Pages

Huwebes, Oktubre 29, 2015

UNDAS 2015: LAM MO YAN, LAMAYAN, MORE FUN IN THE PHILIPPINES!

'Mas masarap mamatay sa Pilipinas, parang sirkus ang lamayan, for sure happy ang soul mo.'

Pasasaan din ba't  darating din tayo sa Araw ng mga Patay, kaya let's do the death struck topics here sa walang ka kwenta-kwentang blog ng  Ubas na may Cyanide, at kahit na ligaw na kaluluwa hindi pipiliing magbasa dito. 

Skyflakes, Coke 500 at pahingi ng kiss ang pang-abuloy ko sa patay ay kulang pa ng diyes. Baraha, biskwet, kape, kendi, kornik, tigpipisong chichirya ay ilang lang sa mga pagkaing makikita mo sa lamesa ng mga naglalamay kapag may patay na  pinaglalamayan sa isang baranggay. Ito ang isa sa mga pinakamasarap tambayan kapag walang kang mapuntahan o kung gusto mong  makasagap ng tsismis tungkol duon sa namatay. Ang sakit eh noh, patay ka na nga pinagtsitsismisan ka pa. Minsan naman eh mga mabubuting salita ang masasagap mo tungkol duon sa  namatay, pero bakit nga ba ganoon ano? kung kelan patay ka na, tsaka ka nila mapapansin na may mabuti  kang nagawa? Kung kelan patay ka na tsaka mo lang maririnig sa mga kaibigan, at mga kaanak  na ang bait bait  mo. Bakit naglalabasan ang  mga papuri kung kelan parang natutulog ka na lang? Pakshet talaga bakit sila ganyan. 

Mabuti pa sa funeral parlor, they killing me softly, dahan dahan nilang binubuksan ang katawan ko at pinapapapogi sa kikay kit ni ate. Revlon pa nga. Sosyal! Kung puwede ko lang siya iinvite sa lamay ko gagawin ko kaso baka tumakbo at hindi maging maayos ang pagkakalipistek sa akin.

Ayos umorder na sila ng kaha ko, sabi ko kulay red eh, punyeta naman talaga, old skul na yang brown eh. Minsan na nga lang mamatay ayaw ka pa sundin eh noh. Gusto ko red para hindi ako multuhin ng ibang kaluluwa kapag idiniretso na ako sa huling hantungan. 

Kapag kaluluwa ka na pala lahat mapapansin mo kapag lamay time na. Nakikita mo kung sino yung mga tapat na kaibigan mo na dadalaw sa'yo, at malalaman mo rin kung sino yung mga "wala lang". Eh ano nga bang mga tanawin sa loob ng isang lamayang Pilipino?

Una hindi diyan mawawala ang mga gambling lords, yung iba diyan dayo pa kung saan. Para kasi sa mga ganitong tao, negosyo ang turing nila sa mga namamatay. May tong-its, madyong at sakla. At kapag medyo malawak ang bakuran ng namatayan meron ding pabingo. Sa letrang B - Bangkay 8! Puwedeng magsugal basta may pang kape kay chief na oorbit sa paligid. Hindi lang simpleng Cafe Puro yan ha, kadalasan presyong Star Bucks ang lagayan. At ang ibang tong ay mapupunta sa namatayan pang-tulong sa gastos ng pagpapalibing.

Sari-sari may mga religious people din na dadating at sila daw ang bahala sa kaluluwa ng namatay. Wow ano ito? instant ritual para ma-teleport ka kaagad sa langit? Eh di wow! Sila kumbaga ang tagalakad at taga build up sa namatay para sunduin agad ng liwanag. Sundan mo lang ang liwanag papunta sa daang matuwad (Liberal Party) opppssss easssyyyy!

May mga social thinker. Mga nagdedebate, mga feeling smart ever. Pagtatalunan ang mga bagay bagay na tungkol sa pulitika, sports na may kinalaman siyempre sa boxing sa mga naging laban ni Pacquiao, meron ding showbiz ka cheapan at kung anu-ano pa. Pero kadalasan asahan mo ang magtitipon tipon diyan eh mga senior citizen at minsan paguusapan din yung mga sarili nilang kamatayan.

May mga artist din minsan. Free concert  to the tune of "Hindi kita Malilimutan", "Gloomy Sunday" at kung anu-ano pang mga kantang pampaiyak sa namatayan  habang pinaflash yung mga pictures nung namatay sa isang projector screen. Yung singer sa inuman magiging instant folk singer. Asahan mo yan. Sa ilang lamayan, hindi mawawala ang videoke, tatlong piso kada kanta.  50-50 ang bigayan ng kita, sa renta ng videoke at sa namatayan.

Hindi papahuli ang pi..........nakamalaking sektor ng bansa ang mga FT's mga Forever Tambays. Mga tahimik lang gumawa ng ingay ang mga katulad nila. Puwedeng ngumiti o tumawa huwag lang hahalakhak. Sila yung  pinakamatagal na grupo kong tumambay dahil mga wala namang ginagawa sa buhay at siyempre may libreng kutkuting makakaen. 

May lamayang may catering. Maya't-maya ang labas ng pagkain, maya't maya ang pakaen ng miryenda, para pang-hatak sa mga naglalamay at para alang umalis agad. Kapag bigtime may papansit at sopas. Mas maraming umaatend sa last night kasi mas bonggacious daw ang food sa huling gabi.

Eto walang mga kupas toh, mawawala ba naman ang mga politiko? Siyempre all the year at sa lahat ng season nariyan yan kapag may namamatay. Present  sila anumang lamayan. Hindi daw boto ang habol nila (mga hung-hang). Bukal sa puso nila ang pakikiramay, pagpapadala  ng bulaklak, pagbibigay ng abuloy at pagmumudmod ng pocket calendar na nakaimprenta ang makakakapal nilang  mukha. 

Eh yung That's Entertainment naabutan mo ba? Yan! yan namang mga Saturday Edition ang nagpupuntahan sa lamay kung aabutin ng Sabado ang lamayan. Ito yung kabataang ginagawang Nayong Pilipino ang  lamayan o di kaya eh Wildlife. Oo nga  naman isa sa pinakamabisang palusot sa mga magulang eh kung bakit ginabi dahil nakipaglamay. Pero pagdating sa bahay, susuray suray at sumusuka. Lamayan o lasingan? 'lam mo yan!

At ang  higit sa lahat, nariyan ang pinakamalaking grupo ng Manang's Mass Media. Sila ang nakakaalam ng buhay ng may buhay at patay ng may patay. Lahat ng pinaka latest at nagbabagang balita ay alam. Pati na rin ang buhay ng namatay at mga kaanak nito. San ka pa di ba? Sila rin ang in-charge sa pagpapaliwanag sa mga bagong dating kung ano ang ikinamatay, paano, saan, kelan namatay at kelan ang libing. Mas matindi pa itong mga ito sa mga sosyal na tabloid sa mga news stand. 

Ganyan sa bayan ko: LAM MO YAN, LAMAYAN, MORE FUN IN THE PHILIPPINES!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento