Pages

Martes, Enero 13, 2015

World Youth Day 1995: St. John Paul II and the Pope Mobile

'World Youth Day 1995'
Garantisado kang Batang Dekada Nobenta kung alam mo ang tawag sa sinakyan ni Pope John Paul II sa paglilibot niya sa Maynila noong 1995 World Youth Day. Hindi Popesickle shunga, alam kong parang sasakyan na nagtitinda ng roving ice cream ang itsura ng kanyang sinakyang pero hindi iyon ang katawagan. ito ay ang POPEMOBILE, hindi rin naman isang uri ng telephone company o bagong sim card.

Rewind and refresh your mind sakay tayo sa ating time machine. Alalahanin ang mga kaganapan ng taong 1995 kung saan ay dinalaw ng Santo Papa ang Pilipinas upang idaos ang kauna-unahang pagdiriwang ng "World Youth Day" sa Asya. Feel ko pa yang "youth" na yan dahil high school lang tayo ng mga kapanahunang dumating ang Santo Papa sa Pilipinas. Mula January 10 hanggang 15 ay nagsama-sama ang mga kabataang kinatawan ng iba't-ibang bansa upang magdasal, kilalanin ang kultura ng bawa't isa, at maging "brothers and sisters" sa mga mata ng Diyos na lumikha.

Masasabi kong ramdam ko ang pagdating noon ng pinakamataas na pinuno ng simbahang Katoliko dahil marami kaming mga alaala sa pagdating niya. Bilang patunay ay nagdaan mismo ang Popemobile sa aming lugar sa San Andres Bukid, Maynila. Mismong sa nilalakaran ko papasok sa aking eskuwelahan sa Quirino Station, papuntang Luneta ang Santo Papa noon, kaya siguro napa daan sa aming lugar. 

Ang isa ko pang naalala ay ang turo ng aking mga guro ang bagong dance craze noon bukod sa Macarena, X-tasi X tano at Rump Shaker. Bago pa magsimula ang pasukan nadagdagan ang  aming mga usual ritwals bago pumasok sa loob ng classrooms. Siyempre andiyan ang pagpila ng mga estudyante from Kinder to High School para awitin ang pambansang awit na "Bayang Magiliw" este hindi "Lupang Hinirang" alam ko isa ka sa nagkamali kapag tinanong ka kung anong title ng ating pambansang awit, panigurado ko sasabhin mo ring Bayang Magiliw. Sumunod ang Panatang Makabayan.Then prayer. After that duon nadagdagan ang aming common na ginagawa tuwing umaga bukod sa exercise at stretchings itinuro sa amin ang dance and song interpretation ng "Welcome to the Family" at "Tell the World of His Love" at ang theme nitong "As Father sent me, so am I sending you." Masaya naman ang naging resulta kahit alam mo na, na may kasamang harutan at kulitan na pinagtatawanan namen ang bawat sarili dahil hindi nga kasi pangkaraniwan na makikita mo yung kaklase mong bad ass na makakapag interpret ng ganuong kanta, yung kaklase mong parang halaman na bubuka lang ang bibig kung kakausapin mo aba'y ng dahil sa kanta at sayaw na ito ay na blow away siya. Nakakatuwa ring isipin, kasi kapag nahuli ka ng mga teacher mo na hindi ka nagiinterpret ng song duon ka pa ilalagay sa pinaka harap sa stage kung saan kitang kitang ka ng madlang pipol at siyempre pati ng crush mo na napapangiti dahil sa dun ka pa sa pinaka tuktok ng entablado humahataw ng interpretation. Samantalang kame naman kapit hininga na hindi isabog ang tawa.


"Tell the World of His Love" - Doxology

Ang hindi ko lang matandaan ay kung bakit hindi ako nakasama sa Luneta. Nagkasakit ba ako o mas piniling kong manatili nalang sa loob ng bahay dahil walang pasok sa eskuwelahan? Wala e nabaon na talaga ang bahaging ito ng buhay ko sa kalimot. Sayang at hindi ako naging bahagi ng "largest Papal gathering in Roman Catholic history" na ayon sa datos ay dinaluhan ng limang milyung katao.

Bilang pinakamataas na pinuno ng relihiyong Katoliko kaya naman tinitiyak ang kanyang seguridad sa mga bansang kanyang binibisita. Ang orihinal na popemobile na ginamit noon ay "enclosure-free" upang mas makita ng mga tao ang Santo Papa kapag ito ay naglilibot. Pinaghandaang mabuti ang paggawa ng nasabing sasakyan. Ang naatasan para dito ay ang Francisco Motors Corporation na kilala noon bilang isa sa mga pinakamalaking kumpanyang gumagawa ng mga pampasaherong jeepney, owner type jeep at iba pa. Ang buong Popemobile ay bullet proof dahil na nga rin sa nangyari noong 1981 ng dahil sa pagtangkang pag assasinate sa Santo Papa sa St. Peter's Square sa Vatican City.

Nang mapanood ko sa TV ang makasaysayang pagdaan ni Pope John Paul II sa ilang lugar sa Maynila gamit ang popemobile, talagang tumayo ang lahat ng parte ng buhok at balahibo sa aking katawan. May kung anong kakaibang bagay akong naramdaman habang tinitignan ko ang kanyang imahe. Wala man ako noon sa Luneta ay ramdam na ramdam ko ang presensiya ng kanyang pagiging sagrado. Maging ang mga TV reporters na nakatalaga sa iba't-ibang lugar ganito rin ang nadama sa kanyang pagdaan. Siguro ay mas matindi ang pakiramdam dahil ang iba sa kanila ay hindi napigilang lumuha habang nag-uulat.

Noon yumao si Pope John Paul II noong 2005, inironda ang popemobile sa Simbahan ng Quiapo bilang paraan ng pagluluksa at "instant connection" ng mga taong hindi makakapunta sa Vatican upang makiramay. Sa ngayon ay ginagamit pa rin ito sa mga exhibits na may kinalaman sa Santo Papa. Huwag naman sanang maging isa sa "luxury cars" ng mga politikong buwaya, trapo at epal.

Sana ay makita ko rin ang banal na awto balang-araw.

Bago daw pumanaw si Pope ay nakiusap siya sa mga miyembro ng media noong 2002 na huwag nang tawaging popemobile ang sasakyang ito dahil ang termino raw ay walang dignidad. Hindi ko lang alam kung anong term na ang ipinalit sa sasakyan.

Pero tama ang Santo Papa sa kanyang pakiusap dahil kapag binabanggit ito, bigla kong naaalala ang sasakyan ni Batman.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento