pero wala kang pepe noh? Gipit man o hindi extra income pa rin yan eh wala ka naman ginawang masama at isinuot mo lang yung damit. Hindi naman porket isinuot mo yung damit eh matik na pornstar ka na. 
"Tang ina" - galit na galit na talaga siya, pero ang tanong bakeeet? 
"Kahit magkano pa ang ibayad sayo kung matino ka at maayos ang pag-iisip mo hindi ka basta basta magsusuot nang ganyan" - salamat sa concern mo brad kahit may pang-aalipusta. Ganito yung mga pa-righteous na kasama niyo sa inuman. Mag-iingat yung mga babae sa ganito. Sila yung kadalasan na kapag may alak may balak. Kunyari pa-goodboy pero kapag nalingat at nalasing ka na lalabas ang tunay na kulay. 
"Hindi ka basta basta magsusuot nang ganyan ka basura at walang kwentang clothing at lalo na kung babae ka."
Hindi ko naman nakita na nagsuot siya ng trash bag na kulay itim. Hindi naman sira-sira ang damit niya tohl kumpleto ang details ng tshirt, may manggas, round neck, malinis, presentable siyang tignan paano mo nasabing basura? Eto malupit "lalo na kung babae ka", so kapag mga ganitong text na nakasulat sa damit okay lang kapag lalake ang magsusuot? Pagawan din sana ito ng clothing brand na "Kain Titi" para hindi na siya nag-aalburoto. 
"Di ako haters" - Tang-ina ang dami mo naman. Wag mo na sana hayaang dumami ang lahi mong haters. Hindi ka pa pala hater ng lagay na yan samantalang napakaraming hindi magagandang salita ang binitawan mo sa kapwa mo.
At para sa huli hayop ka idinamay mo pa ang XBatallion.
"You want to earn respect, respect yourself first" - Hahahaha! I love your English it's very automatic ang sarap ibalik sa kanya ng salitang ito kasi ikaw yung walang respeto. Hindi kawalan ng respeto ang gustong madagdagan ang income. Kapag nakapagsalita ka ng hindi maganda sa kapwa mo yun ang kawalan ng respeto. 
At para sa kaalaman mo puwede kang kasuhan sa pagpopost ng pictures ng kanyang graduation picture ng walang pahintulot sa may-ari. Maling-mali.
Ang problema kasi sa tao madali tayong manghusga ng kapwa parang sa kaso lang din yan kapag nagpatattoo ka sasabihin sanggano ka na. Mahilig ka sa metal songs demonyo ka na. Walang pinagkaiba yan dun. Sabihin na natin na bastos yung clothing but it doesn't mean na pati yung ugali ng modelo eh ganun na. Now you're judging a person base sa sinusuot niya? Parang social media lang din yan matino ang mga ipinopost pero sa totoong buhay eh gago pala. Isa pa yung mga makamundong isipan doon nagkakaproblema kung pagiisipan mo siya ng masama dahil sa nakasulat sa damit niya eh sadyang malibog at manyak ka lang. 
Being liberated is not equivalent to being pokpok. Baka kasi namamali sila ng pagkakaintindi when we say liberated you are open at any sensitive topic especially about sex education but you're totally in control. Eto ang problema sa bansang ito kulang ang pang-unawa natin sa sex ed mas delikado kasi kapag hindi ito nabigyang pansin sa parte ng ating pag-aaral sa eskuwelahan. Dito sa Pilipinas napakaraming nagsasanto-santuhan na mga conservative kuno but at the end nagpapadala rin naman sa kamunduhan. 
Sa social media bash tayo ng bash wala tayong pagpapalawak ng utak. Tama na tayo kung hanggang saan lang ang kayang abutin ng pang unawa natin.
Again the issue here is not the girl but the clothing brand. Ang hindi lang tama dito ay yung pangbabash ng netizens dun sa model. Hindi natin ipinagtatanggol yung clothing brand which does not speak anything of women empowerment pagdating doon sa "Kain Pepe" issue.
Ang nakakatawa pa ay yung explanation ng clothing brand na kesyo yung pepe daw ay basic na  pangalan ng isang lalaking Pilipino and kain is to eat and they are encouraging people to eat properly. But I can't say "people" because you're only encouraging men to eat properly dun palang sablay ka na. Kung ang layunin talaga ng clothing company na yun ay ang tamang pagkain hindi siguro ganoon ang graphics na makikita natin. When you say eat properly mas kaayon-ayon siguro ang graphics ay mga prutas, gulay at isda. Hindi niyo kame maloloko dito. 



Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads