Pages

Linggo, Hulyo 28, 2019

Uber Drayb



'Si Blue Blink, 2014'

Alam niyo gusto ko matutong mag-drive.

Inabot ko ang ganitong edad at lahat at sinabi nga ng Nanay ko na magkakwarenta na ako hindi man lang ako natuto mag-drive. Hindi pa rin ako marunong. Oo nga't wala naman akong sasakyan pero yun na nga, paano kung meron na? Aantayin ko pa bang magka sasakyan bago matutong magmaneho? Nahihibang na ba ako? Nainom ko na ba mga maintenance ko ngayong umaga? 

Eraserheads - "Overdrive"

Alam ko hindi naman kabawasan sa normal na pamumuhay bilang mamamayang Pilipino ang hindi marunong mag-drive. Well, sanay naman ako maglakad. Mag commute. Umangkas. Maghitch. Sumabit sa jeep. Mag LRT. Sumiksik sa mga PUV. Makipag-agawan ng upuan. Makipagsikuhan. Magdala ng barya sa umaga, sa hapon at sa gabi.

Pero sumasagi pa rin sa kukote ko na dapat na nga siguro akong matuto kahit motorsiklo man lang. Naranasan ko na kasing umangkas sa endurong motorsiklo na kasamahan ko sa trabaho ang nagmamaneho. Angkas sa kaibigan. Angkas sa kasamahan sa trabaho. Sa di gaanong kakilala. Sa bagong kakilala. Sa di kilala. Basta libreng sakay; angkas tayo diyan.

Ewan ko nga at bakit wala akong interes sa mga manibela. Marahil ay wala lang akong tiwala sa sariling kakayahan kung ako na ang kakabig nito. Ayokong ilagay sa panganib kung sino man ang magkamaling umangkas sa akin. Ayokong mabahiran ng dugo ang aking makinis  kalyuhing mga kamay. Isa pa, kawawa naman ang sasakyang mabubuntunan ng kamalasan ko. Kung ako'y mamalasin dapat ako lang. Ayoko na mangdamay. Dahil sanay na ako. Bihasa.

The End - "Drayb my DM" (from LA 105.9, sagot sa kanta ng Overdrive ng E-Heads)

Kung ako'y magmamaneho, kailangan ko ng mas makitid na kalsada. Mas masaya ata ang makipaggitgitan sa kapwa drayber. Yung tipong nasa Formula 1 kayo at lahat ay nakikipagunahan kay Michael Schumacher. Dapat walang traffic rules. Para kung sino man ang biglang tumawid, okay lang na masagasaan. Dapat pagbigyan ang lahat ng vendors magbenta sa kalsada lalo na sa rush hour. Nang sa gayon di mo na kailangan maghanap at magbayad ng parking area para mamalengke at sa kalsada na magtawaran.

Gusto ko matutong mag-drive. Subalit ito'y simpleng kagustuhan lang naman. Hindi isang matinding pangangailangan. Kaya't bago mangyari ang lahat, mabuti pang simulan ko munang hasain ang pagpadyak sa bisekleta. Hah!! Basta. 

1 komento:

  1. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    TumugonBurahin