Pages

Linggo, Setyembre 6, 2015

Kasiyahan 101: Ako minsan si Papa Jack

'Gusto nating maging masaya pero bakit mas gusto natin sa kumplikado?'
Tohl, kung bibigyan kita ng pagsusulit ngayon habang may hawak ka ng bote ng Ginebra, paano mo sa akin ibibigay ang kahulugan ng tunay na kasiyahan? Malamang sabihin mong, "eto yung ganito lang!! *hik yung may hawak ako palage ng bote ng gin!! *hik eto ang kasiyahan ko ang iduyan ng espiritu ni San Miguel!!! *hik

Marami tayong pinaghuhugutan ng kasiyahan, iba't-iba, mayroong lumiligaya sa piling ng alkohol at espiritu ng kalasingan para takasan panandalian ang mga problema sa araw-araw. Kaya nga pala may katawagan na "Happy hours". Mayroon din naman kasiyahan dahil nakamit ang isang bagay na kanyang inaasam-asam ,puwedeng personal na pag-aari na matagal mo nang gustong makamit katulad ng bagong sapatos, bag, TV, ref, radyo, kompyuter, aircon, negosyo, kotse  at pag-ibig.
Pag-ibig? san ka nakakabili  niyan tohl? Sale ba? at papakyawin ko na. Biro lang.

K's Choice - Almost Happy

Pero totoo isa sa nilalaman ng kasiyahan ng tao ay "pag-ibig". Bakit sino nga ba naman ang haters ni kupido? Sabi nga sa kanta ni Donna Cruz eh, "kapag tumibok ang puso wala ka nang magagawa kung di sundin ito, kaya lagot ka na, siguradong basted ka." Minsan ang kasiyahan, kilig at kalandian ay naghahalo pagdating sa ganitong larangan,  yung maka-chat mo nga lang siya eh, anong saya na, yung maappreciate niya yung konting bagay na ginawa mo eh parang sasabog na ang puso mo sa tuwa, yung bigyan ka niya ng biskwit na galing sa malayong lugar sa Pilipinas eh hanggang ngayon itatago mo pa yung balot (joke lang). Ngayon sabihin mo sa akin para maramdaman ko naman kung anong merong kasiyahan kapag umiibig ang isang nilalang. Sapat na ba ang kaligayahang iyong nadarama o sadyang may hangganan pa rin ang kasiyahan? Ano nga ba talaga ang  tunay na  depinisyon ng kaligayahan?

Asahan mo ang kasiyahan pagdating sa ganitong larangan ay may matinding hamon at unti unti na lang mawawala ang naghahampasang alon ng dugo sa loob ng pusong sabik magmahal. Hindi lahat nagtatagumpay, dahil  wala nga daw poreber. Dito ang kasiyahan ay parang kandilang nauupos habang nawawala ang init ng pagsinta.

Iisa lang naman ang gusto nating lahat diba? Ang maging masaya. Ang maging maligaya. Madali lang naman maging masaya. Pero bakit mas gusto natin dun sa kumplikado? Yung kelangan nasasaktan muna tayo at nahihirapan bago natin makuha yung gusto natin? Teka may lahi ba tayong masokista? Bakit kasama sa cravings natin ang torturin ang sarili? Requirement ba na maramdaman mo yung sinasabi nilang "satisfaction" para masabi mong masaya ka na talaga?

Sabihin mo nga sa akin ang matangkad ba ay para sa matangkad lang? maliit sa maliit? gwapo sa maganda?  maganda sa gwapo? panget sa panget?  mayaman sa mayaman? matalino sa matalino? mahirap sa mahirap? jologs sa jologs at j3j3mH0n sa j3j3mH0n?

Tingin ko, hindi naman diba? Parati naman talagang  may exemption to the rule diba? Eh kung ganun naman pala ang tanong, bakit may tinatawag pa tayong standards? Paano mo masasabi na mataas ang standards ng isang tao? Sa ayos ng pananamit? sa tindig? sa ganda? sa kaguwapuhan? sa talino? eh paano yung matalino pero panget? yung bobo pero maganda/guwapo? Eh para saan ba yung standards na yan? 

Paano mo masasabi na kuntento ka na sa kasiyahang nararamdaman mo ngayon? May mga tao ba talagang marunong makuntento? Kung meron, bakit may mga tao pa rin na nananakit? naghihiwalay? nanloloko? Bakit ba parati nating hinahanap kung ano yung kulang? Hindi ba puwedeng maging masaya kung ano yung meron?

Powderfinger - My Happiness

Ang buhay sa Planet Earth kapag masayadong sineryoso, nakakabaliw. Baka sa mental hospital natin hanapin ang kasiyahan, at  doon malamang kahit walang masaya lagi kang nakangiti ng walang dahilan.

Bakit kadalasan, yung taong gusto natin eh ayaw satin? Yung may gusto sa atin eh ayaw naman natin? Ganyan kagulo ang mundo! Naniniwala ka ba tohl na may quota ang pag-ibig?

Sabi nga ng idolo kong manunulat na si Ricky Lee,
"Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. Iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman."

Ngayon, kanino ka liligaya at sino ang pipiliin mo? Yung taong mahal mo o yung taong mahal ka?
Bakit masakit ang katotohanan na minsan kahit gaano ka ka-sweet, kalambing, ka-close, kabait mo sa isang tao, hindi ka pa din niya kayang mahalin? Dahil nga ba wala siyang panukli sa higit pa sa isang libong pisong pagmamahal na ipinapakita mo. 

"Boyet, wala akong panukli eh, pasensiya na ha, maaga pa kasi wala pang barya, FRIENDS naman tayo kaya okay na itago mo na lang yang mahigit sa isang libong piso mong buong pagmamahal."

Friendzone! 4r4y k0 b3h!

Saan ka ba liligaya, sa habang buhay na pagluha o habang buhay na pagpapaluha? Minsan kahit gaano mo pa kamahal  ang isang tao, kailangan mo bumitaw at kahit gaano mo pa pinahahalagahan. Kailangan mong bumitaw hindi dahil wala na ang nararamdaman mo sa kanya, walang matibay na dahil kundi ang katotohanang hindi ka niya kailangan. NADA! NEVAH! 

Alin ba ang mas mahirap? Pag-aralang  mahalin ang nagmamahal sa iyo o piliting mahalin ka ng mahal mo? Pero paano kung kelan mahal mo na yung nagmamahal sa iyo saka ka minahal ng mahal mo? Ayun dun ka magkakanda leche leche. Diyan na papasok yung walang kasinghirap na exam  nung nag-aaral ka pa, yung Multiple Choice o di kaya True or False o pwede mo rin gamitan ng siyensiya sa pamamaraan ng patimbang. Pero wag mo isiping napakagwapo mo na, dahil panget ka pa rin.

Dumarating talaga ang pagkakataon na dalawa ang nagmamahal sa'yo. Pareho ka nilang mahal pero it's  your choice, it's your marriage. Sino pipiliin mo, iyong handang magparaya o iyong ayaw magpatalo? Ngunit sabi ng isa pang idol ko na si Bob Ong, piliin mo daw yung pangalawa. Susundin mo ba siya?

At eto pa, sa mundo natin noon kapag nagmahal ka magiging masaya ka dahil sa iyo lang siya. Pero 
sa mundo nantin sa kasalukuyan, kapag may minahal ka, linsiyak! malingat ka lang inagaw na ng iba!

Nasa sayo naman yan, kung magpapaagaw ka.
Nasa sayo naman yan, kung hahayaan mo lang siya maagaw ng iba.

Kung darating ang araw na mahanap mo na yung si "the one" (hindi si Jet Li), 'wag mo na pakawalan. 

Ingatan mo siya.
Alagaan.
Mahalin.
Iibigin.
Pahahalagahan.
Intindihin.
Respetuhin.
Halikan daw sa noo (rekwes ng mga girlie)
Magpahila ng kamay na animo'y dadalhin ang lalake kung saan na hindi kame kita sa piktyur

At higit sa lahat,
'wag kang mawalan ng oras sa kanya.

Di naman talaga maiiwasan na magkaroon ng komplikasyon sa isang relasyon. Kung mangyari man wag kang bibitaw. Hangga't may natitirang dahilan, kapit lang #puso.

Diskarte.Atake.
Nasa sayo kung  paano ka dumiskarte sa mga oportunidad na binibigay ng tadhana.
Nasa sayo kung paano ka umatake sa mga problemang haharapin mo.
Parang Clash of Clans lang yan, diskarte, atake! Tagumpay!

Sa dami ng paraan upang maging masaya, nasa sayo parin kung papano gustong makamtan ang kasiyahan na minimithi mo - sa pag-ibig man yan, trabaho o pamilya.

Huwag mong kalimutan ang mga natutunan mo.
Mga tao sa paligid mo at lalo na sa mga mahal mo at mahal ka.
Mga lugar na dinadaanan mo.
Mga building na napuntahan mo na may logo ng hapon na babae na may abaniko at logo ng babaeng sinasabing Ssshhhhh wag kang maingay, sa kalyeng Victoria Sogo Street.
At sa mga alaala na nakakapagpapasaya sayo.

Sabi nga ni Juan Ponce Enrile, "Gusto ko happy ka, forever" Pustahan mauuna ka pa sa kanya.
Gusto ko maging masaya.
Maligaya.
Maligalig.

Ah, ewan basta!
Tayo'y magpakasaya!
Alak pa!
Sama ka?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento