Pages

Sabado, Pebrero 14, 2015

Araw ng Pebrero Katorse: Pag-ibig+Pagtatalik=Bata

"Hindi nabubuo ang pag-ibig sa isang iglap at hindi ito lumalago sa isang gabi lamang".

Istorya ng pagibig ,hugot mula sa Hangal na Luha Episode 8: Jun Sabayton at Nenelyn

Pebrero.

Marami na namang nagsasabi na "nasa hangin na ang amoy pag-ibig". Kaya nga lang wala akong ibang naaamoy kundi ang nasusunog na kanin ng aking kapitbahay at halimuyak ng barbecue na nanggaling sa ihaw-ihaw sa labas. Puwede niyong sabihin na isa akong nag-iisa ant inggitin na kumag, pero hindi yan ang dapat nating pag-usapan.

Isusulat ko ang artikulong ito bilang isang serbisyong pampubliko para sa lahat ng mga nagmamahalan at sa para sa mga naniniwala sa salitang "poreber". Kasama din dito ang mga taong subok na sa relasyon at matagal nang nagmamahalan dahil kahit kayo ay puwedeng magkaroon ng mga anak na magtatanong din kung ano nga ba ang "pag-ibig". Kung hindi mo pa rin gets at puro ka lang heart heart at wala ka namang brain brain, hindi ito tungkol sa pag-ibig ng pamilya, o pag-ibig ng pagkakaibigan, ito ay tungkol sa pag-ibig na romantiko, yung tipong pag-ibig na lagi lang isusubsob sa mga mukha natin ng ating media sa lahat ng pagkakataon na makuha nito. Subukan niyo lang manood ng kahit anong palabas na hindi balita o game show at makikita niyo agad ang gusto kong iparating.

Yung mga teleserye na yan at mga awiting pang romantiko ay pinagpipilitan na kung wala kang minamahal sa buhay ay tila napaka wala mong kwenta at napakalungkot mong tao kung hindi ka nakikipagmahalan sa iba. Bago ako magpatuloy , gusto kong sabihin na pag ikaw ang tipong tao na naniniwala sa mga payo ng pag-ibig ng mga teleserye at mga lokal na awiting pag-ibig, kailangan mo nang ilabas ang ulo mo sa iyong puwitan. Kailangan mo ng magising sa riyalidad at isantabi muna ang mga teleserye at mga awiting pag-ibig, sa ngayon, kailangan mong harapin ang katotohanan.

Hindi ako eksperto sa pag-ibig at kaya ko itong aminin sa aking sarili ngunit mamrami na akong obserbasyon na nakkatulong sa aking makaisip ng mga solidong konklusyon na puwedeng maging gabay. Ngayon, hindi siguro ito perpekto ngunit makapagbibigay ito ng magandang ideya kung ano ang mdalas mangyari. Kailangan kong ilinaw na hindi lamang ito payo tungkol sa pag-ibig kundi payo sa tunay na buhay.

PAG-IBIG + PAGTATALIK = BATA

Kalimutan mo muna ang E=mc^2 ni Einstein at ang Reproductive system. Sa ngayon, kung ikaw ay umiibig kailangan mong tandaan ang pormula na ito. Para sa'yo bagito, uulitin ko siya: Pag-ibig+Pagtatalik=Bata.

Lahat ng pag-ibig na romantiko ay patungo sa pagtatalik, iyan ay katotohanan sa buhay. Huwag mo ng pansinin ang mga ipinipilit ng mga teleserye sa'yo. Pag nakatingin ang karakter ng ginaganapan ni Coco Martin sa isa pang karakter na babae, asahan mo na pagtatalik ang nasa kanyang isip. Pero, hindi naman siguro iyon ang nag-iisang bagay sa kanyang pag-iisip ngunit malamang nandoon pa rin iyon.

Lalake din naman ako, para sa inyong kaalaman at sa kahit anong romantikong relasyon ay hindi mawawala ang kagustuhan naming makipagtalik. Marami rin naman sa aming mga lalake ang kayang maghintay kahit pa pumuti ang uwak. Kaya namin maghintay para lumago ang pagsasama pero, sa bandang huli, hindi lang namin gusto makipag churvahan, kundi kailangan namin ito. Bilang mga lalake, kasama na ito sa aming pagkatao at hindi naman ibig sabihin nito ay mga manyakis na kami. Isa itong pangangailangan ng katawan, tulad na rin ng pangangailangan natin ng hangin, tubig at pagkain at ito ay katotohanan na hindi puwedeng itanggi ninuman.

Kapag sinabi ng isang lalake sa isang babae na: "Kailangan mong patunayan na mahal mo ako" o "kailangan hindi natin ito makalimutan", aba pag-isipan niyo muna sana ng mabuti ang susunod na gagawin niyo. Sinasabi ko lang ito dahil malaki ang posibilidad na magka-anak ka kung isusuko mo ang Bataan.

At tunay nga namang regalo ng Diyos ang mga bata ngunit dapat talagang planuhin katulad ng Starbucks planner mo na hanggang ngayon wala ka pang naisusulat. Kung gusto niyo talaga magka-anak, itanim sa inyong mga kukote ang mga katanungang ito:

1. Mga kups kayo, kaya niyo ba silang suportahan?
2. Nang dahil lang sa init ng inyong katawan kahit Peberero pa lang, kaya niyo na silang patnubayan sa kanilang paglaki?
3. At dahil bagito ka pa lang hayup ka, kaya niyo ba silang palakihin bilang mga produktibong mamamayan?
4. At dahil pumutok ang bulkan at lumawa sa bukid na basa, kaya niyo ba silang mahalin kahit maging anuman sila sa kanilang paglaki?

Kung ang sagot niyo ay hindi sa kahit anong dalawa sa mga katanungan dito, hindi sigurong mainam na magka-anak ka ngayon. Hindi mamaya, hindi bukas at hindi ngayon. Kung trip niyo lang maging pornstar for a day at sex lang ang gusto niyo pero ayaw mong mag-alala ukol sa mga anak, heto ang puwede mong gawin, nilakihan ko na ang titik at binold ko pa para sa'yong manyakis ka:


  • GUMAMIT NG KONDOM
  • GUMAMIT NG PILLS
  • MAGPA-LIGATE
ANG TUNAY NA LOVE AY KAYANG MAGHINTAY

Hindi nabubuo ang pag-ibig sa isang iglap at hindi ito lumalago sa isang gabi lamang. Hindi ako naniniwala sa "love at first sight" dahil hindi sa ganoong paraan iikot ang mundo. Ang pag-ibig ay nangangailangan ng mahabang panahon upang kumorteng pino ang puso sa gitna ng dalawang tao. Hindi ito nangyayari sa simpleng pagtitig at lalong hindi sa "hagdan" oo sa hagdan alam mo na yan alam kong napanood mo. At mas lalong hindi ito namumuo pagkatapos ng isang gabi ng mahalay na pagtatalik.

Maaari kang makakilala ng tao na masasabi mong gusto mo pero simpleng "chemistry" lang iyan at hindi na pag-ibig. Malamang naisip mo lang na ang taong tinitignan mo ay ang taong gusto mong makasama mo sa buhay. Pero, sa bandang huli, isa lamang iyong potensiyal o posibilidad. Kung hindi ka kikilos, wala rin itong patutunguhan. Lahat ay pantasya mo lamang, hindi ganun, sa riyalidad ng buhay walang fairy tale na pag-ibig. Wala!

Pero, tulad din ng aking mga sinasabi, ang tunay na pag-ibig ay nangangailangan ng oras para mabuo at mamunga. Hindi ito base sa sex. Kailangan nga, dapat niyong isinasantabi ang sex para alam niyo kung may pasensiya at pagtitiwala talaga kayo sa isa't-isa. Walang ibang nagpapatunay sa pag-ibig kundi ang maaaaaahaaabaaaaannngggg pasensiya sa pagpapalago ng isang pag-iibigan.

So, pano ba yan? tila ata naka-book na kayo ngayon gabi e, anyway Happy Puso day na lang sa lahat ng mga nag-iibigan. Kung single ka, halika kumaen na lang tayo. Kung diet ka naman aba, bahala ka na sa gusto monggawin sa buhay mo.

<3


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento